Kabanata 24—Pagkaligtas Tungo sa Isang Bagong Lupa
Paubos Na ang Panahon!
1. Sang-ayon sa kilalang mga siyentipiko, gaano kalapit ang “doomsday”?
NOONG 1947, ang mga siyentipiko ay gumawa ng isang “doomsday clock.” Lumitaw ito sa pabalat ng The Bulletin of the Atomic Scientists at ginamit upang ilarawan kung gaano kapanganib sa paniwala nila ang daigdig sa isang nuklear na pagkalipol. Paulit-ulit ang mga kamay ng “orasan” na iyan ay inilipat—kung minsa’y paabante, kung minsa’y paatras, depende sa kung gaano kapanganib ang pandaigdig na kalagayan. Maaga noong 1984 ang mga kamay na iyon ay inabante sa tatlong minuto bago ang hatinggabi. Kung ito ay umabot sa hatinggabi, ito’y nangangahulugan na ang kinatatakutang digmaang nuklear ay nagsimula na.
2. Kailan sinimulan ni Jehova ang kaniyang pagbilang, at ano ang magiging kahulugan ng “zero hour” nito?
2 Subalit mga 6,000 taon na ang nakalipas na ang Diyos na Jehova ay nagsimulang bumilang at iyon ay pasulong, hindi kailanman umuurong. Sa pagbilang na iyon ang “zero hour” ay ang panahon na itinakda ng Diyos para sa pagbabangong-puri ng kaniyang pagkasoberano, kung saan nakasalalay ang kapayapaan at kapakanan ng lahat ng sansinukob. Hayagang sinabi niya ang kaniyang layunin at nagbigay ng mga palatandaang panahon na magpapangyari sa atin na makilala ang pagsulong na ito ng panahon. Karakaraka pagkatapos ng paghihimagsik sa Eden, ipinangako ni Jehova na magluluwal siya mula sa kaniyang “babae,” ang kaniyang organisasyon ng matapat na mga espiritung nilalang, ng isang “binhi” na susugat kay Satanas, “ang matandang ahas,” sa ulo at sa wakas ay dudurugin siya sa pagkalipol magpakailanman. (Genesis 3:15; Apocalipsis 12:9; Roma 16:20) Anong kapana-panabik na panahon nga iyan para sa mga umiibig sa katuwiran!
3. (a) Ano ang nagpapakita na ang pagdating ng Mesiyas ay maingat na isinaoras? (b) Para sa ano inilagay ang saligan?
3 Sa itinakdang panahon ng Diyos, na patiunang inihula malaon na, ang ipinangakong “binhi,” ang Mesiyas, ang mismong Anak ng Diyos, ay lumitaw sa lupa. Bilang isang umaalingawngaw na sagot sa hamon ni Satanas, iningatan ni Jesus ang sakdal na maka-Diyos na debosyon hanggang sa kamatayan. At sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan bilang isang walang kasalanang tao inilaan din niya ang paraan upang tubusin ang mga anak ni Adan mula sa kasalanan at kamatayan. Sa gayon ang saligan ay nailagay upang sa wakas ay ‘iwasak ang mga gawa ng Diyablo.’—1 Juan 3:8; Daniel 9:25; Galacia 4:4, 5.
4. (a) Anong pangkat ang sinimulang tipunin ni Jesus samantalang siya ay nasa lupa? (b) Kasuwato ng iskedyul ng Diyos, kailan nagsimulang magpuno si Kristo bilang Hari? (c) Ano ang isa sa unang pagkilos na isinagawa niya?
4 Samantalang si Jesus ay nasa lupa pa, sinimulan niyang tipunin ang mga lalaki at mga babae na makakasama niyang magiging mga tagapagmana ng kaniyang makalangit na Kaharian. Tanging 144,000 mga pinili, subók at mga tapat ang makakasama. Nang dumating ang panahon para sa pagtitipon ng panghuling mga membro ng pangkat na ito, ang “pamamahala at kaluwalhatian at kaharian” ay ibinigay kay Jesus mismo sa langit. (Daniel 7:13, 14) Tamang-tamang sa iskedyul, noong 1914, siya ay kumilos bilang nagpupunong Hari. Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay agad na inihagis mula sa langit, ang pagkilos na ito ay paglilinis sa luklukan ng pamahalaan. (Apocalipsis 12:7-12) Ang kasalukuyang sistema ng sanlibutan ay pumasok sa mga huling araw nito.
5. Sino ang buháy na makasasaksi sa pagbabangong-puri ng pagkasoberano ni Jehova?
5 Paubos na ang panahon na nagsimula ng pagbilang mga anim na milenyo na. Napakalapit na nito anupa’t ang mga taong nabuhay noong 1914, na may mga edad na ngayon, ay hindi maglalaho sa tanawin bago matupad ang kapana-panabik na mga pangyayaring palatandaan ng pagbabangong-puri sa pagkasoberano ni Jehova.—Marcos 13:30.
6, 7. (a) Anong mga bagay tungkol sa “malaking pulutong” ang nagpapakita na ang malaking kapighatian ay napakalapit na? (b) Bakit sila tumitingin na may masidhing pag-asam-asam sa hinaharap?
6 Masasaksihan din ng iba pang tapat na mga lingkod ng Diyos ang mga pangyayari sa dakilang araw na iyon. Lalo na simula noong 1935, nang ang pagkakakilalan sa “lubhang karamihan,” o “malaking pulutong,” ay maliwanag na naunawaan, marami sa mga ito ang nagpakilala ng kanilang sarili. Sa simula ay daan-daan, pagkatapos ay libu-libo, at nang malaunan ay daan-daang libo, at ngayon mayroon nang angaw-angaw na nakapangalat sa buong globo. Inilalarawan ng hindi nagkakamaling Salita ng Diyos ang pangkat na ito na ‘lumalabas mula sa malaking kapighatian,’ mga nakaligtas mula rito at mamumuhay sa bagong sistema ng Diyos nang hindi kinakailangan pang mamatay. (Apocalipsis 7:9, 10, 14; Juan 11:26) Ang naunang mga membro ng grupong ito ay ngayon mga edad 60’s o 70’s o mas matanda pa. Hindi ipinahintulot ni Jehova na magsimula ng maaga ang pagtitipon sa grupong ito. Ang “malaking pulutong,” kasama ang marami sa pinakamaagang mga membro nito, ay makaliligtas tungo sa “bagong lupa.”
7 Ang pag-asa ng “malaking pulutong” ay hindi bibiguin ng anumang nuklear na kapahamakan na sisira sa lahat ng sangkatauhan. Taglay ang mabuting dahilan na sila ay punô ng pag-asa at tibay ng loob. Habang natutupad ang mga pangyayari sa “mga huling araw,” minasdan nila ang mga ito taglay ang masidhing pag-asam-asam, ikinakapit sa kanilang mga sarili ang payo ni Jesus: “Tumayo kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat nalalapit na ang inyong kaligtasan.” (Lucas 21:28) Subalit sa natitirang panahon bago ang pagliligtas na iyan, higit pang yumayanig-daigdig na mga pangyayari ang magaganap.
Mga Mangyayari Pa sa Hinaharap
8. (a) Anong napakahalagang pangyayari na inihula sa 1 Tesalonica 5:3 ang darating pa? (b) Maraming taon na ang nakalipas, paanong ang tanghalan ay itinayo para rito? (c) Nitong nakalipas na mga taon, anong malaking panggigipit mayroon upang tiyakin ang pandaigdig na kapayapaan?
8 Tumutukoy sa isa rito, si apostol Pablo ay sumulat: “Pagka sinasabi nila: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ saka naman ang biglaang pagkapuksa ay biglang-biglang darating sa kanila gaya ng pagdaramdam sa panganganak ng babaing nagdadalang-tao; at sila’y hindi makatatakas sa anumang paraan.” (1 Tesalonica 5:3) Kung anong anyo ng paghahayag iyan ay makikita natin. Subalit kapansin-pansin na ang entablado o tanghalan ay agad na itinayo pagkatapos na ang daigdig ay pumasok sa “mga huling araw.” Noong 1919 ang layunin ng Liga ng mga Bansa ay sinasabing ang paghahayag ng “kapayapaan at katiwasayan.” Pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig II, binanggit ng Karta ng Nagkakaisang mga Bansa (United Nations) ang “kapayapaan at katiwasayan” bilang ang pangunahing tunguhin ng pandaigdig na lupong iyan. Hindi nito natamo ang layuning iyan. Gayunman, nitong nakaraang mga taon ang mga tao mula sa lahat ng antas ng buhay ay nakibahagi sa pagkalalaking mga demonstrasyong pampubliko sa maraming mga lupain, hinihimok ang mga lider ng daigdig na ihinto ang lahat ng produksiyon, pagsubok at pagpapalaganap ng mga sandatang nuklear. Nais nila ng katiyakan sa kapayapaang pandaigdig at sila ay takot na takot sa pinaniniwalaan nilang mapagpipilian.
9. Bakit ang biglang pagkawasak ay darating doon sa nagtataguyod ng inihulang paghahayag ng “Kapayapaan at katiwasayan”?
9 Ito man ay resulta nito o ng iba pang mga pagsisikap, hindi magtatagal ang mga pinunong tao ay gagawa ng napakahalagang proklamasyon ng “Kapayapaan at katiwasayan!” Ito ay magiging pagkukunwari lamang. Subalit ipapahayag niyaong mga nagtataguyod nito na natamo nila ang kanilang tunguhin sa pamamagitan ng kanilang sariling pamamaraan, nang walang tulong ang Kaharian ng Diyos. Sa pagtatakwil na ito ng pagkasoberano ni Jehova, “biglaang pagkapuksa ay biglang-biglang darating sa kanila.”
10. Paanong ang kalagayan ay inihahanda na para sa pagkapuksa ng Babilonyang Dakila?
10 Ang mga pangyayari ay mabilis na kikilos. Ang Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ay iiwan ng kaniyang dating pulitikal na mga mangingibig. Ngayon pa, alam na alam na ng mga pinuno na ang relihiyon ay isang puwersa na humihila ng pagkapoot, pagbububo ng dugo at digmaan sa buong globo. Ang mga pulitiko ay nagsasawa na sa panggigipit ng klero. Sa maraming bahagi ng daigdig, ang pagdalo sa mga dako ng pagsamba ay lubhang umurong. Isang ateistikong pangmalas, ito man ay lantaran o lihim, ay nagdidikta ng opinyong publiko. Gayundin, maraming mga membrong bansa ng United Nations ang may matinding patakaran laban sa relihiyon. Pagdating ng itinakdang panahon ni Jehova para sa paggawad ng hatol, pahihintulutan niya ang pulitikal na mga pinuno, sa isang mabilis na pandaigdig na pagkilos, na bumaling laban sa Babilonyang Dakila at lubusang wasakin siya.—Apocalipsis 17:15, 16; 19:1, 2.
11. (a) Laban kanino susunod na babaling ang mga bansa? (b) Sa anong mga pangyayari pa hahantong iyan?
11 Lasing dahil sa kanilang tagumpay at inuudyukan ng kanilang di-nakikitang pinuno, si Satanas na Diyablo, ang mga bansa ay saka sasalakay sa tapat na mga saksi mismo ni Jehova sa lupa. (Ezekiel 38:14-16) Ang bagay na ang mga ito ay mapapayapa, masunurin sa batas na mga tao na hindi nakikialam sa pulitika o may pananagutan man sa digmaan ay hindi isasaalang-alang. Hihilingin ng mga bansa ang lubusang pagsuporta, pagsamba sa pulitikal na sistema. Subalit kapag sila ay kumilos upang durugin ang nakikitang organisasyon ni Jehova, ang Diyos ay kikilos alang-alang sa kaniyang tapat na mga lingkod, at ililigtas sila. Lubusang lilipulin ng mga hukbo ng langit ang bawat bahagi ng nakikitang organisasyon ni Satanas, lilipulin lahat niyaong nangungunyapit dito. Pagkatapos, ang pinakamahigpit na kaaway, si Satanas na Diyablo mismo, ay susunggaban at lubusang hindi iiral sa loob ng isang libong taon, na sa panahong iyon ang lahat ng mga epekto ng kaniyang masamang impluwensiya ay ganap na aalisin at ang lupa ay babaguhin tungo sa isang Paraiso. Pagkatapos niyan, si Satanas ay pakakawalan sa loob ng maikling yugto ng panahon, upang subukin ang isinauling sangkatauhan. Ang lahat ng tao na pipiliing sumunod sa kaniya ay pupuksain, kasama ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo.—Apocalipsis 19:19-21; 20:1-3, 7-10.
Inihahatid Tungo sa Isang Maluwalhating “Bagong Lupa”
12. (a) Kanino iuukol ng “malaking pulutong” ang kanilang kaligtasan? (b) Sino ang makikisama sa kanila sa pagpuri sa Diyos?
12 Na ang pumupukaw-takot na mga pangyayari ng wakas ng kasalukuyang sanlibutan ay nasa likuran nila at ang Milenyong Paghahari ni Kristo sa unahan nila, ang sinang-ayunang mga makaliligtas sa lupa ay mapupunô ng pasasalamat habang inilalakas nila ang kanilang mga tinig sa pasasalamat sa Diyos. Taglay ang buong-pusong pasasalamat ang “malaking pulutong” ay sisigaw na may malakas na tinig: “Ang kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos, [si Jehova], na nakaupo sa trono, at sa Kordero [si Jesu-Kristo].” At lahat ng matapat na makalangit na organisasyon ng Diyos, dala ng pagpapahalaga sa dakilang kahulugan ng mga pangyayaring ito, ay makikisama sa kanila sa pagsamba, na sinasabi: “Amen! Suma-ating Diyos ang pagpapala at ang kaluwalhatian at ang karunungan at ang pasasalamat at ang karangalan at ang kapangyarihan at ang lakas magpakailan-kailan man. Amen.”—Apocalipsis 7:10-12.
13. Paano inilalarawan ng Bibliya ang paglalaan na ginawa upang tustusan at pagalingin ang sangkatauhan?
13 Sa wakas ang lahat ng sangkatauhan ay bubuo ng isang nagkakaisang lipunan ng mga tao na nagpaparangal sa tunay na Diyos, “isang bagong lupa” sa ilalim ng “isang bagong langit” na nagpapahayag sa maibiging pagkasoberano ni Jehova. Gumagamit ng kalugud-lugod na simbolismo, inilalarawan ng huling aklat ng Bibliya ang kahanga-hangang mga pakinabang na aapaw sa sangkatauhan sa panahong iyon na gaya ng “isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng bubog, at umaagos buhat sa trono ng Diyos at ng Kordero” patungo sa gitna ng malawak na lansangan ng makalangit na Bagong Jerusalem. Sa kahabaan ng mga pampang ng ilog na ito ay “mga punungkahoy ng buhay” na namumunga upang tustusan yaong kumakain nito at ang mga dahon ay pampagaling sa mga bansa. Inilalarawan dito ang lahat ng paglalaan na ginawa ng Diyos sa pagpapagaling at pagsusustini sa naniniwala, sumusunod na sangkatauhan at pinangyayari silang magtamasa ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.—Apocalipsis 21:1, 2; 22:1, 2.
14. Sa anong mga paraan na ang mga kalagayan sa “bagong lupa” ay magiging kaiba sa mga kalagayan sa daigdig ngayon?
14 Sa panahong iyon ang mga kalagayang iiral sa lupa ay magiging nakagiginhawang ibang-iba sa anuman na nagawa sa matandang sanlibutan. Sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga pakinabang ng hain ni Kristo at sa pamamagitan ng edukasyon sa kalooban ng Diyos, ang mga masunurin, pati na yaong mga bubuhaying-muli mula sa mga patay, ay mapapalaya sa lahat ng bakas ng kasalanan at tutulungang sumulong sa pisikal, mental, emosyonal at espirituwal na paraan hanggang sa maabot nila ang kasakdalan. Sa halip na magpakita ng bumabahaging “mga gawa ng laman,” ang lahat ay matututong magpakita nang sagana ng maka-Diyos na mga bunga na gaya ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan at pagpipigil-sa-sarili. (Galacia 5:19-23) Taglay ang gayong espiritu, ang bunga ng lupa ay gagamitin upang saganang tustusan ang mga pangangailangan ng lahat ng tao. Ang buhay ay magkakaroon ng higit na kabuluhan kaysa kailanma’y naranasan ng tao habang ang sangkatauhan ay sama-samang gumagawa upang tuparin ang orihinal na layunin ng Maylikha para sa lupang ito at sa mga maninirahan nito.
15. (a) Anong kaakit-akit na paanyaya ang ipinarating na sa sangkatauhan? (b) Kaya, ano ang dapat nating gawin bilang indibiduwal?
15 Sa maligayang paghihintay ng lahat ng ito, ang espiritu ng Diyos at ang kasintahan ni Kristo ay nagpapaabot ngayon ng isang marubdob na paanyaya sa mga tao saanman, na nagsasabi: “‘Halika!’ At ang nakikinig ay magsabi: ‘Halika!’ At ang nauuhaw ay pumarito; at ang may ibig ay kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay.” (Apocalipsis 22:17) Samakatuwid nga, hindi ngayon ang panahon upang maghintay hanggang sa ang pagbilang sa dakilang araw ni Jehova ay umabot sa “zero hour” nito sa dakilang kapighatian. Yamang tinanggap mo ang magiliw na paanyaya na “kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay,” ikaw ngayon ay may pribilehiyo na ipaabot ang paanyayang iyan sa iba. Isa itong panahon para sa masigasig na gawain sa bahagi niyaong lahat na nagnanais na makaligtas tungo sa maluwalhating “bagong lupa” ng Diyos.