Kabanata 16—Pagkaligtas Tungo sa Isang Bagong Lupa
Ano ang Personal na Gagawin Mo?
1. Anong pasiya ang dapat gawin nang personal?
ANG pasiya na maglingkod kay Jehova ay hindi magagawa sa iyo ng sinuman. Kung ang iyong asawa ay isang tapat na lingkod ng Diyos, iyan ay maaaring maging isang mahalagang pagpapala. Sa gayunding paraan, kung ang iyong mga magulang ay umiibig kay Jehova, ikaw ay nasa isang pinagpalang kalagayan. Ang gayong mga kalagayan sa tahanan ay maaaring mag-udyok sa iyo na makisama roon sa mga sumasamba kay Jehova “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23, 24) Subalit darating ang panahon at ikaw ay dapat na gumawa ng isang personal na disisyon. Talaga bang iniibig mo si Jehova at nais mong maging isa sa kaniyang mga lingkod? Talaga bang nais mong mamuhay sa isang daigdig kung saan iiral ang katuwiran?
2. (a) Bakit totoong mahalaga ang saloobin ng isang magulang sa paglilingkod kay Jehova? (b) Anong limang bagay ang maaaring gawin ng mga magulang upang mabigyan ang kanilang mga anak ng isang mahusay na pasimula?
2 Kung ikaw ay isang magulang, tiyak na nais mong tamasahin ng iyong mga anak ang pagpapala ng buhay na walang hanggan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Hindi mo maaaring kontrolin kung ano ang gagawin nila kapag sila ay nagsilaki na at may sapat ng gulang upang gawin ang kanilang landas sa buhay. Subalit kung ano ang personal na ginagawa mo tungkol sa tunay na pagsamba ay maaaring makaimpluwensiya—alin sa ikabubuti o sa ikasasama. Kung hihinto ka sa paglilingkod kay Jehova, pagkakaitan mo ang iyong anak ng kung ano ang maaaring maging ang kanilang pinakamabuting pagkakataon na magsimula sa daan tungo sa buhay na walang hanggan. O kung ikaw ay gagawa ng pag-aalay sa Diyos at pagkatapos ay manlamig ka at hindi mamuhay ayon dito, ito ay maaaring humantong sa espirituwal na kapahamakan ng buong pamilya, at ang pagkawala ng lahat ng bagay sa malaking kapighatian. Subalit kung ikaw ay magpapakita ng isang halimbawa ng katapatan, kung personal na tinutulungan mo ang iyong mga anak na mag-aral ng Salita ng Diyos, kung nililinang mo sa iyong sarili at sa kanila ang pag-ibig kay Jehova at paggalang sa kaniyang nakikitang organisasyon, kung tinutulungan mo silang matalos kung paanong sila ay naiingatan sa pamamagitan ng paggawa ng kalooban ng Diyos, kung ipinakikita mo sa kanila kung paano makasusumpong ng kagalakan sa banal na paglilingkod, kung gayon binibigyan mo sila ng isang napakahusay na pasimula sa daan na patungo sa buhay. Ito ay posible sa pamamagitan lamang ng pagpapala ni Jehova. (Ihambing ang 2 Timoteo 1:5.) Walang patid na ipanalangin ito. Kinakailangan din ang malaking pagsisikap sa iyong bahagi. Subalit sulit naman ang kalalabasan!
3. (a) Kung makaharap mo ang pagsalansang ng mga membro ng pamilya, ano ang maaaring gawin? (b) Subalit kumusta naman kung magpatuloy ang pagsalansang?
3 Marahil ang kalagayan na nakakaharap mo ay na ang ibang membro ng iyong pamilya ay hindi nakikibahagi sa iyong pag-ibig kay Jehova. Sinisikap ba nilang pahinain ang iyong loob na “masangkot”? O mayroon bang tahasang pagsalansang? Ano ang maaari mong gawin upang tulungan sila na makibahagi sa iyong kagalakan sa pag-unawa sa layunin ng Diyos? Kadalasan ang mga hadlang ay maaaring mapagtagumpayan sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga membro ng pamilya na sumama sa iyo sa Kingdom Hall upang makita nila mismo kung ano ang nagaganap doon. Samantalang naroroon, maaari silang makipag-usap sa isa sa mga matatanda upang linawin ang mga katanungan nila tungkol sa mga paniniwala at mga gawain ng mga Saksi ni Jehova. Subalit ano kung ang pagsalansang ay magpatuloy? Kung gayon kailangan mong tanungin ang iyong sarili: ‘Talaga bang iniibig ko si Jehova at ang kaniyang Anak na si Jesu-Kristo at ako ba ay lubos na nagpapasalamat sa lahat ng mga bagay na ginawa nila para sa akin anupa’t handa akong pagtiisan ang ilang kahirapan upang ipakita ko ang aking pag-ibig at pasasalamat? Gayon na lamang ba ang pag-ibig ko sa aking sariling pamilya upang magtakda ng isang matuwid na halimbawa upang, hangga’t maaari, sila rin ay matulungan na manghawakan sa mga paglalaan ng Diyos para sa buhay na walang hanggan?’—Mateo 10:36-38; 1 Corinto 7:12, 13, 16.
Ang Hudyat na Hinahanap ng mga Bansa
4. Paano natin maipakikita na talagang iniibig natin si Jehova?
4 Ang pagkakataon ay ipinaaabot ngayon sa mga tao saanman upang ipakita ang kanilang pag-ibig kay Jehova sa pamamagitan ng paghahanay ng kanilang mga sarili sa kaniyang Mesianikong Kaharian. Ang pamahalaang iyan ang paraan upang ang pangalan ni Jehova ay maipagbangong-puri. Ang ating saloobin sa Kaharian ay nagpapatotoo kung ano ang nadarama natin kay Jehova mismo.
5. (a) Sa Isaias 11:10, ano ang inihula tungkol sa ating kaarawan? (b) Ano ang kahulugan nito?
5 Kinasihan ni Jehova ang propetang si Isaias na sumulat: “At mangyayari sa araw na yaon na ang ugat ni Jesse ay tatayo bilang isang hudyat sa mga bansa. Hahanapin siya ng mga bansa, at ang kaniyang pahingahang dako ay magiging maluwalhati.” (Isaias 11:10) Ang “ugat ni Jesse” na iyan ay ang niluwalhating Panginoong Jesu-Kristo. Nang simulan niya ang kaniyang makaharing kapangyarihan, bilang ang nagbibigaybuhay na “ugat” binigyan niya ng bagong kasiglahan ang linya ng Mesianikong mga hari na buhat kay Jesse sa pamamagitan ng kaniyang anak na si Haring David. (Apocalipsis 5:5; 22:16) Sapol noong 1914 siya ay “tumatayo bilang hudyat sa mga bansa,” isang pinagtitipunang dako para sa mga taong naghahangad ng matuwid na pamahalaan. Si Jehova mismo ang nagtaas sa kaniya na Hudyat, ang tunay na Mesianikong Hari.—Isaias 11:12.
6. (a) Ano ang nagpangyari sa mga tao na magkatipon sa makalangit na Hari? (b) Bunga ng ‘paghanap’ sa “hudyat,” ano ang natutuhan ng mga tao?
6 Subalit paano magkakatipon ang mga tao rito sa lupa sa isang makalangit na Hari? Kailangang bigyan sila ng impormasyon mula sa Bibliya upang makita nila siya sa pamamagitan ng mga mata ng unawa. Sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu, ang nalabi ng espirituwal na Israel ay masigasig na isinasagawa ang gawaing ito, ipinahahayag sa buong lupa ang mabuting balita ng natatag na Mesianikong Kaharian ng Diyos. Ang mga tao mula sa lahat ng mga bansa ay nakinig nang may pagpapahalaga. Nagtanong sila tungkol sa mga kahilingan ng Diyos para sa kanila upang maging sakop ng Kaharian, at tamasahin ang walang hanggang buhay sa Paraisong lupa. Nasiyahan sa mga kasagutan mula sa Bibliya, sila ay kumilos na kasuwato nito at nanindigan sa panig ng Mesianikong Kaharian ni Jehova. Ginawa mo na ba iyan?
‘Diringgin Nila Ngunit Hindi Nila Ginagawa’
7. Anong reaksiyon o pagtugon sa mensahe ng Bibliya ang inihula sa Ezekiel 33:30-33?
7 Dahilan sa masigasig na gawain ng mga Saksi ni Jehova, sila ay madalas na pag-usapan ng mga tao. Subalit ano ang nadarama ng mga taong ito tungkol sa mensahe na ipinahahayag ng mga Saksi ni Jehova? Ang pagtugon ng marami ay gaya niyaong mga kapuwa bihag ni propeta Ezekiel sa Babilonya. Tungkol sa kanila, ganito ang sabi ni Jehova: “At tungkol sa iyo, Oh anak ng tao, ang mga anak ng iyong bayan ay nagsasalita sa bawat isa . . . na sinasabi, ‘Pumarito ka, isinasamo ko sa iyo, at dinggin mo kung ano ang salita na nanggagaling kay Jehova.’ At sila ay darating sa iyo, gaya ng pagdating ng aking bayan, at sila’y magsisiupo sa harap mo na gaya ng aking bayan; at kanila ngang diringgin ang iyong mga salita ngunit hindi nila ginagawa, sapagkat sila’y nagsasalita ng masakim na mga pagnanasa ng kanilang bibig, ngunit ang kanilang puso ay nasa kanilang di-matuwid na pakinabang. At, narito! ikaw ay parang masayang awit sa kanila, gaya ng isa na may magandang tinig at nakatutugtog na mabuti sa panugtog. At kanila ngang maririnig ang iyong mga salita, ngunit walang gumagawa nito. At pagka ito’y nangyari—narito! ito’y mangyayari—at kanila ngang malalaman na isang propeta ang napasa-gitna nila.”—Ezekiel 33:30-33.
8. Paano pinatutunayan ng ilang mga tao ang saloobing iyan?
8 Maraming tao ang humahanga sa mga Saksi ni Jehova at naiibigan ang kanilang mga literatura sa Bibliya. Maaari pa nga nilang tanggapin ang alok ng isang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ang iba ay sumasama sa kanilang mga kaibigan sa pantanging mga pulong na ginaganap ng mga Saksi. Sa taunang Memoryal ng kamatayan ni Jesu-Kristo, halimbawa, karaniwan nang ang bilang ng dumadalo ay doble sa bilang ng aktibong mga Saksi ni Jehova. Sa ibang lupain, ang dumadalo ay limang ulit na mas mataas sa bilang ng mga Saksi. Subalit ano ang ginagawa nila tungkol sa mga katotohanan ng Bibliya na naririnig nila? Mahigit na tatlong milyon ang personal na isinapuso ang mga ito at iniayon ang kanilang mga buhay na kasuwato nito. Subalit ang iba ay itinuring ito na para bang isa lamang magandang musika, isang bagay na nakaaaliw sa kanila. Nananatili sila sa tabi, marahil ay nagsasabi ng mga salitang nakapagpapatibay-loob subalit hindi nag-aalay ng kanilang buhay sa Diyos at hindi nakikibahagi sa kaniyang banal na paglilingkod.
9. Sa halip na mag-alinlangan at maghintay, ano ang gagawin ng matalinong mga tao?
9 Ano ba ang pakikinabangin sa pag-aalinlangan at paghihintay? Tiyak na hindi ang pagsang-ayon at proteksiyon ni Jehova sa dumarating na araw ng paghihiganti. Upang makabilang sa mga makaliligtas, dapat magbigay ka ng kapani-paniwalang ebidensiya ngayon na ikaw ay ‘pumipisan na kay Jehova’ at na ikaw ay pag-aari niya.—Zacarias 2:11; Mateo 7:21.
Gumawa Sila ng Tamang Disisyon
10, 11. (a) Sino si Hobab, at ano ang paanyaya sa kaniya? (b) Paano natin nalalaman kung anong pasiya ang ginawa niya?
10 Lahat ng naging mga mananamba ni Jehova bilang mga tagasunod ni Jesu-Kristo ay gumawa na ng isang personal na disisyon na gawin ang gayon. Totoo ito sa lahat ng mga tagapagmana ng makalangit na Kaharian. Ngayon ang mahalagang pagkakataon ay bukás para sa lahat na gumawa ng kanilang pagpili, taglay ang pag-asa ng pagkaligtas sa malaking kapighatian at pamumuhay sa kasakdalan sa lupa. Si Hobab ay isang halimbawa na dapat nilang tularan.
11 Si Hobab ay bayaw ni Moises. Siya’y hindi isang Israelita kundi membro ng tribo ng mga Kineo na namumuhay sa teritoryo ng mga Midianita. Pagkatapos tanggapin ng Israel ang Batas sa pamamagitan ni Moises at nagtayo ng banal na tabernakulo para sa pagsamba kay Jehova, ang panahon ay dumating upang pumahilaga tungo sa Lupang Pangako. Ang haligi ng ulap na kumakatawan sa pagkanaroroon ni Jehova ay nagpapauna sa kanila, ipinakikita ang ruta na kanilang tatahakin at kung saan magkakampamento. Subalit malaking tulong na makasama ang isa na alam na alam ang lupain at kung saan masusumpungan ang mga bagay na kinakailangan sa pagkakampamento. Inanyayahan ni Moises si Hobab na sumama sa kanila, subalit sa simula ay tumanggi si Hobab, iniisip na mas mabuti pang manatili siya na kasama ng kaniyang mga kamag-anak sa dako na kaniyang sinilangan. Gayunman, hinimok siya ni Moises na pag-isipan itong muli at sumama siya sa kanila upang “magsilbing pinaka-mata” para sa Israel at sa gayon ay mapahanay upang tamasahin ang mga pagpapalang igagawad ni Jehova sa kaniyang bayan. Matalinong gayon nga ang ginawa ni Hobab, gaya ng ipinakikita sa Mga Hukom 1:16.—Bilang 10:29-32.
12. (a) Sino ngayon ang tulad ni Hobab, at sa anong mga paraan? (b) Anong paanyaya ngayon ang gaya niyaong paanyaya ni Moises kay Hobab?
12 May mga tao sa ngayon na inilalarawan ni Hobab. Bagaman hindi espirituwal na mga Israelita, nakisama sila sa mga ito habang sila’y naglalakbay tungo sa bagong sistema ng Diyos. Upang gawin ito, dapat nilang putulin ang mga kaugnayan sa makasanlibutang mga kamag-anak at mga pamahalaan ng tao. Sa ilalim ng pangunguna ng Lalong-dakilang Moises, si Jesu-Kristo, may kagalakang naglingkod sila sa nalabi ng “mga kapatid” ni Kristo, kadalasang humahanap ng mga bagong teritoryo para sa pangangaral ng mabuting balita. Marami sa kanila ang lumipat sa mga lugar kung saan malaki ang pangangailangan para sa mga tagapagpahayag ng Kaharian, kadalasan bilang mga payunir o mga misyonero, ginagamit ang kanilang panahon nang lubusan upang ilathala ang Kaharian ng Diyos bilang ang tanging tunay na pag-asa ng sangkatauhan. Marami pang mga pagkakataon kung saan maaari tayong makibahagi sa gayong banal na paglilingkod. Ang kuwalipikadong mga tao ay inaanyayahang makibahagi at tamasahin ang mga pagpapala ng gayong pinalawak na paglilingkod. Magagawa mo ba iyan?
13. (a) Sino si Jael, at ano ang katayuan ng kaniyang asawa kung tungkol sa mga lingkod ni Jehova? (b) Paano si Jael ay napaharap sa isang pagsubok?
13 Mga 180 taon pagkaraang magpasiya ni Hobab na sumama sa Israel, isa sa kaniyang mga inapo, isang lalaking nagngangalang Heber, ay namumuhay na kasama ng kaniyang asawa, si Jael, hindi kalayuan sa Megido. Ibinukod ni Heber ang kaniyang sarili mula sa ibang mga Kineo at pumasok sa mapayapang pakikipag-ugnayan kay Jabin, isang haring Canaaneo na malupit na umaapi sa Israel. Nang ibangon ni Jehova si Barak bilang tagapagligtas ng Israel, tinipon ng puno sa hukbo ni Jabin, si Sisera, ang kaniyang hukbo at ang siyam na raang mga karong pandigma na may mga talim sa gulong. Subalit si Jehova ay nakipagbaka para sa kaniyang bayan, nilito ang kampo ng kaaway, at bumaha upang ilubog ang mga karo. Iniwan ni Sisera ang karo at tumakas sa tolda ni Jael na asawa ni Heber. Gaya ng inaasahan ni Sisera, inanyayahan siya ni Jael sa tolda.—Hukom 4:4-17; 5:20, 21.
14. Anong pasiya ang ginawa ni Jael, at ano ang pinatunayan nito?
14 Ngayon ang pagsubok ay nagsisimula na. Ano ang gagawin niya sa kaaway na ito ng bayan ni Jehova? Tinakpan niya si Sisera ng isang kumot, pinawi ang kaniyang uhaw ng gatas at naghintay hanggang si Sisera ay makatulog. Nang magkagayon, siya ay “kumuha ng isang tulos ng tolda at kumuha ng isang pamukpok sa kaniyang kamay. At siya’y naparoong dahan-dahan sa kaniya at itinusok ang tulos sa kaniyang pilipisan at pinalagpas ito hanggang sa lupa, samantalang siya’y nakatulog nang mahimbing at nanlulupaypay. At siya’y namatay.” Ang ginawa niya ay nangangailangan ng tibay-loob, at pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang bayan. At ang positibong pagkilos at pagsisikap sa bahagi niya.—Hukom 4:18-22; 5:24-27, 31.
15. Paano pinatutunayan ngayon ng mga tao na sila ay katulad ni Jael?
15 Gaya ng iba pang mga hindi Israelita na mga mananamba ni Jehova, inilalarawan ni Jael ang “ibang tupa” na gumagawa ng mabuti sa espirituwal na mga kapatid ni Kristo. Anuman ang kaugnayan ng kanilang malapit na mga kamag-anak sa sanlibutan at sa mga namiminuno rito, ang “ibang tupa” ay hindi sumasang-ayon sa pang-aapi ng makasanlibutang mga pinuno sa bayan ni Jehova. Ang kanilang katapatan ay sa Lalong-dakilang Barak, ang Panginoong Jesu-Kristo, at sa kaniyang tunay na mga tagasunod. Ang mga uring Jael na ito ay hindi personal na lumalaban sa makasanlibutang mga pinuno, subalit ginagamit nila ang anuman na nasa kanilang kapangyarihan upang sawatain ang mga pagsisikap na apihin ang mga lingkod ni Jehova. Hindi sila nag-aatubili sa pagpapakilala na sila ay kasuwato ng layunin ni Jehova na puksain ang lahat ng kaniyang mga kaaway.
16, 17. (a) Anong halimbawa ang karapat-dapat nating tularan na gaya ng nakatala sa Gawa kabanata 8? (b) At ano ang patuloy na dapat nating gawin?
16 Walang panahon na dapat aksayahin. Kung talagang may pananampalataya ka kay Jehova at sa kaniyang Mesianikong Kaharian at kung iniayon mo na ang iyong buhay na kasuwato ng mga kahilingan sa Bibliya, kung gayon, walang pagpapaliban, hayagang ipakita mo iyan. Ipabanaag mo ang espiritu ng Etiopeng bating na nakatala sa Gawa kabanata 8. Nang maunawaan niya kung ano ang hinihiling sa kaniya, tinanong niya si Felipe, na nagpaliwanag sa kaniya ng mabuting balita tungkol kay Jesus: “Ano ang nakakahadlang upang ako’y mabautismuhan?” At siya pagdaka’y inilubog sa tubig.
17 Yamang ikaw ay nakagawa ng isang mahusay na pasimula, palakasin mo araw-araw ang iyong kaugnayan kay Jehova, humanap ng mga paraan upang lubusang maikapit ang kaniyang Salita sa iyong buhay, at makibahagi ka nang lubusan sa mahalagang gawain ng paghahayag ng Kaharian na isinasagawa sa mga huling araw ng sistemang ito ng mga bagay.