Mga Isda sa Lawa ng Galilea
Maraming beses na binabanggit sa Bibliya ang isda, pangingisda, at mangingisda may kaugnayan sa Lawa ng Galilea. Mga 18 uri ng isda ang makikita sa Lawa ng Galilea, pero mga 10 uri lang ang hinuhuli ng mga mangingisda. Ang 10 uri na ito ay maikakategorya sa tatlong grupo kapag ibinebenta. Ang isang grupo ay ang binny, na tinatawag ding barbel (makikita rito ang Barbus longiceps) (1). Ang tatlong uri ng binny ay may balbas sa gilid ng bibig nito; kaya ang Semitikong pangalan nito ay biny, na nangangahulugang “buhok.” Kumakain ito ng mga mollusk, susô, at maliliit na isda. Ang longheaded barbel ay umaabot nang 75 cm (30 in) at maaaring tumimbang nang mahigit 7 kg (15 lb). Ang ikalawang grupo ay tinatawag na musht (makikita rito ang Tilapia galilea) (2), na nangangahulugang “suklay” sa Arabiko, dahil ang limang uri nito ay may tulad-suklay na palikpik sa likod. Ang isang uri ng musht ay umaabot nang mga 45 cm (18 in) at maaaring tumimbang nang mga 2 kg (4.5 lb). Ang ikatlong grupo ay ang Kinneret sardine (makikita rito ang Acanthobrama terrae sanctae) (3), na mukhang maliit na herring. Noon pa man, pinepreserba na ang isdang ito sa pamamagitan ng pagbababad sa sukà.
Kaugnay na (mga) Teksto: