Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 7/8 p. 6-9
  • Mga Ahente ng Kamatayan—Parokyano Ka Ba?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Ahente ng Kamatayan—Parokyano Ka Ba?
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit Sila Nanigarilyo?
  • IKAW ba ay Isang Target?
  • Ang Target na Lahi
  • Milyun-Milyong Buhay ang Naging Abó
    Gumising!—1995
  • Sigarilyo—Tinatanggihan Mo ba Ito?
    Gumising!—1996
  • Paninigarilyo—Ang Kristiyanong Pangmalas
    Gumising!—1989
  • Tabako at ang Inyong Kalusugan—Talaga bang May Kaugnayan?
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 7/8 p. 6-9

Mga Ahente ng Kamatayan​—Parokyano Ka Ba?

“Ang lalaking naninigarilyo ay sinabihan na ng lahat ng babala sa lupa na ito ang papatay sa iyo, at gayon din ang palagay ko. Sa palagay ko ito ang papatay sa iyo. Inaakala kong ang sinumang mangmang na naninigarilyo ay magdurusa. Kailanma’y hindi ako nanigarilyo sa buong buhay ko. Yumaman ako rito. . . . Ang tanging paraan na itinayo natin ang bansang ito ay sa pamamagitan ng pagbibenta ng tabako sa iba pang mangmang sa daigdig.”​—James Sharp, malaon nang magtatanim ng tabako sa Kentucky, hango sa aklat na “Merchants of Death​—The American Tobacco Industry,” ni Larry C. White.

ANG prangkang pangungusap na iyan ay nagsasaad ng maraming bagay subalit hindi sinasagot ang ilang katanungan. Bakit mahigit na isang bilyong tao sa buong daigdig ang naninigarilyo? Ano ang humihikayat sa kanila na magpatuloy sa isang bisyong alam na alam na nakamamatay? Sa paano man, ang kuwento ng tabako ay halos katulad din ng kuwento ng droga​—panustos at pangangailangan. Kung walang kapaki-pakinabang na pamilihan, kung gayon natutuyo ang panustos. Kaya nga bakit ba naninigarilyo ang mga tao?

Pagkasugapa ang susing salita. Minsang ang nikotina ay manghawakan sa katawan, nariyan ang araw-araw na pangangailangan para sa regular na pagpapasok ng nikotina. Kasama ng pagkasugapa ang bisyo. Ang ilang kalagayan, na dahil sa kaugalian, ay pinagmumulan ng pagnanais na manigarilyo. Maaaring ito’y pagkagising ng isa sa umaga o kasabay ng unang tasa ng kape sa umaga, pag-inom pagkapananghali, dahil sa kaigtingan at sosyal na pag-uusap sa trabaho, o sa libangan. Maraming sa wari’y pangkaraniwang kaugalian na maaaring pagmulan ng paninigarilyo.

Bakit Sila Nanigarilyo?

Kinapanayam ng Gumising! ang ilang dating mga maninigarilyo upang maunawaan ang pangganyak sa likuran ng paninigarilyo. Halimbawa, nariyan si Ray, nasa edad 50’s, dating quartermaster sa U.S. Navy. Sabi niya: “Mga 9 na taóng gulang ako noon nang una akong manigarilyo, subalit naging seryoso ako rito noong ako’y 12. Nagugunita ko pa na ako’y napaalis sa Boy Scouts dahil sa paninigarilyo.”

Gumising!: “Ano ang humikayat sa iyo na manigarilyo?”

Ray: “Ito ay ang pagiging macho. Alam ninyo, ang isa ay lalaking-lalaki kapag naninigarilyo. Natatandaan ko na ang mga anunsiyo noong panahong iyon ay nagpapakita ng mga bombero at mga pulis na naninigarilyo. Pagkatapos sa Navy, mayroon akong maigting na trabaho sa nabigasyon, at inaakala kong ang paninigarilyo ay nakakatulong sa akin na madaig ang kaigtingan.

“Dati’y nagsisigarilyo ako ng halos isa at kalahating kaha isang araw [30 sigarilyo] at sinisimulan ko ang araw sa paninigarilyo. Mangyari pa, nilalanghap ko ito. Ano’t magsisigarilyo ka pa kung hindi mo lalanghapin.”

Si Bill, isang propesyonal na artista mula sa New York, na nasa edad 50’s rin, ay nagsasaysay ng gayunding kuwento:

“Nagsimula ako nang maaga sa gulang na 13. Nais kong maging gaya na mga nakatatanda. Minsang ako’y hawak na nito, hindi ko na maihinto. Ang paninigarilyo ay katulad ng pagkakaroon ng isang kaibigan. Sa katunayan, kung ako’y matutulog at nalaman kong wala akong sigarilyo sa bahay, magbibihis ako at, anuman ang lagay ng panahon, lalabas ako at bibili ng isang kaha para sa kinabukasan. Ako’y naninigarilyo ng isa hanggang dalawang kahang sigarilyo isang araw. Inaamin ko na ako ay sugapa. At kasabay nito ako rin ay malakas uminom. Wari bang magkasama ang dalawang iyon, lalo na sa mga bar kung saan ginugol ko ang marami sa aking panahon.”

Si Amy, bata pa at palakaibigan, ay nagsimulang manigarilyo nang siya ay 12 anyos. “Sa simula ito ay dahil sa panggigipit ng mga kaedad. Pagkatapos, ang tatay ko ay namatay nang ako ay 15, at ang kaigtingan niyaon ay lalo pang nagbuyo sa akin sa paninigarilyo. Subalit habang ako ay nagkakaedad, ako’y naimpluwensiyahan ng mga anunsiyo, lalo na yaong isa na nagsasabi, ‘You’ve come a long way, baby.’ Ako’y isang babaing de-karera, nag-aaral upang maging isang surgical nurse. Hindi nagtagal ako’y naninigarilyo ng tatlong kaha isang araw. Ang paborito kong panahon upang manigarilyo ay pagkatapos kumain at kailanma’t ako’y nasa telepono, na madalas.” May napansin ba siyang anumang masamang epekto? “Inuubo ako at sumasakit ang ulo ko sa umaga, at wala na akong lakas. Hinihingal ako sa pag-akyat lamang sa hagdan sa aking apartment. At ako ay 19 anyos lamang!”

Si Harley, isang dating piloto sa Navy, ngayo’y edad 60’s na, ay nagsimulang manigarilyo noong panahon ng Depression sa edad na 5 taon! Bakit niya ginawa ito? “Lahat ng bata sa Aberdeen, South Dakota, kung saan ako galing, ay naninigarilyo. Kung ikaw ay naninigarilyo, ikaw ay siga.”

Si Harley ay prangko nang sabihin niya kung bakit siya nanigarilyo. “Dahil sa kasiyahang dulot nito sa akin. Nilalanghap ko ang usok hanggang sa aking mga bagà at pinananatili ito roon. At saka gustung-gusto ko ring bumugà ng bilug-bilog na mga usok ng sigarilyo. Umabot pa nga ako sa puntong hindi ako maaaring mabuhay nang walang sigarilyo. Sinisimulan at winawakasan ko ang araw sa paghitit ng sigarilyo. Sa Navy, ako ay humihitit ng dalawa hanggang tatlong kaha isang araw at isang kahon ng tabako buwan-buwan.”

Sina Bill, Ray, Amy, at Harley ay huminto na ng paninigarilyo. Gayundin ang angaw-angaw pang iba​—mahigit na 43 milyon sa Estados Unidos lamang. Subalit ang mga ahente ng tabako ay hindi sumusuko. Tinatarget nila ang bagong mga pamilihan sa tuwina.

IKAW ba ay Isang Target?

Palibhasa maraming maninigarilyong lalaki sa industrialisadong mga bansa ang huminto nang manigarilyo, pati na ang kawalan ng mga parokyano dahil sa likas at udyok-ng-paninigarilyong kamatayan, ang mga kompaniya ng tabako ay naghanap ng bagong mga pamilihan. Sa ilang mga kaso binago nila ang kanilang mga estratehiya sa pag-aanunsiyo sa pagsisikap na palakasin ang kanilang benta. Ang pagtataguyod ng mga paligsahan sa isports, gaya ng mga torneo sa tennis at golf, ay isang mabisang paraan ng pagbibigay ng sinasabing malinis na larawan sa paninigarilyo. Ang isa pang pagbabago ng estratehiya ay ang mga pamilihang tatargetin. Isa ka ba sa kanilang potensiyal na parokyano?

Numero unong target: Mga babae. Isang maliit na bilang ng mga babae ang naninigarilyo sa loob ng mga dekada, sa tulong at udyok ng halimbawa ng mga artista sa pelikula na gaya ni Gloria Swanson, na noong 1917 ay naninigarilyo bilang isang 18-anyos. Sa katunayan, nakuha niya ang kaniyang unang papel sa pelikula dahil, gaya ng sabi ng direktor: “Ang iyong buhok, ang iyong mukha, ang iyong paraan ng pag-upo, ang iyong paraan ng paninigarilyo . . . Ikaw nga ang gusto ko.”

Noong 1940’s, si Lauren Bacall, na lumabas sa mga pelikula na kasama ng kaniyang asawa, ang malakas manigarilyong si Humphrey Bogart, ay kaakit-akit na nanguna rin sa paninigarilyo. Subalit ang mga babaing naninigarilyo ay laging nahuhuli sa mga lalaking naninigarilyo. At gayundin ang mga estadistika sa kanser para sa mga babae. Ngayon sila’y mabilis na humahabol​—sa paninigarilyo at sa kanser sa bagà.

Kamakailan lamang isang bagong hilig sa pag-aanunsiyo ang nangyari, sa bahagi ay dahilan sa mas makompitensiyang papel na ginagampanan ng mga babae sa lipunan pati na ang tusong impluwensiya ng pag-aanunsiyo ng tabako. Ano ang mensaheng ipinahahatid sa mga babae? Ang kompaniyang Philip Morris, na gumagawa ng sarisaring marka ng sigarilyo, na gumagawa ng “Virginia Slims,” ay pinupuntirya ang makabagong babae. Ang kanilang sawikain ang siyang nakaakit kay Amy: “You’ve come a long way, baby.” Inilalarawan ng anunsiyo ang isang sanay sa kamunduhan, modernong babae na may sigarilyo sa pagitan ng kaniyang mga daliri. Subalit marahil ay itinatanong ng ilang babae ngayon kung gaano kalayo nga ba ang kanilang narating. Sa nakalipas na dalawang taon, nahigitan ng kanser sa bagà ang kanser sa suso sa dami ng namamatay na mga babae.

Ang isa pang marka ng sigarilyo ay nag-aalok sa mga babae ng isang baratilyo: “5 libre sa bawat kaha!” “50 libre sa bawat kahon!” Ang ilang mga magasin ng kababaihan ay naglalakip pa nga ng mga kupon para sa libreng mga kaha ng sigarilyo!

Ang sekso ay isa ring madaling paraan upang gawing kaakit-akit ang sigarilyo. Ang isang marka ay nag-aanyaya: “Magkaroon ng Higit na Kasiyahan.” Kasama sa mensahe ang isang anunsiyo, na nagsasabi: “WANTED​—Tall, dark stranger for long lasting relationship. Good looks, great taste a must. Signed, Eagerly Seeking Smoking Satisfaction.” Ang sigarilyong inihaharap ay “mahaba” at nasa maitim na papel. Isang tusong kaugnayan?

Ang isa pang pain na ginagamit sa mga babae ay ang kaugnayan nito sa kausuhan. Ang isang marka ay tinaguriang “A celebration of style and taste by YVES SAINT LAURENT.” Ang isa pang pain ay ginagamit para sa mga babaing palaisip-sa-timbang. Itinatampok ng anunsiyo ang larawan ng isang balingkinitang modelo, at ang sigarilyo ay tinatawag na “Ultra Lights​—The lightest style.”

Bakit tinatarget ng mga tagagawa ng sigarilyo ang mga babae sa daigdig? Ang World Health Organization ay nagbibigay ng malinaw na himaton sa tantiya nito na “mahigit na 50 porsiyento ng mga lalaki subalit limang porsiyento lamang ng mga babae ang naninigarilyo sa nagpapaunlad na mga bansa kung ihahambing sa halos 30 porsiyento ng mga lalaki at babae sa industrialisadong daigdig.” Malaki ang potensiyal na mabibili roon ang tabako, anuman ang sukdulang halagang ibayad sa kalusugan. At ang mga ahente ng tabako ay nagtatagumpay. Sang-ayon sa The New York Times, binabanggit ng report ng U.S. surgeon general, inilabas noong Enero 1989, na ‘ang mga bata, lalo na ang mga babae, ay naninigarilyo sa napakaagang gulang’ at kasali riyan ang mga batang nasa mababang-paaralan. Isa pang babasahin ang nagsasabi na kamakailan lamang ang bilang ng mga babaing tin-edyer na naninigarilyo sa Estados Unidos ay dumami ng 40 porsiyento. Subalit hindi lamang ang mga babae ang target ng mga ahente ng kamatayan at sakit.

Ang Target na Lahi

Sa kaniyang aklat na Merchants of Death​—The American Tobacco Industry, binabanggit ni Larry C. White: “Ang mga itim ay isang mabuting pamilihan para sa mga tagagawa ng sigarilyo. Ipinakikita ng National Center for Health Statistics na noong 1986, mas malaking porsiyento ng mga itim ang naninigarilyo kaysa mga puti [sa Estados Unidos] . . . Hindi kataka-taka na mas maraming itim ang naninigarilyo kaysa puti, sapagkat sila ang pantanging target ng pagpapalaganap ng sigarilyo.” Bakit sila ang pantanging target? Sang-ayon sa The Wall Street Journal, sila “ang grupo na nahuhuli sa pangkalahatang populasyon sa paghinto sa bisyo.” Kaya, ang kliyenteng itim ay kadalasang isang “matapat” na kliyente, ‘hanggang kamatayan.’

Papaano pinag-uukulan ng pansin ng mga kompaniya ng tabako ang populasyon ng mga itim? Ang autor na si White ay nagsasabi: “Ang mga sigarilyo ay labis na iniaanunsiyo sa mga magasin para sa mga itim na gaya ng Ebony, Jet, at Essence. Noong 1985 ang mga kompaniya ng sigarilyo ay gumugol ng $3.3 milyon sa pag-aanunsiyo sa Ebony lamang.” Isang kompaniya ng tabako ay nagtataguyod din ng isang taunang fashion show na patungkol sa pamilihan ng mga babaing itim. Mga libreng sigarilyo ay ipinamamahagi. Ang isa pang kompaniya noong minsan ay regular na nag-iisponsor ng isang jazz festival at patuloy na sumusuporta sa mga kapistahan sa musika na popular sa mga itim. Gaano kaespesyal na target ang populasyon ng mga itim? Isang tagapagsalita para sa Philip Morris ay nagsabi: “Ang pamilihan ng itim ay mahalaga. Napakalakas nito.”

Subalit mayroon pang mas mahalagang pamilihan para sa mga dambuhala sa tabako​—hindi lamang mga lahi o grupo kundi ang mga bansa!

[Blurb sa pahina 7]

“Ang paninigarilyo ay katulad ng pagkakaroon ng isang kaibigan”

[Kahon sa pahina 9]

PANINIGARILYO at ang Sakit Buerger

Itinatampok ng isang kaso kamakailan sa Canada, na iniulat ng Maclean’s, ang isa pang sakit na ipinalalagay na bunga ng paninigarilyo. Si Roger Perron ay nagsimulang manigarilyo sa edad na 13. Sa gulang na 27, siya ay nagdurusa dahil sa sakit na Buerger (Buerger’s disease) at kinailangang putulin ang isang paa niya sa may ibaba ng tuhod. Siya ay binabalaan na kung patuloy siyang maninigarilyo, ang sakit ay maaaring sumalakay na muli. Ang Maclean’s ay nag-uulat: “Subalit hindi pinansin ni Perron ang babala, at noong 1983 kinailangang putulin ng mga doktor ang isa pa niyang paa. Pagkatapos, sa wakas . . . inihinto ni Perron ang paninigarilyo.” Ngayon inihahabla niya ang isang kompaniya ng tabako dahil sa mga pinsala.

Ano ba ang sakit na Buerger? Ito “ay madalas na nangyayari sa mga lalaking naninigarilyo. Ang sakit ay kakikitaan ng pamamaga ng mga arterya, mga ugat, at mga nerbiyos, na humahantong sa pagkapal ng mga dingding ng daluyan ng dugo dahil sa pagpasok ng mga puting selula. Ang unang mga sintomas ay karaniwang pangangasul ng isang daliri sa paa o sa kamay at ang panlalamig ng apektadong braso o paa. Yamang ang mga nerbiyos ay namamaga rin, maaaring may matinding kirot at pagkipot ng maliliit na daluyan ng dugo na kontrolado nito. Ang masyadong aktibong nakikiramay na nerbiyos ay maaari ring magpangyari sa paa na magpawis nang labis-labis, bagaman ito ay nanlalamig. . . . Ang ischemic ulcers at ganggrena ay karaniwang mga komplikasyon ng malalang sakit na Buerger.

“Ang sanhi ng sakit na Buerger ay di-alam, subalit yamang ito ay karaniwang nangyayari sa mga kabataang lalaki na naninigarilyo, inaakalang ito ay isang reaksiyon sa sigarilyo. Ang pinakamahalagang gamot ay huminto sa paninigarilyo.” (Amin ang italiko.)​—The Columbia University College of Physicians and Surgeons Complete Home Medical Guide.

[Kahon sa pahina 9]

PANINIGARILYO at mga Atake sa Puso

“Bagaman nalalaman ng karamihan ng mga tao ang kaugnayan sa pagitan ng paninigarilyo at ng kanser sa bagà at ng iba pang mga sakit sa pulmon, hindi pa talos ng marami na ang paninigarilyo ay isa ring pangunahing salik sa mga atake sa puso. Sa katunayan, . . . tinataya ng ulat ng Surgeon General tungkol sa Paninigarilyo at Kalusugan na 225,000 mga kamatayang Amerikano [E.U.] dahil sa mga sakit sa puso taun-taon ay tuwirang nauugnay sa paninigarilyo​—mas marami sa bilang ng mga kamatayan dahil sa kanser at sakit sa bagà na nauugnay sa paninigarilyo.

“Kadalasang itinatanong ng mga maninigarilyo kung baga binabawasan ng low-tar, o mga sigarilyong kaunti lamang ang nikotina ang panganib ng sakit sa puso. Ang sagot ay lumilitaw na ‘hindi.’ Sa katunayan, dinaragdagan ng ilang sigarilyong may filter ang dami ng carbon monoxide na nilalanghap, ginagawa itong mas masama para sa puso kaysa mga sigarilyong walang filter.” (Amin ang italiko.)​—The Columbia University College of Physicians and Surgeons Complete Home Medical Guide.

[Larawan sa pahina 8]

Pinupuntirya ng mga anunsiyo ng tabako ang kababaihan at nagwawagi

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share