Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 1/8 p. 18-19
  • Mainit Ba ang Impierno?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mainit Ba ang Impierno?
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Mabuti at Masama sa Iisang Dako
  • Ano ba ang “Apoy”?
  • Hindi Kasuwato ng Personalidad ng Diyos
  • Ano Bang Uri ng Lugar ang Impiyerno?
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Ano ba Talaga ang Impiyerno?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Ano ba ang Sheol at Hades?
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
  • Sinu-sino ang Bubuhaying Muli?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 1/8 p. 18-19

Ang Pangmalas ng Bibliya

Mainit Ba ang Impierno?

“ANG tao ay masusunog, masusunog, masusunog!” Sa isang madilim na silid, iniuunat ng tagapagsalita na ang kamisidentro ay nagliliyab, ang kaniyang mga kamay at humahakbang patungo sa kaniyang nagtatakang mga tagapakinig. Mabuti na lamang, ang pagtatanghal ay tumagal lamang ng mga ilang segundo. Subalit sa tulong ng kaniyang madaling-magningas na pulbura, naikintal na maigi ng predikador sa kaniyang mga tagapakinig ang tungkol sa impiernong apoy sa pamamagitan ng kaniyang nakakukumbinsing pagtatanghal.

Gaya niya, maraming iba pang relihiyosong mga guro​—lalo na sa Sangkakristiyanuhan​—ang nagsasabi na inilalaan ng Diyos ang walang hanggang kapalarang ito para sa mga masasama. Subalit ganiyan nga ba ang sinasabi ng Bibliya?

Ang Mabuti at Masama sa Iisang Dako

“Ang masama ay mauuwi sa impierno, pati ng lahat ng mga bansa na nagsisilimot sa Diyos.” (Awit 9:17, King James Version) Dito, sa halip na salitang “impierno,” pinipili ng mas makabagong mga salin na gaya ng Lamsa at The Jerusalem Bible na panatilihin ang salitang lumilitaw sa tekstong Hebreo, ang “Sheol.” Subalit ano bang talaga ang kahulugan ng “impierno,” o “Sheol”?

Ang aklat ng Bibliya na Eclesiastes ay nagbibigay ng higit na impormasyon tungkol sa Sheol. Sabi nito: “Anumang masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong kapangyarihan, sapagkat walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol, na iyong paroroonan.” (Eclesiastes 9:10) Kung yaong mga nasa impierno, o Sheol, ay hindi nakapag-iisip o nakakaalam o kumikilos, tiyak na hindi sila maaaring dumanas ng paghihirap.

Kung gayon, hindi kataka-taka na maging ang tapat na mga lingkod ng Diyos ay nagtungo sa Sheol. Inisip ni Jacob na magtutungo siya roon kapag namatay siya, at si Job ay umasa na ikakanlong siya roon ng Diyos at sa gayo’y wawakasan ang kaniyang mga paghihirap. (Genesis 42:38; Job 14:13) Inaasahan ba ng dalawang tapat na mga lingkod na ito​—o hilingin pa nga​—na magtungo sa isang nagliliyab, maapoy na impierno na kasama ng mga masasama? Tiyak na hindi!

Ano ba ang “Apoy”?

Subalit paano natin uunawain ang mga salita ni Jesus nang sabihin niya na yaong mga hindi gumagawa ng kalooban ng Diyos ay magtutungo sa “apoy na hindi mapapatay,” o sa ‘kalan ng apoy na diyan nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin’?​—Marcos 9:43-48; Mateo 13:42.

Sa pagtalakay sa dakong ito, hindi ginamit ni Jesus ang salitang “Hades,” ang Griegong katumbas ng salitang Hebreo na “Sheol.”a Bagkus, ginamit niya ang salitang “Gehenna.” Ang salitang ito ay tumutukoy sa isang tapunan ng basura na malapit sa Jerusalem, na tinatawag na Libis ng Hinnom, kung saan ang apoy ay patuloy na pinag-aalab upang sunugin ang basura. Isa itong angkop na kataga upang ang mga tagapakinig ni Jesus ay mag-isip, hindi tungkol sa walang hanggang pagpapahirap, kundi sa ganap na pagkawasak, pagkalipol sa pamamagitan ng apoy.

Ang Apocalipsis na ibinigay kay apostol Juan ay bumabanggit tungkol sa isang “dagat-dagatang nagniningas sa apoy at asupre” kung saan inihahagis ang lahat ng nagsisigawa ng masasamang bagay. (Apocalipsis 21:8) Kung mayroong impierno, ito na nga iyon, yamang ang mga masasama ang nagtutungo roon. Subalit sinasabi sa atin ng aklat ding ito ng Bibliya na ang kamatayan, na minana kay Adan, at ang Hades ay ibubulid din sa dagat-dagatang apoy. Maaari bang pahirapan ang dalawang mahirap-unawain na mga bagay na ito? Hindi. Ngunit ang apoy dito ay maaari at kumakatawan sa paglaho nito, na magaganap minsang ‘ibigay [nito] ang mga patay na nasa kanila,’ yaon ay, pagkatapos na buhaying-muli ang mga patay.​—Apocalipsis 20:13, 14.

Ang huling mga halimbawang ito ay nagpapakita na ang apoy ay isa lamang sagisag ng paglipol, o walang hanggang pagkapuksa. Kaya walang pagdurusa o pagpapahirap sa dagat-dagatang apoy, o Gehenna, ni mayroon man nito sa Hades (o, Sheol), kung saan nagtutungo ang tapat na mga lingkod ng Diyos, gayundin ang mga masasama. Subalit kung susuriin pa natin ang paksang ito, mauunawaan natin ng higit kung bakit hindi tayo maaaring maniwala sa Bibliya at maniwala pa rin sa pag-iral ng impiernong apoy.

Hindi Kasuwato ng Personalidad ng Diyos

Ano ang iisipin mo sa mga magulang na ikinukulong ang kanilang mga anak araw-araw, o pinahihirapan pa nga sila? Kung ikaw ay namumuhi sa gayong mga pagkilos, hindi ka rin ba dapat mamuhi sa isang diyos na magpapangyari na ang kaniyang mga anak ay pahirapan magpakailanman sa apoy?

Ang katotohanan na ang tunay na Diyos ay hindi ganiyan ay makikita mula sa mga pagsaway na ipinatungkol niya sa mga Israelita na ‘sinusunog ang kanilang mga anak na lalaki at babae sa apoy.’ Sinabi ni Jehova na ito ay ‘isang bagay na hindi niya iniutos o pumasok man sa kaniyang pag-iisip.’ (Jeremias 7:31) Yamang hindi man lamang naisip ng Diyos ang gayong bagay, paano natin maguguniguni na gagawa siya ng isang impiernong apoy para sa kaniyang mga nilikha?b Oo, kung ang kalupitan at pagpapahirap ay nakamumuhi sa atin, gaano pa ngang higit na kinamumuhian ito ng Diyos, na isang Diyos ng pag-ibig?​—1 Juan 4:8.

Ang doktrina ng impiernong apoy ay labag din sa katarungan. Sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, si apostol Pablo ay nagpapaliwanag: “Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.” (Roma 6:23) At, sabi niya sa atin: “Sapagkat ang namatay ay napawalang-sala na sa kaniyang kasalanan.” Kung ang kamatayan ay lubusang nag-aalis sa pagkakautang ng isang tao, kung gayong bakit kailangan niyang magdusa nang walang hanggan dahil lamang sa isang buong buhay na kasalanan?​—Roma 6:7.

Kaya, ipinakikita ng Bibliya na ang impiernong apoy, gaya ng karaniwang pagkaunawa rito, ay hindi umiiral. At ang kaalamang ito ay nagpapahintulot sa atin na magkaroon ng isang kaugnayan sa Diyos na salig sa pag-ibig at hindi sa labis na pagkatakot. Iminumungkahi namin na patuloy mong suriin ang Bibliya at alamin kung paano siya paluluguran nang wasto upang makabilang doon sa mga makakakita sa kahanga-hangang araw na iyon kapag ang Hades, o Sheol, ang karaniwang libingan ng sangkatauhan, ay maglaho magpakailanman.​—1 Juan 4:16-18.

[Mga talababa]

a Sa Gawa 2:31, sa pagsipi roon ng Awit 16:10, ang salitang Griego na “Hades” ay ginamit upang isalin ang salitang Hebreo na “Sheol.”

b Maaaring banggitin ng iba ang sinabi ni Jesus tungkol sa taong mayaman at kay Lazaro sa Lucas 16:19-31 bilang patotoo ng impiernong apoy. Subalit ang mga salitang ito ni Jesus ay isang talinghaga at, samakatuwid, hindi literal. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang aklat na Ganito na Lamang ba ang Buhay? inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Blurb sa pahina 18]

Ano ang iisipin mo sa mga magulang na pinahihirapan ang kanilang mga anak?

[Larawan sa pahina 19]

Ito ba ang impierno ng Bibliya?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share