Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • nwtsty Obadias 1-21
  • Obadias

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Obadias
  • Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
Obadias

OBADIAS

1 Ang pangitain ni Obadias:*

Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova tungkol sa Edom:+

“May narinig kaming ulat mula kay Jehova,

Isang mensahero ang ipinadala sa mga bansa:

‘Maghanda tayo para makipaglaban sa kaniya.’”+

 2 “Ngayon ay ginawa kitang mahina sa gitna ng mga bansa;

Lubusan kang hinamak.+

 3 Dinaya ka ng kayabangan ng puso mo,+

Ikaw na protektado ng malalaking bato,

Ikaw na nakatira sa mataas na lugar at nagsasabi,*

‘Sino ang magpapabagsak sa akin sa lupa?’

 4 Kahit tumira ka pa sa napakataas na lugar* gaya ng agila,

O ilagay mo ang iyong pugad sa mga bituin,

Mula roon ay ibabagsak kita,” ang sabi ni Jehova.

 5 “Kung pupuntahan ka ng mga magnanakaw sa gabi,

Hindi ba ang gusto lang nila ang kukunin nila?

(Talagang mawawasak ka!)*

O kung mga tagapitas ng ubas ang magpupunta sa iyo,

Hindi ba magtitira sila?+

 6 Tinugis nila ang Esau!

Ninakaw nila ang nakatago niyang mga kayamanan!

 7 Itinaboy ka nila sa hangganan.

Nilinlang ka ng lahat ng kaalyado mo.*

Pinabagsak ka ng mga kaibigan mo.*

Ang mga kasalo mo sa pagkain ay naglagay ng lambat na pambitag sa iyo,

Pero hindi mo iyon namalayan.

 8 Sa araw na iyon,” ang sabi ni Jehova,

“Pupuksain ko ang marurunong sa Edom+

At ang mga may unawa mula sa mabundok na rehiyon ng Esau.

 9 At ang mga mandirigma mo ay matatakot,+ O Teman,+

Dahil ang bawat isa sa kanila na nasa mabundok na rehiyon ng Esau ay papatayin.+

10 Dahil sa karahasang ginawa sa kapatid mong si Jacob,+

Mababalot ka ng kahihiyan,+

At maglalaho ka magpakailanman.+

11 Nang araw na tumayo ka lang at nanood,

Nang araw na bihagin ng mga estranghero ang hukbo niya,+

Nang pasukin ng mga dayuhan ang kaniyang pintuang-daan at pagpalabunutan+ ang Jerusalem,

Naging gaya ka nila.

12 Hindi ka dapat nagsaya nang may masamang nangyari sa kapatid mo,+

Hindi ka dapat nagdiwang nang mapahamak ang bayan ng Juda,+

At hindi ka dapat nagyabang nang magdusa sila.

13 Hindi ka dapat pumasok sa pintuang-daan ng aking bayan sa araw ng kanilang kapahamakan,+

Hindi ka dapat nagsaya nang magdusa siya sa araw ng kaniyang kapahamakan,

At hindi ka dapat kumuha ng kaniyang yaman sa araw ng kaniyang kapahamakan.+

14 Hindi ka dapat nag-abang sa sangandaan para patayin ang mga tumatakas,+

At hindi mo dapat ibinigay sa kaaway ang mga natirang buháy sa araw ng pagdurusa nila.+

15 Dahil ang araw ni Jehova laban sa lahat ng bansa ay malapit na.+

Kung ano ang ginawa mo, iyon din ang gagawin sa iyo.+

Kung paano mo pinakitunguhan ang iba, ganoon ka rin pakikitunguhan.

16 Dahil kung paanong uminom ka sa aking banal na bundok,

Patuloy ring iinom* ang lahat ng bansa.+

Iinom sila at lalagok,

At maglalaho sila na parang hindi sila kailanman umiral.

17 Pero sa Bundok Sion pupunta ang mga nakatakas,+

At magiging banal iyon;+

At mababawi ng sambahayan ni Jacob ang mga pag-aari nila.+

18 Ang sambahayan ni Jacob ay magiging apoy,

Ang sambahayan ni Jose ay magiging liyab,

Ang sambahayan ni Esau ay magiging gaya ng dayami;

Sisilaban nila ito at tutupukin,

At walang matitirang buháy sa sambahayan ni Esau,+

Dahil si Jehova mismo ang nagsabi.

19 Makukuha nila ang Negeb at ang mabundok na rehiyon ng Esau,+

Ang Sepela at ang lupain ng mga Filisteo.+

Makukuha nila ang lupain ng Efraim at ang lupain ng Samaria,+

At makukuha ng Benjamin ang Gilead.

20 Sa bayan ng Israel na binihag mula sa matibay na pader* na ito,+

Sa kanila mapupunta ang lupain ng mga Canaanita hanggang sa Zarepat.+

At makukuha ng mga taga-Jerusalem, na naging tapon sa Separad, ang mga lunsod ng Negeb.+

21 At ang mga tagapagligtas ay aakyat sa Bundok Sion

Para hatulan ang mabundok na rehiyon ng Esau,+

At ang paghahari ay magiging kay Jehova.”+

Ibig sabihin, “Lingkod ni Jehova.”

O “at nagsasabi sa iyong puso.”

O posibleng “lumipad ka pa nang mataas.”

O posibleng “Gaano katindi ang gagawin nilang pagwasak?”

O “ng nakipagtipan sa iyo.”

O “mga lalaking may pakikipagpayapaan sa iyo.”

Iinom ng galit ng Diyos.

O “sa muralya.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share