Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 2/22 p. 17-20
  • Bahagi 4—1513-607 B.C.E. Ibinukod na Bansa, Walang Katulad

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bahagi 4—1513-607 B.C.E. Ibinukod na Bansa, Walang Katulad
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ‘Simbahan at Estado’​—Ngunit May Pagkakaiba
  • Tinanggihan ang mga Kilusan na Pag-isahin ang mga Relihiyon
  • Nag-aalinlangan sa Dalawang Opinyon
  • Kailangan​—Isang Mabisang Pinuno
  • Pag-alpas Buhat sa Huwad na Relihiyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Pagsasagawa ng Dalisay na Relihiyon Para sa Kaligtasan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Israel
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Bahagi 24—Ngayon at Kailanman—Ang Walang-Hanggang mga Kagandahan ng Tunay na Relihiyon
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 2/22 p. 17-20

Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito

Bahagi 4​—1513-607 B.C.E. Ibinukod na Bansa, Walang Katulad

KASABAY ng kulog at kidlat, ito ay isang angkop na pagsilang. Ang taon ay 1513 B.C.E., at ang lugar ay sa Bundok Sinai, sa kung ano ang tinatawag na Arabia nang panahong iyon subalit ngayon ay Ehipto. Sa halip na kapanganakan ng isang tao, ito ang kapanganakan ng isang bansa!

Isang taon bago nito, sila ay isang patriarkang lipunan ng marahil ay tatlong milyon katao, napaalipin sa pandaigdig na kapangyarihan ng Ehipto. Ngayon sila ay isang malayang bayan, isa na disididong organisahin ng kanilang Diyos tungo sa isang bansa​—hindi basta anumang uring bansa. Sila ay magiging isang ibinukod na bansa, walang katulad sa anumang umiral na una rito o may iiral pang muli.

‘Simbahan at Estado’​—Ngunit May Pagkakaiba

Ang pagsisikap ni Nimrod na pagkaisahin ang relihiyon at gobyerno ay nagwakas sa isang kapahamakan. Ang nagaganap ngayon sa Bundok Sinai ay may kahawig sa ilang bagay sa pagsasama ng relihiyon at gobyerno. Mas mabuti kaya ang kahinatnan nito?

Kailangan ng isang bansa ang mga batas. Kaya ang mga Israelita ay binigyan ng sampung pangunahing mga batas, kilala bilang ang Sampung Utos, gayundin ng karagdagang 600 o mahigit pang mga kautusan. (Exodo 20:1-17) Isa itong kodigo ng batas na salig sa pundamental na katotohanan na sa tuwina’y kumakapit sa tunay na relihiyon, at kumakapit pa rin, kahit na sa ating ika-20 siglo.

Ang mga batas bang ito ay salig sa umiiral nang Kodigo ni Hammurabi? Gayon ang palagay ng ilang tao, yamang si Hammurabi, ang hari ng unang dinastiya ng Babilonya, ay nagpuno ng mahigit na isang daan at limampung taon bago ang Israel ay naging isang bansa. Noong 1902 ang kaniyang kodigo ng kautusan ay nasumpungan na kinopya sa isang haliging bato na dating nasa templo ni Marduk sa Babilonya. Ang aklat na Documents From Old Testament Times ay naghihinuha, gayunman: “Sa kabila ng maraming pagkakahawig, walang saligan sa pagsasabi ng anumang tuwirang panghihiram ng mga Hebreo sa mga Babiloniko. Kahit na kung saan may kaunting pagkakaiba sa titik sa dalawang set ng mga batas, malaki ang pagkakaiba nito sa diwa.”

Isa lamang iyang paraan kung saan ang bansa ay kakaiba. Karagdagan pa, orihinal na ito ay walang pinunong tao. Ito ay papatnubayan ng isang di-nakikitang Hari sa langit, sa gayo’y ginagawa ang bansang ito na lubhang naiiba, walang katulad. Hanggang noong pagkalipas ng halos 400 taon isang dinastiya ng mga haring tao ang ipinakilala. Subalit kahit na noon, ang bansa ay bukod-tangi. Ang hari nito ay hindi nag-aangking Diyos o isang anak ng Diyos na gaya, halimbawa, ng pag-aangking ng mga Faraon ng Ehipto. Ang mga hari ng Israel ay naupo sa “trono ni Jehova” sa makasagisag na paraan.​—1 Cronica 29:23.

Ang mga tungkulin ng pamahalaan ng Israel, na may kaugnayan sa paggawa ng batas, paghatol, at pamunuan, ay maaaring magpagunita sa atin tungkol sa ilang mga pamahalaan ngayon. Subalit minsan pa, may malaking pagkakaiba. Ang Isaias 33:22 ay nagsasabi: “Sapagkat si Jehova ang ating Hukom [ahensiya ng paghatol], si Jehova ang ating Tagapagbigay-Batas [kapangyarihang gumawa ng batas], si Jehova ang ating Hari [opisyal na tagapagpaganap].” Lahat ng tatlong gawain ng pamahalaan ay pinag-isa sa Diyos ng Israel. Walang hari ng bansa, o mga hukom nito, o mga saserdote nito ang magiging lubus-lubusang hari. Ang lahat ay sakop ng batas at mga direktiba ng Diyos na kinakatawan nila, di-tulad ng mga diktadura ng pulitikal at relihiyosong mga tao ngayon.

Sa gayon, yayamang ang pagsasama ng Simbahan at Estado noong kaarawan ni Nimrod ay naging pagsasama ng pamahalaan ng tao at ng huwad na relihiyon, ang naganap naman sa Bundok Sinai ay ang pagsasama ng pamahalaan ng Diyos at ng tunay na relihiyon. Ito ay tumitiyak ng mas mabuting mga resulta.

Tinanggihan ang mga Kilusan na Pag-isahin ang mga Relihiyon

Ang kakulangan ng pananampalataya ay nagbunga ng paggala-gala ng mga Israelita ng 40 taon sa ilang. Ngayon, noong 1473 B.C.E., sa wakas ay halos papasok na sila sa Canaan, ang lupain na ipinangako ng Diyos na ibibigay sa kanila, sila ay pinaalalahanan ng kanilang tungkulin na ipabanaag ang kaniyang kaluwalhatian bilang isang ibinukod na bansa para sa paglilingkod sa kaniya. Hindi dapat magkaroon ng pakikipagkapatiran sa mga Cananeo. Iyan ang dahilan ng tinatawag ng isang reperensiyang akda na “kanilang pagkapoot sa kanilang mga kapuwa na di-Yahvistiko, at ang paggiit sa pagiging natatangi ni Yahveh.”

‘Subalit sandali lang,’ baka may tumutol, ‘bakit ang pagkapanatikong ito? Maaaring lubhang taimtim naman ang mga Cananeo. Isa pa, hindi ba’t ang lahat ng relihiyon ay iba’t ibang paraan lamang ng paglapit sa iisang Diyos?’ Bago sumang-ayon, alalahanin ang negatibong mga epekto na dinanas ng ilang tao sa punô-ng-karahasang lupa bago ang Baha, sa kaarawan ng pagtatayo ni Nimrod ng ziggurat, at sa politeistikong kapaligiran ng Ehipto. Ang ilan sa mga taong ito ay malamang na taimtim din, subalit hindi ito nagligtas sa kanila sa pag-ani ng mga resulta ng pagsasagawa nila ng relihiyon na maliwanag na hindi kalugud-lugod sa kanilang Maylikha. Ang relihiyon ba ng mga Cananeo ay kasinsama ng iba? Pag-isipan ang mga bagay na isiniwalat sa kahon na “Relihiyon sa Canaan​—Tunay o Huwad?” sa pahina 20 at saka mo hatulan.

Nag-aalinlangan sa Dalawang Opinyon

Pagkatapos pumasok sa Lupang Pangako, si Josue, na humalili kay Moises, ang nanguna sa pakikipagbaka sa huwad na relihiyon. Subalit pagkamatay niya, pinabayaan ng mga Israelita na magpatuloy, ariin ang lupain. Kinuha nila ang mapagparayang patakaran ng pag-iral na kasama ng mga Cananeo. Hindi ito nakabuti sa kanila. Ang mga Cananeo ay naging mga tinik sa kanilang tagiliran, patuloy na nililigalig sila, paulit-ulit na pinangyari silang lumihis sa tunay na relihiyon.​—Bilang 33:55; Hukom 2:20-22.

Pagkalipas ng mga 300 taon, 12 hinirang ng Diyos na mga hukom ay pana-panahong lumitaw sa tanawin upang iligtas ang nadudupilas na mga Israelita sa pagkagapos sa huwad na relihiyon. Kasali rito ang kilalang mga lalaki na gaya nina Barak, Gideon, Jepte, at Samson.

Pagkatapos, noong 1117 B.C.E., isang malaking pagbabago ang naganap sa kayarian ng pamamahala nang si Saul ay iluklok bilang ang unang haring tao ng Israel. Siya’y sinundan sa trono ni David, na sa wakas ay tinalo ang lahat ng kaaway ng Israel sa loob ng Lupang Pangako, pinalalawak ang bansa sa mga hangganan nito na itinatag ng Diyos. Sa panahon ng paghahari ng kaniyang anak na si Solomon, narating ng Israel ang tugatog ng kaluwalhatian nito, tinatamasa ang kasaganaan na gumawa ritong nabubukod mula sa lahat ng mga kalapit bansa nito.

Subalit sa kamatayan ni Solomon, noong 998 B.C.E. o 997 B.C.E., humampas ang kasakunaan. Ang bansa ay nahati. Mula noon ang sampung tribo sa hilaga ay nakilala bilang Israel, ang dalawang tribo ng Juda at Benjamin sa timog ay nakilala bilang Juda. Bagaman nag-aangking kumakatawan sa tunay na Diyos, wala sa sumunod na 19 na mga hari sa kaharian sa hilaga, hindi kabilang si Tibni, ang nagsagawa ng tunay na relihiyon. (1 Hari 16:21, 22) Sa wari, sila ay nag-aalinlangan sa dalawang opinyon, isang kalagayan na humantong sa malubhang mga resulta noong kaarawan ni Haring Ahab. (Tingnan ang 1 Hari 18:19-40.) Mas masahol pa ang naging kahihinatnan noong 740 B.C.E., nang ang Israel ay ibagsak sa kapangyarihan ng mga Asiriano.

Samantala, sa 19 na mga hari ng Juda mula sa anak ni Solomon na si Rehoboam, kakaunti lamang ang nagsagawa ng tunay na pagsamba. Habang ang bansa ay nagbagu-bago sa pagitan ng mabuti at masamang mga hari, ang bayan rin naman ay nag-urong-sulong sa pagitan ng tunay at huwad na relihiyon. Ang huwad na mga doktrina ng relihiyon at ang masamang mga gawain ng kalapit na mga bansa, pati na ang pagsamba kay Baal, ay higit at higit na makikita sa mga tahanan ng mga mamamayan nito. Habang ang mga elementong ito “ay lalo pang namalagi sa pananampalataya ng mga Israelita,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica, “ang bayan ay nawalan ng pagkaunawa tungkol sa kanilang pagiging bukod-tangi at sa kaniyang misyon na maging isang saksi sa mga bansa.” Ito ang nagdala ng pagkapahamak ng bansa.

Maliwanag, ang utos na manatiling hiwalay sa mga Cananeo ay idinisenyo upang pangalagaan ang mga Israelita at upang panatilihin ang kadalisayan ng kanilang pagsamba. Bilang isang bansa na nagsasagawa ng tunay na relihiyon, sila ay dapat na namumukod-tanging naiiba roon sa mga hindi nagsasagawa ng tunay na relihiyon. Subalit madalas silang mag-urong-sulong. Sa wakas, noong 607 B.C.E., ang Jerusalem ay winasak ng mga Babiloniko, at ang nakaligtas na mga mamamayan nito ay dinalang bihag. Sa loob ng 70 taon sila ay dumanas ng malungkot na mga resulta ng pagtalikod nila sa tunay na relihiyon. Ang Babilonya, ang sinilangan ng huwad na relihiyon pagkatapos ng Baha, ay nagtagumpay sa ibinukod na bansa, walang katulad.

Kailangan​—Isang Mabisang Pinuno

Habang isinasagawa ng mga Israelita ang tunay na relihiyon, tinatamasa nila ang kapayapaan at katiwasayan. Ang pagsasama ng pamahalaan ng Diyos at ng tunay na relihiyon ay nagdulot sa kanila ng lahat ng uri ng mga pakinabang. Gayunman limitado ang tagumpay. Upang ang kapayapaan at katiwasayan na tinatamasa ng isang bansa sa loob ng limitadong panahon ay lubusang tamasahin ng lahat ng bansa, higit pa ang kailangan. Isang pinuno​—isa na may kakayahang maglaan ng matuwid na pamahalaan at tunay na relihiyon upang magtamo ng ganap na tagumpay​—ang lubhang kailangan. Ano, o sino, kaya ito?

Mga 250 taon pagkabagsak ng Jerusalem, isang lalaki ang isinilang na, bagaman may maikling buhay, ay gagawa ng isang pangalan kapuwa para sa kaniyang sarili at sa kaniyang bansa. Ang kaniyang paa ay tatapak sa Babilonya at gayundin sa Ehipto, kung saan siya ay tatawagin bilang isang dakilang tagapagligtas. Tungkol sa kaniya ang The New Encyclopædia Britannica, taglay ang pakinabang ng pang-unawa pagkatapos ng pangyayari, ay nagsabi pagkalipas ng 23 dantaon: “Totoo na ang Imperyo ng Roma, [at] ang paglaganap ng Kristiyanismo bilang isang pandaigdig na relihiyon . . . sa ilang antas ay bunga ng [kaniyang] tagumpay.”

Ang kilalang pinuno ng daigdig na ito kaya ang kinakailangan? Sasagutin iyan ng aming susunod na labas, “Gawa-gawang mga Diyos na Walang Halaga.”

[Kahon sa pahina 19]

“Ang kapahamakan ng isang bansa ay nagsisimula sa mga tahanan ng bayan nito.”​—Kawikaan ng Ashanti (taga-Ghana)

[Kahon sa pahina 20]

Relihiyon sa Canaan​—Tunay o Huwad?

“Ang mga paghukay sa Palestina ay nagbigay ng liwanag sa katakut-takot na dami ng mga hitsura ni A[starte] sa lahat ng anyo; . . . karamihan sa mga ito ay maliliit, magaspang na anyo, isang kapahayagan na ang diyos na ito ay karaniwang ginagamit sa pagsamba sa tahanan, marahil ikinukuwintas ng mga kababaihan o inilalagay sa isang dingding sa bahay. . . . Ang mahilig sa laman na katangian ng mga relihiyon ni A[starte] at Baal ay nakaaakit sa karaniwang tao. Mangyari pa, hindi maiiwasan ang malubhang pinsala; di-likas na gamit sa sekso sa karangalan ng bathala, labis na kasiyahan sa kalibugan, at labis-labis na pagpukaw sa damdamin ay naging bahagi ng pagsamba at nang daong huli’y inilipat sa tahanan.”​—Calwer Bibellexikon (Lexicon sa Bibliya ni Calwer).

“Ang relihiyosong mga kapistahan ay naging hamak na selebrasyon ng makahayop na panig ng kalikasan ng tao. Kahit na ang mga manunulat na Griego at Romano ay nasindak sa mga bagay na ginagawa ng mga Cananeo sa pangalan ng relihiyon.”​—The Lion Encyclopedia of the Bible.

“Tungkol sa relihiyosong mga gawain ng mga Cananeo, babanggitin lamang dito ang tungkol sa paghahain sa mga bata, sapagkat ito ay tuwirang pinatutunayan ng mga paghukay. Sa Gezer gayundin sa Megiddo, ang paraan ng paglilibing sa bangkay ng mga bata . . . ay nagpapatunay . . . sa gawaing ito.”​—Die Alttestamentliche Wissenschaft (Siyensiya ng Matandang Tipan).

“Walang bansa ang nasumpungang may napakaraming pigurin ng hubad na diyosa ng pagkapalaanakin, ang ilan ay lubhang mahalay. Saanman ay hindi makikita ang napakalakas na kulto ng mga ahas. . . . Napakapalasak ng sagradong mga kortesano at mga saserdoteng bating. Alam na alam ang paghahain ng tao . . . Kasuwato nito, ang pag-ayaw ng mga tagasunod ng Diyos-na-YHWH nang makaharap nila ang pagsamba sa diyus-diyusan ng mga Cananeo ay napakadaling maunawaan.”​—Recent Discoveries in Bible Lands.

[Larawan sa pahina 18]

Isang larawan ng diyos na si Baal, na ang pagsamba sa kaniya ay nagpangyari sa mga Israelita na lumihis sa tunay na pagsamba

[Credit Line]

Museo ng Louvre, Paris

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share