LIHAM SA MGA TAGA-COLOSAS
1 Akong si Pablo, isang apostol ni Kristo Jesus dahil sa kalooban ng Diyos, at si Timoteo+ na ating kapatid ay nagpapadala ng sulat na ito 2 sa mga banal at sa tapat na mga kapatid sa Colosas na kaisa ni Kristo:
Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama.
3 Lagi naming pinasasalamatan ang Diyos, na Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, kapag ipinapanalangin namin kayo, 4 dahil nabalitaan namin ang pananampalataya ninyo kay Kristo Jesus at ang pag-ibig ninyo sa lahat ng banal 5 dahil sa pag-asang nakalaan sa inyo sa langit.+ Narinig ninyo noon ang tungkol sa pag-asang ito nang ang mensahe ng katotohanan ng mabuting balita 6 ay makarating sa inyo. Kung paanong namumunga at lumalaganap sa buong sanlibutan ang mabuting balita,+ iyan din ang nangyayari sa gitna ninyo mula nang araw na marinig ninyo at maranasan kung ano talaga ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. 7 Natutuhan ninyo iyan kay Epafras+ na minamahal nating kapuwa alipin, isang tapat na lingkod* ng Kristo na kahalili namin. 8 Siya rin ang nagsabi sa amin ng tungkol sa inyong makadiyos na pag-ibig.*
9 Kaya mula nang araw na marinig namin iyon, lagi na namin kayong ipinapanalangin+ at hinihiling namin na mapuno kayo ng tumpak na kaalaman+ tungkol sa kaniyang kalooban, taglay ang lahat ng karunungan at ang kakayahang umunawa mula sa espiritu,+ 10 para makapamuhay* kayo nang karapat-dapat sa harap ni Jehova* at sa gayon ay lubusan ninyo siyang mapalugdan habang namumunga kayo dahil sa inyong mabubuting gawa at lumalago ang inyong tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos;+ 11 at mapalakas sana kayo ng maluwalhating kapangyarihan ng Diyos+ para maging mapagpasensiya kayo at masaya habang tinitiis* ang lahat ng bagay, 12 habang pinasasalamatan ninyo ang Ama, na tumulong sa inyo na maging kuwalipikadong magkaroon ng bahagi sa mana ng mga banal+ na nasa liwanag.
13 Iniligtas niya tayo mula sa awtoridad ng kadiliman+ at inilipat tayo sa kaharian ng kaniyang mahal na Anak, 14 na nagsilbing pantubos para mapalaya tayo—para mapatawad ang mga kasalanan natin.+ 15 Siya ang larawan ng di-nakikitang Diyos,+ ang panganay sa lahat ng nilalang;+ 16 dahil sa pamamagitan niya, nilalang* ang lahat ng iba pang bagay sa langit at sa lupa, ang mga bagay na nakikita at di-nakikita,+ mga trono man, pamamahala, gobyerno, o awtoridad. Ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang sa pamamagitan niya+ at para sa kaniya. 17 Gayundin, siya ang nauna sa lahat ng iba pang bagay,+ at sa pamamagitan niya, ang lahat ng iba pang bagay ay nilikha, 18 at siya ang ulo ng katawan, ang kongregasyon.+ Siya ang pasimula, ang panganay mula sa mga patay,+ nang sa gayon ay maging una siya sa lahat ng bagay; 19 dahil gusto ng Diyos na maging ganap* ang lahat ng bagay sa kaniya.+ 20 Sa pamamagitan din niya, ipinagkasundo ng Diyos sa Kaniyang sarili ang lahat ng iba pang bagay,+ sa lupa man o sa langit; naging posible ito dahil sa dugo+ na ibinuhos niya sa pahirapang tulos.*
21 Oo, kayo, na malayo noon sa Diyos at mga kaaway niya dahil nakatuon ang isip ninyo sa masasamang gawa, 22 ay ipinakipagkasundo niya sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng kamatayan ng isang iyon na naghandog ng pisikal na katawan nito, para kayo ay maging banal, walang dungis, at malaya sa anumang akusasyon sa harap niya.+ 23 Pero siyempre, kailangan ninyong patuloy na mamuhay kaayon ng inyong pananampalataya,+ na nakatayong matatag+ sa pundasyon,+ hindi naililihis sa pag-asa na mula sa mabuting balitang iyon na narinig ninyo at ipinangangaral sa lahat ng nilalang sa buong lupa.*+ Akong si Pablo ay naging lingkod* ng mabuting balitang iyon.+
24 Nagsasaya ako ngayon sa mga paghihirap ko para sa inyo,+ at nagdurusa akong gaya ni Kristo, pero kulang pa ang pagdurusa ko para sa kaniyang katawan,+ ang kongregasyon.+ 25 Ako ay naging lingkod ng kongregasyong ito dahil sa responsibilidad+ na ibinigay sa akin ng Diyos para sa inyong kapakanan, ang lubusang pangangaral ng salita ng Diyos, 26 ang sagradong lihim+ na hindi ipinaalám sa nakalipas na mga sistema*+ at henerasyon. Pero isiniwalat ito ngayon sa mga banal;+ 27 gusto ng Diyos na ipaalám sa mga banal mula sa ibang mga bansa ang maluwalhating kayamanang ito, ang sagradong lihim+—na si Kristo ay kaisa ninyo, na nangangahulugang may pag-asa kayong makabahagi sa kaluwalhatian niya.+ 28 Siya ang inihahayag natin sa lahat ng tao, at pinaaalalahanan at tinuturuan natin sila taglay ang malawak na karunungan para maiharap natin ang bawat tao bilang maygulang* na kaisa ni Kristo.+ 29 Dahil diyan, ibinibigay ko ang buo kong makakaya at nagsisikap ako nang husto, sa tulong ng lakas na ibinibigay niya sa akin.+
2 Dahil gusto kong malaman ninyo kung gaano kalaki ang paghihirap ko alang-alang sa inyo, sa mga nasa Laodicea,+ at sa lahat ng iba pang hindi pa nakakakita sa akin nang personal,* 2 para mapatibay+ ang lahat at mabuklod ng pag-ibig+ at mapasainyo ang lahat ng kayamanan na nagmumula sa lubos na pagkaunawa ninyo sa katotohanan, ang pagkakaroon ng tumpak na kaalaman tungkol sa sagradong lihim ng Diyos, tungkol kay Kristo.+ 3 Ang lahat ng karunungan at kaalaman* ay nakatago sa kaniya.+ 4 Sinasabi ko ito sa inyo para hindi kayo malinlang ng sinuman sa pamamagitan ng mapanghikayat na mga argumento. 5 Hindi man ninyo ako kasama, lagi kayong nasa isip ko, at masaya akong malaman na organisado kayo+ at may matibay na pananampalataya kay Kristo.+
6 Kaya dahil tinanggap na ninyo ang Panginoong Kristo Jesus, patuloy kayong lumakad na kaisa niya. 7 Gaya ng itinuro sa inyo, dapat na malalim ang pagkakaugat ng pananampalataya ninyo sa kaniya,+ dapat na magpalakas ito sa inyo at magpatatag,+ at dapat itong mag-umapaw kasama ng pasasalamat.+
8 Maging mapagbantay kayo para walang bumihag* sa inyo sa pamamagitan ng pilosopiya at mapanlinlang at walang-saysay na mga ideya+ na ayon sa mga tradisyon ng tao at pananaw* ng sanlibutan, at hindi ayon kay Kristo; 9 dahil nasa kaniya ang lahat ng katangian ng Diyos sa sukdulang antas.+ 10 Kaya naman hindi kayo nagkulang ng anuman dahil sa kaniya, na ulo ng lahat ng pamahalaan at awtoridad.+ 11 Dahil sa kaugnayan ninyo sa kaniya, tinuli rin kayo, hindi sa pamamagitan ng kamay, kundi sa pamamagitan ng pag-aalis ng makasalanang laman,+ dahil sa ganiyang paraan tinutuli ang mga lingkod ng Kristo.+ 12 Dahil inilibing kayong kasama niya sa kaniyang bautismo,+ at dahil sa kaugnayan ninyo sa kaniya, ibinangon din kayong+ kasama niya sa pamamagitan ng inyong pananampalataya sa makapangyarihang gawa ng Diyos, na bumuhay-muli sa kaniya.*+
13 Isa pa, kahit patay kayo dahil sa inyong mga kasalanan at dahil hindi kayo tuli, binuhay kayo ng Diyos kasama ni Kristo.+ Buong puso niyang pinatawad ang lahat ng kasalanan natin+ 14 at binura ang sulat-kamay na dokumento+ na binubuo ng mga batas+ at isinulat laban sa atin.+ Inalis niya ito sa pamamagitan ng pagpapako nito sa pahirapang tulos.*+ 15 Sa pamamagitan ng pahirapang tulos,* hinubaran niya ang mga pamahalaan at mga awtoridad at isinama sa prusisyon ng tagumpay+ para makita ng publiko na natalo niya sila at nabihag.
16 Kaya huwag ninyong hayaan ang sinuman na hatulan kayo dahil sa pagkain at pag-inom+ o pagdiriwang ng mga kapistahan, bagong buwan,+ o sabbath.+ 17 Ang mga iyon ay anino lang ng mga bagay na darating,+ anino ng Kristo.+ 18 Huwag ninyong hayaan na hindi ninyo makuha ang gantimpala+ dahil sa sinuman na nagkukunwaring mapagpakumbaba at sumasamba sa mga anghel.* Ang gayong tao ay “naninindigan sa”* mga bagay na nakita niya. At dahil sa makalamang pag-iisip niya, nagmamataas siya nang walang basehan. 19 Hindi rin siya nanghahawakan sa ulo,+ na nagbibigay sa buong katawan ng kinakailangan nito at nagbubuklod sa mga bahagi nito sa pamamagitan ng mga kasukasuan at litid at nagpapalaki sa katawan sa tulong ng kapangyarihan ng Diyos.+
20 Kung itinakwil na ninyo ang mga bagay sa sanlibutan+ at namatay na kayong kasama ni Kristo, bakit namumuhay kayo na para bang bahagi pa rin ng sanlibutan? Bakit sumusunod pa rin kayo sa mga batas+ na ito: 21 “Huwag kang humawak o tumikim o humipo” 22 ng mga bagay na naglalaho rin at nauubos? Mga utos at turo lang ito ng tao.+ 23 Para bang batay sa karunungan ang mga utos na ito, pero ang mga sumusunod dito ay sumasamba ayon sa sarili nilang paraan. Pinahihirapan nila ang katawan nila+ para magmukha silang mapagpakumbaba. Pero hindi nakatutulong ang mga ito para mapaglabanan ang mga pagnanasa ng laman.
3 Gayunman, kung ibinangon kayong kasama ng Kristo,+ patuloy na hanapin ang mga bagay sa itaas, kung saan nakaupo ang Kristo sa kanan ng Diyos.+ 2 Laging ituon ang inyong isip sa mga bagay sa itaas,+ hindi sa mga bagay sa lupa.+ 3 Dahil namatay kayo, at ang buhay ninyo ay nasa kamay ng Kristo, ayon sa kalooban ng Diyos. 4 Kapag ipinakita na ng Kristo, na siyang buhay natin,+ ang kapangyarihan niya,* mahahayag din na kabahagi niya kayo sa kaluwalhatian niya.+
5 Kaya patayin ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan*+ na umaakay sa seksuwal na imoralidad,* karumihan, di-makontrol na seksuwal na pagnanasa,+ nakasasakit na pagnanasa, at kasakiman, na isang uri ng idolatriya. 6 Ilalabas ng Diyos ang kaniyang poot dahil sa mga bagay na iyon. 7 Ganiyan din ang ginagawa ninyo noon.+ 8 Pero ngayon, dapat ninyong alisin ang lahat ng ito: poot, galit, kasamaan,+ mapang-abusong pananalita,+ at malaswang pananalita.+ 9 Huwag kayong magsinungaling sa isa’t isa.+ Hubarin ninyo ang lumang personalidad,*+ pati na ang mga gawain nito, 10 at isuot ninyo ang bagong personalidad,+ na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay nagiging bago at mas katulad ng personalidad ng Isa na lumikha nito.+ 11 Sa bagong personalidad, walang pagkakaiba ang Griego at Judio, tuli at di-tuli, banyaga, Scita,* alipin, at taong malaya; kundi si Kristo ang lahat ng bagay at nasa lahat.+
12 At bilang mga pinili ng Diyos,+ mga banal at minamahal, magpakita kayo* ng tunay na pagmamalasakit,*+ kabaitan, kapakumbabaan,*+ kahinahunan,+ at pagtitiis.+ 13 Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa+ kahit pa may dahilan kayo para magreklamo laban sa inyong kapuwa.+ Kung paanong lubusan kayong pinatawad ni Jehova,* dapat na ganoon din ang gawin ninyo.+ 14 Pero bukod sa mga ito, magpakita kayo* ng pag-ibig,+ dahil lubusan nitong pinagkakaisa ang mga tao.*+
15 Gayundin, hayaang maghari sa puso ninyo ang kapayapaan ng Kristo,*+ dahil tinawag kayo para maging isang katawan at magkaroon ng kapayapaan. At ipakita ninyong mapagpasalamat kayo. 16 Punuin ninyo ang inyong sarili ng salita ng Kristo at sa gayon ay magiging marunong kayo. Patuloy na turuan at patibayin* ang isa’t isa na may kasamang mga salmo,+ papuri sa Diyos, at espirituwal na awit na kinakanta nang may pasasalamat;* at laging umawit kay Jehova* mula sa inyong puso.*+ 17 Anuman ang inyong sabihin o gawin, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ngalan ng Panginoong Jesus at pasalamatan ang Diyos na Ama sa pamamagitan niya.+
18 Kayong mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong asawang lalaki,+ gaya ng inaasahan sa mga tagasunod ng Panginoon. 19 Kayong mga asawang lalaki, patuloy na mahalin ang inyong asawang babae+ at huwag kayong magalit nang husto* sa kanila.+ 20 Kayong mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng bagay,+ dahil talagang nakapagpapasaya ito sa Panginoon. 21 Kayong mga ama, huwag ninyong inisin* ang inyong mga anak+ para hindi sila masiraan* ng loob. 22 Kayong mga alipin, maging masunurin kayo sa mga panginoon* ninyo sa lahat ng bagay,+ hindi lang kapag nakatingin sila, para matuwa sa inyo ang mga tao, kundi nang buong puso, na may takot kay Jehova.* 23 Anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ito nang buong kaluluwa* na parang kay Jehova* kayo naglilingkod+ at hindi sa mga tao, 24 dahil alam ninyong si Jehova* ang magbibigay sa inyo ng mana bilang gantimpala.+ Magpaalipin kayo sa Panginoon, kay Kristo. 25 Ang gumawa ng mali ay tiyak na paparusahan dahil sa ginawa niya;+ walang pagtatangi.+
4 Kayong mga panginoon, maging matuwid kayo at patas sa pagtrato sa inyong mga alipin, dahil alam ninyong may Panginoon din kayo sa langit.+
2 Magmatiyaga kayo sa pananalangin+ para manatili kayong gisíng, at maging mapagpasalamat kayo.+ 3 At manalangin din kayo para sa amin,+ na magbukas sana ng daan ang Diyos para maihayag namin ang kaniyang salita, ang sagradong lihim tungkol sa Kristo, na dahilan kung bakit ako nasa bilangguan,+ 4 at para maihayag ko ito nang malinaw gaya ng nararapat.
5 Patuloy na lumakad nang may karunungan kapag kasama ninyo ang mga di-kapananampalataya,* at gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo.*+ 6 Laging maging mabait sa inyong pananalita, na tinitimplahan ito ng asin,+ para malaman ninyo kung paano kayo dapat sumagot sa bawat isa.+
7 Si Tiquico,+ isang minamahal na kapatid at kapuwa alipin at tapat na lingkod ng Panginoon, ang magdadala sa inyo ng balita tungkol sa akin. 8 Isinusugo ko siya sa inyo para malaman ninyo ang kalagayan namin at para maaliw niya kayo. 9 Kasama niya si Onesimo,+ ang tapat at minamahal kong kapatid na galing sa inyo. Sasabihin nila sa inyo ang lahat ng nangyayari dito.
10 Binabati kayo ni Aristarco+ na kapuwa ko bihag, pati ng pinsan ni Bernabe na si Marcos+ (ang tinutukoy namin na malugod ninyong tanggapin+ kung sakaling pumunta siya sa inyo), 11 at ni Jesus na tinatawag na Justo, na mga kabilang sa mga tuli. Sila lang ang mga kamanggagawa ko para sa Kaharian ng Diyos, at talagang napalalakas* nila ako. 12 Binabati kayo ni Epafras,+ isang alipin ni Kristo Jesus na galing sa inyo. Lagi siyang nananalangin nang marubdob para sa inyo, para manatili kayong may-gulang* at nanghahawakan sa lahat ng kalooban ng Diyos hanggang sa wakas. 13 Sinasabi ko sa inyo na talagang nagpagal siya para sa inyo at sa mga nasa Laodicea at Hierapolis.
14 Binabati kayo ni Lucas,+ ang minamahal na doktor, at ni Demas.+ 15 Iparating ninyo ang pagbati ko sa mga kapatid sa Laodicea at kay Nimfa at sa kongregasyon na nagtitipon sa bahay niya.+ 16 Kapag nabasa na ninyo ang liham na ito, isaayos ninyo na mabasa+ rin ito ng kongregasyon sa Laodicea at basahin din ninyo ang liham na ipinadala ko sa Laodicea. 17 Sabihin din ninyo kay Arquipo:+ “Magpokus ka* sa ministeryong tinanggap mo mula sa Panginoon para maisagawa mo ito.”
18 Ako, si Pablo, ay bumabati rin sa inyo.*+ Patuloy ninyong isaisip ang mga gapos ko sa bilangguan.+ Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan.
O “ministro.”
O “inyong pag-ibig na bunga ng espiritu ng Diyos.”
Lit., “makalakad.”
Tingnan ang Ap. A5.
O “binabata.”
O “nilikha.”
O “kumpleto.”
Tingnan sa Glosari.
Lit., “sa silong ng langit.”
O “ministro.”
O “panahon.” Tingnan sa Glosari.
O “bawat tao na may matibay na pananampalataya.”
Lit., “sa laman.”
Lit., “ng kayamanan ng karunungan at kaalaman.”
O “mambiktima.”
O “at panimulang mga bagay.”
Lit., “na nagbangon sa kaniya mula sa mga patay.”
Tingnan sa Glosari.
O posibleng “Sa pamamagitan niya.”
Posibleng nangangahulugan na nagkukunwari silang sumasamba na gaya ng mga anghel.
Ang pananalita ay batay sa isang ritwal ng mga pagano.
Lit., “Kapag nahayag na ang Kristo, na siyang buhay natin.”
Lit., “mga bahagi ng inyong katawan na nasa lupa.”
Sa Griego, por·neiʹa. Tingnan sa Glosari.
O “pagkatao.” Lit., “tao.”
Puwedeng tumukoy sa di-sibilisadong tao.
O “damtan ninyo ang inyong sarili.”
O “ng matinding habag.”
O “kababaan ng isip.”
Tingnan ang Ap. A5.
O “damtan ninyo ang inyong sarili.”
O “dahil ito ay perpektong bigkis ng pagkakaisa.”
O “hayaang kontrolin ng kapayapaan ng Kristo ang puso ninyo.”
O “paalalahanan.”
O “kagandahang-loob.”
Tingnan ang Ap. A5.
O “umawit kay Jehova sa inyong puso.”
O “maging malupit.”
O “galitin.”
O “panghinaan.”
O “taong panginoon.”
Tingnan ang Ap. A5.
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Tingnan ang Ap. A5.
Tingnan ang Ap. A5.
O “ang mga nasa labas.”
O “at bilhin ninyo ang naaangkop na panahon.”
O “napapatibay.”
O “ganap; may matibay na pananampalataya.”
O “Magsikap ka nang husto.”
Lit., “Narito ang pagbati ko, ni Pablo, mula sa sarili kong kamay.”