“Akala Ko ang Pagsasalin ng Dugo ay Buhay, Hindi Kamatayan”
ANG mga salitang iyon ay binigkas ni Sal Cirella, ama ng isang biktima ng hepatitis, sa isang programa sa telebisyon na 20/20 noong Disyembre 11, 1986. Ang kaniyang anak na babaing si Tracy ay sinalinan ng dugo bilang “patakaran ng ospital,” kahit na ito’y labag sa kagustuhan ng mga magulang. (Siyanga pala, sila ay hindi mga Saksi ni Jehova, na tumatanggi sa mga pagsasalin ng dugo dahil sa relihiyosong mga kadahilanan.) Si Tracy ay nagkaroon ng hepatitis, at ang kaniyang buhay ay nailigtas lamang ng isang liver transplant.
Si Tracy ay sinalakay ng isang anyo ng hepatitis na kilala bilang non-A/non-B hepatitis. Iniulat ng programa ring ito sa telebisyon: “Mahigit na 190,000 mga Amerikano ang nagkakaroon nito sa mga pagsasalin ng dugo taun-taon. Ito ay nagdadala ng permanenteng pinsala sa atay o pinapatay ang halos 10,000 katao sa isang taon. Halos napatay rin nito si Tracy.”
Isang seruhano na nakapag-opera na ng walang pagsasalin ng dugo sa 14,000 mga kaso ay nagsabi rin: “Nakikita ko ang mga tao na kilalang-kilalang nagsasalin ng dugo sa mga tao na hindi naman nangangailangan nito, at pinagtatakpan ang kanilang sariling mga pagkakamali ng kawalang-ingat, kung wala nang iba pa, sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo. At inaakala ko na iyan ay ganap na hindi kanais-nais.” Isa pang doktor, isang dating opisyal ng U.S. Food and Drug Administration, ay nagsabi: “Naniniwala ako na lahat ng mga produkto ng dugo ay labis ang paggamit. May palagay ako na may sapat na katibayan upang patunayan iyan. Ang paggawi na dapat baguhin ay yaong paggawi ng mga manggagamot, kung ano ang pinipidido nila para sa isang pasyente. At sila ay pumipidido ng labis-labis na dugo.”