Kabanata 15—Pagkaligtas Tungo sa Isang Bagong Lupa
Pagbubukud-bukod sa mga Tao Tungkol sa Isyu ng Kaharian
1. Bakit ang pagbubukud-bukod sa isyu ng Kaharian ay isang mahalagang bagay para sa bawat isa sa atin?
BAWAT isa sa atin ay napapaharap sa isang mahalagang disisyon. Ang isyu o usapin ay tungkol sa ating saloobin sa Mesianikong Kaharian ni Jehova sa mga kamay ni Jesu-Kristo. Tungkol sa usaping ito nagaganap ang isang pagbubukud-bukod sa mga tao ng lahat ng mga bansa. Salig sa landas ng pagkilos ng bawat tao na ang isa ay nailalagay sa isa sa dalawang pangkat. Isa lamang sa mga pangkat na ito ang makaliligtas sa dumarating na pagkapuksa ng sanlibutan.—Mateo 24:40, 41.
2. (a) Paano nauugnay ang Mesianikong Kaharian na ito sa isyu ng pagkasoberano ni Jehova? (b) Hindi magtatagal magiging ano ang Kaharian, kaya ano ang dapat nating seryosong pinag-iisipan?
2 Iniluklok na ni Jehova ang kaniyang pinahirang Anak, ang kaniyang Mesiyas, sa mga langit. Sa pagtatapos ng “itinakdang panahon ng mga bansa” noong 1914, ibinigay ng Diyos kay Jesu-Kristo ang mga bansa bilang kaniyang mana—lahat ng lupa bilang kaniyang pag-aari. (Awit 2:6, 8) Ang Mesianikong pamahalaan, pati na ang pinahiran ni Jehova na Hari sa trono, ang paraan ng Diyos sa pagsasagawa ng kaniya mismong matalino at maibiging layunin may kaugnayan sa lupa. Ang iyong saloobin sa Kaharian, samakatuwid, ay magpapakita kung ano ang nadarama mo tungkol sa pansansinukob na pagkasoberano ni Jehova. Hindi na magtatagal “dudurugin at wawakasan” ng Mesianikong Kaharian na iyan ang buong pulitikal na sistema na ngayo’y sumasakop sa mga gawain ng tao at ito ang tanging pamahalaan na mamamahala sa buong lupa. (Daniel 2:44; Apocalipsis 19:11-21) Kapag sinimulan nitong baguhin ang lupa tungo sa isang Paraiso, saan ka naroroon? Isa ka ba sa papatnubayan nito upang tamasahin ang kasakdalan ng buhay? Binanggit ni Jesus ang saligan kung paano maaaring makibahagi ang mga taong nabubuhay ngayon sa gayong pag-asa.
ANG HARI AT ANG KANIYANG “MGA KAPATID”
3. Sa Mateo 25:31-33, ano ang inilarawan ni Jesus?
3 Nang sinasabi sa kaniyang mga apostol ang tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” si Jesus ay gumamit ng ilang mga talinghaga, o mga ilustrasyon. Sa huling ilustrasyon sinabi niya: “Pagdating ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng anghel, kung magkagayo’y luluklok siya sa kaniyang maluwalhating trono. At titipunin sa harap niya ang lahat ng mga bansa, at ang mga tao’y pagbubukdin-bukdin niya gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at mga kambing. At ang mga tupa ay ilalagay niya sa kaniyang kanan, ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.”—Mateo 24:3; 25:31-33.
4. (a) Paanong ang talinghagang ito ay nauugnay sa Daniel 7:13, 14? (b) Anong mga katanungan ang may kapakinabangan na maitatanong natin sa ating mga sarili?
4 Pansinin na dito binabanggit ni Jesus ang kaniyang sarili bilang “ang Anak ng tao,” gaya ng paulit-ulit na niyang ginawa bago ang hulang ito. (Mateo 24:27, 30, 37, 39, 44) Ang paggamit niya sa katagang ito ay isang paalaala ng makahulang pangitain na ibinigay kay Daniel halos anim na siglo na mas maaga, na tungkol dito ay isinulat ng propeta: “Ako’y patuloy na tumingin sa mga pangitain sa gabi, at, narito! lumabas na kasama ng mga alapaap sa langit ang isang gaya ng anak ng tao [si Jesu-Kristo]; at siya’y naparoon sa Matanda sa mga Araw [ang Diyos na Jehova], at inilapit nila siya sa harap ng Isang iyon. At binigyan siya ng kapangyarihang magpuno at ng kaluwalhatian at ng kaharian, upang ang mga bayan, ang mga grupo ng mga bansa at mga wika ay maglingkod na lahat sa kaniya. Ang kaniyang pagpupuno ay walang hanggang pagpupuno na hindi lilipas, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba.” (Daniel 7:13, 14; Hebreo 2:5-8) Ang kapangyarihang iyon na magpuno ay ibinigay na kay Jesu-Kristo. Sapol noong 1914 siya ay nagpupuno na sa kaniyang makalangit na trono. Ikaw ba ay personal na tumugon sa kaniyang pagpupuno? Ang iyo bang paraan ng pamumuhay ay nagpapatunay ng wastong paggalang sa Isang ito na ginawa mismo ng Diyos na Tagapamahala ng buong lupa?
5. Paano tinitiyak ni Jesus ang pagiging totoo ng pag-aangkin ng isa ng debosyon sa kaniya bilang Hari?
5 Hindi sapat ang mga salita. Madali para sa isang tao na sabihin na siya ay naniniwala sa Kaharian ng Diyos at na iniibig niya si Jesu-Kristo. Subalit sa kaniyang talinghaga ng mga tupa at mga kambing ipinakita ni Jesus na, yamang siya ay di-nakikita sa mga langit, isang pangunahing salik na isasaalang-alang niya upang alamin ang pagiging totoo ng pag-aangkin ng isang tao ay ang pakikitungo niya sa mga kumakatawan kay Kristo sa lupa, ang kaniyang “mga kapatid.”—Mateo 25:40, 45.
6. Sino ang “mga kapatid” na ito ni Kristo?
6 Sino sila? Ang mga pinili ng Diyos mula sa sangkatauhan na maging mga tagapagmanang kasama ni Kristo sa makalangit na Kaharian. Ang mga ito ay may bilang na 144,000, na isang nalalabi na lamang ang narito pa sa lupa. (Apocalipsis 14:1, 4) Sapagkat sila ay “ipinanganak muli” sa pamamagitan ng pagkilos ng espiritu ng Diyos, sila ay mga anak ng Diyos, at sa dahilang iyan sila’y binabanggit sa Kasulatan bilang “mga kapatid” ni Jesu-Kristo. (Juan 3:3; Hebreo 2:10, 11) Kung ano ang ginagawa ng mga tao sa “mga kapatid” na ito, kahit na sa “pinakamaliit” sa kanila, ay ibinibilang ni Jesus na ginawa sa kaniya.
7. Bakit ang “mga kaptid” ni Kristo ay hindi mga membro ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan?
7 Nasaan ang “mga kapatid” na ito ni Kristo sa ating panahon? Masusumpungan mo ba sila sa gitna ng mga nagsisimba sa Sangkakristiyanuhan? Bueno, ano ba ang sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang tunay na mga tagasunod? “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Totoo ba iyan sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan at sa kanilang mga membro? Sa kalakhang bahagi, ipinababanaag ng kanilang mga saloobin at paggawi yaong karaniwan sa bahaging iyon ng sanlibutan kung saan ang mga ito ay masusumpungan. Ang pagkasangkot ng mga relihiyon sa pulitika ay alam na alam. Nang ang Charter ng United Nations ay binabalangkas noong 1945, ang mga delegasyong Protestante, Katoliko at Judio ay naroroon bilang mga kasangguni. Nitong nakalipas na mga taon, pinuri ng mga papa sa Roma ang United Nations bilang “ang kahuli-hulihang pag-asa sa pagkakaisa at kapayapaan” at “ang kataas-taasang porum ng kapayapaan at katarungan.” Ang World Council of Churches, na ang mga membro ay binubuo ng mga 300 grupong relihiyoso, ay nagbigay pa nga ng mga pundong salapi na ginamit upang tustusan ang pulitikal na mga rebolusyon. Gayunman, sinabi ni Jesu-Kristo sa Romanong gobernador na si Pilato: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.”—Juan 18:36.
8. (a) Ano ang tumulong sa iyo na makilala ang “mga kapatid” ni Kristo? (b) Gaano kahalaga sa kanila ang gawain ng pangangaral ng Kaharian?
8 Ipinakikita ng mga katotohanan na isang pangkat lamang ang naninindigang matatag sa panig ng Kaharian, nagsasagawa ng masigasig na pagsisikap upang ipahayag ito sa buong daigdig, samantalang iniiwasan ang masangkot sa anumang uri ng pulitikal na mga gawain ng sanlibutan. Ang pangkat na ito ay ang mga Saksi ni Jehova. Sa gitna nila ay masusumpungan ang natitirang “mga kapatid” ni Kristo. Bilang pagtulad sa kanilang Panginoon at sa kaniyang mga apostol, itinalaga nila ang kanilang mga sarili sa pagtungo sa lunsod at lunsod at sa bahay-bahay, na sinasabi sa mga tao ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Lucas 8:1; Gawa 8:12; 19:8; 20:20, 25) Noong 1919, sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova (noo’y kilala bilang International Bible Students) sa Cedar Point, Ohio, ang mga kombensiyunista ay pinaalalahanan na ang kanilang “tungkulin noon at ngayon ay ang ipahayag ang dumarating na maluwalhating kaharian ng Mesiyas.” Sa isang kahawig na kombensiyon noong 1922 ito ay muling idiniin, at sila ay hinimok na: “Ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang Kaharian.” Ginagamit ang lahat ng pamamaraan na kanilang magagamit, patuloy nilang ginawa iyon sa buong daigdig hanggang sa kaarawang ito. (Mateo 24:14) Dahilan sa kanilang gawain, ang isyu ng Kaharian ay naiharap sa iyo. Ano ang ginagawa mo tungkol dito?
‘GINAWA NINYO ITO SA ISA SA MGA KAPATID KO’
9. (a) Paanong ang mga kalagayan na inilarawan sa Mateo 25:35-40 ay nauugnay sa ministeryo sa Kaharian? (b) Sa gayon ang mga tao saanman ay napapaharap sa anong pagsubok?
9 Ang pinahiran-espiritu na “mga kapatid” ni Kristo ay napasailalim ng matinding mga pagsubok dahilan sa may tibay-loob na pangangaral ng Kaharian ng Diyos, samantalang nananatiling hiwalay sa sanlibutan. (Juan 15:19, 21) Ang ilan ay dumanas ng gutom, uhaw at kasalatan sa pananamit. Iniwan ng marami ang kanilang mga tahanan upang maglingkod sa mga lugar kung saan sila ay mga estranghero. Samantalang ginagawa ang kanilang ministeryo, sila ay dumanas ng sakit at pagkabilanggo, kamatayan pa nga sa mga kamay ng mga mang-uusig. Ang mga karanasang ito ng “mga kapatid” ni Kristo ay nagpangyari sa mga tao sa lahat ng bansa na mapaharap sa isang pagsubok. Ang kanila bang pag-ibig sa Diyos at kay Kristo ay magpapangyari sa kanila na tumulong sa mga kinatawang ito ng makalangit na Kaharian? (Mateo 25:35-40; ihambing ang 2 Corinto 5:20.) Hindi pangunahin nang dahilan sa makataong kabaitan kundi sa tulong na ibinigay nila sapagkat ang mga ito ay kasama ni Kristo ay ibinibilang ng Hari na personal na ginawa sa kaniya.—Marcos 9:41; Mateo 10:42.
10. (a) Bakit hindi mabisa ang pagtutol na ibinangon ng “mga kambing”? (b) Bilang kabaligtaran, anong katayuan ang kinuha ng “mga tupa”?
10 Yaong mga nagbibigay ng gayong tulong ay itinulad ni Jesus sa mga tupa. Ang mga taong hindi nagbibigay ng tulong sa kaniyang “mga kapatid” ay tinukoy ni Jesus sa talinghaga bilang mga kambing. Ang “mga kambing” ay maaaring tumutol na hindi nila nakita si Jesu-Kristo. Subalit sinugo niya ang kaniyang mga lingkod sa kanila, at maliwanag na ipinakilala ng mga ito ang kanilang mga sarili. Maaaring hindi pinag-usig ng lahat ng “mga kambing” ang “mga kapatid” ni Kristo, subalit hindi sila napakilos ng pag-ibig sa makalangit na Hari na tulungan ang kaniyang mga kinatawan. (Mateo 25:41-45) Nanghahawakan sila sa sanlibutan kung saan si Satanas na Diyablo ang di-nakikitang pinuno. Hindi rin literal na nakikita ng “mga tupa” si Kristo. Subalit, kabaligtaran ng “mga kambing,” pinatunayan ng mga ito na sila ay hindi takot na ipakilala ang kanilang mga sarili na kasama ng “mga kapatid” ni Kristo, itinataguyod ang mga tagapagpahayag na ito ng Kaharian ng Diyos. Nalalaman ng “mga tupa” ang kanilang ginagawa, at gumagawa sila ng isang positibong pagpili na pabor sa Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Iyan ang dahilan kung bakit ang kanilang pagkilos ay sinasang-ayunan ng Hari.
11. (a) Yamang maraming mga tao ang hindi kailanman nakilala ang isa sa “mga kapatid” ni Kristo, paano sila maaaring hatulan batay sa inilalarawan dito? (b) Ano ang tumitiyak sa tagumpay ng gawaing ito?
11 Kung gayon, paano nga posibleng hatulan ang mga tao sa lahat ng mga bansa batay rito? Hindi ba sinabi ni Jesus na ang kaniyang “mga kapatid,” na sa kanila’y ibibigay ng Ama ang makalangit na Kaharian, ay isa lamang “munting kawan”? (Lucas 12:32) Maraming tao ang hindi kailanman personal na nakilala ang isa sa kanila. Totoo, subalit ang “mga kapatid” ni Kristo ang bumubuo sa nukleo ng pandaigdig na organisasyon ng mga Saksi ni Jehova. Sa pamamagitan ng organisadong bayan na ito, ang mahalagang isyu o usapin tungkol sa Kaharian ay inihaharap sa mga tao saanman. Lahat ng ito ay pinangangasiwaan ni Kristo mismo mula sa kaniyang makalangit na trono at sa tulong ng mga anghel. Sa mga 200 lupain at mga kapuluan sa paligid ng globo—kahit na kung saan ang pangangaral ng Kaharian ng Diyos ay ipinagbabawal ng pamahalaan—ang gawaing pagbubukud-bukod ay nagpapatuloy, at isang malaking pulutong ng mga tao ang naninindigan sa panig ng Kaharian ng Diyos.
12. (a) Paano nililinaw ng “mga tupa” ang paninindigan na kinuha nila? (b) Bakit nila ginagawa ito?
12 Paano nila ipinakikita ito? Sa pamamagitan ng paggawa na kasama ng mga pinahiran, masigasig na ipinahahayag na ang Kaharian ay nagpupuno at na malapit na nitong wakasan ang makasanlibutang sistema. Kaya hayagan nilang ipinakikilala ang kanilang mga sarili na naninindigan sa panig ng Mesianikong Kaharian ni Jehova at maibigin nilang hinihimok ang iba na gawin din ang gayon. Higit pa kaysa sa pagnanasa lamang na makaligtas ang nag-uudyok sa tapat-pusong mga taong ito. Talagang iniibig nila si Jehova at ang kaniyang mga daan. Ang paglalaan ng kaniyang Kaharian na si Kristo ang Hari ay pumupunô sa kanilang mga puso ng pasasalamat, at nais nilang makinabang dito ang iba. Kaya sila ay nakikibahagi nang lubusan ayon sa kanilang makakaya sa pagpapatotoo sa Kaharian. Gaya ng tagubilin ni Jesus sa kaniyang mga alagad, kanilang ‘hinahanap muna ang kaharian,’ hindi ipinahihintulot na ilagay ito sa pangalawang dako ng mga kabalisahan sa materyal na mga pangangailangan. Sa ganitong paraan sila ay napapahanay para sa dakilang pagpapala.—Mateo 6:31-33.
IYO BANG ‘MAMANAHIN ANG KAHARIAN’?
13. (a) Mula pa kailan nasa isipan na ni Jehova ang isang gantimpala para sa mga tulad-tupang ito? (b) Ano ang kahulugan sa kanila ng “manahin ninyo ang kaharian”?
13 Ang nakalaan para sa mga mapapatunayang “mga tupa” sa talinghaga ni Jesus ay totoong kamangha-mangha. Mula sa kaniyang makalangit na trono, sinasabi niya sa kanila: “Halikayo, kayong pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kaharian na inihanda sa inyo buhat sa pagkatatag ng sanlibutan.” (Mateo 25:34) Mula noong “pagkatatag ng sanlibutan,” nang sina Adan at Eva ay unang magluwal ng mga anak na makikinabang sa paglalaan ng Diyos upang tubusin ang sangkatauhan, ayon sa Genesis 3:15, 16, nasa isipan na ni Jehova ang isang gantimpala para sa “mga tupa” na ito. (Ihambing ang Lucas 11:50, 51.) Mayroon silang pagkakataon na tamasahin sa isinauling Paraiso ang kasakdalan ng buhay tao na naiwala ni Adan. Ang kanilang ‘pagmamana ng kaharian’ ay hindi nangangahulugan na sila ay pupunta sa langit, sapagkat ang talinghaga ay nagpapakita na ang “mga tupa” ay kakaiba sa “mga kapatid” ng Hari, na magmamana ng makalangit na Kaharian. Kaya ang “mga tupa” ang makalupang mga sakop ng makalangit na pamahalaang iyon. Binabanggit ng Greek-English Lexicon nina Liddell at Scott na ang katagang Griego na basileiʹa, na dito ay isinaling “kaharian,” ay maaaring unawain sa isang balintiyak na diwa, na nangangahulugan na ang isa ay “pinamamahalaan ng isang hari.” Maliwanag na ito ang diwa na kumakapit dito.
14. Paanong ang hatol na iginawad sa “mga kambing” ay kakaiba sa mana ng “mga tupa”?
14 Nang ang “mga kambing” ay magtungo sa “walang hanggang pagkapuksa,” sa isang ganap na pagkapuksa na gaya ng sa apoy, ang “mga tupa” ay iingatan ng Mesianikong Hari. (Mateo 25:41, 46; ihambing ang Apocalipsis 21:8.) Hindi na kinakailangan pang mamatay, sila ay iingatang buháy sa malaking kapighatian tungo sa maluwalhating “bagong lupa” na malaya sa masamang impluwensiya ni Satanas at ng kaniyang balakyot na sistema ng mga bagay. Ang pagpapalang iyan ay mapapasa-kanila sapagkat sila ay gumagawa ng tamang disisyon tungkol sa isyu ng Kaharian ngayon.
15. (a) Paano natin nalalaman na ang talinghagang ito ay kumakapit ngayon? (b) Kaya, anong gawain ang napakahalaga?
15 Isang malaking pagkakamali na mangatuwiran na, dahilan sa ang pagkapuksa ng “mga kambing” ay walang hanggan, ang talinghaga ay hindi kumakapit kundi sa dakong huli, marahil sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Kristo. Sa kabaligtaran, ibinigay ni Jesus ang talinghagang ito bilang bahagi ng tanda ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3) Ang inilalarawan niya ay nagaganap pagkatapos na siya ay iluklok gayundin samantalang ang kaniyang “mga kapatid” ay nasa laman pa at dumaranas ng mga paghihirap na binanggit niya. Tayo ay nabubuhay sa panahong iyan, at ito ay paubos na. Kaya, gaano nga kahalaga kung gayon na hindi lamang maglagak ng buong pagtitiwala sa Kaharian, kundi tulungan din ang iba na makita ang kahalagahan ng paggawa ng gayon ngayon.