Mga Asawang Lalaki at Babae—Daigin ang Di-pagkakaunawaan ng Pakikipagtalastasan
ANG PAMILYA—Kanlungan ng Kapayapaan?
Ang mga sandata ay mga salitang masasakit upang sugatan ang damdamin ng isa’t isa. Ang paghiyaw, pagsigaw, pagsasakitan, at paghahagisan ng mga bagay ay pang-araw-araw na karanasan ng mga pamilya na lantarang nag-aaway. Gayunman, ang ibang pamilya ay hindi nga lantarang nag-aaway subalit nagsasawalang-kibo na lamang sa likuran ng mga halang ng katahimikan at malungkot na kabiguan. Gayunman karamihan sa mga ito ay mga membro ng pamilya na nababahala tungkol sa kanilang mga kaugnayan sa isa’t isa. Ano ang humahadlang sa kanila sa pagtatamo ng pagmamahalan na lubhang kinakailangan nila mula sa kanilang buhay pampamilya? Paano mapasusulong ang mga kalagayan? Ang sumusunod na mga artikulo ay naglalaan ng ilang makatotohanang mga kasagutan.
TAGLAY nina Joan at Paul ang inaakala ng marami na “sakdal na pag-aasawa.” Gayunman, si Paul ay emosyonal na napasangkot sa kaniyang trabaho. ‘Pagdating ko ng bahay, ang gusto kong pag-usapan ay tungkol sa nakatutuwang mga hamon sa aking trabaho. Bagaman binibigyan ko si Joan ng kinagawiang halik at yapos, ang aking isip ay nasa ibang bagay,’ sabi ni Paul. Hindi naman interesado si Joan sa trabaho ni Paul. Bilang isang may kabataang ina, inaakala niya na hindi siya inaasikaso at napapabayaan. Ito ay nagbunga ng hinanakit, yamang si Paul ay walang pakiramdam sa kaniyang mga damdamin.
Pagkaraan ng ilang panahon hindi na nag-iintindi si Joan. Kapag inihihinga ni Paul ang kaniyang mga problema, tinutugon niya ito ng pagwawalang-bahala. Si Joan ay emosyonal na ‘lumayo.’ Sa kabila ng pagiging mabuting tagapaglaan ni Paul at pagiging mahusay na ina ni Joan, pinagkaitan nila ang bawat isa ng kinakailangan at napakahalagang kaloob—ang malapit na ugnayan ng puso. Sila’y naging mga estranghero sa emosyonal na paraan, at ang kakulangan na ito ng personal na pakikipagtalastasan ay unti-unting sumira sa kanilang pag-aasawa.
Isang Pangangailangan ng Puso
Isang “mahalagang tungkulin ng pag-aasawa,” sang-ayon sa mga tagapayong sina Marcia Lasswell at Norman Lobsenz, ay maaaring ang “pagkuha at pagbibigay . . . ng [emosyonal] na suporta o pagtangkilik sa bawat isa.” Dahilan sa mga pagsalakay mula sa daigdig sa palibot natin, ang gayong pagtangkilik mula sa mga mahal natin sa buhay ay mahalaga. Ang kakulangan nito ay lubhang nakasasakit, at “dahilan sa kapanglawan ng puso ay nababagabag ang diwa.” (Kawikaan 15:13) Ang pagtitiwala-sa-sarili at diwa ng isa ay maaaring mawasak.
Kapag ang puso ay nasaktan dahilan sa kawalang pakiramdam ng isang asawa, kadalasan nang nag-aalab ang galit. “Kapag basta nauupo siya roon at sasabihan ako na ako’y masyadong maramdamin, ako’y lubhang nagagalit,” sabi ng isang asawang babae. “Naiiyak ako at napakasama ng pakiramdam ko.” O gaya ng nadama ni Paul: ‘Napansin ko na kapag kaming dalawa lamang ang magkasama, hindi gaanong masigla si Joan, subalit kapag mayroong tumawag o dumalaw, siya ay tuwang-tuwa sa kanila, lubusan akong hindi pinapansin. Para ba akong inapi at kasabay nito ay nakadama ako ng galit sapagkat para bang ako’y ginagamit lamang. Pinaglalaanan ko siya, gayunman kung kumilos siya para bang mas gusto niya ang pakikisama ng iba.’
Pinipili ng ibang mag-asawa na manahimik na lamang, bunga nito, nagiging “dakilang mga mapagpakunwari,” para bang lahat ay maayos sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa. Subalit dinaramdam ng katawan kung ano ang nais walaing-bahala ng isipan. Ang talamak na kirot, mga sakit ng ulo, sakit sa sikmura, panlulumo, panlalamig, at kawalang-lakas ay iniulat sa mga doktor ng mga taong mayroong di-malutas na mga suliranin sa pag-aasawa. Kadalasan, ang tumitinding pagkapoot ay humahantong sa paghihiwalay. Tinataya ng mga mananaliksik na kalahati ng unang pag-aasawa na nagaganap ngayon sa Estados Unidos ay magwawakas sa diborsiyo.
Subalit ano ang maaaring gawin upang madaig ang di-pagkakaunawaan at magkaroon ng malapit na ugnayan? Ang sekreto: Ikapit ang mga simulain ng Bibliya. Nalalaman ng Diyos, na gumawa sa puso at isipan, ang ating emosyonal na mga pangangailangan. Samakatuwid, ang Bibliya, na naglalaman ng kaniyang payo, ay naglalaan ng pinakamabuting patnubay. Hindi lamang dapat malaman ng mag-asawa kundi taimtim na sikaping ikapit ang kinasihang payo na ito. Kung ikakapit, ang Bibliya ay maaaring tumulong sa mag-asawa na sapat na matugunan ang emosyonal na mga pangangailangan ng bawat isa.—Efeso 5:22-33.
“Hindi Ko Alam kung Ano ang Gusto Niya”
Hindi madaling makilala ang emosyonal na mga pangangailangan ng isang asawa. Ang isang tao ay maaaring mag-atubiling sabihin ang kaniyang mga pangangailangan sa iba dahilan sa takot na tanggihan, lalo pang masaktan, o mabigo—o maaaring hindi niya alam kung ano nga ang mga pangangailangang iyon. “Talagang hindi ko alam kung ano ang gusto niya,” sabi ng isang asawang lalaki. “Lagi niyang sinasabi na kailangan kaming mag-usap, at kapag ginagawa namin ito, ang nangyayari ay lagi ko na lamang nasasabi ang maling bagay. . . . Kaya’t ako’y nag-aalala tungkol dito, at hindi na lang ako kumikibo.”
Gayunman, ipinakikita ng Bibliya na, sa halip na tumahimik gaya ng asawang lalaking ito, kinakailangang magpakita ka ng unawa. “Sa karunungan ay natatayo ang sambahayan, at sa pamamagitan ng unawa ito ay natatatag,” sabi ng Kawikaan 24:3. Samakatuwid, sikaping unawain kung ano ang nasa likuran ng pagkilos o sinabi ng iyong asawa. Tanungin ang iyong sarili: Bakit niya sinasabi ito sa akin? Ano bang talaga ang gusto o kailangan niya?
Kung minsan, maaaring makalito sa asawang lalaki ang mga sumpong ng kaniyang asawa, subalit “ang taong may unawa ay may diwang malamig” at sinisikap na ‘igibin’ sa kaniya ang tunay na problema. (Kawikaan 17:27; 20:5) Siya ba ay nagpupunyagi sa ilang mabigat na pasan ng damdamin? (Ihambing ang Eclesiastes 7:7.) Ang kaniya bang galit tungkol sa oras ng pag-uwi mo sa bahay mula sa trabaho ay talagang isang pagsigaw laban sa iyong pagwawalang-bahala at kakulangan ng pagtingin? O sinaktan mo ba siya dahilan sa iyong hindi pag-aalala? Kinakailangan ba ang ekstrang pagsisikap—at panahon—upang ayusin ang mga bagay-bagay? Gayunman, ang kabatiran ng pangangailangan ang una lamang hakbang.—Kawikaan 12:18; 18:19.
Pagtatayo ng Malapit na Kaugnayan
Sa Bibliya, binanggit ni Job na ang mga salita ng kaniyang bibig ay maaaring magpatibay sa nakikinig. (Job 16:5) Kapit din ito sa pag-aasawa. Ang taimtim na mga salita na nakadaragdag sa pagpapahalaga-sa-sarili ng iyong asawa ay nakapagpapatibay. “Kayong mga lalaki,” utos ng Bibliya, “patuloy na makipamahay kayong kasama nila [ng inyong mga asawa] ayon sa pagkakilala, na pakundanganan [malasin na mahalaga; pinakamamahal] sila na gaya ng marupok na sisidlan, ang babae.” (1 Pedro 3:7) Kapag ipinadarama mo sa iyong asawa na siya ay mahalaga, ang kaniyang galit ay kadalasang nawawala.
Mangyari pa, ayon sa kaugalian, ang mga mag-asawa sa ibang lupain ay emosyonal na mas malapit sa isa’t isa kaysa sa ibang lugar. Gayunman, anuman ang lokal na tradisyon, nakikita ng mga asawang lalaki na nagkakapit ng Bibliya sa kanilang pag-aasawa ang halaga ng pagiging emosyonal na malapit sa kani-kanilang asawa. Ang kabatiran na siya ay pinakamamahal ng kaniyang asawang lalaki ay gumagawa ritong mas madali para sa sinumang babae na sabihin sa kaniyang asawang lalaki ang niloloob ng kaniyang puso, at ito ay nakadaragdag sa kanilang kaligayahan.
“Ang isang mabuting tagapakinig,” sabi ng aklat na The Individual, Marriage, and the Family, “ay may kakayahang magpadama sa isang tao na siya ay totoong mahalaga at ang kaniyang sinasabi ay nauukol at mahalaga.” Samakatuwid, ang mga mag-asawa na nagnanais linangin ang malapit na kaugnayan ay dapat magbigay-pansin sa kung paano sila nakikinig. Ibinibigay ng isang aktibong tagapakinig sa kaniyang asawa ang buong atensiyon at sinisikap na unawain kung ano ang sinasabi ng isang iyon nang hindi sumasabad, nakikipagtalo, o binabago ang paksa. Ang nakikiayong pakikinig, pati na ang paglinang ng walang pag-iimbot na personal na interes sa mga bagay na may kaugnayan sa iyong asawa, ang buhay ng malapit na kaugnayan.—Filipos 2:3, 4.
Upang mapasulong ang malapit na kaugnayan, iminumungkahi pa ng mga tagapayo sa pag-aasawa na:
(1) Matutong magtapat sa iyong asawa sa halip na sa iba.
(2) Lumikha ng mahusay na panahon sa bawat araw, o sa paano man sa linggu-linggo, nang walang mga sagabal, kung kailan maaari mong sabihin ang iyong mga nadarama at iniisip.
(3) Ibahagi ang maliit na mga pangyayari sa araw-araw sa isa’t isa. (4) Regular na magpakita ng pagmamahal sa maliliit na bagay—pagbigay ng isang maliit subalit di inaasahang regalo, paggawa ng isang gawain-bahay na hindi nagugustuhan ng isa (nang hindi hinihiling), pag-iiwan ng maibiging sulat sa baunan, o pagbibigay ng di inaasahang haplos o yapos.
Gayunman, kahit ang mapagmahal na mga mag-asawa ay di pa rin nagkakaunawaan kung minsan. Ang mga mungkahi sa kahon na nasa itaas ay maaaring tumulong upang maiwasang lumala ang gayong mga di-pagkakaunawaan.
Kahit na kung ang mga di-pagkakaunawaan ay maging grabe, huwag isuko ang inyong pag-aasawa. Isang mag-asawa, na ang mga di-pagkakaunawaan ay humantong sa paghihiwalay, ay nagkasundo sa pamamagitan ng pagbabasang magkasama sa payo ng Bibliya tungkol sa pag-aasawa sa Colosas 3:18, 19 taglay ang determinasyon na ikapit ito. Nang prangkahang pag-usapan ang mga damdamin na naging sanhi ng paghihinanakit, sila kapuwa ay nagtanong: “Bakit hindi mo sinabi sa akin noon na ganiyan ang nadarama mo?” Sila ay nakinig at sinikap nilang maunawaan ang palagay ng bawat isa. Ngayon, pagkaraang magkabalikan sa loob halos ng sampung taon, ganito ang sabi ng lalaki: “Ang mga bagay-bagay ay lalo pang bumuti, salamat sa magandang payo ng Salita ng Diyos na Jehova. Ang aming kaligayahan ay sulit sa aming pagsisikap.”
[Kahon sa pahina 4]
Emosyonal na Pagtangkilik—Gaano Kahalaga?
“Karamihan ng mga mag-asawa na may nagtatagal na pag-aasawa ay may malalim na pagpapahalaga sa emosyonal na kasiguruhan ng pag-aasawang iyon.”—Dr. April Westfall, Marriage Council of Philadelphia.
“Ang kawalang kakayahang ito na maunawaan ang lohika ng mga damdamin ang ugat ng marami sa pagkadiskontento sa pagitan ng mga lalaki at mga babae, at gumagawa sa pag-aasawa na pinakamahirap sa lahat ng mga kaugnayan.”—Worlds of Pain—Life in the Working-Class Family, ni Lillian Rubin.
“Ang kalituhan ng mga lalaki at ang kakulangan ng pagtugon sa emosyonal na mga pangangailangan ng kanilang asawa ay kapuwa sanhi at epekto ng kalungkutan sa maraming pag-aasawa.”—Psychology Today, Oktubre 1982.
[Kahon sa pahina 5]
Paglutas sa mga Di-Pagkakaunawaan
• Magtakda ng isang pinagkasunduang panahon at dako upang mag-usap.
• Tukuyin ang isyu at manatili rito.
• Magkaroon ng saloobin na lutasin ang problema, hindi ang magwagi.
• Ituon ang isip sa kasalukuyan, hindi sa walang kaugnayang nakaraang mga pangyayari.
• Hayaang isa lamang ang magsalita sa isang panahon.
• Sikaping huwag personal na umatake ni magtanim ng sama ng loob.
• Maging espisipiko, gayunma’y sensitibo sa damdamin ng asawa.
• Iwasan ang pagbabasa ng isip. Humiling ng paliwanag.
• Maging bukás sa pagbibigay at pagtanggap ng impormasyon.
• Iwasan ang pagtuya at pagtawag ng mga pangalan.
• Maging handang magkompromiso alang-alang sa iyong pag-aasawa.