Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • nwt Filipos 1:1-4:23
  • Filipos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Filipos
  • Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
Filipos

LIHAM SA MGA TAGA-FILIPOS

1 Akong si Pablo at si Timoteo, na mga alipin ni Kristo Jesus, ay sumusulat sa lahat ng banal na kaisa ni Kristo Jesus sa Filipos,+ pati na sa mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod:+

2 Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Kristo.

3 Tuwing naaalaala ko kayo, nagpapasalamat ako sa aking Diyos 4 sa bawat pagsusumamo ko. Masaya ako tuwing nagsusumamo ako para sa inyong lahat+ 5 dahil sa suporta ninyo sa* mabuting balita mula noong unang araw na tanggapin ninyo ito hanggang ngayon. 6 Nagtitiwala ako na ang mabuting gawa na sinimulan ng Diyos sa loob ninyo ay tatapusin niya+ hanggang sa pagdating ng araw ni Kristo Jesus.+ 7 Tamang isipin ko ito tungkol sa inyong lahat, dahil nasa puso ko kayo, kayong mga kabahagi ko sa walang-kapantay* na kabaitan sa pagkabilanggo ko+ at sa pagtatanggol at legal na pagtatatag ng mabuting balita.+

8 Alam ng Diyos na gustong-gusto ko kayong makita, dahil mahal na mahal ko kayong lahat, gaya ng pagmamahal sa inyo ni Kristo Jesus. 9 At lagi kong ipinapanalangin na patuloy na sumagana ang inyong pag-ibig,+ kasama ang tumpak na kaalaman+ at malalim na unawa;+ 10 na makita* ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay,+ para manatili kayong taimtim at wala kayong matisod+ hanggang sa araw ni Kristo; 11 at na maging sagana kayo sa matuwid na mga bunga sa pamamagitan ni Jesu-Kristo,+ para sa kaluwalhatian at kapurihan ng Diyos.

12 Ngayon, gusto kong malaman ninyo, mga kapatid, na nakatulong pa sa ikasusulong ng mabuting balita ang sitwasyon ko, 13 dahil nalaman ng mga Guwardiya* ng Pretorio at ng lahat ng iba pa na nakagapos ako bilang bilanggo+ alang-alang kay Kristo.+ 14 At dahil sa mga gapos ko sa bilangguan, lumakas ang loob ng karamihan sa mga kapatid na kaisa ng Panginoon, at lalo pa nilang inihahayag ang salita ng Diyos nang walang takot.

15 Totoo, ang ilan ay nangangaral tungkol sa Kristo dahil sa inggit at pakikipagpaligsahan, pero mabuti ang motibo ng iba. 16 Inihahayag nila ang tungkol sa Kristo dahil sa pag-ibig, dahil alam nilang inatasan ako para ipagtanggol ang mabuting balita;+ 17 pero ginagawa ito ng ilan, hindi dahil sa mabuting motibo, kundi para makipagtalo, dahil gusto nila akong pahirapan habang nasa bilangguan ako. 18 Ano ang resulta? Mabuti man o masama ang motibo ng isang tao, naihahayag pa rin ang tungkol sa Kristo sa bawat paraan, at ikinatutuwa ko ito. Sa katunayan, patuloy rin akong magsasaya 19 dahil alam kong ang magiging resulta nito ay ang kaligtasan ko sa pamamagitan ng inyong pagsusumamo+ at sa tulong ng espiritu ni Jesu-Kristo.+ 20 Kaayon ito ng pag-asa ko at pagtitiwalang hindi ako mapapahiya sa anumang paraan. Alam kong dahil nangangaral ako nang walang takot, ang Kristo ay maluluwalhati, gaya ng dati, sa pamamagitan ng katawan ko, mamatay man ako o mabuhay.+

21 Dahil kung patuloy akong mabubuhay, para ito kay Kristo,+ at kung mamamatay ako, may pakinabang pa rin.+ 22 Kung patuloy akong mabubuhay sa katawang ito, mas magiging mabunga pa ang gawain ko; pero hindi ko sasabihin kung ano ang pipiliin ko. 23 Nahihirapan akong pumili sa dalawang ito, dahil di-hamak na mas maganda ang talagang gusto ko, ang mapalaya at makasama si Kristo.+ 24 Pero mas makakabuti para sa inyo na manatili akong buháy sa katawang ito. 25 At dahil tiyak ako rito, alam kong mabubuhay pa ako at makakasama kayong lahat para higit pa kayong sumulong at makadama ng kagalakan na nagmumula sa inyong pananampalataya, 26 nang sa gayon, kapag kasama na ninyo akong muli, mag-umapaw ang inyong kagalakan dahil sa pagiging tagasunod ni Kristo Jesus.

27 Ang gusto ko lang ay kumilos kayo nang* nararapat para sa mabuting balita tungkol sa Kristo,+ nang sa gayon, kasama man ninyo ako* o hindi, manatili pa rin kayong matatag na may iisang kaisipan at nagkakaisa,+ na nagtutulong-tulong para mapanatili ang pananampalataya sa mabuting balita, 28 at hindi natatakot sa inyong mga kalaban. Patunay ito na mapupuksa+ ang inyong mga kaaway, at kayo naman ay maliligtas;+ at galing ito sa Diyos. 29 Dahil bukod sa pribilehiyo ninyong manampalataya kay Kristo, binigyan din kayo ng pribilehiyo na magdusa para sa kaniya.+ 30 Dahil kinakaharap ninyo ngayon ang problema na nakita ninyong pinagdaanan ko noon+ at patuloy pa ring kinakaharap ngayon.

2 Kaya kung pinapatibay ninyo ang isa’t isa dahil sa pagiging kaisa ni Kristo, inaaliw ninyo ang isa’t isa dahil sa pag-ibig, nagmamalasakit kayo sa isa’t isa, at may pagmamahalan at awa sa gitna ninyo, 2 lubusin na ninyo ang kagalakan ko—magkaroon din kayo ng iisang kaisipan at pag-ibig sa isa’t isa, na lubusang nagkakaisa at may iisang takbo ng isip.+ 3 Huwag kayong gagawa ng anumang bagay dahil sa galit*+ o pagmamataas.*+ Sa halip, maging mapagpakumbaba* at ituring ang iba na nakatataas sa inyo,+ 4 habang iniisip ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lang ang sa inyo.+

5 Patuloy ninyong tularan ang pag-iisip ni Kristo Jesus,+ 6 dahil kahit umiiral siya sa anyong Diyos,+ hindi man lang niya inisip na maging kapantay ng Diyos;+ 7 kundi iniwan niya ang lahat ng taglay niya at nag-anyong alipin+ at naging tao.*+ 8 Higit pa riyan, nang ipanganak siya bilang tao,* nagpakababa siya at naging masunurin hanggang kamatayan,+ oo, kamatayan sa pahirapang tulos.*+ 9 Dahil diyan, binigyan siya ng Diyos ng isang nakatataas na posisyon+ at ng pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan,+ 10 para lumuhod sa pangalan ni Jesus ang lahat ng tuhod—ang mga nasa langit at nasa lupa at nasa ilalim ng lupa+— 11 at hayagang kilalanin ng bawat isa na si Jesu-Kristo ay Panginoon+ para sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.

12 At kung paanong lagi kayong sumusunod, mga minamahal, hindi lang kapag kasama ninyo ako kundi lalo na kapag wala ako riyan, patuloy rin ninyong gawin ang buong makakaya ninyo nang may takot at panginginig para maligtas kayo. 13 Dahil pinasisigla kayo ng Diyos at ibinibigay sa inyo ang pagnanais at lakas para kumilos kayo ayon sa kagustuhan* niya. 14 Patuloy ninyong gawin ang lahat ng bagay nang hindi nagbubulong-bulungan+ o nakikipagtalo,+ 15 para kayo ay maging walang kapintasan at dalisay, mga anak ng Diyos+ na walang dungis sa gitna ng isang masama at pilipit na henerasyon,+ kung saan sumisikat kayo bilang liwanag* sa mundo,+ 16 habang mahigpit kayong nanghahawakan sa salita ng buhay.+ Kung gayon, may dahilan ako para magsaya sa araw ni Kristo, dahil alam kong hindi nasayang ang pagtakbo at paghihirap ko. 17 Kagaya man ako ng ibinubuhos na handog na inumin+ sa ibabaw ng inyong hain+ at banal na paglilingkod,* na ibinibigay ninyo dahil sa inyong pananampalataya, masaya pa rin ako at nakikipagsaya sa inyong lahat. 18 Sa gayon ding paraan, matuwa rin kayo at makipagsaya sa akin.

19 Umaasa ako na maisugo agad sa inyo si Timoteo,+ kung kalooban ng Panginoong Jesus, para mapatibay ako kapag nakabalita ako tungkol sa inyo. 20 Dahil wala na akong ibang maisusugo na may saloobing gaya ng sa kaniya, na talagang magmamalasakit* sa inyo. 21 Dahil inuuna ng lahat ng iba pa ang sarili nilang kapakanan at hindi ang kay Jesu-Kristo. 22 Pero alam ninyo kung paano niya pinatunayan ang kaniyang sarili: Gaya ng isang anak sa kaniyang ama,+ nagpaalipin siyang kasama ko sa ikasusulong ng mabuting balita. 23 Kaya siya ang gusto ko sanang isugo kapag nalaman ko na kung ano ang mangyayari sa akin. 24 Nagtitiwala ako na kung talagang kalooban ng Panginoon, di-magtatagal at makakapunta rin ako sa inyo.+

25 Pero sa ngayon, sa tingin ko ay kailangan kong isugo sa inyo si Epafrodito, ang aking kapatid at kamanggagawa at kapuwa sundalo, ang isinugo ninyo para mag-asikaso sa mga pangangailangan ko,+ 26 dahil gustong-gusto na niyang makita kayong lahat at lungkot na lungkot siya dahil nalaman ninyong nagkasakit siya. 27 Ang totoo, halos mamatay siya dahil sa sakit niya. Pero naawa sa kaniya ang Diyos, at sa katunayan, hindi lang sa kaniya kundi pati sa akin, para hindi na madagdagan ang paghihirap ng kalooban ko. 28 Kaya ngayon din ay isinusugo ko siya, para matuwa kayong muli kapag nakita ninyo siya at mabawasan ang pag-aalala ko. 29 Kaya malugod ninyo siyang tanggapin gaya ng pagtanggap ninyo sa mga tagasunod ng Panginoon, at lagi ninyong pahalagahan ang gayong tao,+ 30 dahil muntik na siyang mamatay alang-alang sa gawain ng Kristo;* isinapanganib niya ang buhay* niya para may mag-asikaso sa akin kahit wala kayo rito.+

3 Kaya, mga kapatid ko, patuloy kayong magsaya dahil sa Panginoon.+ Hindi naman pabigat para sa akin na ulitin ko ang mga naisulat ko na, dahil gusto kong maprotektahan kayo.

2 Mag-ingat kayo sa maruruming tao;* mag-ingat kayo sa mga namiminsala; at mag-ingat kayo sa mga nagtataguyod ng pagtutuli.*+ 3 Dahil tayo ang mga tunay na tinuli,+ tayo na naglilingkod* sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos at ipinagmamalaki si Kristo Jesus+ at hindi nagtitiwala sa laman, 4 kahit ako ang talagang may dahilan para magtiwala sa laman.

Kaya kung may nag-iisip na may dahilan siya para magtiwala sa laman, mas marami akong dahilan: 5 tinuli nang ikawalong araw,+ mula sa bansang Israel, mula sa tribo ni Benjamin, isang Hebreo na may mga magulang na Hebreo;+ kung tungkol sa kautusan, isang Pariseo;+ 6 kung tungkol sa sigasig, pinag-usig ang kongregasyon;+ at kung tungkol sa katuwiran na batay sa kautusan, walang maipipintas sa akin. 7 Pero dahil sa Kristo, itinuring kong walang halaga* ang mga bagay na napakahalaga noon sa akin.+ 8 Higit pa riyan, itinuring ko ring walang halaga ang lahat ng bagay dahil sa nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus na aking Panginoon. Alang-alang sa kaniya, tinalikuran ko ang lahat ng bagay at itinuring na basura ang mga iyon para makuha ang pabor ni Kristo 9 at mapatunayang kaisa niya, hindi sa pamamagitan ng sarili kong katuwiran* dahil sa pagsunod sa Kautusan, kundi sa pamamagitan ng katuwirang mula sa pananampalataya+ kay Kristo,+ ang katuwirang mula sa Diyos salig sa pananampalataya.+ 10 Tunguhin kong makilala siya, maunawaan ang kapangyarihan ng kaniyang pagkabuhay-muli,+ at magdusang gaya niya+ at maranasan ang kamatayang katulad ng sa kaniya,+ 11 para makita ko kung posibleng maranasan nang mas maaga ang pagkabuhay-muli mula sa mga patay.+

12 Hindi ko naman sinasabing tinanggap ko na iyon o naabot ko na ang tunguhin ko,* kundi talagang nagsisikap ako+ para makuha ang gantimpalang itinakda ni Kristo Jesus para sa akin.+ 13 Mga kapatid, hindi ko iniisip na nakuha ko na iyon; pero ito ang tiyak: Hindi ko na inaalaala ang mga bagay na nasa likuran+ at buong lakas akong tumatakbo para sa mga bagay na nasa unahan,+ 14 dahil nagsisikap akong maabot ang tunguhin ko—ang makuha ang gantimpala+ ng makalangit na pagtawag+ ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus. 15 Kung gayon, maging ganito sana ang takbo ng pag-iisip nating lahat na maygulang,*+ pero kung hindi ganito ang takbo ng isip ninyo, tutulungan kayo ng Diyos na magkaroon ng tamang saloobin. 16 Gayunman, anumang antas ng pagsulong ang naabot na natin, patuloy tayong lumakad nang maayos sa gayong landasin.

17 Tularan ninyo akong lahat,+ mga kapatid, at patuloy na ituon ang inyong pansin sa mga namumuhay kaayon ng halimbawang iniwan namin sa inyo. 18 Dahil marami ang namumuhay na bilang kaaway ng pahirapang tulos* ng Kristo. Madalas ko pa naman silang banggitin sa inyo noon, pero ngayon ay naiiyak na ako kapag binabanggit ko sila. 19 Pagkapuksa ang kahihinatnan nila, ang kanilang tiyan ang diyos nila, ipinagmamalaki nila ang mga dapat sanang ikahiya, at nakatuon ang isip nila sa makasanlibutang mga bagay.+ 20 Pero ang pagkamamamayan+ natin ay sa langit,+ at sabik nating hinihintay ang isang tagapagligtas mula roon, ang Panginoong Jesu-Kristo;+ 21 babaguhin niya ang mahinang katawan natin para maging gaya ng* kaniyang maluwalhating katawan+ sa pamamagitan ng malakas na kapangyarihang gagamitin niya para ipasakop ang lahat ng bagay sa kaniyang sarili.+

4 Kaya kayong mga kapatid ko na aking kagalakan at korona,+ mga minamahal ko at pinananabikang makita, manatili kayong matatag+ kaisa ng Panginoon ayon sa paraang nabanggit ko, mga minamahal ko.

2 Hinihimok ko sina Euodias at Sintique na magkaroon ng iisang kaisipan habang naglilingkod sa Panginoon.+ 3 Oo, hinihiling ko rin sa iyo, tapat na kamanggagawa, na patuloy na alalayan ang mga babaeng ito na nagpakahirap kasama ko para sa mabuting balita, kasama si Clemente at ang iba pang kamanggagawa ko, na ang mga pangalan ay nasa aklat ng buhay.+

4 Laging magsaya dahil sa Panginoon. At sinasabi kong muli, Magsaya kayo!+ 5 Makita nawa ng lahat ang pagiging makatuwiran ninyo.+ Malapit lang ang Panginoon. 6 Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay;+ sa halip, ipaalám ninyo sa Diyos ang lahat ng pakiusap ninyo sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat;+ 7 at ang kapayapaan+ ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ang magbabantay sa inyong puso+ at isip* sa pamamagitan ni Kristo Jesus.

8 Bilang panghuli, mga kapatid, anumang bagay na totoo, seryosong pag-isipan, matuwid, malinis,* kaibig-ibig, marangal,* mabuti, at kapuri-puri, patuloy na isaisip* ang mga ito.+ 9 Gawin ninyo ang mga bagay na natutuhan ninyo at tinanggap at narinig at nakita sa akin,+ at sasainyo ang Diyos ng kapayapaan.

10 Bilang kaisa ng Panginoon, masayang-masaya ako dahil naipapakita ninyo ulit na may malasakit kayo sa akin.+ Alam kong nagmamalasakit kayo sa akin, pero wala kayong pagkakataong maipakita ito. 11 Hindi ko ito sinasabi dahil nangangailangan ako, dahil natutuhan ko nang maging kontento anuman ang kalagayan ko.+ 12 Alam ko kung paano mabuhay nang kapos+ at nang sagana. Natutuhan ko ang sekreto kung paano maging kontento anuman ang kalagayan, busog man o gutom, sagana man o kapos. 13 May lakas akong harapin ang anumang bagay dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.+

14 Gayunman, salamat at dinamayan ninyo ako sa mga paghihirap ko. 15 Ang totoo, alam ninyong mga taga-Filipos na noong maipaabot sa inyo ang mabuting balita at nang umalis ako sa Macedonia, walang ibang kongregasyon ang nagbigay ng tulong sa akin o tumanggap ng tulong mula sa akin maliban sa inyo;+ 16 dahil noong nasa Tesalonica ako, dalawang beses pa kayong nagpadala para sa mga pangangailangan ko. 17 Hindi regalo ang gusto ko, kundi ang madagdag sa inyong kayamanan ang mga pagpapalang bunga ng inyong mabubuting gawa. 18 Pero nasa akin na ang lahat ng kailangan ko, at higit pa nga. Wala nang kulang sa akin, ngayong ibinigay na sa akin ni Epafrodito+ ang ipinadala ninyo, isang mabangong amoy,+ isang kaayaayang hain, na talagang kalugod-lugod sa Diyos. 19 At sagana namang ilalaan sa inyo ng aking Diyos ang lahat ng pangangailangan ninyo+ ayon sa kaniyang maluwalhating kayamanan sa pamamagitan ni Kristo Jesus. 20 Luwalhatiin nawa ang ating Diyos at Ama magpakailanman. Amen.

21 Iparating ninyo ang pagbati ko sa lahat ng banal na kaisa ni Kristo Jesus. Kinukumusta rin kayo ng mga kapatid na kasama ko. 22 Binabati rin kayo ng lahat ng banal, lalo na ng mga mula sa sambahayan ni Cesar.+

23 Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo habang nagpapakita kayo ng magagandang katangian.*

O “dahil sa pakikibahagi ninyo sa pagpapalaganap ng.”

O “di-sana-nararapat.”

O “matiyak.”

O “Tanod.”

O “ay mamuhay kayo bilang mga mamamayan na.”

O “madalaw ko man kayo.”

O “sa hilig na makipag-away.”

O “egotismo.”

O “magkaroon ng kababaan ng isip.”

Lit., “napasawangis ng tao.”

Lit., “nang masumpungan siya sa anyong tao.”

Tingnan sa Glosari.

O “ikinalulugod.”

O “tagapagbigay-liwanag.”

O “at pangmadlang paglilingkod.”

O “mag-aasikaso.”

O posibleng “Panginoon.”

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Lit., “sa mga aso.”

O “mga pumuputol ng laman.”

O “na nag-uukol ng sagradong paglilingkod.”

O posibleng “tinalikuran ko nang walang panghihinayang.”

Tingnan sa Glosari.

Lit., “naging perpekto na ako.”

O “na matibay ang pananampalataya.”

Tingnan sa Glosari.

Lit., “para maiayon sa.”

O “kakayahang mag-isip.”

O “dalisay.”

O “nakapagpapatibay; may mabuting ulat.”

O “isaalang-alang; bulay-bulayin.”

O “saloobin.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share