Kabanata 1—Pagkaligtas Tungo sa Isang Bagong Lupa
Ano ang Mangyayari sa Planetang Lupa?
1. Anong uri ng kinabukasan ang inaasahan mo, at bakit?
ANO ang kinabukasang naghihintay sa iyo bilang isa sa bilyun-bilyong mga tao na ngayo’y nabubuhay sa planetang Lupa? Nais mo bang ito’y maging isang buhay sa kapayapaan at katiwasayan, sa gitna ng mga taong tunay na nagmamahalan sa isa’t isa? Iyan at higit pa ay maaaring maging iyo. Subalit hindi iyan ang kinabukasan na inaasahan ng karamihan. Bakit hindi?
2, 3. Paano nakakaimpluwensiya ang banta ng digmaang nuklear sa pangmalas ng maraming tao sa hinaharap?
2 Ang banta ng digmaang nuklear ay nagbangon ng malubhang pag-aalinlangan kung baga magkakaroon pa ng anumang kinabukasan para sa kalakhang bahagi ng lahi ng tao. Nang ang isang bomba atomika ay unang ginamit sa pakikipagdigma noong 1945, mahigit 70,000 mga lalaki, mga babae at mga bata ang kaagad na namatay. Libu-libo pa ang dumanas ng napakasakit na kamatayan nang sumunod na mga araw at mga taon. Subalit ngayon ang isang karaniwang warhead ay nagtataglay ng lakas ng lahat ng mga bombang inihulog noong Digmaang Pandaigdig II. Mayroong sampu-sampung libong mga sandatang nuklear na nakapuwesto para sa kagyat na paggamit. At ang daigdig ay gumugugol ng mga $2,000,000,000 isang araw sa paligsahan sa mga armas na nag-iiwan sa maraming tao sa pagkasindak.
3 Subalit kumusta naman kung magkaroon lamang ng isang “limitadong digmaang nuklear”? Ang mga resulta ay nakapangingilabot pa rin. Sang-ayon kay Carl Sagan, isang kilalang siyentipiko, kung gagamitin ng mga bansa kahit na ang maliit na bahagi ng kanilang kakayahang nuklear, “walang alinlangan na mapupuksa ang ating pangglobong sibilisasyon. . . . At waring mayroong tunay na posibilidad na malipol ang lahi ng tao.” Sinisikap alisin ng maraming tao ang gayong kinabukasan sa kanilang mga isipan, subalit hindi niyan inaalis ang panganib. Isang mabilis na lumalagong bilang ng iba pa ang nagtatag ng mga samahan ukol sa kaligtasan. Sa pag-asa na ang ilan ay makaliligtas, nagtayo sila ng mga dakong kanlungan sa nabubukod na mga lugar at nag-iimbak dito ng pagkain at medikal na mga panustos, gayundin ng mga baril upang itaboy ang mga nanghihimasok.
4. Bakit ang pag-abuso sa kapaligiran ay ipinalalagay na isang malubhang banta?
4 Bukod sa digmaang nuklear, ang mga siyentipiko ay nagbababala sa posibleng pangglobong kapahamakan sa paraan ng pag-abuso sa kapaligiran. Ang polusyon ng hangin na ating nilalanghap ay isang pinagmumulan ng malubhang pagkabahala. Ang mga kagubatan ay mabilis na sinisira; gayunman ang mga ito ay mahalaga sa siklo ng oksiheno ng lupa, sa siklo ng ulan nito at sa pangangalaga sa lupa. Dahilan sa kawalang alam at kasakiman, ang mahalagang lupang tinatamnan ay sinisira. Ang mga suplay ng tubig ay dinudumhan, kadalasan ng nakamamatay na mga kemikal. Gayunman ang likas na mga kayamanang ito ay mahalaga para sa pagsusustini ng buhay-tao.
5, 6. Ano pang ibang mga kalagayan ang humahadlang sa mga tao na asahan ang isang buhay na tiwasay at maligaya?
5 Maaaring ipalagay mo na, higit na nakababahala ang bagay na ang marahas na krimen ay gumagawa sa mga tao na mga bilanggo sa kanilang mga tahanan. Ang pulitikal at sosyal na mga kaguluhan ay gumagawa sa buhay na mapanganib. Ang lumalaganap na kawalan ng trabaho at tumataas na implasyon ay nagbubunga ng paghihikahos at kabiguan. Ang buhay pampamilya ng marami ay lubhang hindi kasiya-siya; ang mga buklod ng pag-ibig na dapat sana’y bumibigkis sa isang pamilya ay kadalasang wala. Saanman ang saloobin ng mga tao ay “Ako muna!”
6 Saan, kung gayon, masusumpungan ng sinuman ang isang matatag na saligan na umasang maaaring tamasahin ang isang buhay na tiwasay? Kung ang ating kinabukasan bilang mga maninirahan sa lupa ay nakasalig lamang sa kung ano ang nakahanda at maaaring gawin ng mga tao at mga bansa na may pananagutan sa mga suliraning ito, ang hinaharap ay tunay na magiging malungkot. Subalit ganiyan nga ba?
MGA KATOTOHANAN NA HINDI DAPAT WALING-BAHALA
7. (a) Anong katibayan ang nagpapakita na ang Bibliya ay Salita ng Diyos? (b) Bakit mahalagang malaman ng mga tao kung ano ang sinasabi ng Bibliya?
7 Sa kanilang mga kalkulasyon, kadalasan nang hindi isinasali ng mga tao ang Maylikha ng lupa at ng sangkatauhan. Subalit paano natin malalaman kung ano ang Kaniyang layunin? Sinasabi sa atin ng Bibliya. Paulit-ulit na binabanggit ng Aklat na ito na ang nilalaman nito ay mula sa Diyos, kinasihan ng Diyos. Totoo ba ang pag-aangkin na ito? Kung totoo, ang iyong buhay ay nakasalig sa pagkilos mo na kasuwato nito. Dahilan sa kahalagahan ng bagay na ito, hinihimok ka namin na suriin mo nang personal ang Bibliya. Masusumpungan mong katangi-tangi ang maraming mga hula nito na nagpapabanaag ng detalyadong kaalaman tungkol sa hinaharap. Hindi mapapantayan ang karunungan nito nang banggitin nito ang mga bagay na napakahalaga para sa iyong walang hanggang kaligayahan. Nakatitiyak kami na, kung bukás-isip na isasaalang-alang mo ang katibayan, mauunawaan mo na ang Bibliya ay maaari lamang magmula sa isang sobrenatural na pinagmulan, mula sa isang Diyos na talagang nagmamahal sa sangkatauhan.a Ang Bibliya ay naglalaman ng impormasyon na mahalaga sa ating kaligtasan sa mapanganib na panahong ito sa kasaysayan ng tao. Kaya naman, ito ang pinakamalaganap ang sirkulasyon na aklat sa lupa.—Tingnan ang 2 Pedro 1:20, 21; 3:11-14; 2 Timoteo 3:1-5, 14-17.
8. Sa anong pangalan ipinakikilala ng Bibliya ang Maylikha ng planetang Lupa?
8 Ang panimulang talata ng Bibliya ay nagsasabi bilang isang saligang katotohanan na “nilalang ng Diyos ang mga langit at ang lupa.” (Genesis 1:1)b Bagaman minamabuti ng ilang tao na hayaang walang pangalan ang Diyos, hindi gayon kung tungkol sa Bibliya. Ipinakikilala ang Maylikha sa pangalan, ang Genesis 2:4 ay nagsasabi sa atin na “ginawa ng Diyos na Jehova ang lupa at langit.” (Tingnan din ang Genesis 14:22; Exodo 6:3; 20:11.) Ang karamihan sa Bibliya ay orihinal na isinulat sa Hebreo, at sa teksto sa Bibliyang Hebreo ang personal na pangalan ng Diyos ay lumilitaw ng halos 7,000 ulit bilang isang banal na tetragramaton (יהוה). Isinasalin ito ng ibang mga tagapagsalin na Yahweh, subalit sa Tagalog ang pinakakaraniwang gamit na anyo ng pangalan ay Jehova.
9. (a) Kanino nagmula ang pangalan ng Diyos? (b) Gaano kahalaga sa atin ang pangalan ng Diyos? (Joel 2:32; Mikas 4:5)
9 Ang pangalang ito ay hindi inisip ng debotadong mga tao. Ito ay pinili mismo ng Maylikha. (Exodo 3:13-15; Isaias 42:8) Hindi ito isang pangalan na maaaring ihalili kay Buddha, Brahma, Allah o Jesus. Kaya ipinaalaala ni propeta Moises sa sinaunang bansa ng Israel: “Talastasin mo nga sa araw na ito, at isapuso mo na si Jehova [Hebreo: יהוה] ay siyang tunay na Diyos sa itaas sa langit at sa ibaba sa lupa. Wala nang iba pa.” (Deuteronomio 4:39) Ito ang Diyos na dinalanginan ni Jesu-Kristo, ang Isa na tinawag niyang “ang tanging tunay na Diyos.” Sa ngayon Siya ay sinasamba ng mga taong may kabatiran tungkol sa kaniya mula sa lahat ng bansa sa lupa.—Juan 17:3; Mateo 4:8-10; 26:39; Roma 3:29.
10. Bakit hindi mahahadlangan ng banta ng digmaang nuklear at ng pinsalang likha ng polusyon ang layunin ng Diyos para sa lupa?
10 Dahil sa bagay na si Jehova ang Maylikha ng lupa, ang buong planeta ay kaniya, at ang kinabukasan nito ay nakasalalay sa kaniyang mga kamay. (Deuteronomio 10:14; Awit 89:11) Ang mga problema ng sangkatauhan ay kayang lutasin ng Diyos. Ang hinaharap na digmaang nuklear ay nakasisindak sa mga tao. Subalit kaninong mga batas ang kumukontrol sa mga reaksiyong nuklear na nagaganap sa isang pagkalaki-laking lawak sa di-mabilang na bilyun-bilyong mga bituin? Hindi ba taglay ng Diyos ang kaalaman at ang kapangyarihan na kinakailangan upang ingatan ang buhay sa planetang Lupa? Gayundin, ang mga problema na lumitaw dahilan sa kawalang kabatiran at masakim na dinumhan ng tao ang kaniyang kapaligiran ay hindi hahadlang sa layunin ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Ang Isa na nagtataglay ng karunungan at kapangyarihan na kinakailangan upang likhain ang lupa at ang kabigha-bighaning mga anyo ng buhay rito ay maaari ring magbigay sa kanila ng isang malinis na pasimula kung iyan ang kaniyang kalooban. (Isaias 40:26; Awit 104:24) Ano, kung gayon, ang layunin ni Jehova may kaugnayan sa ating tahanang planeta?
GAANO KATAGAL MANANATILI ANG LUPA?
11. (a) Ano ang pinaniniwalaan ng ilang siyentipiko na mangyayari sa katapusan sa lupa? (b) Sino ang nakakaalam nang higit tungkol sa mga bagay na ito kaysa kanilang nalalaman, at bakit?
11 Layunin ba ng Diyos na wasakin ang lupa at lahat ng nabubuhay na bagay dito? Ipinalalagay ng ilang mga astronomo na sa katapusan ang ating araw (sun) ay dadanas ng isang eksplosibong paglaki at lalamunin ang lupa. Mayroon namang iba na nangangatuwiran na, dahilan sa kalikasan mismo ng pisikal na sansinukob, darating ang panahon na ang araw ay hindi na sisikat at ang lupa ay hindi na makasusustini ng buhay. Subalit tama ba sila? Ano ang sinasabi ng Maylikha—ang Isa na lumikha sa enerhiya at materya, ang Isa na pinagmulan ng mga batas kung saan nakasalig ang ating pag-iral?—Job 38:1-6, 21; Awit 146:3-6.
12. Paano napatunayang totoo ang mga salita sa Eclesiastes 1:4?
12 Kinasihan ni Jehova ang matalinong Haring Solomon na isulat ang tungkol sa haba ng buhay ng tao kung ihahambing sa buong panahon ng lupa mismo. Sa Eclesiastes 1:4 isinulat ni Solomon ang mga salitang ito: “Isang salinlahi ay yumayaon, at isang salinlahi ang dumarating; ngunit ang lupa ay nananatili hanggang sa panahong walang takda.” Pinatutunayan ng kasaysayan ng tao ang katotohanan nito. Bagaman isang salinlahi ng tao ay hinahalinhan ng isa pang salinlahi, ang lupa, ang globong ating tinitirhan, ay nananatili. Subalit hanggang kailan? Sang-ayon sa literal na pagkakasalin ng New World Translation of the Holy Scriptures, ito ay magiging “hanggang sa panahong walang takda.” Ano ang ibig sabihin niyan?
13. (a) Ang “sa panahong walang takda” ay maaaring mangahulugan ng ano? (b) Kaya, paano tayo makatitiyak na ang lupa ay mananatili magpakailanman?
13 Ang salitang Hebreo na ‘oh·lamʹ, ay isinalin dito na “panahong walang takda,” na nangangahulugang isang yugto ng panahon na, mula sa kasalukuyang palagay, ay walang takda o hindi alam subalit mahabang tagal ng panahon. Iyan ay maaaring mangahulugan ng walang hanggan. Ganiyan nga ba ang kahulugan sa pagkakataong ito? O ipinahihiwatig ba ng ekspresyong ito na marahil sa di-tiyak na panahon sa hinaharap, na ngayo’y hindi natin alam, ang lupa ay sasapit sa wakas nito? Ang ilang mga bagay na sinasabi ng Bibliyang magpapatuloy “hanggang sa panahong walang takda” ang sa katapusan ay nagwakas. (Ihambing ang Bilang 25:13; Hebreo 7:12.) Subalit iniuugnay rin ng mga Kasulatan ang ‘oh·lamʹ sa walang hanggan—halimbawa, ang Maylikha mismo. (Ihambing ang Awit 90:2 at 1 Timoteo 1:17.) Kung tungkol sa kahulugan ng pananalita may kaugnayan sa lupa, tayo ay hindi iniiwan sa pag-aalinlangan. Sa Awit 104:5 tayo ay sinasabihan: “Kaniyang inilagay ang mga patibayan ng lupa; ito’y magiging matatag hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.”c—Tingnan din ang Awit 119:90.
14. Paano natin nalalaman na ang globo ay hindi magiging isang ilang balang araw?
14 Ang matitira magpakailanman ay hindi basta isang tigang, di-mabungang globo. Sa Jeremias 10:10-12 tayo ay sinasabihan: “Si Jehova ang tunay na Diyos. . . . Siya ang Maygawa sa lupa sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, ang Isa na nagtatag sa mabungang lupain sa pamamagitan ng kaniyang karunungan, at ang Isa na naglatag ng kalangitan sa pamamagitan ng kaniyang kaunawaan.” Pansinin na hindi niya lamang ginawa “ang lupa” kundi itinatag “ang mabungang lupain.” Kahalili ng huling banggit na pananalitang ito, isinasalin ng maraming tagapagsalin ang salitang Hebreo na te·velʹ na basta “sanlibutan.” Gayunman, sang-ayon sa Old Testament Word Studies ni William Wilson, ang te·velʹ ay nangangahulugang “ang lupa, na mabunga at tinatahanan, ang tinatahanang globo, sanlibutan.” Kung tungkol sa layunin ni Jehova tungkol sa mabunga, tinatahanang lupa na ito, ang Awit 96:10 ay may katiyakang nagpapahayag: “Si Jehova mismo ay naging hari. Ang mabungang lupain din naman ay natatatag na hindi makikilos.”—Tingnan din ang Isaias 45:18.
15. Paano sumasang-ayon ang mga katotohanang ito sa panalangin na itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod?
15 Kaya may kaugnayan sa planetang Lupa na ating tinitirhan na itinuro ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad na idalangin sa Diyos: “Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:9, 10.
16. (a) Anong uri ng mga tao ang mabubuhay sa lupa sa panahong iyon? (b) Ano ang “bagong lupa” na binabanggit ng Bibliya?
16 Hindi kalooban ni Jehova na ang lupa ay tirhan ng mga tao na walang paggalang sa May-ari nito at walang pag-ibig sa isa’t isa. Malaon na ay ipinangako niya: “Sapagkat ang mga manggagawa ng kasamaan ay mahihiwalay, ngunit yaong umaasa kay Jehova ang siyang magmamana ng lupain. Ang matuwid ang magsisipagmana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.” (Awit 37:9, 29) “Ang tinatahanang lupang darating,” na binabanggit ng Bibliya, ay titirhan ng mga taong may takot sa Diyos at taimtim na umiibig sa kanilang kapuwa-tao. (Hebreo 2:5; ihambing ang Lucas 10:25-28.) Gayon na lamang kalaki ang mga pagbabagong magaganap sa ilalim ng makalangit na Kaharian ng Diyos anupa’t binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa “isang bagong lupa”—hindi isang kakaibang globo, kundi isang bagong lipunan ng tao na mamumuhay sa gitna ng malaparaisong mga kalagayan na nilayon ng Maylikha ng tao mula nang pasimulan niya ang kaniyang makalupang paglalang.—Apocalipsis 21:1-5; Genesis 2:7-9, 15.
17. Bakit mahalagang maalaman ang mga kahilingan ng Diyos sa kaligtasan ngayon?
17 Ang pagtatatag ng “bagong lupa” na iyon ay, kinakailangan, pasimulan ng isang malaking pagkawasak—isa na nakahihigit sa anumang bagay na naranasan na ng tao. Sa ikabubuti ng lupa mismo at ng lahat na tunay na nagpapasalamat sa Maylikha nito, kaniyang “ipapahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:17, 18) Ang panahon ng Diyos sa paggawa nito ay napakalapit na! Kapag nangyari ito, isa ka ba sa mga makaliligtas?—1 Juan 2:17; Kawikaan 2:21, 22.
[Mga talababa]
a Tingnan ang aklat na Tunay nga bang Salita ng Diyos ang Bibliya?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Maliban na kung ipinakikita, ang mga teksto sa Bibliya na ginagamit ay sinipi sa New World Translation of the Holy Scriptures, 1981 na edisyon.
c Samakatuwid inuunawa ng ibang mga leksikograpo ang ‘oh·lamʹ na ginagamit sa Eclesiastes 1:4 na nangangahulugang “magpakailanman.” Gayon ang pagkakasalin dito ng The New English Bible, Revised Standard Version, The Jerusalem Bible, The Bible in Living English, King James Versin, at iba pa.