Sampung Paraan Upang Ihinto ang Paninigarilyo
1. Maganyak na tunay. Magkaroon ng matibay na mga dahilan upang huminto—pagpapahalaga-sa-sarili; pagkabahala sa iyong kalusugan, sa kasalukuyan at sa hinaharap; pagkabahala sa mga mahal sa buhay na apektado ng iyong mapanganib na bisyo; pagnanais na maging malinis, sa pisikal at moral, sa iyong sarili at sa harap ng Diyos.
2. Magtakda ng isang petsa ng paghinto, at sundin ito. Basta ihinto ang bisyo; mabilis mong mararamdaman ang sakit, subalit mabilis din itong gumagaling.
3. Gumawa ng positibong pagkilos upang ihinto ang bisyo. Sirain ang anumang sigarilyo sa bahay, at buhusan ito ng tubig. Ipalinis ang lahat mong damit na amoy-tabako. Magsimulang muli, sariwa ang pakiramdam!
4. Iwasan ang kapaligiran na puno-ng-tabako at ang naninigarilyong mga kaibigan samantalang kinukompleto mo ang ganap na pag-iwas sa nikotina. Dalawin ang mga lugar kung saan ipinagbabawal ang paninigarilyo, gaya ng mga museo at mga aklatan.
5. Ipunin ang perang dapat sana’y gugugulin mo sa tabako at bilangin ito pagkalipas ng isang buwan! Bumili ng talagang kailangan mo. O bumili ng regalo para sa mahal sa buhay na maaari ring magsaya sa iyong tagumpay.
6. Panatilihin mong abala ang iyong sarili at ang iyong mga kamay sa mga sandaling ikaw ay karaniwang naninigarilyo. Magngata ng gum (hindi ang gum na nikotina) o mint kapag ikaw ay natutuksong manigarilyo. Sa halip na manigarilyo, linisin ang ngipin pagkatapos kumain. Maglakad, magsulat, manahi, maghalaman, magkumpuni ng mga bagay, maglinis ng kotse, at iba pa.
7. Kapag nininerbiyos o nasa ilalim ng kagipitan, huminga nang malalim at marahan. Sa halip na umabot ng isang sigarilyo, uminom ng maraming tubig at katas ng prutas. Ang mga likido ay lumilinis.
8. Mag-ehersisyo ayon sa kaya ng iyong katawan. Magpatingin muna sa iyong doktor sa kung ano ang makatuwiran para sa iyo. Ang iyong bumubuting kalagayan ng katawan ay magpapasigla sa iyo.
9. Bawasan ang pag-inom ng alak. Ang alak at sigarilyo ay kadalasang “magkasama,” yamang ang alak ay maaaring magpasimula ng pagnanais na manigarilyo. Bawasan ang sosyal na mga okasyon na maaaring mangyari ito. Malasin ang mga anunsiyo ng tabako sa kritikal na paraan—suriing maingat ang pagpapaimbabaw at panlilinlang nito. Huwag kang padalang muli.
10. Kung ikaw ay nagbabalak na maging isa sa mga Saksi ni Jehova, manalanging masikap sa Diyos para sa tulong at saka kumilos na kasuwato ng iyong mga panalangin. Huwag kang umasa ng himala; basta gawin mo ito.