Mga Saksi ni Jehova Lamang?
Si Umberto Eco, kilalang mananalaysay, pilosopo, at dalubhasa sa mga wika sa daigdig, ay nag-ulat kamakailan sa isang pitak sa pahayagan na dalawang kabalitaan ang nagalit sa kaniya. Bakit? Sabi niya na “pinayuhan [nila] ako na hindi ko dapat sabihin ang ‘Geova’ [Italyano para sa “Jehova”] upang ipakilala ang Diyos ng Matandang Tipan, kundi ‘Iahveh’ o ‘Yahveh,’ sapagkat ang ‘Geova’ ay binibigkas lamang ng mga Saksi ni Jehova.” Ang kaniyang sagot? “Ito ay kuskos-balungos lamang sapagkat ipinakikita ng mga diksiyunaryo na ‘Geova’ ang kasalukuyang pagsasawikang Italyano ng Iahveh.”
Mangyari pa, tama si Propesor Eco. Kapuna-puna, noong minsan ang pangalan ni Jehova ay kilalang-kilala sa Italya, yamang ito ay ginamit sa dekorasyon ng maraming mga simbahan doon. Ang isang halimbawa ay makikita sa kalakip na larawan. Dapat pansinin na noon ang pangalan ng Diyos ay binaybay na ‘Jeova’ sa halip na ‘Geova’ sa mga simbahang Italyano. Gayunman, sa ngayon gaya ng ipinahihiwatig ng mga komento ng mga kabalitaan ni Propesor Eco, kung nalalaman ng isang karaniwang Italyano ang pangalang Geova, malamang na ito’y narinig niya sa isa sa mga Saksi ni Jehova.