Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 7/8 p. 13-15
  • Paninigarilyo—Ang Kristiyanong Pangmalas

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paninigarilyo—Ang Kristiyanong Pangmalas
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pag-ibig sa Diyos at sa Kapuwa
  • Bakit Sila Huminto?
  • Sulit ba Ito?
  • Ano ang Tingin ng Diyos sa Paninigarilyo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
  • Bakit Dapat Huminto sa Paninigarilyo?
    Gumising!—2000
  • Mga Ahente ng Kamatayan—Parokyano Ka Ba?
    Gumising!—1989
  • Sigarilyo—Tinatanggihan Mo ba Ito?
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 7/8 p. 13-15

Paninigarilyo​—Ang Kristiyanong Pangmalas

MALIWANAG, hindi binabanggit ng Bibliya ang tabako o paninigarilyo, yamang ito ay hindi kilala sa sinaunang Gitnang Silangan. Ang payak na dahilan ay sapagkat ang tanim na tabako ay katutubo sa Timog Amerika, Mexico, at sa West Indies at hindi naipakilala sa iba pang bahagi ng daigdig hanggang noong kalagitnaan ng ika-16 na siglo.

Ibig bang sabihin niyan na ang Bibliya ay walang binabanggit tungkol sa paninigarilyo? Hindi naman. Maliwanag na binabanggit nito ang mga simulain na kumakapit sa buong sansinukob at ang mga tuntunin para sa ating paggawi. Ano ang ilan sa pangunahing mga simulaing ito?

Pag-ibig sa Diyos at sa Kapuwa

Ang pangunahing gumaganyak na puwersa sa isang Kristiyano ay kailangang kasuwato niyaong ipinahayag ni Jesus: “‘Iibigin mo si Jehovang iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong lakas mo at nang buong pag-iisip mo,’ at, ‘ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.’”​—Lucas 10:27.

Paano makapag-uukol ang isa ng pag-ibig sa Diyos nang buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas kung kusang sinisira ng isa ang kaniyang mga kakayahan sa pagpapakalabis sa isang gawi, bisyo, na humahantong sa maagang pagkakasakit at kamatayan? Paano ipinakikita ng isa ang pagpapahalaga sa kaloob ng Diyos na buhay kung siya ay lumalanghap ng nakasusugapang droga na gaya ng nikotina? Ang Diyos ang nagbigay “sa lahat ng tao ng buhay at hininga.” (Gawa 17:24, 25) Dapat ba nating dumhan ang bigay-Diyos na hiningang iyon? Sa pangmalas ng Diyos ito nga ay isang bisyo, “masama, nakapagpapasama, o imoral na gawi o bisyo.”​—The American Heritage Dictionary of the English Language.

Pagpapakita ba ng pag-ibig sa kapuwa, kapag ang mabahong hininga at usok ng maninigarilyo ay nagpaparumi sa pananamit at sa hangin sa paligid? Kumusta naman ang pinakamalapit na kapuwa ng maninigarilyo, ang kaniyang asawa at mga anak? Pag-ibig ba ang magtaguyod ng isang landasin na maaaring umakay sa maaga, dahan-dahan, at masakit na kamatayan na dapat nilang danasin? Pagpapakita ba ng Kristiyanong konsiderasyon sa ibang tao na obligahin silang maging walang-tutol na mga maninigarilyo, nilalanghap ang nakalalasong mga pagbuga ng mga naninigarilyo? Hindi kataka-taka na inilagay ng botanikal na hardin sa Blanes, Espanya, ang halamang tabako sa lugar ng nakalalasong mga halaman!

Kumusta naman ang pag-ibig sa sarili? Marapat lamang na ibigin ng isa ang sarili sa puntong pinangangalagaan ng isa ang kalusugan ng katawan, ng isipan, at ng espiritu. Sinabi ni apostol Pablo na “walang sinuman na napoot sa sarili niyang laman; kundi pinakakain niya ito at inaalagaan ito.” Pagpapakita ba ng pag-ibig sa sarili na magpakasawa sa isang bisyo na unti-unting sumisira sa kalusugan ng isa?​—Efeso 5:28, 29.

Ang Diyos na Jehova ay nangangako na magkakaroon ng ‘bagong langit at ng isang bagong lupa na tinatahanan ng katuwiran.’ (2 Pedro 3:13) Iyon ay magiging isang malinis na bagong sanlibutan, walang anumang uri ng polusyon. Ang paninigarilyo ay hindi ipahihintulot o nanasain man kaya roon, kaya bakit ka maninigarilyo ngayon? Makatuwiran, kapit dito ang payo ni Pablo: “Kaya nga, yamang taglay natin ang mga pangakong ito, mga minamahal, magsipaglinis tayo sa lahat ng karumihan ng laman at ng espiritu, na pakasakdalin ang kabanalan sa takot sa Diyos.” (2 Corinto 7:1) Literal na dinurumhan ng nikotina ang laman. Ginagawang imposible ng paninigarilyo para sa isang Kristiyano na iharap sa Diyos ang kaniyang katawan na “isang haing buháy, banal, kalugud-lugod sa Diyos, isang may kabanalang paglilingkod lakip ang [kaniyang] kakayahang mangatuwiran.” (Roma 12:1) Ang kakayahang mangatuwiran ay nagsasabing ang paninigarilyo ay nakapipinsala at laban sa mga simulaing Kristiyano. Kung gayon, nariyan ang pangunahing pangganyak upang huminto sa paninigarilyo kung nais ng isa na palugdan ang Diyos.

Bakit Sila Huminto?

Angaw-angaw na mga tao sa buong daigdig ang huminto na sa paninigarilyo. Magagawa ito. Subalit paano? Ano ang kailangan? Isang malakas na pangganyak. Para sa marami ito ay ang kalusugan, paggalang-sa-sarili, at pag-ibig sa pamilya. Subalit ang iba naman ay may relihiyosong motibo​—isang pagnanais na palugdan ang Diyos.

Kaya, kumusta sina Ray, Bill, Amy, at Harley, na nabanggit sa aming ikalawang artikulo? Bakit nila inihinto ang paninigarilyo?

Si Bill, dating may balbas, mahaba-buhok na artista, ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ano ang nangyari? “Nagpasiya akong nais kong palugdan ang Diyos at paglingkuran siya taglay ang isang malinis na katawan at isipan. Basta inihinto ko ang bisyong paninigarilyo. Walang unti-unting pag-urong. Noong Enero 1, 1975, ang aking huling pagkasangkot sa sigarilyo at pagkatapos ay itinapon ko ang kaha ng sigarilyo. Mula noon bumuti ang aking kalusugan. Mayroon pa rin akong kaunting empisema. Subalit kahit na ang aking pagkilala ng kulay ay bumuti nang ihinto ko ang paninigarilyo.”

Ipinaliliwanag naman ni Amy, ang surgical nurse, kung paano siya huminto. “Tumutulong ako sa operasyon sa puso, at nakita ko na ang lahat ng uri ng bagà​—rosas at malusog, maitim at nalason. Kahit na nakita ko ang nakatatakot na mga bagàng iyon, na para bang nahaluan ng maraming paminta, hindi ko pa rin inihinto ang paninigarilyo. Binibiro ko ang aking sarili, na sinasabi, ‘Bata ka pa. Hindi iyan mangyayari sa iyo.’

“Pagkatapos noong 1982 nadama kong kailangan kong ituwid ang aking buhay, at ako’y nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Kahit na ako ay nakatira sa bahay ng isang Saksi, nagtatago ako sa bubong upang magsigarilyo! Ako’y nakipagpunyagi sa aking sarili. Nanalangin ako nang husto at matagal. Subalit minsang nakapagpasiya na ako, madali na lang. Ang unang dalawang araw ay isang pagsubok, subalit ang laging pananalangin ang susi para sa akin.”

Si Harley, ang dating piloto ng Navy, ay nahirapang ihinto ang bisyo ng nikotina. “Sinikap kong bawasan ang aking paninigarilyo, subalit hindi ito mabisa. Pagkatapos nang magpasiya akong nais kong mabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, basta ko inihinto ang paninigarilyo. Katakut-takot na hirap ang dinanas ko ng mga dalawa o tatlong araw. Nininerbiyos ako, maigting, at di-mapalagay. Gustung-gusto ko nang manigarilyo! Saka ako tinulungan ng isang Saksi sa pamamagitan ng ilang mahusay na payo. ‘Kapag nais mong magsigarilyo, iyan ang panahon kung kailan dapat kang humingi ng tulong kay Jehova sa panalangin.’ Nakatulong ito sa akin. Ang isa pang bagay na nagkabisa sa akin ay, ‘Maguguniguni ko kaya si Jesus na may sigarilyo sa kaniyang bibig?’ Malayong mangyari iyan. Subalit natanto ko na kailangan ng isang naninigarilyo ang malakas na pangganyak upang huminto. Sinasabi ko kay inay, ‘Sinasaktan ko lamang ang aking sarili, Inay.’ Sa katunayan sinasaktan ko rin siya, sa maraming paraan.”

Si Ray, ang dating quartermaster sa Navy, ay nahirapan ding huminto sa paninigarilyo. “Ilang ulit kong sinubok na huminto bago ko nakilala ang mga Saksi ni Jehova, subalit hindi ito umubra. Lagi kong kasama ang mga taong naninigarilyo, at mahirap tanggihan ang iniaalok na sigarilyo. Subalit nang makilala ko ang katotohanan mula sa Bibliya, nais kong paglingkuran si Jehova, gaya ng ginawa ni Kristo. Kaya inihinto ko ito isang araw. Ang hirap ng dinanas ko sa loob ng dalawang linggo. Ang katawan ko ay nagnanais ng nikotina. Subalit anong laking pagbabago ang nagawa nito! Bigla akong nagkaroon muli ng saganang lakas. Bumuti ang pakiramdam ko. Nasusupil ko na naman ang aking sarili.”

Sulit ba Ito?

Ipinahihiwatig ng sentido komun na ang anumang nakapipinsalang gawain ay dapat iwaksi. Ngunit kung tungkol sa paninigarilyo, ang pinag-uusapan natin ay hindi lamang basta nakapipinsala. Ito ay nakamamatay. Ito’y nakalalason. Gaya ng sinabi ni Patrick Reynolds, ang tagapagmana ng kayamanan na mula sa negosyo ng tabako, sa kaniyang patotoo sa isang subkomite sa Kongreso ng E.U.: “Naniniwala ako na ang pag-aanunsiyo ng sigarilyo ay pagtaguyod ng isang nakalalasong produkto at na moral, tama at mabuting alisin ang lahat ng pag-aanunsiyo ng mga sigarilyo.”

Para sa mga Kristiyanong nagnanais makalugod sa Diyos, tiyak na moral, tama, at mabuting alisin, hindi lamang ang pag-aanunsiyo ng tabako, kundi ang lahat ng mga produkto ng tabako sa kanilang buhay. Ang mga sigarilyo (“ligtas” at di-ligtas), tabako, pikadura, at sinisinghot na pulbos na tabako​—ay pawang galing sa iisang nakalalason, gumagawa-ng-nikotina na halamang tabako. At hindi mo kailangan ito upang patunayan na ‘malayo na ang narating mo, iha’ o upang magkaroon ng kasiyahan at sarap sa iyong buhay. Ang pagiging sanay sa kamunduhan ay hindi ipinakikita sa pamamagitan ng paglalason-sa-sarili, anuman ang sabihin sa iyo ng mga ahente ng sakit at kamatayan!

[Kahon sa pahina 15]

Mga Umalis sa Negosyo ng Sigarilyo

Noong 1875 itinatag ni R. J. Reynolds sa North Carolina ang isang kompaniya ng nginunguyang-tabako. Noong 1913 ginawa nila ang kanilang unang sigarilyo​—ang tatak Camel. Mula roon ang negosyo ay umunlad at naging pangalawa lamang sa Philip Morris sa benta ng sigarilyo at kita ng liga sa Estados Unidos. Ang apo-sa-tuhod ng nagtatag ay si Patrick Reynolds, ngayo’y mga edad 40’s. Dating maninigarilyo sa loob ng 15 taon, inihulog niya ang isang bomba sa daigdig ng tabako.

Noong 1986 siya ay humarap sa isang subkomite ng kongreso upang tumestigo laban sa paninigarilyo! Mula noon siya ay naging isang regular na tagapagkampaniya laban sa paggamit ng tabako. Ano ang nag-udyok sa kaniyang antipatiya sa produkto na nagdala ng kayamanan sa kaniyang pamilya? Nagugunita niya na noong bata pa siya ang kaniyang ama, isang malakas manigarilyo, ay dahan-dahang namatay dahil sa empisema. Sabi ni Patrick: “Ang mga alaala ko sa aking ama ay pawang tungkol sa isang lalaking laging kapos sa hininga, at binibilang ang panahong natitira sa kaniya upang mabuhay.”

Si Patrick ay nagpasiya na gumawa ng isang bagay na positibo sa kaniyang buhay. “Nakita ko na malaki ang magagawa ko at may magagawa ako sa aking buhay.” Sinabi niya na kung ipagpapatuloy niyang itaguyod ang “mga napatunayang mamamatay-tao” ito’y magiging “totoong masama.”

“Kung ang kamay na dating nagpakain sa akin ay ang industriya ng tabako, kung gayon ang kamay ring iyon ang pumatay ng angaw-angaw na tao at papatay pa ng angaw-angaw malibang magising ang mga tao sa mga panganib ng sigarilyo.”​—The New York Times, Oktubre 25, 1986.

Si David Goerlitz ang modelo na naging bantog dahil sa pagiging Winston man sa anunsiyo ng sigarilyong Winston. Iniwan niya ang kaniyang pag-aanunsiyo ng sigarilyo at ngayon ay naging isang tagapagsalita para sa American Cancer Society. Ano ang nagpabago sa kaniya? Sa isang panayam sa TV, noong Disyembre 29, 1988, sinabi niya: ‘Dinalaw ko ang aking kapatid na lalaki sa isang silid ng mga may sakit ng kanser sa isang ospital sa Boston. Nakaharap ko ang mga epekto ng aking trabaho​—mga pasyente ng kanser na nagdurusa dahil sa paninigarilyo. Nakita ko ang kapaha-pahamak na mga epekto sa mga biktima ng paninigarilyo at sa mga biktima ng mga biktima, ang kanilang mga pamilya. Nakita ko ang mga lalaki na mga edad 40’s na wala nang buhok, mga tubo sa kanilang lalamunan at tiyan. Nakadama ako ng pagkakasala at naipasiya kong huminto sa pag-aanunsiyo ng tabako.’

[Larawan sa pahina 14]

“Tumutulong ako sa operasyon sa puso, at nakita ko na ang lahat ng uri ng bagà”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share