Kabanata 10—Pandaigdig na Katiwasayan sa Ilalim ng “Prinsipe ng Kapayapaan”
Kung Ano ang Isinumpa ng Diyos na Gagawin Para sa Sangkatauhan—Ngayo’y Malapit Na!
1, 2. (a) Sa anong diwa sumusumpa ang Diyos, at bakit? (b) Ano ang sinasabi ng Diyos sa Isaias 45:23? (c) Sa anong mga pananalita ng propetang Isaias dapat tayong sumang-ayon?
ANG Diyos ba ay sumusumpa? Oo, ang Diyos ay sumusumpa, subalit hindi siya gumagamit ng lapastangan na pananalita, nagsisiklab sa galit at nawawalan ng pagpipigil-sa-sarili. Ang kaniyang pagsumpa ay laging maayos upang pagtibayin kung ano ang ipinahahayag niyang magiging kaniyang layunin. Ito’y nagbibigay ng karagdagang katiyakan doon sa mga maaapektuhan. Kaya, makabubuting bigyang-pansin ng lahat ng sangkatauhan ang kaniyang mga salita sa Isaias 45:23: “Sa aking sarili ay sumumpa ako—ang salita ay nakabitaw sa aking bibig sa katuwiran, at hindi babalik—na sa akin ay luluhod ang bawat tuhod, bawat dila ay susumpa.”
2 Ngayon, mahigit na 2,700 mga taón pagkatapos ng hulang iyan, tayo ba ay kumbinsido na ang mga salita ng propeta sa Isaias 45:24 ay totoo: “Kay Jehova lamang ang lubos na katuwiran at kalakasan. Ang lahat na nag-iinit laban sa kaniya ay magsisiparoon sa kaniya at mangapapahiya”? Kung gayon, maaari rin tayong sumang-ayon sa susunod na mga salita ni Isaias sa talatang 25: “Kay Jehova ang lahat ng binhi ng Israel ay aariing-matuwid at luluwalhati.”
3, 4. (a) Bakit ang Isaias 45:25 ay hindi magpapangyari sa atin na isipin na ito ay ang Republika ng Israel? (b) Mayroon bang anumang kabiguan sa katuparan ng Isaias 45:23-25, at bakit gayon ang sagot mo?
3 Nang binabasa ang Isaias 45:25, ito ba ay tumutukoy sa Republika ng Israel? Hindi! Hindi ipinalalagay ng mga Israeli na iyon ang kanilang pagtatagumpay sa Diyos ng kanilang banal na Hebreong Kasulatan. Dahil sa maling pagpipitagan o paggalang tumatanggi pa nga silang bigkasin ang kaniyang pangalan.
4 Dahil dito, ikinakatuwiran ba natin na ang Isaias 45:23-25 ay hindi natupad hanggang sa taóng ito? Hindi! Wala pang hula ang hindi natupad sa itinakdang panahon ni Jehova. Sa kaniya, imposibleng hindi matupad ang kaniyang hula! Ang kaniyang salita ay hindi lamang maaasahan at mapagkakatiwalaan sa ganang sarili kundi lalo pa nga kapag si Jehova ay sumusumpa rito, idinaragdag ang kaniyang sumpa, upang pagtibayin ang mga bagay-bagay.
Ang Panunumpa ng Diyos
5. Paano ipinaliliwanag ng Hebreo 6:13-18 ang pamamagitan ng Diyos na may sumpa sa pangako kay Abraham?
5 Tungkol dito, mababasa natin sa Hebreo 6:13-18: “Sapagkat nang mangako ang Diyos kay Abraham, palibhasa walang sinumang mapanunumpaan niya na mas mataas sa kaniya, siya’y nanumpa sa kaniyang sarili, na nagsasabi: ‘Tunay na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin kita.’ At sa ganito pagkatapos na makapaghintay si Abraham nang may pagtitiis, kaniyang natamo ang pangakong ito. Sapagkat ang mga tao ay sumusumpa sa isang nakatataas, at ang kanilang sumpa ang katapusan ng lahat ng pagtatalo, sapagkat ito’y isang legal na garantiya sa kanila. Sa ganitong paraan ang Diyos, nang nilayon niyang ipakita nang lalong sagana sa mga tagapagmana ng pangako ang kawalang-pagbabago ng kaniyang pasiya, ay namagitan na may sumpa, nang sa gayon, sa pamamagitan ng dalawang di-mababagong bagay na doo’y hindi maaaring magsinungaling ang Diyos, tayong nagsitakas tungo sa kanlungan ay magkaroon ng matibay na pampalakas-loob na manghawakan sa pag-asang iniharap sa atin.”
6. (a) Anong pangganyak mayroon sa Diyos na sumumpa sa kaniyang sarili kung tungkol sa kaniyang pangako kay Abraham? (b) Paano maaaring gamitin ni Jehova ang kaniyang “kaibigan”?
6 Sa pangkalahatan, mayroong isang malakas na pangganyak sa pagsumpa, sa pagbigkas ng isang sumpa. Iyan ay lalo ng totoo kung ang pagsumpa ay kinusa ng Diyos, boluntaryo. Ang gayong pangganyak ay inilalaan sa kasong ito kung saan si Jehova ay iniulat na sumusumpa, oo, sumusumpa sa kaniyang sarili. Ang sinumpaang pangako na ginawa ni Jehova kay Abraham, ang kaniyang “kaibigan,” ay nakakaapekto sa ating lahat ngayon. Pinahalagahan ito ni Jehova nang si Abraham ay kumilos ayon sa paanyaya ng Diyos at iniwan ang kaniyang lupang tinubuan at nagtungo sa lupain na ibibigay ni Jehova sa mga inapo ni Abraham bilang isang pag-aari. Maaaring gawin ni Jehova na dakila ang pangalan ng “kaibigan” na ito at gamitin siya sa ikapagpapala ng iba. Kaya masasabi nga ni Jehova sa kaniya: “At pagpapalain ko ang mga magpapala sa iyo, at susumpain ko ang mga susumpa sa iyo, at tunay na pagpapalain ng lahat ng angkan sa lupa ang kanilang sarili sa pamamagitan mo.”—Genesis 12:3; Isaias 41:8.
7. (a) Anong himala ang ipinagkaloob ni Jehova kay Abraham nang ang kaniyang asawa ay 90 taóng gulang? (b) Paano ipinakita ni Abraham ang kaniyang pananampalataya at pagsunod sa isang pambihirang paraan?
7 Nang ang asawa ni Abraham na si Sara ay 90 taóng gulang, lagpas na sa edad ng pag-aanak, makahimalang pinagpala siya ng Diyos na dalhin sa kaniyang sinapupunan ang minamahal na anak nila ni Abraham, si Isaac, bilang katuparan ng Kaniyang kamangha-manghang pangako kay Abraham. Pinatunayan mismo ni Abraham na handa at kusa niyang ihahandog kahit na ang mahalagang anak na ito bilang isang haing tao bilang pagsunod sa utos ng kaniyang Diyos, si Jehova. Ang pambihirang kapahayagang ito ng pananampalataya at pagsunod ay lubhang nakaantig kay Jehova anupa’t sinabi niya sa kaniyang “kaibigan,” si Abraham:
8, 9. (a) Paano tumugon si Jehova sa kapahayagang ito ng pananampalataya at pagsunod ni Abraham? (b) Kanino ginawa ng Diyos ang kaniyang sarili na may pananagutan?
8 “‘Sa aking sarili ay sumumpa ako,’ sabi ni Jehova, ‘sapagkat ginawa mo ito at hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak, tiyak na pagpapalain kita at tiyak na pararamihin ko ang iyong binhi gaya ng mga bituin sa langit at gaya ng mga buhangin sa tabing-dagat; at aariin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kaniyang mga kaaway. At sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain nga ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili dahilan sa bagay na nakinig ka sa aking tinig.’”—Genesis 22:15-18.
9 Ito ang kauna-unahang dako sa Bibliya kung saan si Jehova ay iniuulat na sumumpa. Palibhasa’y walang sinumang mapanunumpaan niya na mas mataas sa kaniya, siya’y sumumpa sa kaniyang sarili, inaatasan ang kaniyang sarili. Sa ganitong paraan ginawa niya ang kaniyang sarili na may pananagutan hindi sa sino pa man kundi sa kaniyang sarili. Sa kaniyang sariling kapurihan na isinasagawa niya ang paghahayag niya ng kaniyang layunin.
Sa Anong Lawak?
10. Gaano na katagal ginawa ng Diyos ang kaniyang tipan kay Abraham, at anong katanungan kung gayon ang bumabangon?
10 Si Abraham ay pumasok sa lupang pangako ng Canaan halos 4,000 taon na ang nakalipas. Kaya sa ngayon, sa anong lawak naisagawa na ang tipang iyon na ginawa noong 1943 B.C.E.?
11. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng pagiging membro sa UN ng Republika ng Israel, at taglay ang anong mga resulta? (b) Ang likas na mga inapo ni Abraham ba ay nakatutugon sa mga kahilingan na maging ang ipinangakong “binhi”?
11 Ngayon, may umiiral na Republika ng Israel sa Gitnang Silangan. Interesado-sa-sarili, ito ay membro ng United Nations (Nagkakaisang mga Bansa). Kinakatawan ng UN ang pagtanggi sa Kaharian ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng ipinangakong “binhi” ni Abraham at sa gayon ay mapupuksa sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” ang Armagedon. Lahat ng membro ng UN, pati na ang Republika ng Israel, ay papalisin. Nakalulungkot, ang makalaman, likas na mga inapo ni Abraham ay hindi nakatutugon sa mga kahilingan na maging ang ipinangakong Mesianikong “binhi” na gagamitin ng Diyos na Jehova sa ikapagpapala ng lahat ng sangkatauhan.—Apocalipsis 16:14-16.
12, 13. (a) Di-gaya ng kaniyang ninunong si David, bakit ang “Prinsipe ng Kapayapaan” ay hindi magpupunong mag-isa? (b) Ang pinahirang mga Kristiyano ba ay kinailangang maghintay hanggang sa ang Kaharian ay maitatag noong 1914 upang tanggapin ang ipinangakong pagpapala, at paano natin nalalaman?
12 Maliwanag upang mapansin ng lahat, ang ipinangakong Mesiyas ay hindi nagpupuno sa Gitnang Silangan, sa makalupang Jerusalem para sa katuparan ng tipang Abrahamiko. Di-gaya ng kaniyang ninunong si David noong una, ang Mesiyas at “Prinsipe ng Kapayapaan” ay hindi magpupunong mag-isa. Ipinangako niya na makakasama niya sa kaniyang pamamahala ang kaniyang 12 tapat na mga apostol at ang kaniyang iba pang inianak-sa-espiritu na mga alagad, na ang bilang ay 144,000. (Apocalipsis 7:1-8; 14:1-4) Mayroon pang nalabi ng gayong mga alagad sa lupa. Ano na ang ginawa para sa kanila sa pagpapatuloy ng katuparan ng tipang Abrahamiko na isinumpa ng Diyos? Ang isa na pangunahing makakasama sa Kaharian na iyon, si apostol Pablo, ay sumulat sa Galacia 3:8: “Patiunang ipinakita na ng Kasulatan na aariing-matuwid ng Diyos ang mga tao ng mga bansa dahil sa pananampalataya at noon pa’y ipinahayag na kay Abraham ang mabuting balita, samakatuwid nga: ‘Sa pamamagitan mo’y pagpapalain ang lahat ng bansa.’”
13 Ang mga Kristiyanong pinili mula sa mga bansa ay hindi na kinakailangang maghintay hanggang matapos maitatag ang Kaharian noong 1914 upang tanggapin ang ipinangakong pagpapala, sapagkat si apostol Pablo ay patuloy na nagsabi: “Kaya’t ang mga nananatili sa pananampalataya ay pinagpapala kasama ng tapat na si Abraham.” (Galacia 3:9) Si Pablo ay isang Kristiyano at siya’y pinagpala, at gayundin ang lahat ng iba pang inianak-sa-espiritung mga Kristiyano nang kaniyang kaarawan.a Gayundin naman sa ngayon, ang nalabi, na binubuo ng inianak-sa-espiritung mga Kristiyano na nanampalataya sa Mesiyas bilang ang pangunahing “binhi” ni Abraham sa ikapagpapala ng lahat ng sangkatauhan, ay dumaranas ng ipinangakong pagpapala.
14. (a) Paanong ang pinahirang mga Kristiyano ay totoong pinagpala sang-ayon sa tipang Abrahamiko? (b) Sa anong paraan ipinagbangong-puri nito si Jehova?
14 Sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanilang mga sarili kay Jehova at sinasagisagan ang pag-aalay na ito sa pamamagitan ng bautismo sa tubig at pagkatapos ay iniaanak ng espiritu ng Diyos sa isang espirituwal na kalagayan, ang mga Kristiyanong ito ay naging espirituwal na mga anak ng Lalong-dakilang Abraham, ang Diyos na Jehova. Sila rin ay naging kasamang mga tagapagmana ni Jesu-Kristo, ang Lalong-dakilang Isaac. (Roma 8:17) Sila nga ay totoong pinagpala sang-ayon sa tipang Abrahamiko. Isinasagawa na ni Jehova kung ano ang isinumpa niyang gawin, sa gayo’y ipinagbabangong-puri ang kaniyang sarili bilang tagapagsabi ng katotohanan, Isa na may kasakdalang naisasagawa kung ano ang isinumpa niyang gawin sa kaniya mismong pangalan.
15. Ano ang sinasabi ni apostol Pablo tungkol sa bawat membro ng nalabi ng inianak-sa-espiritung mga Kristiyano?
15 Ang bawat membro ng nalabi ng inianak-sa-espiritung mga Kristiyano ay isang Judio sa espirituwal na diwa. Gaya ng sabi ni apostol Pablo: “Sapagkat siya’y hindi Judio kung sa labas lamang, ni pagtutuli yaong sa labas sa laman. Kundi siya’y Judio kung sa loob, at ang pagtutuli ay yaong sa puso sa espiritu, at hindi sa nasusulat na kautusan.”—Roma 2:28, 29.
16. Ang espirituwal na mga Judio ay bumubuo ng anong uri na inihula sa Zacarias 8:23?
16 Sa “katapusan ng sistema ng mga bagay” na ito, ang inianak-sa-espiritung mga Kristiyanong iyon, na mga Judio sa loob na ang pagtutuli ay sa kanilang mga puso, ang bumubuo ng uring Judio na inihula sa Zacarias 8:23, kung saan nasusulat: “Ganito ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Mangyayari sa mga araw na iyon na sampung lalaki sa lahat ng wika ng mga bansa ang magtatanganan, oo, sila’y aktuwal na magsisitangan sa laylayan ng damit ng isang lalaking Judio, na mangagsasabi: “Kami ay sasama sa inyo na mga tao, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay kasama ninyo na mga tao.”’”
17. (a) Sino ang inilalarawan ng “sampung lalaki” na nais sambahin si Jehova na kasama ng kasalukuyang-panahong nalabi ng espirituwal na mga Judio? (b) Sa pakikisama sa espirituwal na mga Judio sa pagsamba kay Jehova, ano ang tinatamasa ngayon ng mga membro ng “ibang tupa”?
17 Ang “mga tao” na nais samahan ng “sampung lalaki” upang sambahin ang Diyos na Jehova ay ang kasalukuyang-panahong nalabi niyaong espirituwal na mga Judio, ang uri na bumubuo sa “tapat at maingat na alipin” ng Mateo 24:45-47. Yamang ang bilang na sampu ay kumakatawan sa pagiging kompleto sa isang makalupang uri, ang “sampung lalaki sa lahat ng wika ng mga bansa” ay lumalarawan sa lahat ng simbolikong mga tupa na inihula sa Mateo 25:32-46. Ang mga ito ang uring “ibang tupa” na sinabi ni Jesus na dadalhin niya sa kaniyang sarili na kasama ng tulad-tupang nalabi upang buuhin na kasama nila ang “isang kawan” sa pangangalaga ng “isang pastol.” (Juan 10:16) Sa ganitong paraan natitikman nila ang mga pagpapapala ng tipang Abrahamiko sa pamamagitan ng “binhi” ng Lalong-dakilang Abraham, ang Diyos na Jehova. Kung gayon, tiyak na malapit na ang isinumpa ng Diyos na gagawin niya para sa lahat ng sangkatauhan!
[Talababa]
a Tungkol sa pangalang “mga Kristiyano,” ang talababa ng Reference Bible sa Gawa 11:26 ay nagsasabi: “Hebreo, Meshi·chi·yimʹ, ‘mga Mesianista.’”