“Ang Relihiyon ay Kasangkot sa Malaking Pagguho ng Moral Natin”
ANG ulong-balitang ito sa El Heraldo ng Barranquilla, Colombia, ay nakagugulat sa ganang sarili. Subalit ang nagsabi nito ay gumagawa pa ritong mas nakagugulat—ang Katolikong paring Jesuita na si Alberto Múnera, doktor sa teolohiya sa Gregorian University sa Roma. Siya ay nagkukomento tungkol sa pagguho ng moral sa Colombia.
Sabi niya: “Ang buong Colombia ay Katoliko. Hindi natin maaaring waling-bahala ang bagay na ang relihiyong iyan ay kasangkot sa malaking pagguho ng moral natin. Bilang isang teologo, ang isa ay nagtatanong sa sarili: Ano ang nangyari sa ating relihiyong Katoliko na para bang walang sapat na mga elemento upang sustinihan ang moralidad ng isang kalipunan [ng mga tao] o pahintulutan itong harapin ang isang pagbabago ng panahon sa isang disenteng paraan, upang dumaan mula sa isang dating kalagayan tungo sa isang bagong kalagayan nang hindi nasisira ang buong kayarian ng lipunan?”
Pagkatapos ng detalyadong katibayan ng pulitikal at moral na pagguho, pati na ang pagnenegosyo ng ipinagbabawal na droga, pulitikal na pagpatay nang pataksil, at sandatahang karahasan, tanong niya: “Sino ang gumagawa ng mga bagay na ito? Ang mga taong kabilang sa relihiyong Islam o sa Budismo . . . o mga taong walang relihiyon? O sila ba ang mga tao na nakita mo sa relihiyosong mga seremonya na may kabanalang nakikibahagi sa Eukaristiya at nagdarasal sa Ating Panginoon na tulungan silang umunlad sa kanilang gawain?”
Tiyak, idiniin ni Jesus at ng mga alagad ang paggawing Kristiyano bilang katibayan ng tunay na Kristiyanismo, hindi ang pakikibahagi sa mga ritwal. Sinabi ni Jesus: “Sa pamamagitan ng pag-ibig na taglay ninyo sa isa’t isa, makikilala ng lahat na kayo ay aking mga alagad.” (Juan 13:35, The Jerusalem Bible) Pag-ibig ba kung pinapatay o kinapopootan ng isang Katoliko ang kaniyang kapuwa, o nanloloob, nanghahalay, nagsisinungaling, o nagnanakaw, o nagbibenta ng droga? At pag-ibig Kristiyano ba kung ang relihiyon ay hindi kumikilos upang panatilihing malinis ang mga miyembro nito sa gayong imoral na mga elemento? Sa katunayan, ang mayayamang kriminal ay kadalasang pinararangalan ng maringal na mga libing at iba pang relihiyosong mga seremonya.
Sa kabaligtaran, dinisiplina ng sinaunang kongregasyong Kristiyano ang hindi nagsisising mga makasalanan na nagkasala ng malubhang mga kasalanan. Si apostol Pablo ay sumulat: “Ang isinulat ko ay na huwag kayong makisama sa isang Kristiyanong kapatid na namumuhay nang imoral, o isang usurero, o idolatroso, o isang maninirang-puri, o isang lasenggo, o hindi tapat; hindi nga kayo dapat na makikaing kasama ng gayong mga tao.” Gayunman, bihira tayong makarinig tungkol sa ekskomunikasyon, maliban sa mga kadahilanang ateistikong pulitika o hidwang paniniwala.—1 Corinto 5:9-11; 6:9-11, JB.
Sa halip na pagbibigay-pansin sa edukasyon ng Bibliya at sa bagong pagkataong Kristiyano, sa loob ng mga dantaon ang Iglesya Katolika ay kontento na lamang sa pagrurosaryo, pagdalo sa Misa, at pagkukumpisal sa pari. (Efeso 4:17-24) Ang pangwakas na bunga ngayon ay ang pagguho ng moral at ang paghina ng suporta sa simbahan. Ang Jesuitang si Múnera ay nagkukomento tungkol sa kalagayan ng Iglesya Katolika sa Colombia: “Sa isang relihiyon na gaya niyan, maliwanag na hindi tayo maaaring tumugon sa mga kalagayan na kinabubuhayan natin. Isa ito sa pangunahing dahilan kung saan ang ating Kristiyanismo ay waring sirang-sira . . . na ang [mga Katoliko] ay para bang hindi mga Kristiyano sa anumang paraan ngayon.”
Mangyari pa, ang kasalukuyang pagguho ng moral ay kapit sa mga tao ng lahat ng relihiyon. Marami na umaasa ng isang bautismo, kasal, at libing ng simbahan ay patuloy na nagsisinungaling, nagnanakaw, nakikiapid, at nandaraya na may kaukulang imyunidad. Kahit na ang maraming nahatulang kriminal ay nagsasabing kaanib sa ilang relihiyon—Katoliko, Protestante, Judio, at iba pa. Gayunman, ang kanilang kilos ay nagpapakita na ang kanilang relihiyon ay bigo sa paggawa sa kanila ng isang bagong pagkatao. Iyan ay maaaring isisi sa kriminal mismo at/o sa kaniyang relihiyon na hindi nakaimpluwensiya sa kaniyang pag-iisip at gawi. Kung saan ang kantidad ay mas mahalaga kaysa kalidad, pinagbabayaran din ito ng relihiyon.
Ito ay katulad ng inihula ni Pablo sa “mga huling araw”: “Sila’y magkukunwang relihiyoso subalit kanilang tatanggihan ang panloob na kapangyarihan nito. Iwasan mo ang gayong mga tao.”—2 Timoteo 3:1-5, JB.
Ang Relihiyon Pagkatapos ng Baha
Sina Edmond at Jules de Goncourt, magkatulong na mga manunulat na Pranses noong ika-19 na siglo, ay sumulat: “Kung may Diyos, ang ateismo ay malamang na hindi gaanong insulto sa Kaniya kaysa relihiyon.” At totoo naman, ang huwad na relihiyon ay isang insulto sa Maylikha ng tao. Gayunman, sa pamamagitan ng paglipol dito noong 2370 B.C.E. sa Baha, pinatunayan ng Maylikha na hindi niya hahayaang siya’y insultuhin magpakailanman.
Ang mahalagang katotohanang ito ay hindi nagbabago, kahit na lumitaw na muli ang huwad na relihiyon. Sa katunayan, pagkatapos ng Baha, ito ay nakatakdang umiral na tatagal ng mga dantaon upang sakupin ang buong lupa. Aabot ito sa iyo! Sa aming susunod na labas, ipaliliwanag ng aming artikulong “Isang Mangangaso, Isang Tore, at Ikaw!” kung paano.
[Larawan sa pahina 9]
Ang relihiyon ay karaniwang mababaw. Hindi nito hinahadlangan ang pagkakapootan ng lahi, krimen, at imoralidad