Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 4/22 kab. 7 p. 21-24
  • Pagtutuos Tungkol sa Paggamit sa mga Pondo ni Kristo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagtutuos Tungkol sa Paggamit sa mga Pondo ni Kristo
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Ang Talinghaga ng mga Talento
  • Huwad na mga Umaangkin sa mga Talento
  • Ang Uring “Masamang Alipin” ay Inihagis sa Labas
Gumising!—1987
g87 4/22 kab. 7 p. 21-24

Kabanata 7​—Pandaigdig na Katiwasayan sa Ilalim ng “Prinsipe ng Kapayapaan”

Pagtutuos Tungkol sa Paggamit sa mga Pondo ni Kristo

1. Anong pamahalaan ang walang anumang mga suliraning pangkabuhayan, at sino ngayon ang kailangang makipagtuos sa pamahalaang ito?

MALIBAN sa isa, lahat ng pamahalaan ay may mga suliraning pangkabuhayan. Karamihan ng mga pamahalaan ay may malalaking pagkakautang. Ang isang pamahalaan na hindi kasali riyan ay ang ngayo’y malawakang ipinahahayag na “kaharian ng langit.” (Mateo 25:1) Mayroon pa sa lupa niyaong magiging mga membro ng makalangit na Kahariang iyan na naglilingkod sa pamahalaang iyan. Sa pinakamapanganib na panahong ito sa buong kasaysayan ng tao, ang mga lingkod na ito ng “kaharian ng langit” ay tinatawag upang makipagtuos. Kailangan silang makipagtuos sa pamahalaan sa kung paano nila ginamit ang mahalagang mga bagay na ipinagkatiwala sa kanila.

2. Bakit tayo dapat maging lubhang interesado sa isang talinghaga na sinabi ng “Prinsipe ng Kapayapaan”?

2 Upang ilarawan ang bagay na ito, isinaysay ng pangunahing kinatawan ng “kaharian ng langit” na iyan malaon nang panahon ang isang talinghaga, o isang ilustrasyon. Dapat itong makainteres sa atin sa ngayon, sapagkat isinama ito ng “Prinsipe ng Kapayapaan” sa kaniyang pangmatagalang hula tungkol sa “tanda” na magiging palatandaan ng kaniyang “pagkanaririto” sa Kaharian taglay ang lubos na awtoridad na mamahala. (Mateo 24:3) Hindi maiiwasan na tayo sa ngayon ay kasangkot sa mga resulta na kasunod ng katuparan ng makahulang talinghaga, yamang ang ating patuloy na pag-iral, ang atin mismong buhay, ay nasasangkot. Kaya ganito sinabi ng “Prinsipe ng Kapayapaan” ang talinghaga sa kaniyang mga apostol mga ilang araw bago ang kaniyang sakripisyong kamatayan sa Kalbaryo.

Ang Talinghaga ng mga Talento

3. Paano pinangasiwaan ng mga alipin na tumanggap ng mga talento mula sa panginoon bago siya umalis ang mga ito noong siya ay wala?

3 “Manatili nga kayong nagbabantay, kung gayon, sapagkat hindi ninyo nalalaman ang araw ni ang oras. Sapagkat iyon ay katulad ng isang tao, na nang maglalakbay na sa ibang lupain, ay tinawag niya ang kaniyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kaniyang mga ari-arian. At ang isa’y binigyan niya ng limang talento,a ang isa’y dalawa, at ang isa’y isa, sa bawat isa’y ayon sa kani-kaniyang kaya, at siya’y yumaon sa kaniyang paglalakbay. Ang tumanggap ng limang talento ay pagdaka’y yumaon at siya’y nangalakal at nakinabang ng lima pa. Sa gayon ding paraan ang tumanggap ng dalawa ay nakinabang ng dalawa pa. Subalit ang isang tumanggap ng isa lamang ay yumaon, at humukay sa lupa at doon itinago ang salaping pilak ng kaniyang panginoon.

4. Ano ang sinabi ng panginoon sa mga aliping iyon na pinarami ang bilang ng mga talento?

4 “Pagkatapos nga ng mahabang panahon ay dumating ang panginoon ng mga aliping yaon at nakipagtuos sa kanila. At ang tumanggap ng limang talento ay lumapit at nagdala ng lima pang talento, na nagsasabi, ‘Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento; narito, ako’y nakinabang ng lima pang talento.’ Sinabi sa kaniya ng kaniyang panginoon, ‘Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin! Nagtapat ka sa kakaunting bagay. Pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.’ At lumapit naman ang tumanggap ng dalawang talento at sinabi, ‘Panginoon, binigyan mo ako ng dalawang talento; narito, ako’y nakinabang ng dalawa pang talento.’ Sinabi sa kaniya ng kaniyang panginoon, ‘Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin! Nagtapat ka sa kakaunting bagay. Pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.’

5, 6. Anong dahilan ang ibinigay ng ikatlong alipin sa pagtatago sa talento, at ano ang ginawa sa kaniya ng panginoon?

5 “Sa wakas ay lumapit naman ang tumanggap ng isang talento at sinabi, ‘Panginoon, nakikilala kita na ikaw ay isang taong mapagmatigas, na gumagapas ka roon sa hindi mo hinasikan, at nag-aani ka roon sa hindi mo sinabugan. Kaya’t ako’y natakot at ako’y yumaon at aking itinago sa lupa ang talento mo. Narito, nasa iyo ang iyong sarili.’ Bilang tugon ay sumagot ang kaniyang panginoon at sinabi sa kaniya, ‘Ikaw na aliping balakyot at tamad, nalalaman mong ako’y gumagapas sa hindi ko hinasikan at nag-aani roon sa hindi ko sinabugan, di ba? Bueno, kung gayon, ibinigay mo sana ang aking salaping pilak sa mga nangangalakal ng salapi, at nang sa aking pagdating ay tinanggap ko sana ang ganang akin pati ng pakinabang.

6 “‘Kaya bawiin sa kaniya ang talento at ibigay sa may sampung talento. Sapagkat sa kaninuman na mayroon ay higit pa ang ibibigay at siya’y magkakaroon ng sagana; subalit sa kaniya na wala, maging yaon mang nasa kaniya ay babawiin sa kaniya. At ang walang-kabuluhang alipin ay ihagis sa kadiliman sa labas. Nariyan na ang pagtangis niya at ang pagngangalit ng kaniyang ngipin.’”​—Mateo 25:13-30.

7. Ano ang inilalarawan ng mga talento?

7 Sa talinghagang ito, ano ang inilalarawan ng mga talento? Isang bagay na mahalaga, hindi sa pananalapi kundi sa isang espirituwal na diwa. Ang mga talento ay kumakatawan sa atas na gumawa ng mga alagad ni Kristo. Kasama sa atas na ito ang napakalaking pribilehiyong kumilos bilang mga embahador ni Kristo, ang Hari, upang katawanin ang Kaharian sa lahat ng mga bansa sa daigdig.​—Efeso 6:19, 20; 2 Corinto 5:20.

8. (a) Sa anong kadiliman inihagis ang “tamad” na uring alipin sa panahong ito ng “katapusan ng sistema ng mga bagay”? (b) Bakit hindi tinatamasa ng daigdig ng sangkatauhan ang liwanag ng pagsang-ayon at pagpapala ng Diyos?

8 Walang alinlangan, narating na natin ngayon ang pangwakas na katuparan ng makahulang talinghagang ito! Dumating na sa salinlahing ito ang pinakamadilim na panahon sa buong kasaysayan ng tao! Tunay, mayroong angkop na kadiliman sa labas ng nakikitang bahagi ng organisasyon ni Jehova kung saan ang “tamad” at “walang-kabuluhang” uring alipin ay maaaring ihagis sa utos ng Panginoon. Inilalarawan ng gayong “kadiliman sa labas” ang madilim na kalagayan sa daigdig ng sangkatauhan, lalo na sa relihiyosong diwa. Hindi tinatamasa ng daigdig ng sangkatauhan ang liwanag ng pagsang-ayon at pagpapala ng Diyos. Wala ito sa liwanag ng kaalaman ng Kaharian ng Diyos. Ito ay nasa ilalim ng “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” na “binulag ang mga isip ng mga di-sumasampalataya, upang sa kanila’y huwag sumikat ang kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos.”​—2 Corinto 4:4.

9. (a) Bilang katuparan ng talinghaga, sino ang inilalarawan ng “tao,” at gaano kalayo ang nilakbay niya? (b) Anong katibayan mayroon upang ipakita ang kaniyang pagbabalik?

9 Napakaraming katibayan ngayon na ang inilalarawan na “tao,” na mayroong di-kukulanging walong talentong pilak, ay nagbalik na mula sa kaniyang paglalakbay sa ibang lupain. Ang “taong” iyon ay si Kristo Jesus. Ang kaniyang paglalakbay sa ibang lupain ay nagdala sa kaniya sa kinaroroonan ng Maylikha ng araw, buwan, at mga bituin ng ating sansinukob. Upang tandaan ang kaniyang pagbabalik, tinigmak ng dugo ng dalawang digmaan ng pandaigdig na mga kasukat, pati na ng maraming iba pang mas maliliit na mga digmaan sa ngayon, ang ating lupa. Gaya ng inihula, ang mga ito ay sinamahan ng mga taggutom, salot, at mga lindol, at ng paglago ng katampalasanan at ng pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian” sa lahat ng tinatahanang lupa. Natupad nito ang mga detalye ng sinabi ni Jesus na magiging “tanda ng [kaniyang] pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.”​—Mateo 24:3-15.

10. (a) Bakit naglakbay sa ibang lupain ang tao? (b) Bakit hindi aktuwal na nakita ng daigdig ng sangkatauhan ang kaniyang pagbabalik?

10 Bagaman hindi espisipikong binanggit sa talinghaga ni Jesus, ang taong naglakbay sa ibang lupain, na mawawala sa loob ng mahabang panahon, ay naglakbay nga upang tamuhin “ang kaharian ng langit,” na tinukoy na mas maaga sa Mateo 25:1. Sa kabila ng pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig I, iniluklok ng Diyos na Jehova, na ang kaharian sa Israel ay bumagsak noong 607 B.C.E., ang matuwid na Tagapagmana ng Kaharian noong 1914 C.E., sa takdang panahon upang ihinto ang pagyurak. Hindi, hindi nakita ng mga bansang Gentil ng kanilang likas na paningin ang pagluluklok sa trono ng Isa na tinawag ni Haring David na “aking Panginoon.” (Awit 110:1) Hindi nila maaaring gawin ang gayon sapagkat sinabi ng tao sa talinghaga, si Jesu-Kristo, sa kaniyang mga alagad, bago maglakbay sa ibang lupain: “Kaunti pang panahon at hindi na ako makikita ng sanlibutan.”​—Juan 14:19.

11. (a) Ano ang bahagi ng tanda na magiging palatandaan ng kaniyang pagbabalik at pagkanaririto? (b) Kailan ito mangyayari?

11 Yamang ang pagdating ni Kristo sa makalangit na kapangyarihan ng Kaharian ay hindi makikita ng mga mata ng tao, kailangan ngang ipabatid niya ang kaniyang pagkanaririto sa makalangit na Kaharian sa pamamagitan ng tanda na hiniling ng mga apostol niya tatlong araw bago ang kaniyang martir na kamatayan. Bahagi ng nakakukumbinsing tandang iyan ay na ang tao ay magbabalik mula sa ibang lupain at makikipagtuos sa kaniyang mga alipin na pinagkatiwalaan niya ng mahalagang mga talento. Samakatuwid, ang pagtutuos na iyon sa mga sinang-ayunan sa paggamit ng mga talento ay nakatakdang maganap pagkatapos ng 1914.

12. (a) Kanino nakaatang ang pananagutan na manguna sa pagpapatotoo sa Kaharian? (b) Ang kanilang pangwakas na kaligtasan ay nakasalalay sa ano?

12 Mangangahulugan ito ng pakikipagtuos doon sa mga tagapagmana ng “kaharian ng langit.” Mangangahulugan ito ng pakikipagtuos sa nalabi ng lupong Kristiyanong iyan, na inianak ng espiritu ng Diyos mula noong araw ng Pentecostes ng taóng 33 C.E. (Gawa, kabanata 2) Magkakaroon ng isang nalabi ng mga ito sa lupa sa panahon ng “katapusan ng sistema ng mga bagay” na ito mula 1914 patuloy. Sa mga ito maaatang ang pananagutan na manguna sa pagtupad sa hula ni Jesus para sa panahong iyon: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14; Marcos 13:10) Sa kanila nakaatang ang pananagutan na maging tapat hanggang sa wakas, upang makaligtas tungo sa Kaharian ng langit. (Mateo 24:13) Nakikita ang kanilang pangwakas na kaligtasan, pinatibay sila ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat upang magtiis sila hanggang sa ngayon, sa kabila ng pandaigdig na pag-uusig. Pinatutunayan ng bagay na ito ang pagsang-ayon niya sa kanila!

Huwad na mga Umaangkin sa mga Talento

13. (a) Sino ang nag-aangkin na tumanggap ng mga talento? (b) Ano ang masasabi natin sa kaniya?

13 Ang Sangkakristiyanuhan ay nag-aangkin na kagalang-galang na pinagkatiwalaan ng mga talento ng taong mayaman sa talinghaga ni Jesus. Subalit kung tutuusin natin ang kaniyang landasin ng pagkilos mula noong 1914, ano ang masasabi natin? Ito: Siya ay hindi namumuhay sa kaniyang pag-aangkin. Di-tapat sa tao sa talinghaga, siya’y nakisama sa mga kaharian ng sanlibutang ito; ang mga pulitiko ng makasanlibutang mga pamahalaang iyon ay mga kalaguyo niya. Itinataguyod pa rin niya ang Nagkakaisang mga Bansa, ang kahalili ng ngayo’y hindi na umiiral na Liga ng mga Bansa.

14. Saan natin masusumpungan ang Sangkakristiyanuhan ngayon?

14 Siya ay hindi pa nga nakatutugon sa alipin na binigyan ng isang talento, na napatunayang tamad at na hindi pinarami ang ari-arian ng kaniyang panginoon. Kaya sa panahong ito sapol noong sukdulan ng Digmaang Pandaigdig I noong 1918, ang Sangkakristiyanuhan ay tiyak na inilantad na laging nasa kadiliman sa labas ng naiilawang-mainam na bahay ng Panginoon. Doon sa kadiliman ng gabi sa labas, sa makasagisag na pananalita, ay nagsimula na ang kaniyang pagtangis at pagngangalit ng kaniyang ngipin. Higit pa rito ang mangyayari kapag ang kaniyang pulitikal na mga kalaguyo ay bumaling laban sa kaniya at hubaran siya bilang ang pinakamasisising bahagi ng buong Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon.

Ang Uring “Masamang Alipin” ay Inihagis sa Labas

15. Sino ang tumupad sa larawan ng aliping tamad, at saan nila nasusumpungan ngayon ang kanilang mga sarili?

15 Yaong aktuwal na naging bahagi ng pinahiran-espiritung nalabi at pinagkatiwalaan ng mahahalagang bagay ng Kaharian, subalit huminto na sa paggawa ng pagsisikap na paramihin ang mga pakinabang ng nagbalik na Panginoon, ay inihagis sa labas ng maharlikang paglilingkod sa Panginoon. (Mateo 24:48-51) Hindi na natin nasusumpungan ang tamad na uring “masamang alipin” na nangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian.” Bagkus, sila’y nagpapakadalubhasa sa kanilang personal na kaligtasan sa halip na sa mga kapakanan ng Kaharian ng Diyos. Nasusumpungan nila ngayon ang kanilang mga sarili sa “kadiliman sa labas,” kung saan naroroon ang daigdig ng sangkatauhan. Ang kanilang simbolikong talento ay binawi sa kanila at ibinigay sa uri na nagpakita ng pagkukusa na gamitin ang talento sa panahon ng natitirang bahaging ito ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.”

16. (a) Ito ang pinakaangkop na panahon sa anong paggamit ng makasagisag na mga talento? (b) Anong pananagutan ang naaatang ngayon sa “malaking pulutong” ng “ibang tupa”?

16 Kailanman ay hindi pa nagkaroon ng mas angkop na panahon para sa paghahayag ng “mabuting balita ng kaharian” sa pamamagitan ng paggamit sa “talento,” yaon ay, ang pambihirang pribilehiyo, ang pagkakataon, na kumilos bilang “mga embahador na kumakatawan kay Kristo,” ang nagpupunong Hari, at gumawa ng mga alagad para sa kaniya. (2 Corinto 5:20) At habang mabilis na dumarating ang wakas, nararapat lamang na tulungan ng “malaking pulutong” ng “ibang tupa” yaong natitirang inianak-sa-espiritung mga embahador habang masigasig na ginagamit nila nang lubusan ang mahalagang “talento” na ipinagkatiwala sa kanila.

[Talababa]

a Ang isang Griegong talentong pilak ay tumitimbang ng 654 na mga onsang troy (20.4 kg).

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share