Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 6/8 kab. 14 p. 22-25
  • Pagkatapos ng Bagong Tipan—Ang Milenyong Kaharian

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagkatapos ng Bagong Tipan—Ang Milenyong Kaharian
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Ang Isyu ng Kaharian sa Unahan!
  • Pagkakilala kay Jehova na May Higit na Unawa
  • Ang Milenyong Kaharian Pagkatapos ng “Malaking Kapighatian”
Gumising!—1987
g87 6/8 kab. 14 p. 22-25

Kabanata 14​—Pandaigdig na Katiwasayan sa Ilalim ng “Prinsipe ng Kapayapaan”

Pagkatapos ng Bagong Tipan​—Ang Milenyong Kaharian

1, 2. (a) Kanino maihahambing ang angaw-angaw na mga benepisyaryo sa pagkilos ng bagong tipan sa ngayon? (b) Ano ang sinasabi ng mga kondisyon ng bagong tipan?

ANGAW-ANGAW na mga tao sa buong lupa ang tumanggap na ng dakilang mga pagpapala mula sa pagkilos ng bagong tipan, bagaman sila ay hindi kasama rito. Sila ay tulad ng hindi Israelitang mga mamamayan na nakatira sa Israel noong panahon na ang tipang Batas Mosaiko ay ipinatutupad pa. (Exodo 20:10) Paanong ganito ang kalagayan ng dumaraming angaw-angaw na mga benepisyaryong iyon na nakikisama sa nalabi ng espirituwal na mga Israelita ngayon?

2 Sa hula ng Jeremias 31:31-34, ang Isa na nagtatakda ng mga kondisyon ng bagong tipan ay nagsabi: “Aking itatala ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat sa kanilang puso. At ako’y magiging kanilang Diyos, at sila’y magiging aking bayan.”

3. (a) Sa anong anyo ibinigay ang batas ng matandang tipang Mosaiko sa Israel? (b) Bago maisulat ang Kristiyanong Griegong Kasulatan, saan ipinasulat ng Diyos ang mga batas ng bagong tipan?

3 Kung tungkol sa tipang Batas, ibinigay ng Diyos na Jehova, sa pamamagitan ni propeta Moises bilang tagapamagitan, sa likas na Israel “ang sulat-kamay na kasulatan . . . , na binubuo ng mga utos.” (Colosas 2:14) Gayunman, kumusta naman ang tungkol sa batas ng bagong tipan? Hindi ito isusulat ng Tagapamagitan nito sa bato, o isusulat man ito sa isang manuskrito. Ang Tagapamagitan nito ay hindi nag-iwan ng kaniya mismong mga sulat. Tinitiyak natin kung ano ang batas ng bagong tipan mula sa kinasihang Kristiyanong Griegong Kasulatan. (2 Timoteo 3:16) Subalit bago pa maisulat ang Griegong Kasulatang iyon, noong bandang 41 C.E., sinimulang isulat ng Diyos na Jehova ang kaniyang batas ng bagong tipan. Kailan? Noong araw ng Pentecostes, 33 C.E. Saan? Doon mismo sa lugar na malaon nang ipinangako niyang isusulat ito: “Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang pag-iisip, at sa kanilang mga puso’y isusulat ko ang mga ito.”​—Hebreo 8:10.

4. Ano ang mabuting mga epekto ng pagsulat ng Diyos ng kaniyang mga kautusan sa puso at paglalagay nito sa isipan ng kaniyang mga lingkod?

4 Sapagkat ito’y nasusulat sa puso, ang mga batas na iyon ay malamang na hindi mapaparam sapagkat iniibig ito niyaong mga sumusunod dito. Kung ang mga batas o kautusang iyon ay ilalagay “sa kanilang pag-iisip,” malamang na hindi nila makalimutan ang mga ito. Kaya, sinasabi ng mga nag-iingat ng mga kautusang iyon, sa pananalita ng Awit 119:97: “Anong laki ng pag-ibig ko sa iyong kautusan! Siya kong pinagkakaabalahan buong araw.” Mula sa kanilang kaloob-loobang pagkatao, kanilang itinalaga ang kanilang pagmamahal sa mga kautusan o batas ni Jehova na ibinigay sa pamamagitan ng kaniyang Tagapamagitan, si Jesu-Kristo. Kaya, taglay ang tamang motibo, disidido silang ingatan ang mahalagang mga kautusang iyon. Kumakapit ito kapuwa sa “munting kawan” na kasama sa bagong tipan at sa “malaking pulutong” ng “ibang tupa” na, hindi kasama sa bagong tipan, subalit nasa ilalim nito.​—Ihambing ang 1 Juan 5:3; Juan 14:15.

Ang Isyu ng Kaharian sa Unahan!

5. Ano ang inihula ng Tagapamagitan ng bagong tipan sa Mateo 24:12-14?

5 Ang mga nag-iingat ng mga batas ng bagong tipan ay hindi nangangahas na sumuko o padala sa kung ano ang inihula ng Tagapamagitan, si Jesu-Kristo, bilang bahagi ng “tanda . . . ng katapusan ng sistema ng mga bagay”: “Dahil sa pagsagana ng katampalasanan ang pag-ibig ng marami ay lalamig. Datapuwat ang magtiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas. At ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa.”​—Mateo 24:3, 12-14.

6. (a) Ang Mateo 24:14 ba ay isa lamang hula? (b) Sino ang nagturing dito na higit pa kaysa hula, at ano ang masasabi tungkol sa kanilang pagtitiis?

6 Ang huling pangungusap na ito tungkol sa isang pandaigdig na patotoo sa Kaharian ay hindi lamang isang hula. Ito’y isang direktiba o utos para sa kaniyang mga alagad na nabubuhay sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Ito’y isang patnubay para sa kanilang wastong landasin ng pagkilos hanggang sa ganap na kawakasan ng isang sistema ng mga bagay na walang pag-ibig at punô ng katampalasanan sa pangkalahatan, hindi lamang basta kawalang-galang sa batas ng Diyos. Sino sa ngayon ang napatunayang tunay na mga Kristiyano, na itinuturing ang mga salitang iyon ni Jesu-Kristo bilang isang direktiba o utos sa kanila? Ang makasaysayang mga katotohanan na dumami na sapol noong 1919 ay makatotohanang sumasagot, “ang mga Saksi ni Jehova!” Ang kanilang kampanya ng pagtuturo sa Bibliya tungkol sa Kaharian ay hindi mapapantayan, at sila ay nagpakita ng pagtitiis dito sa nakalipas na 67 mga taon. Sa bawat taon ngayon, ito ay lumalago sa lawak at lakas.

7, 8. (a) Noong panahon ng Digmaang Pandaigdig I, ano ang sinikap gawin ni Satanas sa mga kasama sa bagong tipan? (b) Noong panahon pagkatapos ng digmaan, paanong ang isyu ng Kaharian ay nalagay sa unahan?

7 Sinikap ni Satanas na Diyablo na hadlangan itong pambihirang kampanya ng pagtuturo sa Bibliya sa pamamagitan ng paglipol sa maliit na nalabi ng espirituwal na mga Israelita noong panahon ng Digmaang Pandaigdig I. Siya’y nabigo! Karakaraka, pagkatapos ng kanilang pagpapanauli sa buhay mula sa isang tulad-kamatayang kalagayan noong tag-araw ng 1919, pagkatapos ng digmaan idinaos nila ang kanilang unang kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, noong Setyembre ng taóng iyon. Sa ikalawang kombensiyon sa Cedar Point noong Setyembre 1922, ang isyu ng Kaharian ay inilagay sa unahan. Noong ikaapat na araw ng kombensiyong iyon, pinamagatang “The Day” (Ang Araw), winakasan ng presidente ng Samahang Watch Tower ang kaniyang kapana-panabik na pahayag sa pagsasabi:

8 “Kung gayon balik sa larangan, Oh kayong mga anak ng Kataas-taasang Diyos! Isakbat ang inyong baluti! Maging mahinahon, maging mapagbantay, maging aktibo, maging matapang. Maging tapat at tunay na mga saksi ng Panginoon. Sulong sa labanan hanggang sa ang bawat bakás ng Babilonya ay maging tiwangwang. Ibalita ang mensahe na malayo at malawak. Dapat makilala ng sanlibutan na si Jehova ay Diyos at na si Jesu-Kristo ay Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Ito ang araw ng mga araw. Narito, ang Hari ay nagpupuno! Kayo ang kaniyang mga tagapagpahayag. Kaya nga ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo ang Hari at ang kaniyang Kaharian.”

Pagkakilala kay Jehova na May Higit na Unawa

9. (a) Dahilan sa dumaraming katibayan tungkol sa matuwid na pamahalaang iyon, ang mga tao ay kinakailangang kumuha ng anong paninindigan? (b) Yaong kumukuha ng mabuting paninindigan ay binibigyan ng anong kaalaman?

9 Mahigit na 70 mga taon na mula nang si Jesus ay iniluklok sa kapangyarihan ng Kaharian noong 1914. Mula noon, ang katibayan tungkol sa matuwid na pamahalaan ng Diyos ay lubhang dumami. Ang mga tao sa daigdig ng sangkatauhan ay kailangang gumawa ng paninindigan kung tungkol sa isyu ng Kaharian, alin sa sila ay panig sa Kaharian o laban dito. At yaong mga naninindigan sa panig ng pamahalaang iyon ng Diyos ay natutupad sa kanila ang mahalagang mga salitang ito ng bagong tipan: “At hindi na magtuturo bawat isa sa kanila sa kaniyang kapuwa at bawat tao sa kaniyang kapatid, na magsasabi, ‘Inyong kilalanin si Jehova!’ sapagkat makikilala nilang lahat ako, mula sa kaliit-liitan sa kanila hanggang sa kadaki-dakilaan sa kanila.”​—Jeremias 31:34.

10. (a) Kaya sa ilalim ng anong katawagan sinimulang tanggapin ng nalabi ng espirituwal na mga Israelita ang “ibang tupa”? (b) Anong kaalaman ang natamo ng “ibang tupa”?

10 Noong 1935 sinimulang tanggapin ng nalabi ng espirituwal na mga Israelita ang “ibang tupa” ng Mabuting Pastol sa aktibong pakikisama sa kanila sa “isang kawan” sa ilalim ni Jesu-Kristo, lahat sila ay mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos yaong “ibang tupa” na dumami at naging “isang malaking pulutong” ng walang anumang itinakdang bilang, kasama ng inianak-sa-espiritung nalabi, ay “nagsisitupad sa mga utos ng Diyos” at ginagawa “ang gawain na magpatotoo kay Jesus.” (Apocalipsis 7:9-17; 12:17) Kaya mula sa pasimula ng 1935, nakilala rin ng “ibang tupa” na ito si Jehova “mula sa kaliit-liitan sa kanila hanggang sa kadaki-dakilaan sa kanila.”

11. Paanong ang kaalaman ng Kristiyano tungkol kay Jehova ay naiiba at lalong mabuti kaysa roon sa mga Judio sa ilalim ng tipang Batas?

11 Gayunman, sa anong paraan na ang kaalaman ng Kristiyano tungkol kay Jehova ay naiiba at lalong mabuti kaysa kaalamang taglay ng mga Judio sa ilalim ng matandang tipang Batas Mosaiko? Ang makalangit na Maygawa ng bagong tipan ay patuloy na nagsasabi sa atin: “Sapagkat aking ipatatawad ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin.” (Jeremias 31:34; Hebreo 8:12) Ito’y dahilan sa bagay na ang bagong tipan ay nasasalig sa lalong mabuting hain sa pamamagitan ng isang lalong mabuting Tagapamagitan. (Hebreo 8:6; 9:11, 12, 22, 23) Ang lalong mabuting hain ng lalong mabuting Tagapamagitan ay hindi na kinakailangang ulitin pa, na gaya ng ginagawa sa taunang Araw ng Katubusan sa ilalim ng matandang tipang Batas Mosaiko. (Hebreo 10:15-18) Dahilan dito, ang kaalaman tungkol kay Jehova na taglay niyaong kasama at nasa ilalim ng bagong tipan ay lalo ngang mabuti, higit na nakapagpapasagana, higit na umuunawa, lalong kompleto kaysa kaalaman tungkol sa Diyos na taglay ng mga Judio sa ilalim ng tipang Batas.

12. Higit sa lahat, anong tungkulin ang hinahawakan ni Jehova doon sa mga isinasama sa bagong tipan at doon sa nasa ilalim nito?

12 Higit sa lahat, ang Diyos na Jehova, ang Gumagawa-ng-Tipan, ang Hari niyaong isinasama niya sa bagong tipan at niyaong mga inilalagay niya sa ilalim nito. (Mateo 5:34, 35; Jeremias 10:7) Tinukoy ni apostol Pablo, 1,850 mga taon bago iniluklok si Jesus bilang Hari sa mga langit noong 1914, ang pagkahari ni Jehova roon sa mga sumusunod sa mga batas o kautusan ng bagong tipan, na sinasabi: “Ngayon sa Haring walang hanggan, walang pagkasira, hindi nakikita, ang tanging Diyos, suma-kaniya nawa ang kapurihan at ang kaluwalhatian magpakailan-kailanman. Amen.”​—1 Timoteo 1:17.

Ang Milenyong Kaharian Pagkatapos ng “Malaking Kapighatian”

13. (a) Kailan at sa ilalim ng anong mga kalagayan lubusang tatamasahin ng “malaking pulutong” ang mga pagpapalang dumadaloy mula sa bagong tipan? (b) Anong dakilang layunin ng bagong tipan ang matutupad?

13 Ang “malaking pulutong” ng “ibang tupa,” na hindi kasama sa bagong tipan subalit nasa ilalim nito, ay tumatanaw sa pagkaligtas nang buháy mula sa “malaking kapighatian.” Pagkatapos malipol ang kasalukuyang hinatulang mapuksang sistema ng mga bagay, tatamasahin nila, sa loob ng sanlibong taon, ang paghahari ni Jesu-Kristo at ng kaniyang kasamang mga tagapagmana sa nilinis na lupa. (Apocalipsis 7:9-14) Sa panahong iyon ang layunin ng bagong tipan ay matutupad, yaon ay ang pagluluwal ng “isang bayang tanging pag-aari” upang maging mga tagapagmana ng makalangit na Kaharian ng Diyos. (1 Pedro 2:9; Gawa 15:14) Sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos, ang mga pagpapala ay dadaloy nang lubusan sa “malaking pulutong” ng makaliligtas na “ibang tupa.” Sa panahong iyon si Satanas na Diyablo at ang kaniyang di-nakikitang organisasyon ng mga demonyo ay naibulid na sa kalaliman at hindi na maaaring makialam.​—Apocalipsis 21:1-4; 20:1-3.

14. Anong mabuting paghahanda ang tataglayin ng makaliligtas na “malaking pulutong”?

14 Ang makaliligtas na “malaking pulutong” ng “ibang tupa” ay magkakaroon ng mabuting paghahanda para sa buhay sa bagong sistema ng mga bagay. Katulad ng nalabi ng espirituwal na mga Israelita, makikilala nila ang Diyos “mula sa kaliit-liitan sa kanila hanggang sa kadaki-dakilaan sa kanila.” (Jeremias 31:34) Sa pananalangin sa Diyos, ang nagpupunong Hari ay minsang nagsabi: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Kaya ang pansansinukob na kaalamang ito tungkol sa Diyos na Jehova ay kikilos para sa walang hanggang kaligtasan. Ito ay magiging totoo hindi lamang sa “laman” na makaliligtas nang buháy mula sa “malaking kapighatian” kundi gayundin para sa bilyun-bilyong mga patay na tao na makaririnig sa tinig ng Hari at lalabas mula sa kanilang alaalang mga libingan. Ang lahat ng kinakailangang kaalaman tungkol kay Jehova ay ibabahagi sa mga bubuhaying-muli na iyon.​—Mateo 24:21, 22; Juan 5:28, 29; Apocalipsis 20:11-15.

15. Bakit ang pagsasagawa o pagpapatupad ng bagong tipan ay hindi magbubunga ng anumang kalugihan sa “malaking pulutong” ng “ibang tupa”?

15 Nakatutuwa, ang pagsasagawa ng bagong tipan ng Diyos tungo sa dakilang tagumpay ay hindi magbubunga ng kalugihan sa “malaking pulutong” ng mga tulad-tupa na makaliligtas sa pagkawasak ng hinatulang mapuksang sistemang ito ng mga bagay. Bagkus, magbubukas ito ng daan para sa higit pang dakilang mga pagpapala dito sa nilinis na lupa na mamanahin nila at na sila ay magkakaroon ng panimulang bahagi sa pagbabago nito tungo sa isang pangglobong paraiso. (Mateo 25:34; Lucas 23:43) Sa maikling panahon na lamang, yaong mga nagpapahamak sa lupa ay mawawala na, “ngunit yaong umaasa kay Jehova ang magmamana ng lupain. . . . Ang mga maaamo ang siya mismong magmamay-ari ng lupa, at tunay na kanilang masusumpungan ang katangi-tanging kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:9-11) Purihin ng lahat ang Milenyong Kaharian ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng “Prinsipe ng Kapayapaan” na kasunod ng pagpapatupad sa bagong tipan!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share