Ang Diyos—Siya Ba’y Talagang Umiiral?
MAYROON bang isang Diyos ng kapayapaan? Sa marami, ang tanong na iyan ay dapat na mas tiyak—mayroon nga bang Diyos?
Angaw-angaw na mga ateista ang sumasagot ng wala! Ipinalalagay ng mga agnostiko na “ang anumang pinakasukdulang katotohanan (gaya ng Diyos) ay hindi alam at malamang na hindi maaaring malaman.” Gayunman, mahigit na isang bilyon at kalahati na relihiyosong mga tao ang nagsasabi na mayroong Diyos, bagaman sila ay lubhang nababaha-bahagi sa kanilang mga paniniwala tungkol sa kaniya.
Mayroon ba tayong makukuhang kasiya-siyang kasagutan sa tanong na iyan? Sa pagsasabing isang kasiya-siyang kasagutan ibig naming tukuyin ang isa na nakalulugod sa ating kapangyarihan ng pangangatuwiran gayundin sa damdamin.
Ano, kung gayon, ang ilan sa mga hadlang sa paniniwala sa Diyos? Narito ang isa sa mga pananalita ng manunulat ng Bibliya na si Juan: “Walang taong nakakita kailanman sa Diyos.” (Juan 1:18) Ikinakatuwiran ng angaw-angaw na yamang hindi nila nakikita ang Diyos, hindi siya umiiral. “Naniniwala kami sa aming nakikita,” sabi nila. Subalit iyan ba ay totoong makatuwiran?
Sa katunayan, lahat tayo ay naniniwala sa mga bagay na hindi natin kailanman nakita. Bakit? Sapagkat nalalaman natin sa pamamagitan ng sirkumstansiyal na katibayan at makatuwirang konklusyon na ang gayong mga bagay ay kinakailangang umiiral. Upang ilarawan: Sino ang nakakita na ng mga radio waves? O ng mga television waves? O ng mga sinag ng X ray? Gayunman alam natin na ang mga ito’y umiiral dahilan sa mga epekto nito sa isang radyo, sa telebisyon, at sa negatibo ng X-ray. Sa gayunding paraan, maaari nating gamitin ang sirkumstansiyal na katibayan at makatuwirang konklusyon upang patunayan ang pag-iral ng Diyos.
Pagsunod sa mga Himaton
Sa ngayon hindi natin gaanong pinapansin ang sistema solar. Gayunman mga 140 taon lamang ang nakalipas ang kaalaman ng tao tungkol dito ay limitado. Nang panahong iyon ang Neptuno at Pluto—ang dalawang planeta na pinakamalayo sa lupa at sa araw ay hindi kilala. Gayunman ang pag-iral ng Neptuno ay pinaghihinalaan. Bakit? Dahilan sa mga himaton—mga epekto—na tumuturo sa pag-iral nito.
Ang National Geographic ay nagpapaliwanag: “Noong 1840’s, isang Pranses at isang Ingles, na gumagawang magkahiwalay, ay naghinuha na ang grabitasyunal na hila ng isang di-kilala [at sa gayo’y di nakikita] na planeta ay nagpapangyari sa Uranus na lumihis sa orbita nito.” Kaya, ano ang kanilang ginawa? Kinalkula nila kung saan naroroon ang nawawalang planeta, “at ang Neptuno ay nasumpungan sa loob ng isang oras na paghahanap.”
Gaya ng sa marami pang ibang kaso, pinag-aralan ng mga astronomo ang mga epekto, o mga himaton, at pagkatapos sa pamamagitan ng pananaliksik ay nasumpungan ang sanhi. Mayroon bang anumang mga epekto na magpapatunay sa pag-iral ng isang talino na mas nakahihigit sa tao?
[Larawan sa pahina 3]
Kahit na bago makita ang Neptuno, ang pag-iral nito ay ipinahihiwatig sa pamamagitan ng grabitasyunal na hila nito sa Uranus. Sa gayunding paraan, maaari bang patunayan ang pag-iral ng Diyos?