Pangangalunya—Bakit Huwag?
“ONLY you and you alone” (Ikaw lamang at tanging ikaw). Ipinahahayag na mainam ng mga salitang ito ng isang popular na awitin ang damdamin ng karamihan ng mga lalaki’t babae para sa isa na kanilang pinakakasalan. Subalit gaano katagal ang gayong katapatan?
Ang pangangalunya o ang pagkakaroon ng kabit ay naging karaniwan sa makabagong lipunan anupa’t ang hindi pagkakaroon ng isa ay itinuturing na halos hindi normal. Mayroong mga kumukunsinti sa gayong pagtataksil sa asawa, ipinagtatanggol ito, at inirirekomenda pa nga ito. Sinasabi ng iba na ginagawa raw nitong mas mabuti ang pag-aasawa. Gaya ng isinulat ng sikologong si Tony Lake at ng peryudistang si Ann Hills sa kanilang aklat na Affairs: The Anatomy of Extra-Marital Relationships: “Walang alinlangan na ang buhay ng nakararaming mga lalaki’t babaing may-asawa ay pinagyayaman at ginagawang higit na makahulugan ng lihim na seksuwal na mga kaugnayan.”
Ang bantog na mga magasin ng babae ay tahasang nagtanong: “Iingatan ba ng pangangalunya ang inyong pag-aasawa?” Bilang sagot, kadalasan nang ikinakatuwiran na ang pangangalunya o ang pagkakaroon ng kabit ay maaaring gumawa sa iyo na higit na pahalagahan ang iyong asawa, o punan ang mga pagkukulang sa iyong seksuwal na buhay. Gagawin ka nitong higit na may karanasan, higit na may kakayahang pakitunguhan ang iyong kabiyak at ang inyong mga anak, at sa gayo’y mas maligaya, sabi ng iba. Ang impresyong ibinibigay ay na kung hindi ka nangangalunya, may kulang sa iyo. Subalit gayon nga ba?
Ang Pangangalunya ba ay Nagpapabuti sa Pag-aasawa?
Maaari kayang ang pagiging popular ng pangangalunya ay may kaugnayan sa pagdami ng diborsiyo sa ating panahon? Sa Sweden halos tatlo sa bawat limang pag-aasawa ang nauuwi sa diborsiyo. At ang mga bilang sa ibang bansa ay hindi nahuhuli.—Tingnan ang kalakip na kahon, “Estadistika sa Pag-aasawa at Diborsiyo sa 1983.”
Sa anong lawak ang pangangalunya ang dahilan ng gayong mga diborsiyo? Nagkukomento tungkol sa bilang sa United Kingdom, ganito ang sabi nina Lake at Hills: “Mahigit na kalahati ng mga lalaki na diborsiyado na wala pang kuwarenta anyos ang tumukoy sa pangangalunya bilang saligan sa mga petisyon ng demanda sa mga hukuman. Makatuwirang ipalagay na ang pangangalunya ay nangyari sa marami pa sa mga pag-aasawang ito, at na ito ay hindi binanggit bilang pangunahing dahilan sa petisyon. Gayundin, kataka-taka kung hindi magkakaroon ng higit na mga pangangalunya taun-taon kaysa mga diborsiyo.”
Nasumpungan sa isang surbey kamakailan sa Tsina, na isinagawa sa Shanghai Academy of Social Science, na ang pagtataksil sa asawa ang pangunahing dahilan ng diborsiyo sa bansang iyon. Ang diborsiyo bilang resulta ng pagtataksil sa asawa “ay naging triple sa nakalipas na dalawang taon,” sabi ng ulat ng Shanghai.
Walang alinlangan, ang pangangalunya ang isa sa pangunahing dahilan ng wasak na pag-aasawa. Samakatuwid, ang pangangalunya ba ay dapat irekomenda bilang isang panlunas sa mabuway na pag-aasawa? Ang isa bang gamot na pumapatay ng 30 hanggang 40 porsiyento o higit pa sa mga gumagamit nito ay mairirekomenda bilang medisina? Hinding-hindi!
Ikinakatuwiran ng iba na pinakamabuting ilihim sa asawa ang pagkakaroon ng kabit o kalunya. Subalit papaano? Ganito ang paliwanag nina Lake at Hills: “Ang pangangalunya ay karaniwang napaliligiran ng sala-salabid na mga kasinungalingan at pandaraya. Ang pangangalunya man ay lihim o hindi at kung ito man ay tapos na o nagpapatuloy pa, ang mga kasinungalingan ay karaniwang ginagawa upang ‘ingatan’ ang pag-aasawa, o upang ingatan ang ilang bahagi ng kaugnayang pangmag-asawa. Marami sa mga kasinungalingang ito ang bahagyang katotohanan, sapagkat ang buong katotohanan ay magiging napakasakit na harapin, o maaaring lubhang baguhin ang kaugnayan sa pagitan ng asawang lalaki at babae.”
Kapag ang isang lalaki at isang babae ay napakasal, sila ay nangangako sa isa’t isa. Ang pagsira sa pangako ay pandaraya, pagtataksil. Ang mga kasinungalingan, panlilinlang, at bahagyang katotohanan ay nagdadala ba ng walang hanggang kaligayahan sa isang pag-aasawa? Kaya bago man lang isipin ang pangangalunya, makabubuting itanong ng isa sa kaniyang sarili: Ang lahat ba ng nasasangkot ay magiging mas maligaya? Kumusta naman ang mga pagkadama ng pagkakasala at ang takot sa tuwina na ikaw ay mahuli o matuklasan?
At ang iba pa ay nangangatuwiran na ang pangunahing layunin ng pag-aasawa ay ang pagsisilang ng mga sanggol sa daigdig, at ang kahalagahan ng pananatili o pakikipisan sa asawa ay naglalaho kapag ang mga bata ay nagsilaki na at bumubukod. Sinasabi nila na maaaring magkaroon ng seksuwal na pagpukaw na muli. Kaya’t anong masama sa pangangalunya?
Ang Seksuwal na “Pagpukaw-muli”
May mga sikologo at mga tagapayo ng pamilya na nagrirekomenda na ang mga taong nasa kalagitnaang gulang ay magkaroon ng kaugnayan sa ibang babae o mangalunya upang pukawing-muli ang natutulog na mga damdamin. Sabi nina Lake at Hills: “Ang pangangalunya sa yugtong ito ay maaaring magdala ng higit na katatagan sa isang matatag na pag-aasawa, pinangyayari ang isa na makadama na siya’y buháy sa bagong mga paraan nang hindi pinipinsala sa paano man ang isa.”
Oo, maaaring pasiglahin o pukawin ng pangangalunya ang pagnanasa ng isang tao sa sekso o bigyang-kasiyahan ang kaniyang sakim na guniguni sa sandaling panahon. “Para bang isang kaakit-akit na ideya, ang pagkakaroon ng isang mangingibig,” sabi ng isang babaing nasa kalagitnaang gulang. Subalit anong halaga ang pinagbabayaran?
Isaalang-alang kung ano ang nangyari sa isang lalaking nasa kalagitnaang gulang pagkatapos niyang mangalunya sa kaniyang sekretarya, na mas bata ng 18 taon sa kaniya. Nasira ang kaniyang 30 taóng pag-aasawa, siya ay nagsimulang maglasing, at sa wakas siya ay nasisante sa kaniyang trabaho. Ang panangis niya: “Ginawa ko ito sapagkat labis kong ipinagmamalaki ang aking sarili. Isip-isipin na lamang, sa edad ko, nakuha ko ang isang kaakit-akit na dalaga. Naniniwala ako na ang pangangailangang ito na magmalaki, na patunayan na ikaw ay uring macho, ay nasasalalay na lahat sa kahangalan na itinutuon ng mga lalaki sa kanilang sarili kapag nagkaroon sila ng pagkakataon. Malungkot ito, sapagkat ang gayong pagmamataas ay nasasalig sa isang palsong pundasyon.”
“Isang palsong pundasyon” nga! Malaon nang ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Ang kapalaluan ay nagpapauna sa kapahamakan, at ang mapagmataas na diwa ay sa pagkabuwal.”—Kawikaan 16:18.
Ang Sekso ba ang Pinakamahalaga?
Ang iba ay naghahanap ng sekso sa labas ng pag-aasawa sapagkat iniisip nila na hindi sila nakakakuha ng sapat sa loob ng pag-aasawa. Maaaring isipin nila na ang kaligayahan sa buhay ay nakasalalay sa napakaaktibong seksuwal na buhay. Sa kanila ang tradisyonal na panghabang-buhay na kaugnayan sa isang asawa ay lipas na. Gaya ng sinabi ni Rita Liljeström, isang assistant professor ng sociology sa Sweden: “Sa Sweden napakaraming pagtataksil sa asawa. Ang katapatang pangmag-asawa ay pinagtatawanan. ‘Nais naming maging moderno.’”
Kapuna-puna, ang Bibliya ay maraming sinasabi sa paksang may kinalaman sa sekso, inihaharap ang isang timbang na pangmalas tungkol sa bagay na ito. Halimbawa, isaalang-alang kung ano ang isinulat ng pantas na si Haring Solomon:
“Uminom ka ng tubig sa iyong sariling tipunan ng tubig, at sa nagsisiagos na tubig sa iyong sariling balon. Mananabog ba ang iyong mga bukal sa kaluwangan, at mga agos ng tubig sa mga lansangan? Maging iyong mag-isa, at huwag sa di-kilala na kasama mo. Pagpalain nawa ang iyong bukal, at magalak ka sa asawa ng iyong kabataan, gaya ng maibiging usa at ng masayang usang babae. Bigyan ka ng katiwasayan ng kaniyang dibdib sa buong panahon. Laging malugod ka sa kaniyang pag-ibig. Sapagkat bakit ka malulugod, anak ko, sa ibang babae o yayakap sa sinapupunan ng babaing di-kilala?”—Kawikaan 5:15-20.
Kaya hindi minamaliit ng Bibliya ng “lubos na kaligayahan” at kasiyahan na dulot ng pagtatalik ng isang lalaki at ng isang babae. Subalit pansinin na ito ay dapat nasa loob ng pag-aasawa, ‘sa asawa ng iyong kabataan.’
Mangyari pa, ang seksuwal na pagnanasa ay maaaring iba-iba sa pagitan ng lalaki at ng babae. Gaya ng sa maraming ibang pitak ng buhay, ang isang maligayang kaugnayan ay nangangailangan ng pakikibagay at pagkukusang makibahagi. Gayundin kung tungkol sa pagtatalik. Ang pakikipagtalastasan ay kailangang-kailangan. Kailangang alamin ng bawat isa ang mga kakayahan at mga nasa ng isa. Si apostol Pablo ay nagpapayo: “Ibigay ng lalaki sa asawa niya ang sa kaniya’y nauukol; ngunit gayundin sana ang gawin ng babae sa kaniyang asawa.” At kapag ginagawa ang gayon, makabubuting sundin nila ang nauugnay na simulaing ito: “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa kaniyang kapuwa.”—1 Corinto 7:3; 10:24.
Bagaman ang sekso ay mayroong kaniyang dako sa loob ng pag-aasawa, hindi ibig sabihin nito na ito ang pinakamahalaga o na maaaring magpakalabis sa seksuwal na gana. Upang ilarawan: Ang alkohol, kung katamtaman, ay maaaring “nagpapasaya sa puso ng tao,” sabi ng Bibliya. (Awit 104:15) Subalit tiyak na hindi iyan nangangahulugan na dapat tayong magkaroon ng labis na paghahangad sa alkohol o na hindi natin kinakailangang supilin kung kailan, saan, at paano natin iinumin ito.—Kawikaan 20:1; 23:29-35.
Ang Walang Pag-iimbot na Pamantayan
Hindi, ang sekso ay hindi siyang tangi o pinakamabuting saligan sa isang maligayang pag-aasawa. Ang uri ng pag-ibig na nagbibigay ng saligan sa walang hanggang kasiyahan ay ang pagkakaibigan, pagmamahal, pagkabahala, pag-unawa, katapatan, pananagutan. Gayon ang tunay na pag-ibig pangmag-asawa. Ito ang nananatili, ang tumutulong sa mga mag-asawa na magbata, kapag dumarating ang mga pagsubok, kapag ang pisikal o mental na mga karamdaman ay humahadlang sa mga pagsisiping, o kapag ang lakas at ganda ay lumilipas sa pagtanda.
Sa pangwakas na pagsusuri, ang pinakamabuting payo ay yaong masusumpungan sa Aklat ng mga Aklat, ang Bibliya, nang sabihin nito: “Maging tapat ka sa iyong asawa at ang tangi mong pag-ibig ay iukol sa kaniya lamang.” (Kawikaan 5:15, Today’s English Version) Ganito pa ang sabi ng Kristiyanong si apostol Pablo: “Hayaang ang pag-aasawa’y maging marangal sa lahat, at huwag nawang madungisan ang higaan ng mag-asawa.” (Hebreo 13:4) Kasuwato niyan, ipinaalaala ni Jesu-Kristo sa ilang mga nagtatanong noon kaniyang kaarawan: “Hindi baga ninyo nabasa na ang lumalang sa kanila buhat sa pasimula ang lumikha sa kanila na lalaki at babae at sinabi, ‘Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at makikisama sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman’?”—Mateo 19:4, 5; Genesis 2:24.
Ang matatag na pag-aasawa na nakatayo sa gayong walang pag-iimbot na pag-ibig at katapatan, pati na ang di-nasisirang pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang Salita, ang saligan ng walang hanggang kaligayahan—kapuwa sa mga mag-asawa, sa kanilang mga anak, at sa iba pang kasangkot.
[Blurb sa pahina 8]
Ang pangangalunya o ang pagkakaroon ng kabit ay naging pangkaraniwan sa modernong lipunan anupa’t ang hindi pagkakaroon ng isa ay itinuturing na halos hindi normal
[Kahon sa pahina 10]
Estadistika sa Pag-aasawa at Diborsiyo sa 1983:
Pag-aasawa Diborsiyo Katumbasan
U.S.A.: 2,444,000 1,179,000 Halos 1 sa 2
U.S.S.R. 2,834,000 946,000 1 sa 3
Australia: 113,905 41,412a Mahigit na 1 sa 3
Cuba: 76,365 29,249 Halos 2 sa 5
Netherlands: 78,415 32,596 Halos 2 sa 5
United Kingdom: 387,000 145,802b Halos 2 sa 5
Hungary: 75,978 29,000 Halos 2 sa 5
Denmark: 27,096 14,763 Mahigit na 1 sa 2
Sweden: 36,210 20,618 Halos 3 sa 5
Ang mga bilang na ito ay batay sa Demographic Yearbook 1983. Ang mga bilang sa Sweden at Denmark ay kinuha mula sa Yearbook of Nordic Statistics 1984.
[Mga talababa]
a Ang bilang ng diborsiyo sa Australia ay para sa 1981; ang bilang sa United Kingdom ay para sa 1982.
b Ang bilang ng diborsiyo sa Australia ay para sa 1981; ang bilang sa United Kingdom ay para sa 1982.
[Larawan sa pahina 9]
Ang isang maligayang kaugnayan sa pagitan ng lalaki at asawang babae ay nangangailangan ng mabuting pakikipagtalastasan at pagkukusang makibagay