Isda ni San Pedro
KAPAG pinuntahan mo ang isang restawran sa tabi ng Dagat ng Galileaa sa Israel, baka ikaw ay magtaka kapag nakita mo ang “isda ni San Pedro” (St. Peter’s fish) sa menu. Maaaring sabihin sa iyo ng weyter na iyon ang isa sa pinakapopular na pagkain, lalo na para sa mga turista. Iyon ay masarap kapag bagong prito. Ngunit bakit iniugnay iyon kay apostol Pedro?
Isang pangyayari sa Bibliya na inilarawan sa Mateo 17:24-27 ang magbibigay ng kasagutan. Mapag-aalaman natin doon na si Pedro, habang dumadalaw sa bayan ng Capernaum sa baybay ng Dagat ng Galilea, ay tinanong kung si Jesus ay nagbayad ng buwis sa templo. Nang maglaon, ipinaliwanag ni Jesus na siya, bilang Anak ng Diyos, ay hindi obligado na magbayad ng gayong buwis. Ngunit upang hindi makatisod sa iba, inutusan niya si Pedro na pumunta sa dagat, maghagis ng kawil, kunin ang unang isda na lilitaw, at bayaran ang buwis ng barya na masusumpungan sa bibig nito.
Ang pangalan na “isda ni San Pedro” ay kinuha mula sa insidenteng ito na iniulat sa Bibliya. Subalit anong uri ng isda ang nahuli ni Pedro?
Isang Dagat na Sagana sa Isda
Ipinalalagay na sa halos 20 uri ng isda sa Dagat ng Galilea, mga 10 lamang ang maaaring maging ang uri na nahuli ni Pedro. Ang sampung ito ay nahahati sa tatlong komersiyal na pangunahing uri.
Ang pinakamalaking uri ay tinatawag na musht, na nangangahulugang “suklay” sa wikang Arabe, sapagkat ang limang uri nito ay kakikitaan ng isang tulad-suklay na palikpik sa likod. Ang isang uri ng musht ay humahaba nang mga 45 sentimetro at tumitimbang nang mga 2 kilo.
Ang ikalawang uri ay ang Kinneret (Dagat ng Galilea) na sardinas, na nahahawig sa isang maliit na tamban. Sa panahon ng pinakamaraming sardinas, tone-tonelada ang nahuhuli bawat gabi, anupat umaabot sa humigit-kumulang isang libong tonelada sa isang taon. Mula pa nang sinaunang panahon ang sardinas na ito ay iniimbak na sa pamamagitan ng pagpepreserba.
Ang ikatlong uri ay ang biny, na kilala rin bilang barbel. Ang tatlong uri nito ay kakikitaan ng mga sima sa mga panulukan ng bibig nito, kaya ang pangalang Semitiko nito ay biny, na nangangahulugang “buhok.” Ang kinakain nito ay mga kabyâ o paros, susô, at maliliit na isda. Ang barbel na may mahabang ulo ay humahaba nang mga 75 sentimetro at tumitimbang nang mga 7 kilo. Ang mga barbel ay mapipintog na isda, at sila’y popular na pagkain para sa Sabbath ng mga Judio at mga kapistahan.
Ang kanduli, ang pinakamalaking isda sa Dagat ng Galilea, ay hindi kabilang sa tatlong komersiyal na pangunahing uri. Ito’y sumusukat nang hanggang 1.20 metro at tumitimbang nang mga 11 kilo. Ngunit ang kanduli ay walang mga kaliskis, kaya ito’y marumi sang-ayon sa Batas Mosaiko. (Levitico 11:9-12) Kaya naman hindi ito kinakain ng mga Judio, at maaaring hindi ito ang uri ng isda na nahuli ni Pedro.
Anong Isda ang Nahuli ni Pedro?
Buweno, ang musht ang isda na karaniwan nang tinatanggap bilang “isda ni San Pedro,” at ito’y isinisilbi nang gayon sa mga restawran na malapit sa Dagat ng Galilea. Yamang kakaunti lamang ang maliliit na tinik nito, ito ay tila madaling ihanda at kainin. Ngunit ito nga ba talaga ang isdang nahuli ni Pedro?
Si Mendel Nun, isang mangingisda na tumira sa dalampasigan ng Dagat ng Galilea nang mahigit na 50 taon, ay isang lubhang iginagalang na awtoridad sa lokal na isda. Binanggit niya: “Ang kinakain ng musht ay plankton (pagkaliliit na hayop sa dagat) at wala nang iba. Kaya ito ay mahuhuli sa pamamagitan ng mga lambat, at hindi sa pangawit at pamingwit.” Kaya malamang na hindi ito ang isda na nahuli ni Pedro. Malamang na hindi rin sardinas, yamang ito’y napakaliit upang maging isda ni San Pedro.
Kaya ang mapagpipilian na lamang ay ang barbel, kung saan itinuturing ng iba na mas mabuting piliin para sa pangalang “isda ni San Pedro.” Si Nun ay nagsabi: “Simula’t sapol, ang mga mangingisda sa [Dagat ng Galilea] ay gumagamit ng pangawit na pinapainan ng sardinas upang mamingwit ng mga barbel, kung saan ang mga ito’y kumakain ng mga nabubuhay sa tubig sa ilalim ng lawa.” Naghinuha siya na “halos sigurado na ang nahuli ni Pedro ay barbel.”
Kung gayon, bakit ang musht ang isinisilbi bilang “isda ni San Pedro”? Sumagot si Nun: “Iisa lamang ang tanging paliwanag para sa nakalilitong pagbabago ng pangalan. Bentaha iyan para sa turismo! . . . Habang ang mga peregrinong manlalakbay ay nagsisidating mula sa malalayong lugar, walang alinlangan na waring makabubuti sa negosyo na pangalanang ‘isda ni San Pedro’ ang musht na isinisilbi noong unang panahon sa mga bahay-kainan sa tabing-lawa. Ang pinakapopular at pinakamadaling ihandang isda ang nagtaglay ng pinakamabiling pangalan!”
Bagaman hindi natin masasabi nang tiyak kung anong isda ang nahuli ni Pedro, anumang klase ng isda ang isinilbi sa iyo bilang “isda ni San Pedro” malamang na iyon ay tunay na napakasarap na putahe.
[Talababa]
a Bagaman ito’y tinatawag na Dagat ng Galilea, sa katunayan ito ay isang lawa.
[Larawan sa pahina 19]
“Musht”
[Larawan sa pahina 19]
Barbel
[Picture Credit Line sa pahina 19]
Garo Nalbandian