Sanayin ang Inyong Anak sa Tamang Paraan—At Gawin Ito Mula sa Pagkasanggol!
“Ang panahon ng pagkasanggol ay walang alinlangang siyang pinakamahalaga. Dapat itong samantalahin ng edukasyon sa lahat ng posible at makatuwirang paraan. Ang pag-aaksaya sa yugtong ito ng buhay ay hindi kailanman mababawi. Sa halip na ipagwalang-bahala ang mga taon ng kamusmusan, tungkulin natin na linangin ang mga ito nang buong ingat.”—Dr. Alexis Carrel.
MAY pangangailangan na iprograma kapuwa ang isipan at ang puso. Ang mga tao ay maaaring manggilalas sa kahanga-hangang mga nagagawa ng isipan, subalit ang Diyos ay tumitingin sa puso. Ang kaalaman na nasa ulo ay may tendensiyang magmalakí; ang pag-ibig na nasa puso ang nagpapatibay. Ang matalinong mga isipan ay nangangailangan ng maibiging mga puso, “sapagkat sa kasaganaan ng puso nagsasalita ang bibig.” Mula rin sa makasagisag na pusong ito nagmumula ang mabubuti at masasamang gawa. (Mateo 12:34, 35; 15:19; 1 Samuel 16:7; 1 Corinto 8:1) Kaya bagaman mahalagang pasiglahin ang isipan ng mga bata, higit na mahalagang ikintal ang pag-ibig sa kanilang mga puso.
May katutubong tagapagsimula para rito sa pagsilang. Ito ang tinatawag na pagkabuklod ng damdamin. Kinakarga, kinakandung, hinahaplos, at magiliw na kinakausap ng ina ang kaniyang sanggol. Ang sanggol, naman, ay nakatitig sa kaniyang ina. Ang pagbubuklod ng damdamin ay nagaganap, ang katutubong mga damdamin ng ina ay napupukaw, at ang sanggol ay nagiging tiwasay. Inaakala ng ilang mga awtoridad na “may sensitibong yugto sa unang mga minuto at oras pagkasilang ng sanggol na napakahalaga sa pagkakalapit ng sanggol at ng magulang.”
Isang mabuting pasimula, subalit pasimula lamang. Ang sanggol ay walang-kaya, pangunahin nang dumidepende sa kaniyang ina para sa mahalagang mga pangangailangan nito—kapuwa sa pisikal at sa emosyonal na paraan. Kung walang pagkain ang sanggol ay nagugutom; maaari rin itong magutom sa emosyonal na paraan. Ang pagkandung, pagyapos, paghehele, paglalaro, at pagmamahal—lahat ay nagpapasigla sa pag-unlad ng utak. Ang pampasiglang ito ay itinulad sa isang nutriyente para sa utak. Kung wala ito ang utak ay nanghihina at nasusugpo sa paglaki habang-buhay. At dahilan sa pagkukulang na ito maaari rin siyang maging masungit, delingkuwente, at marahas. Ang pagiging ina ay isang pangunahing bagay para sa bata at sa lipunan—mas mahalaga kaysa anumang makasanlibutang karera!
Ang Papel ng Ama
Ang ama ay dapat na isama. Kung siya ay naroroon sa pagsilang, ang buklod na ama-sanggol ay magsisimula. Habang lumilipas ang mga buwan, ang impluwensiya ng kaniyang papel ay mabilis na lumalawak, gaya ng ipinakikita ni Dr. T. Berry Brazelton, isang propesyonal sa larangan ng pag-unlad ng bata.
“Ang bawat bata ay nangangailangan ng isang ina at isang ama,” sabi niya, “at ang bawat ama ay mahalaga. Sa isang sanggol, ang pagkakaroon ng isang aktibo, nakikibahaging ama ay hindi katulad ng basta pagkakaroon ng higit na pagtingin ng ina.” Binabanggit niya ang isang report na nagpapakita ng pagkakaiba sa mga paraan ng pakikitungo ng mga ina at mga ama sa mga bata. “Ang mga ina ay magiliw at malumay sa kanilang mga sanggol. Sa kabilang dako, ang mga ama ay mas mapaglaro, kinikiliti at nilalaru-laro ang kanilang mga sanggol nang higit kaysa ginagawa ng mga ina.”
Datapuwat higit pa sa katuwaan ang ibinibigay ng mga ama sa mga bata. “Kung saan may aktibong ama,” sabi niya, “ang bata ay lumalaking mas matagumpay sa paaralan, nagiging mas mapagpatawa at mabuting makisama sa ibang mga bata. Mayroon siyang higit na pagtitiwala sa kaniyang sarili at nagaganyak na mas mainam na matuto. Kapag ang bata ay anim o pitong taon na, ang IQ ng bata ay magiging mas mataas.”
Ang Diyos na Jehova ay nag-uutos ng isang malapit na kaugnayang pagtuturo sa pagitan ng ama at ng anak: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito ay sasa-iyong puso; at ikikintal mo sa isipan ng iyong anak at sasalitain mo ang mga yaon kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa lansangan at kapag ikaw ay nahihiga at kapag ikaw ay bumabangon.” (Deuteronomio 6:6, 7) Hindi rito nagkakaroon ng agwat sa pagitan ng magulang at anak!
Pagsasanay Mula sa Pagkasanggol
May mga yugto o bahagi sa pag-unlad ng mga sanggol sa lahat ng panahon mula sa pagsilang hanggang sa anim na taon: pagkakatugma-tugma ng kalamnan, mga kasanayan sa pagsasalita, emosyonal na mga katangian, mga pakultad sa memorya, mga kakayahan sa pag-iisip, budhi, at iba pa. Kapag ang utak ng sanggol ay mabilis na lumalaki at ang mga yugtong ito ng pag-unlad ay dumating na sa kanilang panahon, iyan ang tamang-tamang panahon upang sanayin ang iba’t ibang mga kakayahang ito.
Iyan ang panahon kung kailan sinisipsip ng utak ng sanggol ang mga kakayahan o mga katangiang ito na gaya ng esponghang sumisipsip ng tubig. Mahalin ito, at ito’y natututong magmahal. Kausapin at basahan ito ng aklat, at ito’y natututong magsalita at magbasa. Suotan mo ito ng skis, at ito’y nagiging ekspertong skier. Turuan mo ito ng katuwiran, at ito’y tumatanggap ng matuwid na mga simulain. Kung ang kaaya-ayang mga yugtong ito ng pagkatuto ay lilipas nang walang wastong inilalagay na mga impormasyon, ang mga katangian at mga kakayahang ito ay lalong mahirap matutuhan sa dakong huli.
Kinikilala ito ng Bibliya, kaya ito ay nagpapayo sa mga magulang: “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran; kahit na tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.” (Kawikaan 22:6) Ganito ang pagkakasalin dito ng komentaryo ni Keil-Delitzsch: “Turuan mo ang bata ayon sa Kaniyang daan.” Ang salitang Hebreo na isinaling “sanayin” ay nangangahulugan din ng “simulán” at dito’y ipinakikita ang pagpapasimula ng unang pagtuturo sa sanggol. Ibigay ito ayon sa daan na dapat lakaran ng bata, naaayon sa kaniyang paraan, ayon sa mga yugto ng paglaki o pag-unlad na kaniyang pinagdaraanan. Iyan ang angkop na panahon para sa kaniya na madaling tanggapin ito, at kung ano ang natutuhan niya sa nahuhubog na mga taóng ito ay malamang na manatili sa kaniya.
Ito rin ang opinyon ng karamihan ng mga estudyente tungkol sa pag-unlad ng tao: “Sa aming pagsasaliksik tungkol sa pag-unlad ng bata ay wala pa kaming nakitang isang malakas na kakayahan na babago sa maagang mga huwaran sa personalidad, o maagang mga saloobing panlipunan.” Inaamin nila na maaari itong mangyari, subalit “malamang, wala nang lunas pa.” Gayunman, maraming eksepsiyon ang nagaganap na nagbabago sa pamamagitan ng kapangyarihan ng katotohanan ng Diyos.—Efeso 4:22, 24; Colosas 3:9, 10.
Ang wika ay isang mabuting halimbawa ng pagsasanay na ibinibigay sa tamang panahon. Ang mga sanggol ay genetikong iprinograma sa pagsasalita, subalit upang gumana nang mahusay ang gayong katutubong sistema ng utak, ang sanggol ay dapat na malantad sa mga tunog ng salita sa tamang yugto ng pag-unlad. Ang pag-unlad sa mga sentro ng pagsasalita ay mabilis na lumalaki sa pagitan ng 6 at 12 buwan kung madalas na kinakausap ng mga adulto ang sanggol. Sa pagitan ng 12 at 18 buwan ang pag-unlad na ito ay bumibilis habang nauunawaan ng sanggol na ang mga salita ay may mga kahulugan.
Natututuhan niya ang mga salita bago pa niya mabigkas ang mga ito. Sa ikalawang taon ng buhay, ang naririnig, o natututuhang, bukabularyo ay maaaring lumago mula sa ilang mga salita tungo sa ilang daang salita. Ipinaalaala ni apostol Pablo kay Timoteo na “mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan.” (2 Timoteo 3:15) Ang literal na kahulugan ng salitang “pagkasanggol” ay “hindi nagsasalita.” Malamang na si Timoteo ay binasahan ng Banal na Kasulatan samantalang siya ay sanggol pa, at sa gayo’y marami siyang nalalamang mga salita sa Bibliya bago pa niya mabigkas ang mga ito.
Ang punto ay, may espisipikong mga panahon sa pag-unlad ng bata na doon ang ilang mga bagay ay maaaring madaling matutuhan, para bang halos ay sa pamamagitan ng pagsipsip. Gayunman, kung ang mga panahong ito ay lilipas nang wala ang kinakailangang pangganyak o pampasigla ang mga kakayahan ay hindi ganap na malilinang. Halimbawa, kung ang mga bata ay walang naririnig na anumang salita hanggang sa dakong huli, napakabagal at napakahirap nilang matututuhan ito, at karaniwan nang hindi mahusay.
Basahan ang Inyong Anak Mula sa Pagkasanggol
Kailan ka magsisimula? Mula sa simula. Basahan ang iyong kasisilang na anak. ‘Ngunit hindi niya mauunawaan!’ Kailan mo ba siya kinausap? ‘Aba, karakaraka, mangyari pa.’ Naunawaan ba niya ang sinasabi mo? ‘Bueno, hindi, pero . . . ’ Kung gayon bakit hindi mo siya basahan?
Kalung-kalung ang sanggol, ang iyong mga bisig ay nakahawak sa kaniya, hinahawakan ito nang mahigpit, siya’y nagiging tiwasay, nadarama niyang siya’y mahal. Ang pagbabasa mo sa kaniya ay isang kaaya-ayang karanasan. Ito’y naikikintal sa kaniyang isipan. Iniuugnay niya ang damdamin ng kagalakan sa pagbabasa. Ang mga sanggol ay gaya-gaya, at ang mga magulang ang mga modelo o huwaran. Nais ka niyang tularan. Nais niyang magbasa. Kunwa’y nagbabasa siya. Sa dakong huli’y nararanasan niya ang kagalakan ng pagbabasa.
Dahil dito mayroon pang malaking pakinabang—karaniwang hindi siya nagiging sugapa sa telebisyon. Hindi siya nauupo at walang katinag-tinag na pinanonood ang libu-libong mga saksakan, barilan, patayan, panggagahasa, pakikiapid, at pangangalunya. Maaari niyang patayin ang TV; maaari siyang magbukas ng isang aklat at magbasa. Isang mahusay na katangian sa mga panahong ito ng kamangmangan at pagkasugapa sa TV!
Nangangailangan ng Panahon Upang Mahalin ang Isang Bata
Mangyari pa, nangangailangan ng panahon upang basahan ang mga bata. Nangangailangan ng panahon upang makipaglaro sa inyong sanggol, makipaglaro ng pen-pen-de-sarapen at it-bulaga, masdan ito habang ito ay nagsisiyasat, nagpapakita ng bagong mga kilos, naghahanap ng bagong bagay o karanasan, tinutugunan ang pag-uusyoso, pinasisigla ang pagkamapanglikha. Ang pagiging magulang ay nangangailangan ng panahon. At makabubuting simulan ito habang ang inyong mga anak ay mga sanggol pa. Diyan karaniwan nang nagsisimula ang agwat sa pagitan ng magulang at anak; hindi ito naghihintay kapag sila ay tin-edyer na. Sinasabi ni Robert J. Keeshan, brodkaster sa mga bata bilang Captain Kangaroo, kung paano ito maaaring mangyari:
“Isang munting bata ang naghihintay, subo ang hinlalaki sa bibig, hawak-hawak ang manika, na may pagkainip, sa pag-uwi ng isang magulang. Nais niyang ikuwento ang ilang karanasan niya sa maliit na kahon ng buhangin. Tuwang-tuwa siyang ibalita ang kagalakan na naranasan niya nang araw na iyon. Sumapit na ang panahon, dumarating na ang magulang. Pagod dahil sa mga kaigtingan sa dako ng trabaho kadalasang sinasabi ng magulang sa bata, ‘Saka na, mahal. Abala ako, sige manood ka ng telebisyon.’ Ang pinakamadalas na bigkasing mga salita sa maraming sambahayang Amerikano ay, ‘Abala ako, sige manood ka ng telebisyon.’ Kung hindi ngayon, kailan? ‘Saka na.’ Ngunit ang saka na ay bihirang dumating . . .
“Lumilipas ang mga taon at ang bata ay lumalaki. Binibigyan natin siya ng mga laruan at mga damit. Binibigyan natin siya ng mamahaling mga damit at ng stereo datapuwat hindi natin ibinibigay sa kaniya kung ano ang kailangang-kailangan niya, ang ating panahon. Siya ay katorse anyos, ang kaniyang mga mata ay walang kabuhay-buhay, siya’y may problema. ‘Mahal, ano ang nangyayari sa iyo? Sabihin mo sa akin, sabihin mo sa akin.’ Huli na ang lahat. Huli na ang lahat. Napag-iwanan na tayo ng pag-ibig. . . .
“Kung sinasabi natin sa isang bata, ‘Hindi ngayon, saka na.’ Kung sinasabi nating, ‘Sige manood ka ng TV.’ Kung sinasabi nating, ‘Huwag kang makulit.’ Kung hindi natin ibinibigay sa ating mga kabataan ang isang bagay na hinihiling nila sa atin, ang ating panahon. Kung hindi natin minamahal ang isang bata. Hindi naman sa tayo’y walang pagmamahal. Tayo ay basta lubhang abala upang mahalin ang isang bata.”
Totoo, ang mahalin mo ang iyong anak ay nangangailangan ng panahon. Hindi lamang panahon upang pakanin ang katawan nito at damtan ito kundi panahon upang punan ang puso nito ng pag-ibig. Pag-ibig na hindi tinimbang, sinukat, at nirasyon kundi umaapaw at “pag-ibig na higit pa sa kinakailangan,” gaya ng tawag dito ni Burton L. White, awtor ng The First Three Years of Life. Sabi niya: “Hindi matalino para sa nagtatrabahong mga magulang na ilipat ang pangunahing tungkulin na pagpapalaki-sa-bata sa iba, lalo na sa sentrong nangangalaga sa mga bata. Ngayon, marami ang nagalit sa akin dahil sa pangungusap na iyan, subalit interesado ako sa kung ano ang pinakamabuti para sa mga sanggol.” Ipinalalagay niya ito bilang “kung ano ang pinakamabuti para sa mga sanggol,” gayunman batid niya na ang mithiing ito ay hindi laging posible dahilan sa kabuhayan kung saan ang isa o ang kapuwa mga magulang pa nga ay kailangang magtrabaho.
Disiplina—Isang Maselang na Paksa!
Marami rin ang nagagalit sa Bibliya dahil sa payo nito tungkol sa disiplina. “Siyang nag-uurong ng kaniyang pamalo ay napopoot sa kaniyang anak, ngunit siyang umiibig ay naglalapat sa kaniya ng disiplina.” (Kawikaan 13:24) Sa talatang ito ang talababa ng New International Version Study Bible ay nagsasabi: “rod (pamalo). Malamang ay isang makasagisag na pananalita para sa anumang uri ng disiplina.” Binibigyang-kahulugan ng Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words ang “pamalo” bilang isang “setro, na isang sagisag ng pamamahala.”
Maaaring kasali sa pamamahala ng mga magulang ang pagpalo, subalit kadalasan nang ito’y hindi kinakailangan. Ayon sa 2 Timoteo 2:24, 25, ang mga Kristiyano ay maging “malumanay sa lahat, . . . mahinahong nagtuturo.” Ang salitang “nagtuturo” rito ay isinalin mula sa salitang Griego para sa disiplina. Ang disiplina ay kailangang ibigay na isinasaalang-alang ang mga damdamin ng mga bata: “At kayo, mga ama, huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”—Efeso 6:4.
Ang mga sikologong nagtataguyod sa pagiging maluwag sa disiplina ay nagsasabi na kinapopootan mo ang iyong anak kung pinapalo mo ang iyong anak. Hindi ito totoo. Ang pagiging maluwag sa disiplina ay nakamumuhi. Pinakawalan nito ang isang baha ng delingkuwensiya ng mga kabataan at kriminalidad sa buong lupa at nagdulot ng dalamhati sa angaw-angaw na mga magulang. Ito ay katulad ng sinasabi sa Kawikaan 29:15: “Ang batang pinababayaan ay nagdadala ng kahihiyan sa kaniyang ina.” Sa ilalim ng pamagat na “Strict vs. permissive parents,” ganito ang sabi ni Dr. Joyce Brothers:
“Isang pag-aaral kamakailan ng halos 2,000 mag-aaral sa ikalima at ikaanim na baitang—ang ilan ay pinalaki ng istriktong mga magulang, ang iba ay pinalaki ng mga magulang na maluwag sa disiplina—ay nagpakita ng ilang kataka-takang mga resulta. Ang mga batang mahigpit na dinisiplina ay nagtataglay ng mataas na pagpapahalaga-sa-sarili at mga matagumpay, sa sosyal at akademikong paraan.” Sila ba’y naghihinanakit sa kanilang istriktong mga magulang? Hindi, “naniniwala sila na ang mga tuntunin ng mga magulang ay itinakda para sa sariling kabutihan ng mga bata—at isang kapahayagan ng pag-ibig ng mga magulang.”
Sinasabi ni White na kung ikaw ay istrikto o mahigpit sa iyong anak, hindi mo dapat ikatakot “na mababawasan ang pag-ibig niya sa iyo kaysa kung ikaw ay di-mahigpit. Ang mga bata sa unang dalawang taon ng buhay ay hindi napakadaling humihiwalay sa kaniyang unang mga tagapag-alaga; kahit na kung palagi mo silang pinapalo, masusumpungan mo na babalik at babalik sila sa iyo.”
Ang Pinakamabuting Sermon sa Lahat
Kayo. Ang inyong halimbawa. Kayo ang huwaran ng inyong anak. Higit niyang pinakikinggan kung ano kayo kaysa kung ano ang sinasabi ninyo. Naririnig niya ang inyong mga salita, subalit tinutularan niya ang inyong mga kilos. Ang inyong anak ay gaya-gaya. Kaya, ano ang nais ninyong kalabasan niya? Maibigin, mabait, bukas-palad, palaaral, matalino, masipag, isang alagad ni Jesus, isang mananamba ni Jehova? Anuman ito, maging gayon kayo.
Kaya, sanayin ang inyong anak mula sa pagkasanggol, kung kailan ang utak nito ay mabilis na lumalaki, tumatanggap ng impormasyon at mga damdamin para sa isipan at puso. Subalit kung ang mahalagang nahuhubog na mga taóng iyon ay nakalipas na at ang maka-Diyos na personalidad ay hindi naitimo sa inyong anak, ano kung gayon? Huwag mawalan ng pag-asa. Maaari pa ring magkaroon ng pagbabago at ito ay nangyayari sa angaw-angaw, kapuwa sa mga bata at matatanda, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. “Hubarin ang matandang pagkatao pati ang mga gawain nito,” sabi ng Salita ng Diyos, “at magbihis kayo ng bagong pagkatao, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay nagbabago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito.”—Colosas 3:9, 10.
[Mga larawan sa pahina 8]
Kasama ng ama: Panahon para sa pagbabasa, panahon para sa paglalaro
[Larawan sa pahina 10]
Ang panahon na paliligo ay maaaring maging nakatutuwa