Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 10/22 p. 4-7
  • Sino ang Nasa Panganib?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sino ang Nasa Panganib?
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Nasa Panganib
  • Mga Panganib sa Pagsasalin ng Dugo
  • Isang Maaasahang Pagsusuri ng Dugo?
  • Kung Bakit Lubhang Lumaganap ang AIDS?
    Gumising!—1988
  • Pagtulong sa mga May AIDS
    Gumising!—1994
  • Kung Paano Iiwasan ang AIDS
    Gumising!—1988
  • AIDS—Kung ano ang Dapat Malaman ng mga Magulang at ng mga Anak
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 10/22 p. 4-7

Sino ang Nasa Panganib?

SAAN nagmula ang virus ng AIDS? Ang namamalaging opinyon ng mga medikal na kapisanan sa Europa at Amerika ay na ito ay nanggaling sa Gitnang Aprika. Ang green monkey ng Aprika ay may katulad na virus, at inaakala nila na ito ay napunta sa tao sa pamamagitan ng malapit na pakikisalamuha nila sa maysakit na mga unggoy.

Subalit ang mga biktima ng AIDS ay unang natagpuan sa Estados Unidos. Paano nga nakarating doon ang virus? Mula sa Haiti, sang-ayon sa opinyon ng karamihan. Maraming taga-Haiti ang dumalaw sa Aprika noong panahon ng programa ng pagpapalitan ng kultura noong kalagitnaan ng 1970’s. Nang malaunan, gaya ng sabi, ang mga homoseksuwal o mga bakla, ay nahawa samantalang nagbabakasyon sa Haiti, at dinala ang AIDS sa New York.

Gayunman, ang gayong mga palagay ay mariing tinututulan ng mga Aprikano, na tinatawag itong “isang kampaniyang propaganda.” Si Dr. V. A. Orinda, editor ng isang magasin tungkol sa paggagamot sa Aprika, ay nagsabi na ang mga turista sa palibot ng daigdig ang nagdala ng AIDS sa Aprika. Sa katunayan, walang nakatitiyak kung saan nanggaling ang virus ng AIDS.

Gayumpaman, ang pumapatay na sakit na ito ay nagkubli sa Estados Unidos sa loob ng mga ilang taon, tahimik, nakamamatay, mabilis na kumakalat. At nang ito ay matuklasan mga ilang taon pa lamang, agad itong naging pandaigdig na kasakunaan sa kalusugan.

Ang mga Nasa Panganib

Ang AIDS ay kumakalat sa pamamagitan ng pagpapalitan ng likido ng katawan, lalo na ng dugo at semilya. Kaya ang sinuman na seksuwal na nakikipagtalik sa isang tao na may virus ng AIDS ay nasa panganib. Ang uri ng seksuwal na mga paggawi ng mga homoseksuwal ang nagpapangyari na sila ang madaling mahawa. Kaya naman, mahigit na 70 porsiyento ng mga biktima ng AIDS sa Estados Unidos ay mga homoseksuwal, kaya tinatawag ng iba ang AIDS na sakit ng mga bakla.

Pagkatapos, noong 1982, may isang biktima ng AIDS na hindi isang homoseksuwal. Siya ay gumagamit ng droga na pinadaraan sa ugat. Sa sama-samang paggamit ng karayom na hindi istirilisado, ang mga mang-aabuso sa droga ay hindi lamang nagtuturok sa kanilang mga sarili ng droga kundi pati na rin ng virus ng AIDS na galing sa dugo ng kanilang mga kasama. Hindi nagtagal ang mga mang-aabuso na nagtuturok ng droga sa ugat ang pangalawang grupo na nasa panganib na madaling magkaroon ng AIDS.

Nangangahulugan ba ito na yaong mga nakagat ng lamok na nagdadala ng dugo ng mga taong may AIDS ay nasa panganib? Wala pang mga patotoo na ang AIDS ay naililipat sa ganitong paraan. “Ang mga nagtatrabaho sa pangangalaga ng kalusugan na may mga nagamit o nahawaan nang mga iniksiyon ay nakakakuha ng mas maraming dugo kaysa maaaring ilipat ng lamok,” ang sabi ni Dr. Harold Jaffe, isa sa pangunahing mananaliksik sa AIDS. “Ngunit,” sabi pa niya, “maaari itong mangyari.”

Bukod pa sa mga homoseksuwal at mga mang-aabuso sa droga, isa pang grupo na nagsimulang magkaroon ng AIDS ay ang mga hemophiliac​—mga tao na malakas magdugo. Sila ay karaniwang ginagamot ng pinagsama-samang plasma ng dugo na kinuha sa 5,000 iba’t ibang mga nagkaloob na tinatawag na Factor VIII. Ang Britanong pahayagan sa paggamot na The Lancet ang nagsabi na “malamang na dumami ang pagkakaroon ng sakit na ito sa mga bansang gumagamit ng factor VIII na galing sa EUA.” Kaya, sinasabi nito, ang persentahe ng mga hemophiliac sa Alemanya na ibinalitang may mga antibodies sa virus ng AIDS ay dumami mula sa wala noong 1980 tungo sa 53 porseyento noong 1984!

Ngunit ang virus ng AIDS ay masusumpungan din sa ihi, laway, at luha. Maaari bang mahawa sa sakit kung mailipat ang mga likidong ito sa katawan? Wala pang mga katibayan na mayroong nahawa ng AIDS sa ganitong paraan, at ang nangingibabaw na opinyong medikal ay na ang paglilipat ng gayong likido ay mahirap mangyari. Gayumpaman, isang neurologo sa Washington, D.C., si Dr. Richard Restak, ay nagsabi: “Kung ang mga virus ay matatagpuan sa mga likidong ito, mas matalinong isipin na maaari ring kumalat ito sa ganitong paraan.”

Nang nakaraang Nobyembre ang National Catholic Reporter ay nagsabi na ang paglaganap ng AIDS ay nagdulot ng pagkabalisa hinggil sa paggamit ng iisang kopa ng alak sa Komunyon. Nang itanong ang tungkol sa gawaing ito sa U.S. Centers for Disease Control sa Atlanta, Georgia, ang pansamantalang direktor na si Dr. Donald R. Hopkins ay nagsabi na walang katibayan na ang AIDS ay maaaring kumalat sa ganitong paraan. Gayunman, susog pa niya na ang kakulangan ng ebidensiya ay “hindi nangangahulugan na walang panganib.”

Yamang ang AIDS ay maaaring makuha sa pamamagitan ng malapitang pakikitungo sa mga may AIDS, kataka-taka ba na ang mga tao ay nababahala? Gayunman, ang mga magulang ay kadalasang binibigyan ng kasiguruhan na ang kanilang mga anak ay hindi mahahawa sa kanilang mga kamag-aral na may AIDS. Bilang patotoo, sinasabi na hindi ipinapasa ng mga biktima ng AIDS ang karamdaman sa mga membro ng pamilya kahit na sila ay humahalik, ginagamit ang kanilang mga gamit sa pagkain, at sama-samang gumagamit ng iisang kasilyas. Gayunman, si William F. Buckley, Jr., isang manunulat sa New York, ay nakikiramay sa mga pagkabahala ng mga magulang, na ang sabi:

“Nang [ang kilalang biktima ng AIDS] si Rock Hudson ay pinalabas sa ospital, ang mga damit ng lahat ng mga nars na nag-alaga sa kaniya​—at ito ay sa isang modernong ospital, hindi sa kubo ng isang doktor-kulam​—ay ipinasunog sa kanila. Ang pasyente ay pinakain sa papel o plastik na pinggan at plastik din na kutsara at tinidor​—na sinunog.” Bakit ang gayong pag-iingat kung ang mga nagtatrabaho sa ospital ay hindi naniniwala na may panganib na mahawa?

Mga Panganib sa Pagsasalin ng Dugo

Sa kabilang dako naman, walang alinlangan na ang AIDS ay maaaring ilipat sa pamamagitan ng pagtanggap ng dugo ng taong may AIDS. Kahit na ang mga nagkakaloob ng dugo na may virus ng AIDS ngunit walang mga sintomas nito, ay maaaring ipasa ang AIDS sa iba.

Ibinalita ni Dr. Arthur Ammann na isang sanggol sa San Francisco na binigyan ng ilang pagsasalin ng dugo pagkasilang ay nagkaroon ng AIDS. Ang isa sa mga nagkaloob, na magaling pa nang panahong iyon, ang hindi nagkasakit ng AIDS hanggang sa makalipas ang pitong buwan pagkaraang magkaloob ng dugo. Kapuwa ang nagkaloob ng dugo at ang sanggol na tumanggap ng kaniyang dugo ay namatay.

Apat na sanggol na ipinanganak nang kulang sa buwan ay nagkaroon ng AIDS matapos na salinan ng dugo na galing sa iisang nagkaloob na nang malaunan ay napag-alaman na mayroon palang antibodies ng AIDS. Tatlo sa apat na sanggol ang namatay sa loob lamang ng pitong buwan.

Isang batang lalaki sa Estado ng Georgia, Estados Unidos, ang namatay sa AIDS makalipas ang lima at kalahating taon pagkatapos pasalin ng dugo nang minsan mula sa isang homoseksuwal na wala namang mga sintomas subalit nang malaunan nang suriin ang dugo ay positibong may antibodies ng AIDS. Nakalulungkot, ang mga doktor sa Medical College ng Georgia ay nag-ulat: “Ang dugo ng nagkaloob ay naibigay na sa maraming pasyente simula nang aming salinan ng dugo ang pasyente.”​—The New England Journal of Medicine, Mayo 9, 1985, pahina 1256.

Iniulat ng isang pag-aaral na halos 40 porsiyento ng mga pasyente “na may AIDS na nauugnay sa pagsasalin ng dugo . . . ay 60 taon ang gulang o mas matanda pa” at “karaniwang tinatanggap ang mga pagsasalin sa panahon ng operasyon, karaniwan na sa operasyong coronary-bypass.”​—The New England Journal of Medicine, Enero 12, 1984.

Ito ngayon ay nagbabangon ng mahalagang tanong: Wala bang tiyak na paraan na maalis ang virus ng AIDS sa mga isinasaling dugo?

Isang Maaasahang Pagsusuri ng Dugo?

Sa paghihiwalay ng virus na nagiging sanhi ng AIDS, naging posible na gumawa ng isang pagsusuri ng dugo na nakapagsasabi sa paano man kung baga ang isang tao ay nalantad sa AIDS at nagkaroon na ng antibodies. Sa gayon, naging posible ang mas masalimuot na programa ng pagsusuri sa mga nagkakaloob ng dugo.

Ang pahayagan at maraming medikal na mga tao ang nagsimulang mag-akala na ang problema ay nalutas na. Halimbawa, binanggit ng Newsweek ng Agosto 12, 1985, ang hinggil sa pagsusuring ito na “tumitiyak, sa pangmalas ng mga dalubhasa, na ang AIDS ay hindi kakalat sa suplay ng dugo ng bansa.”

Ngunit hindi ganiyan ang sinasabi ng rebisadong mga tuntunin ng U.S. Public Health Service na ibinibigay sa mga taong nasa “lubhang nanganganib” na kategorya. Sa halip, kanilang sinasabi: “Hindi makikita sa pagsusuri ang lahat ng tao na mga tagapagdala ng virus sapagkat hindi lahat ng may virus ay mayroong antibodies. . . . May posibilidad na ang mga antibodies para sa virus ay hindi makita kapag sinusuri ang dugo kahit na ikaw ay mayroon na nito. Kung mangyari iyan, ang dugo ay gagamitin sa paggamot ng mga pasyente na maaaring manganib na mahawa ng HTLV-III at ng AIDS.”

Ang magasin ng U.S. Food and Drug Administration na FDA Consumer ng Mayo 1985 ay nagsabi na “ang negatibong resulta ng pagsusuri sa antibody ay hindi garantiya na ang isang tao ay walang virus. . . . Ito’y dahilan sa ang mga antibodies ay maaaring hindi pa lumilitaw kung ang pagkalantad sa virus ay bago pa lang.”

Si Dr. Myron Essex, tagapamanihala sa departamento ng cancer biology sa Harvard School of Public Health, ay sinipi na nagsabi sa The New York Times: “Hindi kapani-paniwala na ang pagsusuri ay kumukuha ng higit sa 90 porsiyento [ng mga dugong may AIDS], at ang pinakamahusay kong tantiya ay na ito’y 75 hanggang 80 porsiyento. Magtataka ako kung hihigit pa riyan.”

Hindi lamang bigo ang pagsusuri na mahuli ang lahat ng dugo na may virus kundi, gaya ng sinabi ng magasing Time, “Ang pagsusuri ng dugo ay napakamahal sa maraming bansa upang isagawa sa malawakang paraan.”

Iniulat ng pagsusuri ng Newsweek na 21 porsiyento niyaong mga kinapanayam ang nagsabi na sila o ang mga kakilala nila ay tumatanggi sa operasyon na nangangailangan ng pagsasalin ng dugo. Marahil mas maraming tao ang maghahanap ngayon ng mga doktor na nakagawa na ng mas maingat na mga pamamaraan na ginamit ng mga espesyalista sa umuunlad na larangan ng operasyon na kakaunti ang nasasayang na dugo (bloodless surgery).

[Larawan sa pahina 5]

Nakatitiyak ba ang isang pasyente na ang dugo na tinatanggap niya ay walang virus ng AIDS?

[Pinagmulan]

H. Armstrong Roberts

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share