Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 5/22 p. 14-16
  • Akwa-Kultura—Mga Isda na “Pang-ulam”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Akwa-Kultura—Mga Isda na “Pang-ulam”
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mula sa Itlog Hanggang sa Isdang Para sa Palengke
  • Biyolohikal na mga Palaisipan at mga Pagbabagu-bago
  • Polusyon at mga Pagsalakay ng Lumot
  • Pagsawatâ sa mga Sakit
  • Isang Malakas na Industriya
  • Isda
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kapag Nagkasakit Dahil sa Isda
    Gumising!—2006
  • Mga Isdang Lumalangoy Nang Sama-sama
    Gumising!—2012
  • Mga Ibong Mangingisda
    Gumising!—2011
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 5/22 p. 14-16

Akwa-Kultura​—Mga Isda na “Pang-ulam”

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NORWAY

LIBU-LIBONG taon na ang nakalipas, ang mga Intsik at ang mga Ehipsiyo ay gumawa ng mga lawa ng tubig-tabang kung saan nila inalagaan at marahil ay pinakain din ang buháy na isda. Sa ngayon ang pag-aalaga ng isda ay naging isang industriya. Ito ay tinatawag na akwa-kultura. Ito ay binibigyan-kahulugan ng Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary bilang “ang pagpaparami sa likas na ani ng tubig.” Ito’y nagsasangkot ng paglikha ng wastong mga kalagayan sa pagpaparami at pag-aalaga ng mga hayop at halamang tubigan sa tubig-alat o tubig-tabang.

Sa paano man, ang masinsinang pagpaparami at pag-aalaga ng isda ang mas kilalang anyo ng akwa-kultura. Sa maraming bansa, lalo na kung saan ang mga temperatura ng tubig-tabang ay totoong mataas, ang pagpaparami ng mga isdang tubig-tabang sa mga tangke at mga palaisdaan ay palasak. Ang ibang bansa ay higit na nagtuon ng pansin sa paggamit ng kanilang mga bahagi ng dagat. Ang Norway ay isang halimbawa ng huling-banggit. Taglay ang isa sa pinakamahabang baybayin sa buong daigdig, angkop na mga temperatura sa dagat, at medyo dalisay na tubig, ang bansang ito ay may likas na bentaha sa pagpaparami ng isda sa tubig-alat. Ang Norway ay naging isang tagapangunang bansa, lalo na sa pagpaparami ng Atlantikong salmon at trout sa dagat.

Mula sa Itlog Hanggang sa Isdang Para sa Palengke

Ang produksiyon ay nagsisimula sa paitlugan sa taglagas. Ang mga babae ay “hinahagod” para sa kanilang itlog, at ang itlog ay pinupunlaan sa pamamagitan ng similya mula sa pilíng mga lalaking isda. Ginugugol ng napunlaang itlog ang taglamig sa ilalim ng maingat na pangangasiwa sa paitlugan, at ang pagpisa ay nagaganap sa loob ng anim na buwan. Sa unang ilang linggo, ang anak-isda ay pinakakain mula sa yolk sac sa tiyan nito; pagkatapos ay nagsisimula ang unang maingat na pagpapakain. Sa ligáw na kalagayan, ang isang anak-isdang salmon ay gumugugol ng mula dalawa hanggang limang taon sa ilog kung saan ito napisa, bago mandayuhan sa mas saganang dagat upang manginain. Sa paitlugan ang anak-isda ay lumalaki tungo sa isang smolt (isang isdang salmonido na handang mandayuhan) sa loob ng isa at kalahating taon.

Ang mga isda ay saka inililipat mula sa tubig-tabang tungo sa tubig-alat. Karaniwan nang inilalagay ito sa mga instalasyon, lumulutang na mga kulungan o baklad sa dagat. Pagkatapos ng isa o dalawang taon sa dagat, naabot na ng mga salmon ang tamang laki at iniaahon para sa pagpoproseso. Para bang napakapayak, napakadali nito. Gayunman, ang pag-aalaga ng mga isda bilang “pang-ulam” ay naghaharap ng maraming hamon.a

Biyolohikal na mga Palaisipan at mga Pagbabagu-bago

Ang sinaunang mga mangingisda ay nagsimula sa wala at nagkaroon ng lubos na kaalaman tungkol sa pagpaparami, higit na nagugustuhang pagkain, at katutubong ugali ng iba’t ibang uri ng isda. Wari bang walang katapusan ang dami ng di-malutas na biyolohikal na mga palaisipan at patuloy na nagbabagu-bagong mga bagay na maaaring magkamali. Posible kayang sapatan ang kahilingan ng mga anak-isda at mga isda tungkol sa kalidad ng tubig, temperatura, pagkain, at liwanag?

Marami sa mga problemang ito ay malaon nang nalutas. Marami sa mga programa sa pananaliksik sa ngayon ang nagtutuon ng pansin sa kung paanong ang paglaki at gawi ng iba’t ibang uri ay maaaring supilin ng mga salik na gaya ng ehersisyo, pagkontrol sa liwanag, at tamang dami at kalidad ng pagkain.

Polusyon at mga Pagsalakay ng Lumot

Ang malinis na kapaligiran ay mahalaga sa pag-aalaga ng isda. Kaya ang di-timbang na mga sistema sa ekolohiya at mga antas ng polusyon ay lumilikha ng mga problema sa industriya ng akwa-kultura. Ang mga isdang ligáw na nakapapansin ng mga lason sa tubig ay nagsisikap na iwasan ang panganib. Ang mga isdang pinalalaki sa mga palaisdaan ay hindi makaiiwas, yamang ito ay nakakulong sa mga baklad. Ang mga natatapong langis o itinatapong nakalalasong mga kemikal sa gayon ay mapanganib sa mga palaisdaan.

Ang ilan ay lubhang nasindak noong 1988 nang magkaroon ng nakalilitong pagdami ng nakalalasong lumot sa kahabaan ng timog-kanlurang baybayin ng Sweden at malayo sa pampang ng timugang Norway. Sa pagkalaki-laking mga dako pinatay ng mga lumot ang mga isda at ang iba pang buhay sa dagat. Ang ilang palaisdaan ay nawalan ng laman, bahagyang dahil sa lumot mismo at bahagyang dahil sa biglang-pangangailangang paggilit. Subalit karamihan ng mga instalasyon ay nailigtas mula sa kamatayan dahil sa lumot yamang hinila ng mga mangingisda ang mga baklad tungo sa ligtas na mga fjord. Tinawag ng ilan ang malaking kapahamakang ito ng lumot na “ang Chernobyl na malapit sa dagat,” at sinasabi ng mga dalubhasa na ang dumaraming polusyon ay malamang na siyang dahilan ng pagsagana ng lumot.

Ang mga baklad sa dagat ay nakalantad sa lahat ng uri ng panahon at dapat na matagalan nito ang yelo, maalong mga dagat, at mga bagyo. Kapag ang isang instalasyon ay nawasak at nakawala ang mga isda, ang mangingisda ay nalulugi ng mahalagang ari-arian. Isa pa, maaaring ikalat ng nakawalang mga isda ang mga sakit sa ligáw na isda, at ito ay naging isang malubhang problema. Ang nakawalang isda ay makikipagkompetensiya rin sa ligáw na isda para sa pagkain at sa mga pangitlugan, at may pangamba na ito ay maaaring magkaroon ng negatibong impluwensiya sa mga isda roon.

Kaya may ganap na kasunduan na ang mga instalasyon sa dagat ay dapat na mas matibay upang maiwasan ang mga pagkawala ng isda. Nakagawa na rin ng mga pagsulong sa larangang ito. Ang Aquaculture in Norway ay nagsasabi na nitong nakalipas na mga taon “malaki na [ang nagawa] pagdating sa paggawa ng mga instalasyon ng akwa-kultura na nakakayanan ang sukdulang mga lagay ng panahon.”

Pagsawatâ sa mga Sakit

Ang lahat na sumasalungat sa kalikasan ng isda o lumalayo sa kanilang normal na kapaligiran ay nagdudulot ng kaigtingan, at ito’y nakapipinsala sa kanilang sistema ng imyunidad. Ang kombinasyon ng mga salik, gaya ng maraming isda sa isang kulóng na lugar, masinsinang pagpapakain, pagkakatipon ng organikong mga bagay, at dumaraming iba’t ibang virus ng isda, ay lumikha ng mas malubhang mga sakit sa gitna ng mga isdang pinalalaki sa mga palaisdaan kaysa mga isdang ligáw. Ito ay nagpangyari ng malaking pagkalugi sa industriya.

Tunay, marami sa mga sakit na ito ng isda ay maaaring gamutin, halimbawa, ng mga antibayotik, subalit ang matagal na paggamit ng mga antibayotik ay isang banta sa kapaligiran, pangunahin nang dahil sa ito’y gumagawa ng matinding baktirya, na nangangailangan ng paggawa ng bagong mga gamot. Maaari ring pahinain ng mga gamot ang isda, ginagawa itong madaling tablan ng ibang sakit. Mangyari pa, nais ng mga mangingisda na makaalpas mula sa masamang siklong ito.b

Kaya ang matandang kasabihang ang pag-iingat ay mas mabuti kaysa paggamot ay kapit din sa pagpaparami ng isda. Malaking pagsisikap ang ginugugol upang magkamit ng higit pang kaalaman sa kung paano palalakasin ang natural na mga depensa ng isda. Ang pananaliksik na ito ay ipinatungkol sa mga larangang iyon na gaya ng paggawang mabisa ng pagpapakain, ang lugar na paglalagyan at mga rutin sa paggawa, ang pagpaparami ng partikular na isda na lumalaban-sa-sakit, at ang paggawa ng mabisang mga bakuna at mga pamamaraan ng pagbabakuna. Ang gawain ay nagbunga, at wari bang ang industriya ng pagpaparami-ng-isda ay naging dalubhasa sa paglaban sa sakit.

Isang Malakas na Industriya

Ang akwa-kultura ay isang karaniwang industriyang panrehiyon na lubhang mahalaga sa maraming pamayanan sa baybayin. Mula nang maitatag ang industriya ng akwa-kultura, kamangha-manghang paglago ang nangyari. Noong 1990, ang produksiyon sa buong daigdig ay may kabuuang halaga na mahigit na $23 bilyon. Ang Norway ay nagtutustos ng mahigit na kalahati ng inaalagaang Atlantikong salmon sa daigdig, iniluluwas ang salmon sa mahigit na 90 bansa sa palibot ng globo.

Bagaman ang Atlantikong salmon ang pangunahing produkto mula sa pag-aalaga ng isda sa dagat hanggang sa ngayon, mayroon nang limitadong dami ng inaalagaang cod at halibut na mabibili. Nais ng industriya ng akwa-kultura na maging isang maaasahang tagatustos ng sariwa, magandang klaseng isda sa buong taon.

Nakalulungkot nga, kadalasang pinahihintulutan ng mga tao ang kanilang mga sarili na maudyukan ng kasakiman, at ito kung minsan ang nangyayari sa industriya ng akwa-kultura. Sa ilang kaso ang pagsasaalang-alang sa kapaligiran ay kinailangang sumuko sa pagnanais na magkaroon ng mabilis na pakinabang. Kailangang malaman ng mga dalubhasa sa akwa-kultura na may gayong pag-iisip kung paanong mabilis na gumaganti ang kalikasan; dapat nilang matanto na ang pangangalaga sa kapaligiran ay para sa kanilang sariling kapakanan. Sa malao’t madali, lagi nang napatutunayang mas mabuting pangasiwaan ang mga yaman ng lupa na kasuwato ng orihinal na layunin ng Maylikha​—kasuwato ng kalikasan at ng masalimuot na mga sistema nito sa ekolohiya.

[Mga talababa]

a Batay sa impormasyon sa brosyur na Aquaculture in Norway, inilathala ng Samahan ng mga Mangingisdang Norwego.

b Taglay ang mga mamimili sa isipan, ang Norwegong mga awtoridad ay nagtatag ng mahigpit na mga batas tungkol sa paggamit ng gamot. Maaari lamang makuha ng mga mangingisda ang gamot sa pamamagitan ng isang beterinaryo, at ang ginamot na isda ay kinakuwarantina upang matiyak na ang lahat ng isda ay walang gamot bago ito ipagbili.

[Mga larawan sa pahina 15]

Ang mga isda ay inilalagay sa lumulutang na mga baklad sa dagat

Ang mga babae ay hinahagod para sa kanilang itlog

Kapag naabot na ng isda ang tamang laki, sila ay iniaahon at pinoproseso

[Credit Line]

Mga Larawan: Vidar Vassvik/Norwegian Seafood Export Council

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share