Ang Anay—Kaibigan o Kaaway?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA KENYA
“KUMBE! Mchwa!” Gayon ang bulalas ng isang ministrong Kristiyano habang binubuhat niya at ng isa pang grupo ang isang nabibitbit na pool na yari sa kahoy. Inaasahan nilang gamitin ito bilang isang pool na pagbabautismuhan sa isang pansirkitong asamblea ng mga Saksi ni Jehova sa Kenya. Gayunman, sa kanilang pagkadismaya ay natuklasan nila na ang karamihan ng kahoy ay kinain na ng anay. Kaya gayon na lamang ang pagkabigkas niya ng pagkasiphayo. Kung isasalin, ito’y nangangahulugang: “Naku! Mga anay!”
Marahil walang ibang insekto ang madalas na nauugnay sa pagkasira ng ari-arian kaysa munting mga anay. Ngunit ang insekto bang ito ay tunay na isang kaaway ng tao? Bilang sagot, ating suriing mabuti ang anay.
Ang Kuta ng Anay
Sa Kenya, ang isa ay madalas na makakita ng nagtataasang mga bahay ng anay. Ito’y parang-tsimeneang mga kayarian na tumataas na mula 5 hanggang 6 na metro sa ibabaw ng lupa. Ang mga punsó, na kahawig ng isang kongkretong moog, ay itinatayo na taglay ang gayon na lamang kaeksaktuhan anupat ang mga anay ay tinatawag na mga maestro arkitekto. Hindi ba humahamon sa isipan na isiping ang pagkaliliit na insekto ay makapagtatayo ng gayong kahanga-hangang mga kuta, bagaman sila ay lubhang mabagal kumilos—at bulag?
Sa loob ng punsó ay isang masalimuot na nakalilitong mga silid at mga tunél. Ang abalang metropolis na ito ay mayroon ding mahusay na sistema ng paagusan ng tubig, bentilasyon, at air-conditioning pa nga. Ang mainit na hangin ay lumalabas sa tuktok ng punsó sa pamamagitan ng maliliit na butas. Ang malamig na hangin ang pumapasok naman sa ilalim. Ang higit pang pagpapalamig ay ginagawa sa pamamagitan ng isang simpleng sistema ng pagpapasingaw: Ang mga anay ay nagwiwisik ng tubig sa kanilang mga dingding sa pamamagitan ng pagdura rito. Habang sumisingaw ang tubig, pinalalamig nito ang hangin at tumutulong sa sirkulasyon. Sa gayon ang bahay ng anay ay nananatili sa kaayaayang 30 digri Celsius 24 na oras isang araw!
Lipunan ng Anay
Lalo pang kahanga-hanga ang lipunan ng mga anay. Ang ilang punsó ng anay ay naglalaman ng mahuhusay na pamayanan, o mga kolonya, na ang bilang ay umaabot ng hanggang limang milyong residente. Malayo sa pagiging magulo, ang isang kolonya ay isang halimbawa ng kasanayan sa gawain. Ang pamilya ng anay ay binubuo ng tatlong uri, yaon ay, mga manggagawa, sundalo, at mga tagapagparami. Ang mga manggagawa ang gumagawa ng aktuwal na pagtatayo ng mga punsó, ginagamit ang kanilang laway na pinaka-semento.
Ang mga sundalo ang mas agresibong mga miyembro ng pamilya. Nasasangkapan ng malalakas na panga at matatalas na ngipin, binabantayan nila ang mga kuta mula sa mga mananalakay, gaya ng isang hukbo ng mga langgam. Kumikilos din sila bilang mga tanod upang ipagtanggol ang mga manggagawa kapag sila ay nakipagsapalaran sa labas ng punsó sa paghahanap ng pagkain. Kung kinakailangan, ang mga sundalo ay babaling sa kemikal na pakikidigma; isang pantanging glandula ang kumikilos na parang baril de tubig, naglalabas ng isang nakamamatay na likido.
Paano naman sinusuklian ang mga sundalo para sa kanilang mga paglilingkod? Buweno, wari bang ang kanilang mga panga ay napakalaki anupat hindi nila manguya ang pagkain upang mapakain ang kanilang mga sarili. Kaya kung nagugutom ang isang sundalo, basta kukuskusin nito ang ulo ng isang manggagawa sa pamamagitan ng antena nito. Ibig sabihin niyan, “Pakanin mo ako!” Ang manggagawa ay tumutugon sa pamamagitan ng paglalagay ng iniluwang pagkaing di-natunaw buhat sa tiyan sa bibig ng sundalo.
Sa maharlikang silid, nakukubli sa pusikit na kadiliman, ay nakatira ang mga tagapagparami—ang hari at reyna. Ang reyna ay isang dambuhala kung ihahambing sa kaniyang maliit na kabiyak. Ang kaniyang tiyan, na namamaga dahil sa mga itlog, ay katibayan ng kaniyang kahanga-hangang kapangyarihang magparami. Tinatayang siya’y makapangingitlog ng mula 4,000 hanggang 10,000 itlog isang araw. Hindi kataka-taka na tinawag ng ilan ang reyna na “isang awtomatik na makinang nangingitlog.”
Gayunman, walang gaanong pribadong buhay ang hari’t reyna yamang sila ay pinaglilingkuran ng isang pangkat ng mga manggagawang anay. Pinalilibutan nila ang reyna, inaasikaso ang kaniyang mga pangangailangan at naglalaan sa kaniya ng pagkain. Habang inilalabas ang itlog, dinadala ito ng mga manggagawa sa pagitan ng kanilang mga panga tungo sa silid na nursery.
Mga Kaibigan o Kaaway?
Bagaman tatanggihan ng ilang tao na ang mga insektong ito ay kahali-halina, itinuturing pa rin sila ng karamihan bilang mga salot—mga kaaway! Si Dr. Richard Bagine, punò ng Invertebrate Zoology Department ng National Museum sa Kenya, ay nagsabi sa Gumising!: “Totoo na ang mga anay ay nakikita ng mga tao bilang isa sa pinakamapanirang insekto. Subalit iba naman ang pangmalas ng mga siyentipiko sa mga anay. Sa kanilang likas na tirahan, ang mga anay ay kapaki-pakinabang na mga miyembro ng pamayanan ng halaman at ng hayop.
“Una, pinabubulok nila ang patay na mga halaman tungo sa simpleng mga sangkap. Sa ganitong paraan, nireresiklo ng mga anay ang mga nutriyente na kailangan ng mga halaman. Ikalawa, sila ay isang mahalagang pinagmumulan ng pagkain. Sila ay kinakain ng halos lahat ng uri ng ibon at ng maraming mamal, reptilya, amphibian, at iba pang insekto. Maraming tao sa kanluran at hilagang Kenya ang nasisiyahan din sa kanilang matamis, masarap na lasa; ang mga ito ay sagana sa taba at protina. Ikatlo, sila ay tumutulong sa pagbubuhaghag ng lupa. Hinahalo ng mga anay ang lupa sa ilalim sa pang-ibabaw na lupa kapag sila ay gumagawa at nagkukumpuni ng kanilang mga pugad. Pinuputol nila ang malalaking piraso ng patay na halaman tungo sa maliliit na piraso, na nagiging humus o lupang itim. Kumikilos sa lupa, sila’y gumagawa ng mga daanan para sa hangin at tubig na kailangan ng mga ugat ng halaman. Sa gayon pinabubuti ng mga anay ang kayarian at pagiging mataba ng lupa.”
Bakit, kung gayon, sinasalakay ng mga anay ang mga tirahan ng tao? Ganito ang sabi ni Dr. Bagine: “Sa katunayan, ang mga tao ang lumipat sa mga tirahan ng mga anay at inalis ang karamihan ng mga halaman na ginagamit ng mga anay. Ang mga anay ay kailangang kumain upang mabuhay, at sila ay karaniwang kumakain ng patay na mga halaman. Kapag ang mga ito ay kinuha mula sa kanila, ang mga anay ay kumakain ng gawang-taong mga gusali, gaya ng mga bahay at mga kamalig.”
Kaya bagaman ang mga anay ay maaaring maging isang salot kung minsan, ito ay tiyak na hindi natin kaaway. Oo, isa itong kapuna-punang halimbawa ng matalinong paglalang ni Jehova. (Awit 148:10, 13; Roma 1:20) At sa darating na bagong sanlibutan ng Diyos, habang ang tao ay natututong mamuhay na kasuwato ng daigdig ng mga hayop, walang alinlangang mauunawaan niya ang munting anay bilang isang kaibigan, hindi isang kaaway.—Isaias 65:25.
[Mga larawan sa pahina 17]
Isang karaniwang tulad-kastilyong punsó ng anay
Nakasingit: Manggagawang mga anay
[Larawan sa pahina 18]
Ang sundalong anay, na ang malaking ulo at mga glandula nito na gumagawa ng nakamamatay na mga kemikal, ay nasasangkapan upang ipagtanggol ang kolonya ng mga anay
[Larawan sa pahina 18]
Ang reyna, ang tiyan ay namamaga dahil sa mga itlog
[Larawan sa pahina 18]
Ang reyna kasama ang kaniyang tripulante ng mga nag-aalaga