Kabanata 18—Pandaigdig na Katiwasayan sa Ilalim ng “Prinsipe ng Kapayapaan”
Katapatan sa Nakikitang Organisasyon ng Diyos Ngayon
1, 2. Paano uunawain ang kasulatan sa Awit 50:5?
SA AWIT 16:10 ay nasusulat: “Sapagkat hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa Sheol. Ni hindi mo hahayaang ang iyong tapat ay makita ang hukay.” At sa Awit 50:5 ay nasusulat: “Pisanin mo ang aking mga tapat sa akin, yaong nakikipagtipan sa akin sa pamamagitan ng hain.” Yaon bang mga nakikipagtipan kay Jehova ang naglalaan ng “hain”? Hindi, ang mga tapat na ito ay hindi gumagawa ng kani-kaniyang “hain,” na ibinibigay ang kanilang mga makalamang katawan upang gumawa ng isang kasunduan sa Diyos.
2 Paano, kung gayon, pinagtitibay ang tipan? Sa pamamagitan ng “hain” ng “tapat” na ang kaluluwa ay hindi iniwan sa Sheol kundi binuhay-muli mula sa mga patay. Ikinapit ni apostol Pedro ang mga salita ng Awit 16:10 kay Jesu-Kristo at nagsabi pa: “Palibhasa’y nakita niya [ni David] na patiuna at nagsalita tungkol sa pagkabuhay-muli ng Kristo, na siya’y hindi pinabayaan sa Hades ni ang kaniya mang katawan ay nakakita ng kabulukan. Ang Jesus na ito’y binuhay-muli ng Diyos.”—Gawa 2:25, 27, 31, 32.
3. Sino yaong tinitipon ayon sa utos sa Awit 50:5, at bakit sila dapat maudyukan na maging tapat sa Diyos?
3 Ang binuhay-muling Jesus na ito ang Tagapamagitan ng bagong tipan, at salig sa kaniyang hain na ang bagong tipan ay binigyang-bisa. (Hebreo 9:15, 17) Kaya sino yaong titipunin ayon sa utos sa Awit 50:5? Sila ang mga alagad ni Jesus na ngayo’y kasama sa bagong tipan dahil sa kaniyang hain. Bilang pasasalamat kay Jehova dahil sa walang katulad na haing ito, dapat silang maudyukan na maging matapat sa kaniya.
4, 5. (a) Anong tagumpay ang nakamit ni Satanas na Diyablo noong unang digmaang pandaigdig sa kaniyang mga pagsisikap na puksain ang nakikitang organisasyon ni Jehova? (b) Saan inilipat ang punung-tanggapan ng Samahan, at bakit? (c) Sa isang modernong-panahong pagkakatulad sa Awit 137:1, ano ang emosyonal na kalagayan o disposisyon ng matapat na mga nalabi nang bulaybulayin nila ang nasalantang kalagayan ng organisasyon ng Diyos?
4 Nang ang Kaharian ni Jehova ay maitatag sa mga langit noong 1914, ang mga bansa ay galit na galit sa pagsalansang sa Kaharian na iyan sa pamamagitan ng pakikilahok sa unang digmaang pandaigdig, at ito ay ipinahintulot ng Diyos. (Awit 2:1, 2) Sinikap ni Satanas na Diyablo na gamitin ang labanan ng sanlibutang iyon upang puksain ang nakikitang bahagi ng organisasyon ni Jehova. Nagtagumpay siya sa pagpapabilanggo sa presidente ng Watch Tower Bible and Tract Society sa bilangguang pederal sa Atlanta, Georgia. Ang pitong iba pang mga kinatawan ng Samahan ay ibinilanggo na kasama niya.
5 Dahilan sa pag-uusig, ang punung-tanggapan ng Samahan sa Brooklyn, New York, ay inilipat sa isang inuupahang gusali sa Pittsburg, Pennsylvania. Ito ay ginawa upang ipagpatuloy ang paglalathala ng magasing Watch Tower. Ang makalangit na pagluwalhati sa mga tapat ay inasahan na magaganap di na matatagalan. Subalit yaong mga nalabi ay nanangis habang minumuni-muni nila ang api, nasalantang kalagayan ng organisasyon ni Jehova.—Awit 137:1.
Katapatan sa Panahon ng Pagkabilanggo
6-8. Sa panahon ng kaniyang pagkabilanggo, paano nagpakita ang presidente ng Samahan, si J. F. Rutherford, ng katapatan sa organisasyon ni Jehova?
6 Nagpapakita ng katapatan sa organisasyon ni Jehova sa panahon ng kaniyang pagkabilanggo, ang presidente ng Samahang Watch Tower, si J. F. Rutherford, noong Disyembre 25, 1918, ay sumulat ng isang pantanging liham kay J. A. Bohnet, isang pinagkakatiwalaang kapuwa lingkod ni Jehova. Ito ay inilagay sa kaniyang direksiyon sa tanggapan ng Samahan sa Pittsburg. Isinulat ni Rutherford ang sumusunod:
7 “Sapagkat tumanggi akong magkompromiso sa Babilonya, at matapat na sinikap kong maglingkod sa ating Panginoon, ako ay nasa bilangguan, na ipinagpapasalamat ko. . . . Higit ko pang gugustuhin ang Kaniyang pagsang-ayon at ngiti at maibilanggo, kaysa magkompromiso o sumuko sa Hayop at maging malaya at kamtin ang mga papuri ng buong sanlibutan. Isang pinagpala, masarap na karanasan na magdusa alang-alang sa tapat na paglilingkod sa Panginoon. Sa Kaharian ating pahahalagahan nang lubha ang ngiti ng pagsang-ayon ng Ama na higit sa lahat ng bagay. Ito ay dapat na pangunahin sa isipan ng bawat anak ng Diyos. Inaasam-asam natin ang pagkakaisa na gagawa sa atin doon na Isa. Ako’y maligaya, gayunma’y nananabik akong makitang muli kayong lahat. Ang kombensiyon at taunang miting ay malapit na. Harinawang ang espiritu ni Kristo ay pumunô sa puso ng bawat dadalo . . .
8 “Marami pang gagawin. Magiging isang malaking pabor na makibahagi. Yaon lamang mga umiibig sa Kaniya nang sukdulan ang tapat at sa gayo’y pararangalan. . . . Bago ang masayang araw na iyan kailangang magkaroon ng puspusang pagpapatotoo. . . . Ang dating mga pamamaraan at mga instrumento ay hindi makatutugon sa mga kahilingan, subalit ang Panginoon sa Kaniya mismong mabuting paraan ay maglalaan. . . . Ako’y nagagalak na ang karanasang ito sa bilangguan ay inilaan sa amin sa halip na kay Brother Russell. Kailanman ay hindi ko pa naranasan ang lubhang mapoot sa kawalang-katarungan at ibigin ang katuwiran at asamin ang pagtulong sa iba. . . . Ang tagumpay ng Sion ay malapit na.”
Ang Organisasyon ng Diyos ang Kanilang “Pinakapangulong Kagalakan”
9. Anong saloobin ng salmista ang ipinabanaag ng naibilanggong mga kinatawan ng Samahan?
9 Bagaman ang mga lingkod ni Jehova ay binansagan sa sanlibutan bilang di-tapat, mga traidor, at hindi makabayan, hindi nila itinakwil ang organisasyon ni Jehova. Tumanggi silang magkompromiso sa ilalim ng panggigipit na iyan. Pipiliin pa nilang mawalan ng gamit ang kanilang kanang kamay o maging pipi kaysa kalimutan ang organisasyon ng Diyos at hayaang hindi na ito ang kanilang maging “pinakapangulong kagalakan.”—Awit 137:5, 6.
10, 11. (a) Sa ano nanalangin ang tapat na nalabi, at anong mga salita ng salmista ang binigkas nila may kaugnayan sa Edom? (b) Ano ang nagawa ng mga kaaway ng nakikitang organisasyon ni Jehova, at ano ang hindi inaasahan ng mga kaaway na iyon?
10 Ang mga kaaway ni Jehova ay lubhang nagalak sa pagkilos laban sa makalupang mga kinatawan ng kaniyang pansansinukob na organisasyon. Subalit ang mga lingkod ni Jehova ay nanalangin para sa pagdating ng kaniyang araw ng paghihigantí dahilan sa lahat ng paghamak na ito na ibinubunton sa kaniyang organisasyon. Binibigkas nila ang mga salita na sinalita ng salmista may kaugnayan sa sinaunang Edom: “Alalahanin mo, Oh Jehova, tungkol sa mga anak ni Edom ang kaarawan ng Jerusalem, na nagsasabi: ‘Iguho nang lubusan! Iguho nang lubusan hanggang sa patibayan niyaon!’” (Awit 137:7; Galacia 4:26) Ah, hindi, mahal na mahal ni Jehova ang kaniyang tulad-asawang organisasyon upang kalimutan ang sinabi at ginawa niyaong bahagi ng organisasyon ng Diyablo laban sa mga tapat sa kaniyang makalupang organisasyon.
11 Sa lahat ng panlabas na anyo noong panahong iyon, iginuho ng pulitikal na mga nakikiisang iyon sa Babilonyang Dakila ang nakikitang organisasyon ni Jehova “nang lubusan hanggang sa patibayan niyaon.” Hinding-hindi nila inaasahang makikita itong bumangon mula sa alabok tungo sa pandaigdig na organisasyon na kalagayan nito ngayon.
Ang Kaligayahan ng Kaniyang Tagapaghigantí
12. (a) Sino ang napatunayang tagapagpalaya ng nabihag na bayan ni Jehova sa sinaunang Babilonya, at ang Awit 137:8, 9 ba ay tumutukoy sa kaniya sa sukdulang diwa? (b) Ano ang inihula ng mga talatang ito tungkol sa tagapaghigantí ng makalupang organisasyon ng Diyos?
12 Ginamit ni Jehova ang Persianong pinuno na si Ciro upang palayain ang kaniyang bayan mula sa sinaunang kapangyarihang pandaigdig ng Babilonya. Subalit sa sukdulang diwa, hindi si Ciro ang tinutukoy ng pansarang mga pananalita ng Awit 137, na tumutukoy sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon: “Oh anak na babae ng Babilonya, ikaw na wawasakin, magiging maligaya siya na gagantihin ka na gaya ng iyong pakikitungo sa amin. Magiging maligaya siya na susunggab at dudurog sa iyong mga anak sa malaking bato.”—Awit 137:8, 9.
13, 14. Bakit ang isa na “maligaya” sa Awit 137:8, 9 ay hindi maaaring tumukoy sa pulitikal na mga kapangyarihan na pupuksa sa Babilonyang Dakila?
13 Sino ang isang iyon na magiging “maligaya”? Ang isa bang iyon na “maligaya” ay kumakatawan sa simbolikong “sampung sungay” na nasa ulo ng “mabangis na hayop,” na sa likod nito ay malaon nang nakasakay ang matandang patutot na sistema ng relihiyon? Hindi, sapagkat hindi pupuksain ng pulitikal na mga mamumuksa ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon upang bigyan-daan ang dalisay na pagsamba sa tunay na Diyos. Hindi nila gagawin ito para sa kaluwalhatian ng Diyos ng Bibliya. Paano, kung gayon, ang mga yaon ay aktuwal na magiging ang tinatawag na “maligaya” ng salmista?
14 Hindi isasagawa ng pulitikal na mga kapangyarihan ng sanlibutang ito ang antirelihiyosong gawaing ito dahil sa pag-ibig sa mga mananamba ni Jehova. Bakit hindi? Sapagkat ang mga Saksi ni Jehova ay makakasagabal sa gagawin nilang isang walang diyos na sanlibutan. Kaya ang pulitikal na mga kapangyarihan ay mga instrumento lamang na gagamitin ng Diyos ng mga Saksi upang isagawa ang kaniya mismong layunin.—Apocalipsis 17:17.
15. Sino talaga ang nagpapakilos sa pulitikal na mga kapangyarihan, at sa pamamagitan nino?
15 Kaya, bagaman ang pulitikal na mga kapangyarihang ito ay maaaring tuwirang gamitin sa paglipol sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ang Diyos na Jehova ang talagang nagpapakilos sa kanila. Papaano? Gagamitin niya ang kaniyang binigyan-ng-kapangyarihang maharlikang Anak, ang Lalong-dakilang Ciro, si Jesu-Kristo. Sa gayon, si Jesu-Kristo na nasa kapangyarihan ng Kaharian ang isa na “maligaya” na inihula ng salmista!
16. Paano pupuksain ni Jehova ang “mga anak” ng Babilonya?
16 Yamang iingatan ni Jehova ang kaniyang mga tapat, sa makasagisag na diwa, kaniyang susunggaban ang lahat ng relihiyosong “mga anak” ng tulad-patutot na sistema ng huwad na turo at dudurugin sila sa naaaninag na tulad ng isang “malaking bato”—ang hindi sumusukong Kaharian ng Diyos Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.
17. (a) Sang-ayon sa Isaias 61:1, 2, ano ang ipahahayag ni Jesus pagkatapos na pahiran ng espiritu ng Diyos? (b) Paano isinasagawa ang paghahayag sa ngayon?
17 Nang siya ay nasa lupa, si Jesus ay pinahiran ng espiritu ng kaniyang banal na Tagapagtaguyod hindi lamang “upang maghayag ng taon ng kabutihang-loob ni Jehova” kundi upang ipahayag din naman “ang araw ng paghihigantí ng ating Diyos.” (Isaias 61:1, 2; Lucas 4:16-21) Sa ating panahon, sa “mga huling araw” ng sistemang ito ng mga bagay, ipinahahayag ni Jehova sa kaniyang tapat na mga lingkod “ang araw ng paghihigantí ng ating Diyos” sa lahat ng tinatahanang lupa bilang babala sa lahat ng mga bansa. Sa paghahayag na ito isang lumalagong “malaking pulutong” ng tulad-tupang mga alagad ni Jesu-Kristo ang nakisama sa nalabi, gaya ng nakita sa pangitain sa Apocalipsis 7:9-17.
18. Sa anong kaligayahan makikibahagi ang mga tapat ng Diyos?
18 Lahat ng mga ito, ang nalabi at ang “malaking pulutong,” ay sumunod sa utos ng anghel sa Apocalipsis 18:4. Sila ay lumabas na sa Babilonyang Dakila. Bakit ang gayong apurahang pagkilos? Sapagkat dapat silang tumakas mula sa Babilonyang Dakila bago ang kaniyang relihiyosong “mga anak” ay durugin at wasakin sa pamamagitan ng “mabangis na hayop” at ng “sampung sungay” nito bago ang Armagedon. Ang mga tapat na ito ay makikibahagi sa kaligayahan ng Lalong-dakilang Ciro, si Jesu-Kristo. Sila ay makikisama sa kalangitan sa pagsasabi: “Purihin si Jah, kayong mga bayan! Ang pagliligtas at ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan ay nauukol sa ating Diyos, sapagkat tunay at matuwid ang kaniyang mga hatol. Sapagkat kaniyang isinagawa ang hatol sa bantog na patutot na nagpasamâ sa lupa sa pamamagitan ng kaniyang pakikiapid.”—Apocalipsis 19:1, 2; ihambing ang Jeremias 51:8-11.
19. Anong kaligayahan ang tinatamasa ngayon ng tapat na nalabi, at anong higit na kaligayahan ang naghihintay sa kanila?
19 Sapol noong 1919 si Jehova ay gumawa ng “dakilang bagay” para sa kaniyang bayan. (Awit 126:1-3) Dahilan sa kamangha-manghang kapangyarihang ito ng kaniyang pagpapalaya, ipinakikita na siya ay “Diyos na tapat,” ang pinalayang mga nalabi ay galak na galak. (Deuteronomio 7:9) Napakalaki ng kanilang kaligayahan, subalit mayroon pang higit na kaligayahan na naghihintay sa kanila. Ito ay kapag sila ay nakisama na sa kaligayahan ng Lalong-dakilang Ciro, ang nagpupunong Hari, si Jesu-Kristo, kapag kaniyang dudurugin ang lahat ng “mga anak” ng organisasyong iyan ng Diyablo.
20. Sino pa ang nakikibahagi sa kaligayahan ng pinahirang nalabi, at bakit?
20 Angaw-angaw na dating “mga bihag” ng Babilonyang Dakila ay natulungan nang tumakas mula sa hinatulang mapuksang relihiyosong organisasyon na iyon bago ang marahas na pagkawasak nito. Ang resulta ay ang “malaking pulutong” ng “ibang tupa.” Sila ngayon ay may bilang, sa buong lupa, na mahigit 3,000,000, at walang takdang bilang ang ililigtas pa mula sa pagkapuksa ng pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Bilang katapatan sa organisasyon ni Jehova, sila ay nakikibahagi sa kaligayahan ng nalabi sa pamamagitan ng pakikisama sa kanila sa paghahayag ng araw ng paghihigantí ni Jehova laban sa relihiyosong Babilonyang Dakila.
21. Ano ang dapat na maging saloobin natin sa Babilonyang Dakila at sa kaniyang mga bihag?
21 Kung gayon, nawa’y walang magkompromiso sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Nawa’y walang magbalik sa kaniya sa mga araw na ito ng kaniyang pagbagsak. Harinawang patuloy nating tulungan ang marami pang mga bihag ng Babilonyang Dakila hangga’t maaari na makalabas sa hinatulang mapuksang sistemang iyan bago tamuhin ng Lalong-dakilang Ciro ang kaniyang nakaliligayang tagumpay.