IKALAWANG LIHAM NI PEDRO
1 Mula kay Simon Pedro, isang alipin at apostol ni Jesu-Kristo, para sa mga nagkaroon ng pananampalataya na kasinghalaga* ng sa amin sa pamamagitan ng katuwiran ng ating Diyos at ng Tagapagligtas na si Jesu-Kristo:
2 Tumanggap nawa kayo ng higit pang kapayapaan at walang-kapantay na kabaitan sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman+ sa Diyos at kay Jesus na ating Panginoon, 3 dahil ipinagkaloob sa atin* ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng kailangan natin para mabuhay at magkaroon ng makadiyos na debosyon sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman sa tumawag sa atin+ sa pamamagitan ng kaniyang kaluwalhatian at kabutihan. 4 Sa pamamagitan ng mga bagay na ito ay binigyan niya tayo* ng mahalaga at napakadakilang mga pangako,+ para sa pamamagitan ng mga ito ay magkaroon din* kayo ng mga katangiang gaya ng sa Diyos,+ dahil nakatakas na kayo sa kasiraan ng sanlibutan na dulot ng maling* pagnanasa.
5 Dahil dito, magsikap kayong mabuti+ na idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan,+ sa inyong kabutihan ang kaalaman,+ 6 sa inyong kaalaman ang pagpipigil sa sarili, sa inyong pagpipigil sa sarili+ ang pagtitiis, sa inyong pagtitiis ang makadiyos na debosyon,+ 7 sa inyong makadiyos na debosyon ang pagmamahal sa kapatid, sa inyong pagmamahal sa kapatid ang pag-ibig.+ 8 Dahil kung ang mga bagay na ito ay nasa inyo at nag-uumapaw, maiiwasan ninyong maging di-aktibo o di-mabunga+ may kinalaman sa tumpak na kaalaman sa ating Panginoong Jesu-Kristo.
9 Pero ang sinumang walang ganitong mga katangian ay bulag dahil ipinipikit niya ang mga mata niya sa liwanag,*+ at nakalimutan din niyang nilinis na siya mula sa mga kasalanan niya+ noon. 10 Kaya mga kapatid, lalo pa ninyong gawin ang inyong buong makakaya para matiyak na mananatili kayong kasama sa mga tinawag+ at pinili, dahil kung patuloy ninyong ginagawa ang mga bagay na ito, hinding-hindi kayo mabibigo.+ 11 Sa katunayan, kung gagawin ninyo ito, ipagkakaloob sa inyo ang napakalaking pagpapala na makapasok sa walang-hanggang Kaharian+ ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo.+
12 Dahil dito ay gusto kong laging ipaalaala sa inyo ang mga bagay na ito, kahit na alam na ninyo ang mga ito at matatag na kayo sa katotohanang nasa inyo. 13 Itinuturing kong matuwid, hangga’t ako ay nasa tabernakulong ito,*+ na muli kayong paalalahanan,+ 14 dahil alam kong malapit nang alisin ang aking tabernakulo, gaya ng nilinaw sa akin ng ating Panginoong Jesu-Kristo.+ 15 Lagi kong gagawin ang buo kong makakaya para kapag nakaalis na ako, maalaala* ninyo ang mga bagay na ito.
16 Ang sinabi namin sa inyo tungkol sa kapangyarihan at presensiya* ng ating Panginoong Jesu-Kristo ay hindi batay sa mga kuwentong di-totoo at inimbento nang may katusuhan, kundi batay sa nakita naming kaluwalhatian niya.+ 17 Dahil tumanggap siya ng karangalan at kaluwalhatian mula sa Diyos na Ama nang sabihin sa kaniya ang ganitong mga salita* mula sa maringal na kaluwalhatian: “Ito ang Anak ko, ang minamahal ko at kinalulugdan.”+ 18 Oo, ang mga salitang ito ay narinig namin mula sa langit habang kasama niya kami sa banal na bundok.
19 Kaya lalong naging totoo sa amin ang binanggit na hula, at mabuti ang ginagawa ninyong pagbibigay-pansin dito na gaya ng sa isang lamparang+ lumiliwanag sa isang madilim na lugar (hanggang sa magbukang-liwayway at sumikat ang bituing pang-araw)+ sa puso ninyo. 20 Dahil una sa lahat ay alam ninyo na walang hula sa Kasulatan ang galing sa personal na interpretasyon. 21 Dahil ang hula ay hindi kailanman dumating sa pamamagitan ng kalooban ng tao,+ kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan* sila ng banal na espiritu.+
2 Pero nagkaroon din ng huwad na mga propeta sa bayan, kung paanong magkakaroon din ng huwad na mga guro sa inyo.+ Ang mga ito ay palihim na magpapasok ng mapanirang mga sekta, at ikakaila pa nga nila ang nagmamay-ari at bumili sa kanila,+ at dahil dito ay agad silang mapupuksa. 2 Bukod diyan, ang kanilang paggawi nang may kapangahasan*+ ay tutularan ng marami, at dahil sa kanila, ang daan ng katotohanan ay hahamakin.+ 3 At may kasakiman nila kayong pagsasamantalahan sa pamamagitan ng mapanlinlang na pananalita. Pero ang hatol sa kanila, na ipinasiya na noon pa,+ ay hindi mabagal, at ang pagpuksa sa kanila ay tiyak na darating.+
4 Ang Diyos ay hindi nagpigil sa pagpaparusa sa mga anghel na nagkasala,+ kundi inihagis niya sila sa Tartaro*+ at ikinadena sa napakadilim na lugar* para maghintay sa paghuhukom.+ 5 At hindi siya nagpigil sa pagpaparusa sa sanlibutan noon,+ pero iningatan niya si Noe, isang mángangarál ng katuwiran,+ kasama ang pitong iba pa+ nang magpasapit siya ng baha sa isang sanlibutan ng mga taong di-makadiyos.+ 6 At ginawa niyang abo ang mga lunsod ng Sodoma at Gomorra bilang hatol sa mga ito,+ at nagsilbi itong babala sa mga taong di-makadiyos tungkol sa mga bagay na darating.+ 7 At iniligtas niya ang matuwid na si Lot,+ na labis na nabagabag sa paggawi nang may kapangahasan* ng mga taong walang sinusunod na batas— 8 dahil araw-araw na nahihirapan ang matuwid na taong iyon sa nakikita at naririnig niyang kasamaan habang naninirahang kasama nila. 9 Kaya alam ni Jehova* kung paano iligtas ang mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok+ at italaga sa pagkapuksa ang mga taong di-matuwid sa araw ng paghuhukom,+ 10 lalo na ang mga nagpaparumi sa laman ng iba+ at humahamak sa awtoridad.*+
Sila ay pangahas at mapaggiit at hindi natatakot magsalita ng masama tungkol sa mga maluwalhati, 11 samantalang ang mga anghel, kahit na mas malakas at mas makapangyarihan, ay hindi nag-aakusa at hindi nagsasalita ng masama sa kanila, bilang paggalang kay* Jehova.*+ 12 Pero ang mga taong ito, na gaya ng walang-isip na hayop na sumusunod lang sa likas na ugali at ipinanganak para mahuli at mapuksa, ay nagsasalita ng masama tungkol sa mga bagay na wala silang alam.+ Mapupuksa sila dahil sa sarili nilang mapaminsalang landasin, 13 mapapahamak sila dahil sa sarili nilang kapaha-pahamak na landasin.
Nasisiyahan sila sa pagpapakasasa sa maluhong pamumuhay+ kahit araw pa. Sila ay mga batik at dungis, na walang patumanggang nagsasaya sa kanilang mga turong mapanlinlang habang kasama ninyo sila sa mga salusalo.+ 14 Ang mga mata nila ay punô ng pangangalunya+ at hindi nila kayang tumigil sa paggawa ng kasalanan, at inaakit nila ang mga di-matatag. Ang puso nila ay nasanay sa kasakiman. Sila ay mga isinumpang anak. 15 Iniwan nila ang matuwid na landas at nailigaw sila. Sinundan nila ang landas ni Balaam,+ na anak ni Beor, na gustong-gusto ang kabayaran sa paggawa ng masama,+ 16 pero sinaway dahil sa paglabag niya sa kung ano ang tama.+ Hinadlangan ng hayop na pantrabaho, na di-nakapagsasalita pero nagsalita na parang tao, ang kabaliwan ng propeta.+
17 Sila ay mga bukal na walang tubig at mga singaw na tinatangay ng malakas na bagyo, at napakatinding kadiliman ang nakalaan sa kanila.+ 18 Nagyayabang sila at walang saysay ang mga sinasabi nila. Sa pamamagitan ng pagpukaw sa mga pagnanasa ng laman+ at paggawi nang may kapangahasan,* inaakit nila ang mga tao na kahihiwalay lang sa mga namumuhay nang masama.+ 19 Pinapangakuan nila ang mga ito ng kalayaan, pero sila mismo ay alipin ng kasiraan;+ dahil kung ang sinuman ay nadaraig ng iba,* siya ay alipin nito.+ 20 Kaya nga kung nakatakas na ang isa mula sa mga karumihan ng sanlibutan+ dahil sa tumpak na kaalaman sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo, pero muli siyang masangkot sa mga bagay na ito at madaig nito, ang huling kalagayan niya ay mas masama pa kaysa sa una.+ 21 Mas mabuti pang hindi na lang niya nalaman ang tamang landas ng katuwiran kaysa pagkatapos na malaman ito ay tumalikod siya sa banal na utos na natanggap niya.+ 22 Nangyari sa kaniya ang sinasabi ng tunay na kawikaan: “Kinain ulit ng aso ang kaniyang suka, at lumublob ulit sa putikan ang babaeng baboy na napaliguan na.”+
3 Mga minamahal, ito na ngayon ang ikalawang liham na isinusulat ko sa inyo, at gaya ng sa una kong liham, pinaaalalahanan ko kayo+ para gisingin ang inyong malinaw na pag-iisip, 2 para maalaala ninyo ang mga inihayag* noon ng banal na mga propeta at ang utos ng Panginoon at Tagapagligtas na sinabi ng inyong mga apostol. 3 Una sa lahat, dapat ninyong malaman na sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya para manuya, at gagawin nila ang ayon sa mga pagnanasa nila,+ 4 at sasabihin nila: “Nasaan itong ipinangakong presensiya* niya?+ Aba, mula nang araw na mamatay* ang mga ninuno namin, walang anumang bagay ang nagbago mula nang pasimula ng paglalang.”+
5 Dahil sinasadya nilang bale-walain ang katotohanang noon pa man ay may langit at may lupa na nakatayong matatag sa ibabaw ng tubig at sa gitna ng tubig sa pamamagitan ng salita ng Diyos,+ 6 at na sa pamamagitan ng mga iyon, ang sanlibutan nang panahong iyon ay napuksa dahil sa baha.+ 7 Pero sa pamamagitan ng salita ring iyon, ang langit at ang lupa na umiiral ngayon ay nakalaan sa apoy sa araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.+
8 Pero huwag ninyong kalilimutan, mga minamahal, na ang isang araw kay Jehova* ay gaya ng isang libong taon at ang isang libong taon ay gaya ng isang araw.+ 9 Si Jehova* ay hindi mabagal sa pagtupad sa pangako niya,+ gaya ng iniisip ng iba; ang totoo, matiisin siya sa inyo dahil hindi niya gustong mapuksa ang sinuman kundi gusto niya na ang lahat ay magsisi.+ 10 Pero ang araw ni Jehova*+ ay darating na gaya ng magnanakaw,+ kung kailan ang langit ay maglalaho+ na may malakas na ugong, pero ang mga elemento na napakainit ay matutunaw, at ang lupa at ang mga gawang naroon ay mahahantad.+
11 Dahil ang lahat ng bagay na ito ay matutunaw sa ganitong paraan, pag-isipan ninyo kung anong uri ng pagkatao ang dapat na taglay ninyo—may banal na paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon, 12 habang hinihintay ninyo at isinasaisip* ang pagdating* ng araw ni Jehova,*+ kung kailan ang langit ay wawasakin+ sa apoy at ang mga elemento ay matutunaw sa matinding init! 13 Pero may hinihintay tayong bagong langit at bagong lupa gaya ng pangako niya,+ at sa mga ito ay magiging matuwid ang lahat ng bagay.+
14 Kaya mga minamahal, dahil hinihintay ninyo ang mga bagay na ito, gawin ninyo ang buong makakaya ninyo, para sa katapusan ay makita niyang wala kayong batik at dungis at kayo ay nasa kapayapaan.+ 15 Bukod diyan, ituring ninyo ang pagtitiis ng ating Panginoon bilang kaligtasan, gaya ng isinulat sa inyo ng minamahal nating kapatid na si Pablo ayon sa karunungang ibinigay sa kaniya.+ 16 Ang mga bagay na iyan ang sinasabi niya sa lahat ng liham niya. Gayunman, ang ilan sa nilalaman ng mga iyon ay mahirap maintindihan, at ang mga bagay na ito ay pinipilipit ng mga walang alam* at di-matatag, gaya ng ginagawa rin nila sa iba pang bahagi ng Kasulatan, at dahil doon ay mapupuksa sila.
17 Kaya mga minamahal, dahil alam na ninyo ang mga ito, mag-ingat kayo para hindi kayo maligaw kasama nila dahil sa mga pagkakasala ng mga taong walang sinusunod na batas at hindi ninyo maiwala ang katatagan ninyo.+ 18 Pero patuloy kayong tumanggap ng higit pang walang-kapantay na kabaitan at kaalaman tungkol sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian, ngayon at magpakailanman. Amen.
O “na tinataglay bilang pribilehiyong kapantay.”
O “ibinigay sa atin nang walang bayad.”
O “binigyan niya tayo nang walang bayad.”
Lit., “maging kabahagi rin.”
O “mahalay na.”
O posibleng “hindi nakikita ang nasa malayo.”
O “toldang ito,” na tumutukoy sa katawan niya bilang tao.
O “banggitin.”
O “pagkanaririto.”
Lit., “nang marinig niya ang tinig na ito.”
Lit., “dinadala.”
O “paggawi nang walang kahihiyan.” Sa Griego, a·selʹgei·a. Tingnan sa Glosari.
Tingnan sa Glosari.
O posibleng “at inilagay sa napakadilim na mga hukay.”
O “paggawi nang walang kahihiyan.” Sa Griego, a·selʹgei·a. Tingnan sa Glosari.
Tingnan ang Ap. A5.
O “mga panginoon.”
O “sa harap ni.”
Tingnan ang Ap. A5.
O “paggawi nang walang kahihiyan.” Sa Griego, a·selʹgei·a. Tingnan sa Glosari.
O “isang bagay.”
O “inihula.”
O “pagkanaririto.”
Lit., “matulog.”
Tingnan ang Ap. A5.
Tingnan ang Ap. A5.
Tingnan ang Ap. A5.
O “pinananabikan.” Lit., “pinabibilis.”
Lit., “presensiya.”
Tingnan ang Ap. A5.
O “mga hindi naturuan.”