Ang Pag-apura sa Henyo
“Ang daigdig ay maaaring mapunô ng intelektuwal na mga taong gaya nina Einstein, Shakespeare, Beethoven at Leonardo da Vinci kung tinuruan natin ang mga sanggol sa halip na mga bata.”—Dr. Glen Doman, direktor ng The Institutes for the Achievement of Human Potential.
“Walang bata ang sa gayo’y ipinanganganak na isang henyo, at wala rin namang ipinanganganak na isang mangmang. Ang lahat ay depende sa pagpapasigla sa mga selula ng utak sa napakahalagang mga taon. Ang mga taon na ito ay yaong mula sa pagsilang hanggang sa gulang na tatlo. Napakahuli na kung magsisimula sa kindergarten.”—Masaru Ibuka, awtor ng aklat na Kindergarten Is Too Late!
ANG kagila-gilalas na potensiyal ng utak ng sanggol ay naghaharap ng isang pasiya sa mga magulang. Kailan ninyo sisimulan ang pantanging pagsasanay? Ano ang ituturo ninyo sa kanila? Gaano karami? Gaano kabilis? Ang ilang mga resulta ay kagila-gilalas: mumunting mga bata na dalawa hanggang limang taóng gulang na bumabasa, sumusulat, nagsasalita ng dalawa o higit pang mga wika, tumutugtog ng klasikal na musika sa biyolin at piyano, sumasakay sa kabayo, lumalangoy, gumagawa ng gimnastiks.
Sa karamihan ng pagkakataon ang target ay ang kaisipan sa halip na ang pisikal. Isang dalawang-taóng-gulang ang bumibilang hanggang 100, tumutuos nang wasto, may bukabularyo ng 2,000 mga salita, bumabasa ng 5-salitang mga pangungusap, at mayroong sakdal na tono. Pinanganganlan ng isang tatlung-taóng-gulang ang mga bahagi ng selula habang ang mga ito ay itinuturo para sa kaniya sa isang tsart: mitochondria, endoplasmic reticulum, Golgi bodies, centrioles, vacuoles, chromosomes, at iba pa. Isa pang tatlong-taóng-gulang ang tumutugtog ng biyolin. Isinasalin ng isang apat-na-taóng-gulang ang Haponés at Pranses sa Ingles. Ganito ang sabi ng isang instruktor na nagtuturo ng matematika sa maliliit na mga bata: “Kung naghulog ako ng 59 na sentimos sa sahig, masasabi kaagad sa iyo ng aming mga bata na ito ay 59 at hindi 58.”
Bagaman ang iba ay masigasig tungkol sa gayong masinsinang pagsasanay, ang iba naman ay may pasubali rito. Narito ang sumusunod na halimbawa ng mga reaksiyon ng mga propesyonal sa larangang ito:
“Sa kabuuan ang katibayan ay hindi mabuti na simulang sanayin ang mga kasanayang akademiko ng mga bata sa maagang gulang. Maraming katibayan na magagawa ito. Gayunman, ang isyu ay hindi kung ito baga ay magagawa kundi bagkus kung ano ang mga epekto nito, karakaraka at pangmatagalan.”
“Isa itong teoriya na gumagawa sa mga bata na mumunting mga computer, hindi na sila nakapagrerelaks.”
“Ang mga bata ay natututo sa pamamagitan ng pagkukusa at paggagalugad sa kanilang kapaligiran sa ganang sarili. Baka sinusugpo natin [sa pamamagitan ng pag-apura sa pag-unlad ng kaisipan] ang iba pang pag-unlad na nagaganap [gaya ng emosyonal na pag-unlad at mga kasanayang panlipunan].”
“Ang mensahe ko ay, mag-ingat na ituring na katalinuhan ang mabuting pagsulong. Ang intelektuwal na kahigitan ay karaniwang nakakamit sa kapinsalaan ng pagsulong sa iba pang kasinghalaga o mas mahalagang mga larangan.”
“Hindi ito isang mabuting kaugnayan sa pagitan ng magulang at anak. Para bang sinasabi mo sa bata na ‘Mahal kita kasi matalino ka.’”
Walang alinlangang may mga magulang na inaapura ang kanilang mga anak, sinisikap na gawin silang mga kababalaghan o mga henyo. Sa gayong mga kaso ang pagmamalakí at pagmamataas ng mga magulang ay nangingibabaw. Ang mga anak ay ginagamit na mga palabas at ang mga magulang ay nasisiyahan sa ipinababanaag na kaluwalhatian. Gayunman, waring hindi ito ang motibo ng ilang mga lider sa larangang ito ng maagang pag-aaral.
Si Glen Doman, na sinipi sa simula ng artikulong ito, ay laban sa ideya na paggawa ng mga “superbaby.” Ang kaniyang layunin: “Upang bigyan ang lahat ng mga magulang ng kaalaman na gawin ang kanilang mga sanggol na lubhang matalino, labis na may kakayahan, at kagiliw-giliw na mga bata.” Ang pagkatuto ay dapat na maging iba-iba at nakatutuwa para sa mga sanggol. Ito’y dapat na maging ganap, sa mental, pisikal, emosyonal na paraan. Si Doman ay laban sa pagsubok o pagsusulit. “Ang pagsubok ay kabaligtaran ng pagkatuto. Ito’y punô ng kaigtingan. Ang pagtuturo sa isang bata ay ang pagbibigay sa kaniya ng isang kasiya-siyang regalo. Ang pagsubok sa kaniya ay ang paghingi ng kabayaran o pagsingil—nang patiuna.”
Ganito ang sabi ni Masaru Ibuka, na nabanggit din sa simula, nang siya’y tanungin kung baga ang maagang pagsasanay ay nagbubunga ng mga henyo: “Ang tanging layunin ng maagang pagsasanay ay upang turuan ang isang bata na magkaroon ng isipang naibabagay sa pangyayari at ng malusog na katawan at upang maging matalino at magiliw.”
Si Shinichi Suzuki, bantog dahil sa kaniyang tagumpay sa pagsasanay ng mga bata sa biyolin, ay nagsasabi: “Ang pariralang ‘Edukasyong Pantalino’ ay kumakapit hindi lamang sa kaalaman o teknikal na kasanayan kundi kumakapit din naman sa moralidad, sa pagtatayo ng pagkatao, at sa pagpapahalaga sa kagandahan. Batid natin na ang mga katangiang ito ng tao ay nakukuha sa pamamagitan ng edukasyon at kapaligiran. Kaya ang ating kilusan ay hindi nauukol sa pagpapalaki ng tinatawag na mga kababalaghan o henyo, ni nilalayon man nitong idiin ang basta ‘maagang pagsasanay.’ Dapat natin itong tawagin bilang isang ‘edukasyon ng tao sa kabuuan.’”
Nakikita ni Suzuki na ang pagpipilit ng pagsasanay o praktis ay kapuwa hindi mabisa at hindi kanais-nais. Nang tanungin kung gaano katagal dapat magsanay, hindi siya kailanman nagtatakda ng mahigpit na iskedyul. “Mas mabuti ang dalawang minutong pagsasanay limang beses isang araw na may paghahanda at mabuting atensiyon,” sabi niya, “kaysa turuan sila ng kalahating oras kung wala na silang gana o ayaw na nila.” Ang kaniyang pormula ay: “Dalawang minutong may kagalakan limang beses isang araw.”
Ano, kung gayon, ang wastong pagkakatimbang sa paggamit ng maagang pagtuturo sa inyong maliit na anak? Ang sumusunod na artikulo ay nagbibigay ng ilang mga tuntunin na dapat isaalang-alang.
[Larawan sa pahina 5]
Huwag mag-apura. Ang pormula ni Suzuki: “Dalawang minutong may kagalakan limang beses isang araw”