Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 11/22 p. 18-20
  • Mahalaga Ba ang Pagiging Kaibigan ng Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mahalaga Ba ang Pagiging Kaibigan ng Diyos?
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pakikitungo sa Kagipitan
  • Mas Mataas na mga Pamantayang Moral
  • Hindi Nakahihigit sa Taong Tukso
  • Isang Maningning na Kinabukasan!
  • Inaanyayahan Ka ng Diyos na Maging Kaibigan Niya
    Maaari Kang Maging Kaibigan ng Diyos!
  • Dapat Ko Bang Isumbong ang Kaibigan Ko?
    Gumising!—2008
  • Puwede Kang Maging Kaibigan ni Jehova
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
  • Bakit Lumisan ang Aking Matalik na Kaibigan?
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 11/22 p. 18-20

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Mahalaga Ba ang Pagiging Kaibigan ng Diyos?

ANG isang kaibigan ay isang itinatanging tao. Inilalarawan ng Bibliya ang isang tunay na kaibigan na isa na malapit pa kaysa isang kapatid, hindi nagbabago sa kaniyang katapatan at pakikipagkaibigan, tumutulong sa kaniyang kasama kapag nasa kagipitan, at nagbibigay ng payo sa kaniya sa katapatan. (Kawikaan 17:17; 18:24; 27:6, 9) Mayroon pa bang hihigit sa kaugnayang ito?

Maraming kabataan ang taimtim na naniniwala na ang pagiging kaibigan ng Diyos ay higit pa ang iniaalok. Gayunman, marahil ay sumasang-ayon ka sa iba na nag-aakalang ang gayong kaugnayan sa Diyos ay imposible o hindi praktikal. ‘Maraming tao ang nagsasabi na may pananampalataya sila sa Diyos,’ maaaring sabihin nila, ‘subalit kahit na ang mga sumasampalataya ay naghihirap din sa buhay na gaya niyaong mga hindi sumasampalataya sa kaniya.’

Kaya, ano ang kaibhan? Talaga bang mahalaga ang pagiging malapit sa Diyos? Makikinabang ka nga kaya sa pagiging kaibigan ng Diyos? Ipinakikita ng mga karanasan ng ilang mga tin-edyer sa ngayon na ang mga pakinabang ng pagkakaroon ng malapit na kaugnayan sa Diyos ay pambihira at nakahihigit kaysa pagiging malapit mo sa kaninumang iba pang kaibigan. Bakit gayon?

Pakikitungo sa Kagipitan

Ang ibang mga kabataan, na ngayo’y nagtataguyod ng isang mas taimtim na kaugnayan sa Diyos, ay nagsasabi na ang pagiging kaibigan ng Diyos ay tumulong sa kanila sa pagsugpo sa mga damdamin ng pagkapoot. Ang disiotso-anyos na si Virginia, na lubhang naapektuhan ng paghihiwalay ng kaniyang mga magulang, ay nagsabi: “Nagkimkim ako ng sama ng loob sa aking ama. Lagi akong galít. Bunga nito, sinimulan kong kapootan ang iba pang tao. Sinisikap kong maging miserable ang aking mga kaibigan. Nais kong maranasan ng iba ang dinaranas kong hirap!”

Ngayon, pagkatapos pag-aralan ang Salita ng Diyos, may kaligayahang sinasabi ni Virginia: “Anong laking pagbabago ang nangyari sa akin! Hindi na ako nagagalit kay Itay. Natanto ko na siya ay isa lamang biktima ng bulok na sistema na itinataguyod ni Satanas na Diyablo. Iginagalang ko siya at nakakasundo ko ang lahat ngayon.” Oo, ang kaalaman sa Bibliya ay tumutulong sa mga kabataang gaya ni Virginia na maunawaan ang dahilan ng mga kabalisahan sa ngayon at malaman kung paano pakikitunguhan ang mga ito.

Ang pagiging malapit sa Diyos ay maaaring tumulong sa iyo na pakitunguhan ang waring napakalaking panggigipit. Si Juana ay isang 19-anyos na babae na ang ama ay isang alkoholiko. “Kung minsan si Itay ay uuwi na lasing at binubugbog kami,” sabi niya. Paano niya pinagtitiisan ang kalagayang ito? “Kapag ako’y nanlulumo, alam kong makalalapit ako sa Diyos na Jehova sa panalangin at ako’y napalalakas.” Ang pagkakilala sa Diyos at pagtulad sa kaniyang mabubuting mga katangian​—gaya ng kaamuan at pagtitiis​—ay nakatulong din kay Juana kung paano pakikitunguhan ang kaniyang ama.​—Galacia 5:22, 23.

Maaaring hindi laging madali para sa iyo na magpakita ng galang sa iyong mga magulang at ibigay sa kanila ang nararapat na paggalang. Subalit ang nakatutulong ay na ikaw ay makumbinsi sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Sinasabi ni apostol Juan na ang espirituwal na malalakas na “mga kabataang lalaki” sa kongregasyon na kaniyang sinulatan ay “nadaig [pa nga] ang balakyot” sapagkat ‘ang salita ng Diyos ay nanahan sa kanila.’ (1 Juan 2:14) Kaya, ang payo ng Bibliya na gaya ng sumusunod ay nakatulong sa mga kabataang gaya nina Juana at Virginia: “Pagka inuupasala, kami’y nagpapala; pagka pinag-uusig, kami’y nagtitiis; pagka sinisiraang-puri, kami’y nagmamakaawa.”​—1 Corinto 4:12, 13.

Gayundin, sinasabi ni apostol Pedro na ang mahusay na halimbawa​—“ang wagas na pag-uugaling may kalakip na taimtim na paggalang”​—ay maaaring manaig doon sa mga nanggigipit sa iyo sa una pa. (1 Pedro 3:1, 2) Bagaman ipinatungkol ni apostol Pedro ang mga pananalitang ito sa Kristiyanong mga asawang babae, maaari ka ring makinabang mula sa payong ito.

Mangyari pa, hindi laging madaling makibagay sa panggigipit, subalit ang pagsasabi mo kay Jehova ng lahat ng nilalaman ng iyong puso sa may wastong motibong panalangin ay nakakabawas sa kagipitan. Anong laking ginhawa ngang malaman na si Jehova ay nagnanais tumulong at may kapangyarihan na “makagagawa nang higit kaysa lahat ng maaari nating hilingin at isipin”! (Efeso 3:20, Today’s English Version; Jeremias 9:24) Isa pa, tinitiyak sa atin ng Bibliya na ang Diyos “ay hindi malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:27) Oo, maaari kang magkaroon ng isang kaibigan na laging malalapitan.

Mas Mataas na mga Pamantayang Moral

Ang pagiging kaibigan ng Diyos ay nakatulong din sa mga kabataan na linangin ang mas mataas na mga pamantayang moral na nagdudulot ng pagkanasisiyahan at kapayapaan ng isip. (Mateo 6:13; Awit 141:3, 4) Inaamin ng disiseis-anyos na si Sofia na nakaranas na siya ng pakikipagtalik sa isang lalaki nang siya ay 14 anyos lamang. Ginugunita ito, sabi ni Sofia: “Noon lamang magsimula akong mag-aral ng Bibliya saka ko ipinasiyang ihinto ang pakikipag-date sa kaniya.” Mula noon, tinanggihan niya ang imoral na paggawi at sabi niya na ang kaalaman sa Bibliya ay nagpatibay ng kaniyang kaugnayan kay Jehova.

Ang seksuwal na pagtatalik bago mag-asawa ay karaniwan sa maraming bahagi ng daigdig. Sa Mexico lamang, 90 porsiyento ng mga kabataan ay sinasabing nakaranas na ng seksuwal na kaugnayan bago mag-asawa! Bunga nito, maraming tin-edyer ang dumanas ng mga resulta nito, gaya ng maagang pag-aasawa o pagiging dalagang ina. Sa loob lamang ng isang taon, mahigit na isang milyong mga sanggol ang isinilang sa mga babaing tin-edyer sa Mexico!

Ngayon, karaniwan nang may napakalaking panggigipit na seksuwal na mapasangkot sa maagang gulang. Subalit sa halip na basta magpatihulog sa imoralidad sa sekso, bakit hindi muna suriin ang mga kahihinatnan? Bukod sa kagyat na pisikal na mga resulta, isaalang-alang kung paano apektado ang Diyos kung lalabagin natin ang kaniyang batas. Hinamon ni Satanas ang Diyos, sinasabing sa ilalim ng pagsubok ang mga tao ay hindi magtatapat sa Kaniya. Kaya si Jehova ay nakikiusap: “Magpakadunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” (Kawikaan 27:11) Pag-isipan ito: Lalabagin mo ba ang batas ng Diyos at pasasayahin si Satanas at palulungkutin ang Diyos?​—Ihambing ang Awit 78:38-41.

Ang pinakamalaking proteksiyon laban sa imoralidad ay na ikaw ay magkaroon ng personal, malapit na kaugnayan kay Jehova.

Hindi Nakahihigit sa Taong Tukso

Sa kabilang dako, ang ibang mga kabataan ay bantulot na masangkot sa Diyos. “Natatakot ako,” sabi ng isang 14-anyos na babae, “na kapag tinanggap ko ang Diyos, lubusan niya akong susupilin. Ako’y ako, subalit nais kong sabihin ang nilalaman ng aking puso. Ako’y talagang naguguluhan at nalilito. Nais ko lamang matuto at magsimula nang marahan. Sa palagay ko kapag ako’y nagmadali, matatakot ako at susuko.” Ganito ba ang nadarama mo?

Kung gayon, ikaw man ay maaaring maaliw ng bagay na tutulungan ka ng Diyos sa anumang problema mo sa buhay. “Hindi nakahihigit sa tao ang tukso na naranasan mo,” sabi ng Bibliya. “At maaasahan mong hindi ipahihintulot ng Diyos na ikaw ay tuksuhin ng higit sa iyong makakaya, kundi pagdating ng tukso, gagawin naman niya ang paraan ng pag-ilag, upang ito’y iyong matiis.” (1 Corinto 10:13, An American Translation) Ano pa ang mahihiling mo?

Datapuwat hindi ka maaaring manalangin upang ikaw ay tulungan at pagkatapos ay bumasa ka ng imoral na literatura, manood ng imoral na mga pelikula, o mangarap tungkol sa o umalembong sa isa na hindi kasekso. Bagaman ang panalangin ay may mataas na prayoridad​—kung paanong ang pakikipagtalastasan ay mahalaga sa anumang personal na kaugnayan​—kailangang kumilos ka ayon sa hinihiling mo sa iyong panalangin!​—Lucas 11:9, 13.

Isang Maningning na Kinabukasan!

Gayunman, ang halagang dapat na ibayad mo​—ang pagsisikap na nasasangkot sa pagpapanatili ng iyong pakikipagkaibigan sa Diyos​—ay napakaliit kung ihahambing sa maraming pagpapala sa hinaharap na ipinangangako ng Diyos. Sabi ng 17-anyos na si Noe: “Si Jehova ay nag-aalok ng isang maningning na kinabukasan sa atin: buhay sa walang-hanggang kaligayahan sa isang lupang paraiso! Ito’y isang bagay na hindi maaaring ibigay ng sinumang tao!”

Ang Salita ng Diyos ay nangangako na “sandali na lamang, at ang balakyot ay mawawala na . . . Ang matuwid ang magsisipagmana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.” (Awit 37:10, 29) Bilang ang bukas-palad na Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na handog,” si Jehova ay nasisiyahan sa pagkakaloob sa kaniyang tapat na mga kabataang Saksi ng mga pagpapala.​—Santiago 1:5, 17; Awit 35:27; 84:11, 12; 149:4.

Kaya mahalaga ang pagiging kaibigan ng Diyos. Ang Diyos ay nagmamalasakit sa iyo. Kung ikaw ay may problema, nais ka niyang tulungan. Lagi siyang maaasahan. Mayroon siyang kapangyarihan na tulungan ka sa anumang problema mo sa buhay. At tanging si Jehova lamang ang makabibigay sa iyo ng buhay na walang-hanggan​—isang pantanging pag-aari ng mga kaibigan ng Diyos.​—Apocalipsis 21:3, 4; Mateo 25:46.

[Larawan sa pahina 18]

“Si Abraham ay tinawag na ‘kaibigan ni Jehova.’ Tinawag ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ‘aking mga kaibigan.’ . . . Kaya ako man ay maaaring maging kaibigan nila!”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share