Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 8/8 p. 22-24
  • Bakit Ba Ako Nakadarama ng Kawalang-halaga?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Ba Ako Nakadarama ng Kawalang-halaga?
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Hindi Makatuwirang Paghahambing
  • Higit Pa Kaysa Kalungkutan?
  • Kung Ikaw ay Binabagabag ng Iyong Budhi
  • Pagkakaroon ng Pagpapahalaga-sa-Sarili
  • Pagtatagumpay Laban sa Panlulumo
    Gumising!—1987
  • Pagtatagumpay Laban sa Panlulumo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Bakit Gayon na Lamang ang Aking Panlulumo?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Paano Mo Madaraig ang Negatibong mga Damdamin?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 8/8 p. 22-24

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Ba Ako Nakadarama ng Kawalang-halaga?

“AKO ay otso anyos lamang nang hiwalayan ni Inay si Itay,” gunita ng isang batang tatawagin nating Ann. “Naaalaala ko ang pagkandong ko kay Itay at pagtingin sa kaniya para sa lakas. Pagkatapos, nang ako ay 15 anyos, hiniwalayan ni Itay ang aking madrasta. Ito ay nakalilito. Naitanong ko tuloy sa aking sarili kung mayroon ba akong deperensiya. Ako kaya ang dahilan? Nagsimula akong makadama ng kawalang-halaga.”

Ang gayong mga damdamin ay nagpapahirap sa maraming kabataan. At hindi naman laging nangangailangan ng malaking kasawian, gaya ng paghihiwalay ng mga magulang, upang madama ito. Ang mga damdamin ng kawalang-halaga ay maaaring udyukan ng isang bagay na medyo maliit na gaya ng mababang marka sa isang pagsusulit sa paaralan. Bakit nagkakaroon ng gayong damdamin? Mayroon bang anumang paraan upang alisin ito?

Hindi Makatuwirang Paghahambing

Isang malaking dahilan kung bakit napakaraming kabataan ang nakadarama ng kawalang-halaga ay ang impluwensiya ng daigdig na kinabubuhayan natin. Sa maraming lipunan ang mga kabataan ay hinihimok na manguna sa lahat ng bagay na kanilang ginagawa​—sa gawain sa paaralan, isports, mga libangan. Ang tagumpay ay kadalasang tinitiyak ng kung sino ang pinakamahusay gumawa, sino ang pinakamaganda, sino ang nagtataglay ng pinakamahusay. Isang guro sa Timog Aprika ay nagsabi: “May nakatatakot na batik sa karangalan na nakakabit sa hindi pagkuha ng isang mahusay na matric [pasadong marka para sa panghuling taon sa paaralan] at sa hindi pagkakaroon ng isang trabaho na itinuturing na pili.” Ang sikologong si Dr. David Elkind ay nagsabi rin: “Ang mga tin-edyer ngayon ay hindi pinahahalagahan sa kanilang pagkadisente o sa kanilang personalidad, kundi sa kanilang pataasang bentaha o kung anong marka ang nakukuha nila.” Ang espiritung ito ng paligsahan ay nag-aalis sa maraming kabataan ng halaga-sa-sarili.

Hinihimok tao ng Bibliya na gawin ang ating buong kaya sa anumang ‘masumpungang gawin ng ating mga kamay’ subalit “hindi kahambing ng iba.” (Eclesiastes 9:10; Galacia 6:4) Bakit hindi? Sa isang bagay, lahat tayo ay may iba’t ibang kakayahan at hindi tayo maaaring manguna sa lahat ng bagay. (Mateo 25:14, 15) Oo, lahat tayo ay may limitasyon dahil sa di-kasakdalan. (Roma 3:23) Kaya ang tagumpay sa buhay ay humihiling na matutuhan nating harapin ang mga kabiguan at mga siphayo.

Isa pa, ang pagnanais na daigin ang iba ay sumisira sa mismong mga katangian na makapagdudulot sa iyo ng namamalaging damdamin ng pagpapahalaga-sa-sarili, gaya ng pagiging matulungin, makonsiderasyon, masayahin, mapayapa, at matiisin. Ang Bibliya ay matalinong nagpapayo: “Huwag tayong maging labis na palaisip sa sarili, na nagpapaligsahan sa isa’t isa, nagkakainggitan sa isa’t isa.”​—Galacia 5:22, 23, 26.

Basta ginagawa mo ang buong kaya mo sa paaralan o sa mga gawaing Kristiyano, makontento ka sa iyong mga nagawa. Kung ikaw ay lubhang nagkukulang sa ilang bagay, humingi ka ng tulong. Iyan ay isang tanda na ikaw ay nagkakaroon ng isa pang tunay na mahalagang katangian, yaon ay, ang kapakumbabaan. (Kawikaan 18:12) Kung ang iyong pagsulong ay mabagal, huwag kang masiraan ng loob. Sukatin mo ang iyong tagumpay ayon sa iyong nakaraan mga resulta​—hindi ayon sa tagumpay ng iba.

Higit Pa Kaysa Kalungkutan?

Isip-isipin ang matinding kalungkutan na nagpapatuloy linggu-linggo nang “walang kadahilanan. “Delikado ito,” sabi ng magasing ’Teen, “na ikaw ay huwag magtiis ng hirap sa katahimikan.” Ibuhos mo ang iyong damdamin sa isa na talagang nagmamalasakit, sa isa sa iyong mga magulang. Gaya ng pagkakasabi rito ng Bibliya: “Dalawa ay maigi kaysa isa, . . . sapagkat kung isa sa kanila’y mabuwal, ibabangon ng isa ang kaniyang kasama. Ngunit papaano ang mangyayari sa isa na pagka siya’y nabuwal ay walang isa pa na magbabangon sa kaniya?” (Eclesiastes 4:9, 10) Sa maraming kaso, ang isang madamaying tagapakinig ay makatutulong sa iyo na ituwid ang iyong pag-iisip.a

Kunin halimbawa si Ann, na nabanggit kanina sa simula. Tinulungan siya ng kaniyang mga kaibigan na matanto na ang kaniyang mga damdamin ng kawalang-halaga ay batay sa maling pangangatuwiran, hindi sa katotohanan. Paano siya, na isa lamang bata, ang may pananagutan sa kabiguan sa pag-aasawa ng kaniyang mga magulang? Natanto ito, ang mga damdamin ng kawalang-halaga ay naibsan.

Kumusta naman kung magpatuloy ang gayong damdamin, sa kabila ng mga pagsisikap na baguhin ang iyong pag-iisip? “Magandang ideya rin,” sabi ng ’Teen, “na dumalaw sa isang manggagamot para sa isang pagsusuri upang malaman mo kung may anumang pisikal na karamdaman na maaaring sanhi ng iyong panlulumo.” Bakit? Sapagkat ang nagtatagal na damdamin ng kawalang-halaga ay maaaring maging isang karamdaman: matinding panlulumo.

Sa maraming kaso ng matinding panlulumo, ang maling pagkilos ng kemikal sa utak ay waring nasasangkot. Halimbawa, kung minsan ang pangunahing mga neuron ng utak, o ang mga selula sa utak, ay hindi wastong tumatanggap o naghahatid ng mga mensahe. Mabuti na lamang, may paggamot na makukuha na waring nag-aayos sa gawain ng neuron at tumutulong sa mga biktima ng panlulumo na harapin ito. Sa gayon ang pagdalaw sa isang manggagamot ay baka kailanganin kung may dahilan na magsuspetsa na higit pa kaysa kalungkutan lamang ang bumabagabag sa iyo.

Kung Ikaw ay Binabagabag ng Iyong Budhi

Isa pang salik na maaaring dahilan ng mga damdamin ng kawalang-halaga ay ang paggana ng budhi ng isa. (Roma 2:14, 15) Tumugon dito nang wasto, at maaari kang tulungan ng iyong budhi na lumihis buhat sa isang mapanganib na landas. Huwag mo itong pansinin, at ito ay maaaring pagmulan ng pagpapahirap.

Minsan si Haring David ay lubhang binabagabag ng kaniyang budhi anupa’t siya’y sumulat: “Walang kapayapaan sa aking mga buto dahil sa aking kasalanan. Sapagkat ang aking mga pagkakamali ay nagsidaan sa ibabaw ng aking ulo; gaya ng isang pasang mabigat ay napakabigat sa akin. . . . Ako’y nanlalata at bugbog na mainam.” (Awit 38:3-8) Malamang na isinulat ni David ang mga salitang ito pagkatapos na kunin niya ang asawang ibang lalaki. Naginhawahan lamang siya nang hayagan niyang ipagtapat ang kaniyang malubhang kasalanan sa pandinig ng propeta ng Diyos na si Nathan. Taglay ang anong resulta? “Sa wakas aking ipinagtapat ang aking kasalanan sa iyo, at ang aking pagkakamali ay hindi ko pinagtakpan . . . At iyong ipinatawad ang kasamaan ng aking mga kasalanan.”​—Awit 32:5; ihambing ang Santiago 5:16.

Maraming kabataan ang napahihirapan din ng damdamin ng pagkakasala dahil sa paggawa ng mga kasalanan​—ang ilan ay maliit, ang iba ay grabe. Subalit gaya ni David, maaari silang maginhawahan sa pamamagitan ng hayagang pagtatapat ng kanilang mga kasalanan at paghingi ng tulong mula sa tunay na mga Kristiyano. Kunin halimbawa si Stephanus na ang ama ay iniwan ang kaniyang ina bago pa siya isilang. “Ang bagay na ayaw niya sa akin at ipinagkait sa akin ang kaniyang pagkaama ay napakasakit. Habang ako ay lumalaki, ako’y nakadama ng kawalang-halaga.” Si Stephanus ay nahulog sa malubhang kasalanan ng homoseksuwalidad. (Genesis 13:13; 1 Corinto 6:9) Sabi ni Stephanus: “Bukod sa lahat ng iba pang pinsala na taglay ko, idinagdag ko pa ngayon sa talaan ang kawalan ng paggalang-sa-sarili at ng isang mabuting budhi. Ako’y naging lalong walang-halaga.”

Binabagabag ng budhi, si Stephanus ay humingi ng tulong sa tunay na mga Kristiyano. Mahalaga sa lahat, ipinagtapat niya ang kaniyang kasalanan sa Diyos at sa tulong ng Diyos ay napagtagumpayan niya ang kaniyang mga kahinaan. “Natutuhan ko na sa pagtanggap sa haing pantubos ni Jesus at pananampalataya sa halaga nito, ako ay maaaring maging mahalaga kay Jehova,” aniya. (Kawikaan 28:13; 1 Juan 1:9–2:2) Sa nakalipas na apat na taon, ang kabataang si Stephanus ay naglilingkod bilang isang buong-panahong ministro, tinutulungan ang iba na maunawaan ang maawaing mga paglalaan ng Diyos.

Pagkakaroon ng Pagpapahalaga-sa-Sarili

Tiyak, ang kasiya-siyang karera ni Stephanus bilang isang ministrong Kristiyano ay nakatulong sa kaniya na ingatan ang kaniyang bagong tuklas na damdamin ng pagpapahalaga-sa-sarili. Gaya ng kinikilala ni Dr. Edna Irwin sa kaniyang aklat na Growing Pains​—A Study of Teenage Distress: “Ang tin-edyer na nalalaman ang karerang nais niyang sundin ay may tunguhin na aabutin . . . Kung ito’y matatamo, malaki ang naitutulong nito sa katiwasayan at pagpapahalaga-sa-sarili ng tin-edyer.” Libu-libong mga kabataan, gaya ni Stephanus, ang nakasumpong na ang gawain na pagbahagi ng mensahe ng Bibliya sa iba ang ‘matatamong karera’ na iyon, isa na nagbibigay sa kanila ng damdamin ng “katiwasayan at pagpapahalaga-sa-sarili.”

Gayunman, ang gayong karera ay maaaring matagal pa para sa ilang kabataan. Samantala, huwag mong hayaan ang mga damdamin ng kawalang-halaga ay magpabigat sa iyo. Tandaan: Hindi mo kailangang harapin ito na mag-isa. Huwag kang mahiyang ipagtapat ito sa iba, lalo na sa iyong mga magulang. Nariyan din ang pagtangkilik ng kapuwa mga Kristiyano, na pinayuhang “aliwin ang mga kaluluwang namamanglaw.” (1 Tesalonica 5:14) Higit sa lahat, mayroon kang kaaliwan na malaman na ikaw ay minamahal at itinatangi ng Diyos na Jehova. Aba, gaya ng sabi ni Jesus, ‘ang mga buhok ng inyong ulo ay pawang bilang na lahat’ ng Diyos! (Lucas 12:7) Natatanto ang malaking pagpapahalaga ng Diyos sa mga umiibig sa kaniya, hindi mo kailangang makadama ng kawalang-halaga.

[Talababa]

a Tingnan ang Gumising! ng Oktubre 22, 1987, pahina 12 at 13, sa ilalim ng mga paulo na “Pagpupunyagi sa Mababang Pagpapahalaga-sa-Sarili” at “Pilipit na mga Huwaran sa Pag-iisip.”

[Larawan sa pahina 23]

Hinahayaan mo ba ang paligsahang espiritu ng sanlibutang ito na pagmulan ng mga damdamin ng kawalang-halaga?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share