Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 12/8 kab. 12 p. 21-24
  • Tinatakan Para sa Pagkapuksa o sa Pagkaligtas?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tinatakan Para sa Pagkapuksa o sa Pagkaligtas?
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • “ANG IYO BANG PUSO AY MATUWID NA GAYA NG AKING PUSO?”
  • MAYROON KA BA NG TANDA?
Gumising!—1986
g86 12/8 kab. 12 p. 21-24

Kabanata 12​—Pagkaligtas Tungo sa Isang Bagong Lupa

Tinatakan Para sa Pagkapuksa o sa Pagkaligtas?

1. Tayo’y hinihimok ng leksiyong ito na isaalang-alang ang anong mga katanungan?

ANG relihiyosong kalagayan na umiiral ngayon ay humihiling sa atin na ipakita kung ano nga ang nasa ating mga puso. Talaga bang iniibig natin si Jehova at ang kaniyang mga daan? Tayo ba ay gaya ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na tungkol sa kaniya ay sinabi: “Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan mo ang kasamaan”? (Hebreo 1:9) Handa ba tayong patunayan ito nang hayagan upang malaman ng iba kung saan tayo naninindigan? Ang ulat ng Bibliya tungkol kay Jehu at Jonadab na anak ni Reʹchab ay tutulong sa atin na suriin ang ating katayuan.

2. Sino sina Jehu at Jonadab?

2 Noong ikasampung siglo B.C.E., si Jehu ay hinirang na maging hari sa sampung-tribong kaharian ng Israel, na ang kabisera ay nasa Samaria. Siya ay inatasan na puksain ang lahat ng kabilang sa balakyot na sambahayan ni Haring Achab, pati na si Reyna Jezabel, na nagtaguyod ng pagsamba kay Baal sa Israel at sinikap na lipulin ang pagsamba kay Jehova. Tiyak na alam ni Jonadab, isang Kineo (sa gayon, ay hindi isang Israelita), ang tungkol sa programa ng pagpuksa ni Jehu nang salubungin niya si Jehu. Subalit gaano kalakas ang pag-ibig ni Jonadab kay Jehova? Hayagan ba niyang ipakikilala ang kaniyang sarili na isa sa taimtim na naniniwala na tanging si Jehova lamang, ang tunay na Diyos, na dapat sambahin?

“ANG IYO BANG PUSO AY MATUWID NA GAYA NG AKING PUSO?”

3. Paano hayagang ipinakilala ni Jonadab ang kaniyang katayuan kung tungkol sa pagsamba kay Jehova?

3 Pagkatapos magbatian ng dalawang lalaki, hiniling ni Jehu kay Jonadab na linawin ang kaniyang katayuan. “Ang iyo bang puso ay matuwid na gaya ng aking puso,” tanong ni Jehu, “na gaya ng aking puso sa iyong puso?” Walang atubiling sumagot si Jonadab: “Matuwid.” “Kung gayon, iabot mo sa akin ang iyong kamay,” tugon ni Jehu. Kaya isinampa niya si Jonadab sa kaniyang karo at nagsabi: “Sumama ka sa akin at tingnan mo ang aking sikap kay Jehova.” Si Jonadab ay buong giting na hindi nag-atubili.​—2 Hari 10:15, 16; tingnan ang Deuteronomio 6:13-15.

4, 5. (a) Anong pamamaraan ang ginawa ni Jehu upang ipakilala ng mga mananamba ni Baal ang kanilang mga sarili? (b) Pagkatapos ay anong pagkilos ang ginawa ni Jehu, at nasaan si Jonadab? (c) Ano ang iyong reaksiyon sa paglipol na iyon sa mga mananamba ni Baal?

4 Pagdating sa Samaria, si Jehu ay gumawa ng mga hakbang na hihiling sa lahat ng mga mananamba ni Baal na ipakilala ang kanilang mga sarili. Ang mga propeta, mga saserdote at lahat ng mananamba ni Baal ay tinawag sa isang malaking paghahandog sa bahay ni Baal. Sinabihan sila na ang sinumang hindi dadalo ay mamamatay. Ipinag-utos ni Jehu na bigyan ng kasuotang isusuot ang lahat ng mga mananamba ni Baal upang sila ay madaling makilala. Sa gayon ang sinumang nag-aangkin din na sumasamba kay Jehova ay pinangyaring ipakita kung sino ang talagang pinaglilingkuran nila. Wari bang ito’y isang maluwalhating oras kay Baal at kay Satanas na Diyablo, ang huwad na diyos na talagang kinakatawan ni Baal.

5 Hindi ito ang dako para sa tunay na mga mananamba ni Jehova. Gumawa ng isang pagsisiyasat upang tiyakin na tanging ang mga mananamba lamang ni Baal ang naroroon. Pagkatapos ay nagsimula na ang seremonya. Samantala, sa labas, ang mga tauhan ni Jehu ay nakahanda, at sa kaniyang hudyat sila ay kumilos. “Inyo silang patayin! Huwag hayaang makalabas ang sinuman,” utos niya. Lahat ng mananamba ni Baal ay napuksa. Ang bahay ni Baal ay giniba. “Ganito ibinuwal ni Jehu si Baal sa Israel.” Si Jonadab ay nasa tabi ni Jehu upang saksihan ang mga pangyayaring iyon. (2 Hari 10:18-28) Ano ang personal na reaksiyon mo sa kung ano ang naganap? Samantalang walang sinuman sa atin ang nasisiyahan sa kamatayan ng iba, kahit na ng balakyot na mga tao, pinahahalagahan ba natin kung bakit ito ay kinakailangan at kung bakit ito ay napaulat sa Bibliya para mabasa natin ngayon?​—Ihambing ang Ezekiel 33:11.

6. (a) Paano pupuksain ang Babilonyang Dakila? (b) Nang nasa lupa, paano ipinakita ni Jesus ang sikap niya kay Jehova?

6 Ang ulat ay hindi nagbibigay-karapatan sa atin na sirain ang alinmang gusali na pag-aari ng relihiyosong mga pangkat o mga tao na nakatalaga sa huwad na pagsamba. Inatasan ni Jehova, hindi ang kaniyang makabagong-panahong mga saksi, kundi ang niluwalhating si Jesu-Kristo, bilang ang lalong Dakilang Jehu, na isagawa ang Kaniyang matuwid na mga paghatol. Sa pagpapahintulot sa pinagsamang pulitikal na mga kapangyarihan na ipahayag ang kanila mismong poot sa Babilonyang Dakila, lilipulin ng makalangit na Hari ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 6:2; 17:16; 19:1, 2) Nang nasa lupa, si Jesus ay tumangging magsagawa kahit na isang akto ng pagsamba na magpaparangal sa Diyablo. Tinuligsa niya ang pagsasaisang-tabi sa Salita ni Jehova dahil sa tradisyon ng tao at ang paggamit sa pagsamba sa Diyos para sa komersiyal na pakinabang. Naging masikap siya kay Jehova.​—Lucas 4:5-8; Mateo 15:3-9; 21:12, 13.

7. (a) Ano ang ilan sa makabagong-panahong mga katibayan ng Baalismo? (b) Bakit ipinahintulot ni Kristo bilang Hari ang mga bagay na ito?

7 Kung gayon, bakit ipinahihintulot ni Kristo, na ngayo’y nagpupuno sa gitna ng kaniyang mga kaaway, na ang makabagong Baalismo ay waring sumagana? Bakit niya pinahihintulutan ang mga taong maliwanag na nagpaparangal sa diyos ng sistemang ito ng mga bagay sa pagsasaisang-tabi sa mga kahilingan ni Jehova? Bakit niya ipinahihintulot ang kanilang pagkilos na para bang ang Diyos ay walang pagtutol sa kanilang seksuwal na imoralidad, sa kanilang pagluwalhati sa materyalistikong paraan ng pamumuhay, sa kanilang pagpapakalabis sa mga gawaing espiritistiko samantalang nag-aangking mga Kristiyano, at sa kanilang pagtuturo ng mga doktrinang maka-Babilonya na para bang ito ay salita ng Diyos? Ipinakikita ng sinaunang drama na ito’y upang ilagay sa pagsubok ang mga tao, hayaang ipakita nila kung sino ang kanilang sinasamba, at kung sila ba ay karapat-dapat sa pagkaligtas o sa pagkapuksa.

8. Anong maselang mga katanungan ang kinakailangan nating itanong sa ating mga sarili?

8 Anong landasin ang pinili mo? Tinalikdan mo na ba ang lahat ng gawain na maaaring magpakilala sa iyo bilang isang manggagawa ng makabagong Baalismo? Inihiwalay mo na ba ang iyong sarili mula sa sanlibutan at nanindigan bilang isang tunay na mananamba ni Jehova?​—2 Corinto 6:17.

9. (a) Kung talagang tayo’y tulad ni Jonadab, ano ang gagawin natin? (b) Paano idiniriin ng binanggit na mga kasulatan ang kahalagahan ng mga bagay na ito?

9 Si Jonadab, bilang isang hindi Israelitang mananamba ni Jehova, ay lumalarawan sa “ibang tupa” na ngayo’y tinitipon taglay ang pag-asa ng buhay na walang hanggan sa lupa. Ipinababanaag mo ba ang espiritu ni Jonadab? Handa ka bang ipakilala ang iyong sarili nang hayagan na kasama ng lalong Dakilang Jehu at ng kaniyang pinahirang mga tagasunod sa lupa na naghahayag sa dumarating na “araw ng paghihiganti sa bahagi ng ating Diyos”? Ikaw ba ay nakikibahagi sa kanila sa apurahang gawaing iyan? (Isaias 61:1, 2; Lucas 9:26; Zacarias 8:23) Ibinibigay mo ba kay Jehova ang iyong bukod-tanging pagsamba, walang ipinahihintulot na anuman na manghimasok sa kaniyang dako sa iyong puso? (Mateo 6:24; 1 Juan 2:15-17) Ipinakikita ba ng iyong buhay na ang iyong kaugnayan sa kaniya ang iyong pinakamahalagang pag-aari, na ang lahat ng bagay ay nakapaligid dito?​—Awit 37:4; Kawikaan 3:1-6.

MAYROON KA BA NG TANDA?

10. Paano ipinakikita ng Bibliya na tanging ang mga mananamba lamang ni Jehova ang makaliligtas?

10 Isang malaking pagkakamali na maghinuha na kung ang isang tao ay nagsisikap na mamuhay ng isang “mabuting” buhay at iniiwasan niya ang mga relihiyon na gumagawa ng mga bagay na maliwanag na hinahatulan sa Salita ng Diyos, wala nang hinihiling pa sa kaniya. Lahat ng umaasang makaligtas tungo sa “bagong lupa” ay dapat ding walang pagkakamaling makikilala bilang mga mananamba ni Jehova. (Apocalipsis 14:6, 7; Awit 37:34; Joel 2:32) Ang mensaheng ito ay ipinahatid sa isang pangitain na ibinigay kay propeta Ezekiel bago nawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E.

11. (a) Ilarawan ang pangitain na nakaulat sa Ezekiel 9:1-11. (b) Ano ang susi sa kaligtasan?

11 Narinig ni Ezekiel na tinawag ni Jehova yaong inatasan na ipahamak ang di-tapat na Jerusalem at ang mga maninirahan nito. Nakita niya ang anim na mga lalaking nasasandatahan ng mga pamuksang armas, at mayroon ding isang lalaki na nakadamit ng linen, na may tintero ng kalihim sa kaniyang mga balakang. Una sa lalaking ito na nakadamit-linen ay sinabi ni Jehova: “Pumaroon ka sa gitna ng lunsod, sa gitna ng Jerusalem, at maglagay ka ng tanda sa mga noo ng mga taong nagbubuntong-hininga at nagsisidaing dahil sa lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay na ginagawa sa gitna niyaon.” Pagkatapos sa anim na iba pa ay sinabi niya: “Pumaroon kayo sa lunsod kasunod niya at mamuksa. Huwag magpatawad ang inyong mata, at huwag kayong mahabag. Ang matandang lalaki, binata at dalaga at munting bata at mga babae ay inyong patayin​—lipulin. Ngunit huwag lalapit sa kaninumang tao na may tanda, at magsimula kayo sa aking santuaryo.” Nakita ni Ezekiel sa pangitain ang pagkawasak na sumunod​—gayon na lamang kalawak anupa’t waring ang buong Israel sa lupain ay napahamak. (Ezekiel 9:1-11) Ano ang susi sa kaligtasan? Ito’y ang tanda na inilagay ng lalaking may tintero ng kalihim sa noo ng isa.

12. (a) Ano ang kasuklam-suklam na mga bagay na doon ang mga tinandaan ay “nagbubuntong-hininga at nagsisidaing”? (b) Bakit mamumuhi si Jehova sa gayong mga bagay?

12 Tanging ang mga taong “nagbubuntong-hininga at nagsisidaing dahil sa lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay” na ginagawa sa Jerusalem ang tinandaan ukol sa kaligtasan. Ano yaong “kasuklam-suklam na mga bagay”? Lima ang itinala: (1) Isang “larawan ng paninibugho” sa pasukan patungo sa looban ng templo ni Jehova. Anuman ang anyo nito, ang bagay na ito ay pinag-ukulan ng pagsamba na nararapat ibigay ng mga Israelita kay Jehova. (1 Hari 14:22-24) (2) Mga inukit sa pader na mga nagsisiusad na bagay at mga hayop, kung saan ang mga usok ng kamangyan o insenso ay inihahandog doon mismo sa pader ng templo. (3) Mga babaing nananangis sa kamatayan ng diyos na si Tammuz, na isa pang pangalan para kay Nimrod, na naghimagsik laban kay Jehova. (Genesis 10:9) (4) Mga lalaking walang galang na tumatalikod sa templo ni Jehova at sumasamba sa araw. (Deuteronomio 4:15-19) (5) Bilang pangwakas na paghamak, pinuno ng mga tao ang lupain ng karahasan at ang paglalagay ng “sanga,” marahil ay isang sagisag ng sekso, sa ilong ni Jehova. Mapahahalagahan mo ba kung bakit nasusuklam sa kanila si Jehova?​—Ezekiel 8:5-17.

13. (a) Iniisa-isa, magkomento tungkol sa makabagong-panahong mga gawain na kahawig niyaong “kasuklam-suklam na mga bagay.” (b) Ano ang palagay mo sa mga gawaing ito?

13 Ano ang iyong personal na reaksiyon sa makabagong-panahong mga gawain ng Sangkakristiyanuhan na kahawig niyaong “kasuklam-suklam na mga bagay” na iyon? (1) Sa kaniyang mga simbahan ay ang mga imahen na sinasamba ng mga tao, bagaman ang Bibliya ay nagbababala laban sa paggawa ng gayon. (1 Corinto 10:14; ihambing ang 2 Hari 17:40, 41.) (2) Siya ay nakikiayon sa hilig na ihalili ang ebolusyon ng tao mula sa mga hayop sa paglalang ng Diyos; nakikibahagi rin siya sa pagpapakita ng marubdob na pagsamba sa mga kinakatawan ng mga hayop at mga ibon na ginagamit bilang mga pambansang sagisag. (3) Sa kaniyang pagsamba itinatampok niya ang krus, na mula noong sinaunang panahon ay isang relihiyosong simbolo ni Tammuz, at siya’y nakikisama sa mga seremonya upang tangisan yaong mga nangamatay sa mga digmaang nagbububo-dugo na nagpapabanaag ng espiritu ni Nimrod. (Subalit tingnan ang Juan 17:16, 17.) (4) Tinatalikuran niya ang sinasabi ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Salita at, sa halip, pinipili ang “kaliwanagan” na iniaalok ng makabagong siyensiya at pilosopya ng tao. (1 Timoteo 6:20, 21; ihambing ang Jeremias 2:13.) (5) Para bang hindi pa iyon sapat, kaniyang sinasang-ayunan ang rebolusyon o paghihimagsik sa ibang dako at may mapagpalayaw na pangmalas tungkol sa imoralidad sa sekso, samantalang nag-aangking nagsasalita sa pangalan ng Diyos. (2 Pedro 2:1, 2) Ipinalalagay ng ibang tao ang mga hilig na ito na pagiging liberal. Hindi sila sumasang-ayon sa lahat ng mga ito, subalit nakikibahagi sila sa iba o sa paano man ay kinukunsinti nila ito. Ano ang palagay mo sa gayong mga gawain na naninirang-puri sa Diyos at nagpapalayo sa mga tao sa Maylikha ng tao?

14. Bakit ang bagay na ang isang tao ay nawalan ng tiwala sa mga simbahan ay hindi nangangahulugan na siya ay magiging isa roon sa makaliligtas?

14 Maraming tao ang nawalan ng tiwala sa mga simbahan at hindi na dumadalo. Sila ay maaaring lubha ring nababalisa tungkol sa karahasan at kawalan ng katapatan sa daigdig. Subalit iyan ay hindi nangangahulugan na sila ay tinatakan ukol sa kaligtasan. Dapat silang tandaan ng ‘lalaking may tintero ng kalihim.’ Ang mga katotohanan ay nagpapakita na ang uring “tapat at maingat na alipin” ang gumagawa ng gawaing pagtatanda sa ngayon.​—Mateo 24:45-47.

15. (a) Ano ang tanda? (b) Paano nagkakaroon nito ang isang tao?

15 Dapat tanggapin ng lahat ng nagnanais matatakan na nagtataglay ng pagsang-ayon ng Diyos ang mga tagubilin na inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng uring “alipin” na iyan at maging tunay na mga mananamba ni Jehova. Hindi sila dapat maging mga taong pinupuri si Jehova ng kanilang mga labi subalit talagang iniibig ang mga daan ng sanlibutan. (Isaias 29:13, 14; 1 Juan 2:15) Dapat nilang ibigin si Jehova at ang kaniyang mga pamantayan at lubhang malungkot, “nagbubuntong-hininga at nagsisidaing,” sa mga turo at mga gawain na naninirang-puri sa kaniya. Walang sinuman ang maglalagay ng literal na tanda ng tintero sa kanilang noo. Subalit kapag taglay nila ang makasagisag na tanda ito ay mahahalata ng lahat anupa’t, bilang nag-alay, bautismadong mga Kristiyano, sila ay nagsusuot ng “bagong pagkatao” na inilalarawan sa Efeso 4:24. Sila ay may buháy na pananampalataya. Hayagan at pansarilinang sisikapin nilang gawin kung ano ang magpaparangal kay Jehova. Hindi lamang ang mga taong lumabas mula sa Sangkakristiyanuhan kundi ang lahat, anuman ang pinagmulan, na umaasang makaligtas tungo sa “bagong lupa” bilang mga kasama ng pinahirang uri ay dapat na magkaroon ng tandang ito.

16. Bakit ang pangitaing ito ay totoong mahalaga sa mga anak at sa kanilang mga magulang?

16 Lalo nang mahalaga ang bagay na ang mga tagapuksa ni Jehova ay sinabihan na ang edad, sekso, pagiging walang asawa o may-asawa ay hindi dahilan upang iligtas ang isang lumalabag kay Jehova. Ang isang taong may-asawa ay dapat na indibiduwal na magtaglay ng tanda upang mailigtas. Kung tinatanggihan ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay matandaan o kung hindi nila pinalaki ang mga ito bilang mga lingkod ni Jehova, dapat nilang panagutan kung ano ang mangyayari sa mga batang iyon. Bagaman ang masunuring mga bata ng maka-Diyos na mga magulang ay itinuturing na “banal” ni Jehova, ang mga mapaghimagsik ay hindi. (1 Corinto 7:14; Awit 102:28; Kawikaan 20:11; 30:17) Kung ang mga bata ay may sapat nang gulang upang maging bautismadong mga Kristiyano subalit ayaw mamuhay ayon sa mga kahilingan, sila man ay bautismado o hindi, ang kanilang edad ay hindi magliligtas sa kanila. Gaano kahalaga, kung gayon, para sa bawat isa na may sapat na gulang na matatakan bilang isang taong nag-alay sa Diyos at ginagawa ang kaniyang kalooban!

17. Ano ang natutuhan natin dito kung tungkol sa awa ni Jehova?

17 Si Jehova ay nagpakita ng dakilang habag sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagsugo sa kaniyang mga saksi upang babalaan sila ng dumarating na pagkapuksa at ituro sa kanila ang daan ng kaligtasan. Subalit alam na alam niya ang rekord ng huwad na relihiyon at ang bulok ng bunga nito. Kapag ang Babilonyang Dakila ay nalipol na, hindi pagpapakitaan ng awa ang sinumang nananatiling nangungunyapit dito. Upang makaligtas sa dumarating na paghuhukom ng Diyos, dapat tayong lumakad sa mga yapak ni Jesu-Kristo bilang tunay na mga mananamba ni Jehova, ang Maylikha ng langit at lupa.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share