‘Kasalanan Niya Itong Lahat!’—Kapayapaan sa Kabila ng Di-pagkakaunawaan
“BUENO, kung magbabago ka at gagawin mo kung ano ang dapat mong gawin,” sabat ni Sherry, “kung gayon gagawin ko kung ano ang dapat kong gawin.” Narinig ng kaniyang asawa, si Allen, ang bulalas niya. Subalit sa isipan ni Allen inaakala niya na ito’y ang kabaligtaran. Alam nila kapuwa kung ano ang sinasabi ng Bibliya, subalit inaakala ng bawat isa na hindi ito ikinakapit ng isa.
Karaniwan nang dumarating ang mga mag-asawa sa gayong mahirap na kalagayan, naniniwala na ang kanilang mga problema ay kasalanan ng isa. Kumbinsido na ito’y kasalanan ni Allen at na hindi na siya magbabago pa, si Sherry ay umalis. “Inaakala kong wala nang pag-asa pa ang aking mga pagsisikap,” sabi ni Sherry. “Ang kalagayan ay tila wala nang pag-asa.” Nadama mo na ba ito? Sa kabutihang palad, nasumpungan ng mag-asawang ito ang lunas na nagligtas sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa.
Kasalanan ba Ito ng Isa Lamang Tao?
Samantalang nasa isang pulong ng mga Saksi ni Jehova, may narinig si Sherry na umantig sa kaniyang damdamin. Sinabi ng ministro na ang kapakumbabaan ay mahalaga sa pakikipagtalastasan ng mag-asawa. May kapakumbabaang sinuri ni Sherry ang kaniyang sarili, upang alamin kung siya ba ay may bahagi sa kanilang problema.
Sa katunayan, lahat tayo ay madaling pawalang-sala ang ating mga sarili. “Ang taong unang naghaharap ng kaniyang usapin sa hukom ay tila tama; ngunit dumarating ang kaniyang kapuwa at inilalagay ang kaniyang usapin sa tamang liwanag.” (Kawikaan 18:17, The Bible in Basic English) Ang pagsisi sa asawa ay naglalaan lamang ng mababaw na dahilan at iniiwasan ang masakit na pagsusuri sa sarili sa posibleng mga dahilan ng suliranin. Sang-ayon sa Bibliya, maaari mong ‘itayo’ o ‘sirain’ ang iyong pag-aasawa sa pamamagitan ng iyong “sariling mga kamay.” (Kawikaan 14:1) Ang pagsusuri sa ating sarili sa “tamang liwanag” ay kadalasang nagsisiwalat na mayroon pang dapat pasulungin.
Ang pagsusuring ito sa sarili ang simula ng lunas para kay Sherry. Natanto niya na malamang ay hindi niya mabago ang kaniyang dominanteng asawa sa paraan ng paggawi niya tungkol sa mga bagay-bagay. Subalit maaari niyang baguhin ang kaniyang pagtugon at kung paano siya makipag-usap sa kaniyang asawa. Maaaring maimpluwensiyahan nito ang kaniyang mister na bumuti. Kaya’t siya’y bumalik ng bahay, determinado ngayon na bantayan ang kaniyang pananalita. Ang mga resulta ay positibo.
Ang Kapangyarihan ng Dila
Ang “dilang nagsasalita nang mapayapa ay isang punungkahoy na ang bunga ay nagbibigay ng buhay,” sabi ng Bibliya, subalit ang “di-masupil na dila ay maaaring makasakit ng damdamin.” (Kawikaan 15:4, The Holy Bible, ni Ronald A. Knox) Ang walang-ingat, “di-masupil” na pananalita ay kadalasang humihila ng galit at hinanakit. “Lagi kong sinasabi sa kaniya na kaya lamang niya ako pinakasalan ay upang may mangalaga sa kaniyang bahay at mga anak,” sabi ni Sherry. “Magagalit siya at magsisisigaw. Bueno, itinigil ko ang pagsasabi nito. Hindi na ako naging metikulosa at palapintasin. Sa halip na maliitin siya sa harap ng mga bata, maghihintay ako ng tamang panahon upang pag-usapan ang mga bagay na hindi ko nagustuhan. Sinikap kong makinig nang higit at papurihan siya kung kinakailangan.”
Ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa ay sumigla sapagkat tumugon si Allen. Ang iyo bang mga salita ay nakapagpapayaman sa inyong pagsasama o nagdudulot ng kirot, ‘nakasasakit sa damdamin’ ng iyong asawa? Sinusunod mo ba ang utos ng Bibliya na magpakita ng ‘pakikiramay sa kapuwa at magiliw na kaawaan’?—1 Pedro 3:8.
Halimbawa, isa pang mag-asawa, sina Larry at Michele, ay nag-iisip kung anong panghimagas ang ihahanda para sa isang hapunan. “Huwag ka nang mag-abala. Bumili ka ng isang cake,” sabi ni Larry. Iginiit naman ni Michele ang paggawa ng matrabahong cake. At nangyari nga, bago dumating ang mga bisita, narinig ni Larry ang isang panangis mula sa kusina. Ang cake ay bumagsak. “Hindi ba’t sinabi ko sa iyo na huwag ka nang mag-abala na gumawa ng cake?” sabi ni Larry, ganap na walang pakiramdam sa kaniyang panlulumo. “Ngayon ano ang gagawin mong panghimagas?”
“Muntik ko nang ihagis sa kaniyang mukha ang cake,” sabi ni Michele. Napigilan lamang ito nang dumating ang mga bisita. Hindi sila halos nagkibuan sa isa’t isa sa loob ng mga ilang araw pagkaraan nito. Ngunit masasabi ba ni Larry na kasalanan ni Michele ang lahat ng ito? Sa kabaligtaran, ang kaniyang walang-ingat na sinabi ay ‘parang tarak ng tabak,’ na lumikha ng mainit na pagtugon. (Kawikaan 12:18) Di-hamak na mas mabuti sana kung si Larry ay nagpahayag ng pakikiramay at nagmungkahi ng ibang panghimagas!
Ano, kung gayon, kung ang iyong asawa ay nabalisa dahilan sa isang mapait na personal na problema o kabiguan? At, natalos mo na hindi naman ikaw ang tudlaan. Gayunman, ano ang gagawin mo kung, dahilan sa kabiguan, ikaw ang pagbalingan niya ng galit?
Mapagsakripisyo-sa-sarili na Pag-ibig
Sa halip na lumayo, ang Bibliya ay nagpapayo: “Patuloy na magdalahan kayo ng pasanin ng isa’t isa, at sa gayo’y tuparin ang kautusan ng Kristo.” (Galacia 6:2) Bagaman mahirap magbigay ng pagtangkilik kapag ang isang asawa ay balisa, ang pagkakapit ng “batas ng Kristo” ay mahalaga.
Ipinag-utos ni Jesus ang mapagsakripisyo-sa-sarili na pag-ibig. (Juan 13:34, 35) Ang pag-ibig na ito ay “hindi hinahanap ang sariling kapakanan.” (1 Corinto 13:5) Kahit na kung ikaw ay may matuwid na “dahilan upang magreklamo,” ang pag-ibig na ito ay mag-uudyok sa iyo na magpatawad at huwag itong pansinin. (Colosas 3:13) Ang pagsasakripisyo-sa-sarili ay humihiling ng ‘pangunguna’ sa pagpapakita ng galang at pagganti ng mabuti sa masama.—Roma 12:10, 17-21.
Gayunman, ang pagiging mapagsakripisyo-sa-sarili ay hindi nangangahulugan ng paggawa ng anumang bagay upang payapain ang asawa. Binabanggit ng Bibliya si Sara, na mapagpasakop at mapagsakripisyo-sa-sarili. Gayumpaman, hindi siya nag-atubiling sabihin sa kaniyang asawa ang nasa kaniyang isipan nang hilingin ito ng kalagayan. Iniharap niya ang pangmatagalang mga kapakanan ng pamilya na higit kaysa anumang kagyat na kawalan ng kapayapaan.—Genesis 16:1-6; 21:8-11.
Kaya, kung ang iyong asawa ay tumatahak sa isang mapanganib na landasin, “maigi ang saway na hayag kaysa pag-ibig na nakukubli.” (Kawikaan 27:5) Subalit piliin ang tamang panahon—na malayo sa mga bata at sa ibang tao. Makiusap sa iyong kabiyak, tinutulungan siyang makita ang karunungan ng pagbabago.
Ang Mahalagang Bagay
Gayunman, kung minsan ang kabiyak ay para bang tumatangging magbago. Maaaring imungkahi mo ang paglapit sa isang kuwalipikadong tagapayo para humingi ng tulong. Sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, may espirituwal na kuwalipikadong mga tagapangasiwa na handang tumulong. (Santiago 5:14, 15) Marahil ang gayong tulong ay mag-uudyok sa kabiyak na ikapit ang payo ng Bibliya, lalo na kung pinahahalagahan niya ang mabuting kaugnayan sa Diyos.
Subalit ano kung ang iyong kabiyak ay ayaw magbago? Kung gayon ang pag-ibig sa mga kautusan ng Diyos ang dapat mong pagkaabalahan. Ang salmista, na nang minsan ay nasa ilalim ng matinding panggigipit, ay sumulat: “Aking pinili ang daan ng pagtatapat. . . . Aking tatakbuhan ang daan ng iyong mga utos, sapagkat pinangyari mong magkaroon ng lugar sa aking puso.” (Awit 119:11, 30, 32) Ang salmista, na pinahahalagahan ang mga kautusan ng Diyos, ay hindi lamang sumulong sa kaalaman tungkol sa Diyos sa kaniyang puso kundi nagkaroon din ng higit na pagtitiwala sa kakayahan ng Diyos na umalalay. Samakatuwid tinulungan siya ng Diyos na magkaroon “ng dako” sa kaniyang puso upang mabata ang emosyonal na panlulumong ito.
Samakatuwid kaya ni Jehova na tulungan ka na magkaroon din ng lugar sa iyong puso kahit na ang isang hindi nakikipagtulungang asawa. Ang kaalaman na ikaw ay nakalulugod sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang mga utos ay nagbibigay ng panloob na kapayapaan.
Talagang Gumagana Ito!
Nakatutuwa, sa loob halos ng sampung taon, sina Sherry at Allen ay muling nagkabalikan. Bagaman di-sakdal, sinikap nila kapuwa na ikapit ang payo mula sa Bibliya. “Kung minsan nagbabalik ako sa aking dating mga pagkilos,” sabi ni Allen. “Subalit patuloy kong sinisikap na magbago.”
Gayunman, sinisikap ni Sherry na huwag itong labis na makaapekto sa kaniya. “Natututuhan mong tanggapin ang ilang mga bagay tungkol sa isang tao,” sabi ni Sherry. “Ganiyan siya. Hindi mo maaaring baguhin ang lahat sa kaniya—kung paanong hindi ko mabago ang lahat ng aking mga di-kasakdalan.” Sa katunayan, narating ni Sherry ang isang mahalagang konklusyon: ang pangangailangang magpatawad ng maliliit na pagkakamali. (Mateo 18:21, 22) “Yamang nakita ko ang pagtugon ni Allen sa aking nagbagong saloobin,” sabi ni Sherry habang ginugunita niya ang pitong masamang mga taon ng pag-aasawa bago ang kanilang paghihiwalay, “naisip ko, ‘Bakit hindi ko ginawa ito noon?’ Sana ay hindi naging gaanong mahirap ang mga taóng iyon.”
Kaya huwag umasa ng kasakdalan sa iyong asawa. Ang pag-aasawa, kahit na sa pinakamabuting mga asawa, ay nagdudulot pa rin ng ‘kahirapan sa laman.’ (1 Corinto 7:28) Matatag na harapin ang mga problema, sa halip na takbuhan ang mga ito sa pamamagitan ng paghihiwalay o diborsiyo.a Pagtibayin ang iyong personal na pasiya na ingatan ang mga kautusan ng Diyos at mararanasan mo ang katotohanan ng Awit 119:165: “Saganang kapayapaan ay tinatamo nila na nagsisiibig ng kautusan [ng Diyos], at sila’y walang kadahilanang ikatitisod.”
[Talababa]
a Ipinahihintulot ng Bibliya ang diborsiyo salig sa seksuwal na imoralidad na nagpapalaya sa walang-salang asawa na mag-asawang muli. (Mateo 19:9) Para sa ilang maselang mga kadahilanan na maaaring humantong sa paghihiwalay, tingnan ang “When Marriage Ties Are at the Breaking Point” sa Setyembre 15, 1963 na labas ng aming kasamang magasin, na The Watchtower.
[Kahon sa pahina 12]
“Bibihira lamang, gaya kung, lingid sa kaalaman ng kabiyak sa panahon ng pag-aasawa, ang isa ay alkoholiko o may diperensiya sa isip, maaaring isisi ang magulong pag-aasawa sa isang kabiyak sa halip na sa mag-asawa.” Ito ang konklusyong narating ni Gary Birchler ng University of California Medical School, pagkatapos isagawa ang di-mumunting pananaliksik sa larangan ng pag-aasawa.
[Larawan sa pahina 11]
Kapag tumindi ang kaigtingan, ang iyo bang mga salita ay magpapabuti o magpapalala sa kalagayan?