Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 5/22 p. 3-7
  • Milyun-Milyong Buhay ang Naging Abó

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Milyun-Milyong Buhay ang Naging Abó
  • Gumising!—1995
  • Kaparehong Materyal
  • Sigarilyo—Tinatanggihan Mo ba Ito?
    Gumising!—1996
  • Mga Ahente ng Kamatayan—Parokyano Ka Ba?
    Gumising!—1989
  • Nagbunsod ng Puro-Hanging Pangangatuwiran ang mga Tagatangkilik ng Sigarilyo
    Gumising!—1995
  • Naipit sa Nagliliyab na Isyu ang mga Kompanya ng Sigarilyo
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 5/22 p. 3-7

Milyun-Milyong Buhay ang Naging Abó

ITO ang isa sa pinakamabiling produkto sa buong daigdig. Ito ay may malaking pulutong ng mga suking mamimili at nagtatamasa ng mabilis na lumalawak na pamilihan. Ipinagmamalaki ng tuwang-tuwang mga kompanya nito ang kahanga-hangang mga tubò, pulitikal na impluwensiya, at prestihiyo. Ang problema nga lamang ay, patuloy na namamatay ang pinakamahusay na mga parokyano nito!

Ganito ang sabi ng The Economist: “Ang sigarilyo ang pinakamatubò sa mga produkto sa daigdig. Ito rin ang tanging (legal) na produkto na, kung gagamitin ayon sa layon nito, gumagawa sa karamihan ng mga gumagamit nito na mga sugapa at kadalasang kumikitil sa kanila.” Ito’y nangangahulugan ng malaking tubò para sa mga kompanya ng sigarilyo subalit pagkalaki-laking kalugihan para sa kanilang mga parokyano. Ayon sa U.S. Centers for Disease Control and Prevention, mga limang milyong taon ng buhay ang nababawas sa haba ng buhay ng mga Amerikanong máninigarilyó taun-taon, humigit-kumulang isang minuto para sa bawat minuto na ginugugol sa paninigarilyo. “Ang paninigarilyo ay kumikitil ng 420,000 Amerikano sa isang taon,” ulat ng magasing Newsweek. “Iyan ay 50 ulit na kasindami ng pinapatay ng ipinagbabawal na gamot.”

Sa buong daigdig, tatlong milyon katao sa isang taon​—anim sa bawat minuto—​ang namamatay dahil sa paninigarilyo, ayon sa aklat na Mortality From Smoking in Developed Countries 1950-2000, inilathala ng Imperial Cancer Research Fund ng Britaniya, WHO (World Health Organization), at ng American Cancer Society. Ang pagsusuring ito tungkol sa kausuhan sa paninigarilyo sa buong daigdig, hanggang sa kasalukuyan, ay sumasaklaw sa 45 bansa. “Sa karamihan ng mga bansa,” babala ni Richard Peto ng Imperial Cancer Research Fund, “ang kalagayan ay lulubha pa. Kung ang kasalukuyang gawi sa paninigarilyo ay magpapatuloy, kung gayon sa panahong ang mga batang máninigarilyó ay umabot sa kalagitnaang-gulang o tumanda na, magkakaroon ng halos 10 milyong kamatayan sa isang taon dahil sa sigarilyo​—isang kamatayan sa bawat tatlong segundo.”

“Ang paninigarilyo ay walang katulad na panganib,” sabi ni Dr. Alan Lopez ng WHO. “Papatayin nito ang isa sa dalawang máninigarilyó sa dakong huli.” Si Martin Vessey ng Kagawaran ng Kalusugang Pambayan sa Oxford University ay gayundin ang sinasabi: “Ang mga tuklas na ito sa loob ng mahigit na 40 taon ay humantong sa kakila-kilabot na konklusyon na kalahati ng lahat ng máninigarilyó sa dakong huli ay papatayin ng kanilang bisyo​—isa talagang nakatatakot na idea.” Sapol noong dekada ng 1950, 60 milyong tao na ang namatay dahil sa paninigarilyo.

Nakatatakot na idea rin ito sa mga kompanya ng sigarilyo. Kung tatlong milyong tao sa bawat taon sa buong daigdig ang namamatay ngayon dahil sa mga sanhi na nauugnay-sa-paninigarilyo, at marami pang iba ang humihinto sa paninigarilyo, kung gayon mahigit pa sa tatlong milyong bagong mga máninigarilyó naman ang dapat na masumpungan taun-taon.

Ang isang pagmumulan ng bagong mga máninigarilyó ay lumitaw dahil sa tinatawag ng mga kompanya ng sigarilyo na pagpapalaya ng mga babae. Ang paninigarilyo ng mga babae ay isa nang katotohanan sa loob ng mga ilang taon sa mga bansa sa Kanluran at ngayo’y kumakalat sa mga lugar kung saan ito ay dating minamalas bilang isang batik sa karangalan. Ang mga kompanya ng sigarilyo ay nagbabalak na baguhin ang lahat ng iyan. Nais nilang tulungan ang mga babae na ipagdiwang ang kanilang bagong-tuklas na kasaganaan at pagpapalaya. Ang pantanging mga markang sigarilyo na nagsasabing mas mababa ang nilalamang tar at nikotina ay umaakit sa mga babae na naninigarilyo at na nakasusumpong sa mga sigarilyong iyon na hindi gaanong matapang. Ang ibang mga sigarilyo ay may pabango o may mahaba, payat na disenyo​—ang hitsurang balingkinitan na maaaring inaasahan ng kababaihan na matatamo sa pamamagitan ng paninigarilyo. Ang mga anunsiyo ng sigarilyo sa Asia ay nagtatampok ng mga bata, magagandang modelong taga-Asia na kaakit-akit na nadaramtan ng Kanluraning dingal.

Gayunman, ang bilang ng mga kamatayan na nauugnay sa paninigarilyo ay umaalinsabay sa “pagpapalaya” sa mga babae. Ang bilang ng mga biktima ng kanser sa bagà sa mga kababaihan ay dumoble sa nakalipas na 20 taon sa Britanya, Hapón, Norway, Poland, at Sweden. Sa Estados Unidos at Canada, ang dami ng namamatay ay tumaas nang 300 porsiyento. “Malayo na ang narating mo, iha!” sabi ng isang anunsiyo ng sigarilyo.

Ang ilang kompanya ng sigarilyo ay may kanilang sariling estratehiya. Isang kompanya sa Pilipinas sa pangunahin nang Katolikong bansang iyon ang namahagi ng libreng mga kalendaryo na may larawan ni Birhen Maria at ang mga sawikain ng kanilang marka ng sigarilyo ay nakalagay sa ibaba ng larawan. “Hindi pa ako nakakita ng anumang gaya nito noon,” sabi ni Dr. Rosmarie Erben, tagapayong pangkalusugan sa Asia ng WHO. “Sinisikap nilang iugnay ang larawan ni Maria sa sigarilyo, upang hindi maging asiwa ang mga babaing Pilipina sa idea ng paninigarilyo.”

Tinatayang 61 porsiyento ng adultong mga lalaki sa Tsina ang naninigarilyo, samantalang 7 porsiyento lamang ng mga babae ang naninigarilyo. Itinutuon ng mga kompanya ng sigarilyo sa kanluran ang kanilang pansin sa tinatawag na “pagpapalaya” ng magagandang dalaga sa Silangan, milyun-milyon ang malaon nang pinagkaitan ng “mga kasiyahan” ng kanilang kahali-halinang mga kapatid na babae sa Kanluran. Gayunman, ang isang balakid ay: Ang kompanya ng sigarilyo na pag-aari ng gobyerno ang nagtutustos ng karamihan ng mga sigarilyo.

Gayunman, unti-unting ipinapasok ng mga kompanya sa Kanluran ang kanilang mga produkto. Taglay ang limitadong mga pagkakataon sa pag-aanunsiyo, palihim na inihahanda ng ilang kompanya ng sigarilyo ang kanilang inaasahang mga parokyano. Ang Tsina ay nag-aangkat ng mga pelikula mula sa Hong Kong, at karamihan sa mga ito, ang mga artistang lalaki ay binabayaran upang manigarilyo​—isang suwabeng pagbebenta!

Dahil sa lumalagong pagtutol sa paninigarilyo sa kanilang sariling bansa, inilalawit ng maunlad na mga kompanya ng sigarilyo sa Amerika ang kanilang mga galamay upang puluputan ang bagong mga biktima. Ipinakikita ng mga katotohanan na kanilang itinutok ang kanilang nakamamatay na pakay sa nagpapaunlad na mga bansa.

Ang mga opisyal ng kalusugan sa buong daigdig ay naghudyat ng babala. Ang mga ulong-balita ay nagsasabi: “Ang Aprika ay Nakikipagbaka sa Isang Bagong Salot​—Paninigarilyo.” “Ang Usok ay Nauwi sa Apoy sa Asia Habang Dumarami ang Pamilihan ng Sigarilyo.” “Ang Dami ng Naninigarilyo sa Asia ay Hahantong sa Epidemya ng Kanser.” “Ang Bagong Pakikipagbaka ng Third World ay Tungkol sa Sigarilyo.”

Ang kontinente ng Aprika ay hinampas ng tagtuyot, gera sibil, at ng epidemya ng AIDS. Gayunman, sabi ni Dr. Keith Ball, Britanong espesyalista sa puso, “Maliban sa digmaang nuklear o taggutom, ang paninigarilyo ang nag-iisang pinakamalaking banta sa hinaharap na kalusugan ng Aprika.”

Ang malalaking kompanya ay umuupa sa lokal na mga magsasaka na magtanim ng tabako. Pinuputol ng mga magsasaka ang mga punungkahoy na kailangang-kailangan para sa pagluluto, pagpapainit, at pabahay at ginagamit ito bilang gatong sa pagproseso ng tabako. Nagtatanim sila ng malaking-tubò na pananim na tabako sa halip ng hindi gaanong pinagtutubuang pananim na pagkain. Ang naghihirap na mga Aprikano ay karaniwang gumugugol ng malaking bahagi ng kanilang kaunting kita sa sigarilyo. Kaya ang mga pamilyang Aprikano ay natutuyo dahil sa malnutrisyon samantalang ang mga kompanya ng sigarilyo sa Kanluran ay yumayaman mula sa mga tubò.

Ang Aprika, Silangang Europa, at Latin Amerika ay pawang tinatarget ng mga kompanya ng sigarilyo sa Kanluran, na nakikita ang nagpapaunlad na daigdig bilang isang dambuhalang pagkakataon para sa negosyo. Ngunit ang mataong Asia ang pinakamalaking minahang ginto sa kanilang lahat. Sa Tsina lamang ay may higit na máninigarilyó sa kasalukuyan kaysa sa buong populasyon ng Estados Unidos​—300 milyon. Sila’y humihitit ng nakagugulat na 1.6 na trilyong sigarilyo sa isang taon, sangkatlo ng kabuuang nakukunsumo sa buong daigdig!

“Sinasabi ng mga manggagamot na ang mga resulta sa kalusugan na dulot ng biglang paglakas ng negosyo ng sigarilyo sa Asia ay tiyak na kakila-kilabot,” ulat ng The New York Times. Si Richard Peto ay tumataya na sa sampung milyong inaasahang kamatayan na nauugnay sa paninigarilyo sa bawat taon sa susunod na dalawa o tatlong dekada, dalawang milyon ang mangyayari sa Tsina lamang. Limampung milyong batang Intsik na nabubuhay ngayon ang maaaring mamatay sa mga sakit na nauugnay sa paninigarilyo, sabi ni Peto.

Ganito ito binuod ni Dr. Nigel Gray: “Ang kasaysayan ng paninigarilyo sa nakalipas na limang dekada sa Tsina at sa Silangang Europa ay tiyak na magpapahamak sa mga bansang iyon tungo sa isang malaking epidemya ng sakit dahil sa sigarilyo.”

“Paano ngang ang isang produktong nagiging dahilan ng 400,000 maagang kamatayan bawat taon sa EU, isang produkto na puspusang sinisikap ng Pamahalaang EU na tulungan ang mga mamamayan nito na huminto, ay biglang naging tila hindi nakapipinsala sa ibayo ng mga hangganan ng Amerika?” tanong ni Dr. Prakit Vateesatokit ng Kampaniya Laban sa Paninigarilyo ng Thailand. “Ang kalusugan ba ay nagiging walang-kaugnayan kapag ang produkto ring iyon ay iniluluwas sa ibang bansa?”

Ang umuunlad na mga negosyo ng sigarilyo ay may malakas na kakampi sa pamahalaan ng E.U. Magkasama silang nakipaglaban upang magkaroon ng malakas na posisyon sa ibang bansa, lalo na sa mga pamilihan sa Asia. Sa loob ng mga taon ang mga sigarilyong galing sa Amerika ay hindi pinahintulutang ipagbili sa Hapón, Taiwan, Thailand, at sa iba pang bansa, na ang ilan sa mga pamahalaan ay may kanilang sariling monopolyo sa mga produkto ng sigarilyo. Ang mga pangkat na laban sa paninigarilyo ay tumutol sa pag-aangkat ng mga sigarilyo, subalit ang administrasyon ng E.U. ay nagwasiwas ng isang nakaaakit na sandata​—pampahirap na mga taripa.

Mula noong 1985 patuloy, sa ilalim ng matinding panggigipit mula sa pamahalaan ng E.U., maraming bansa sa Asia ang nagpahintulot ng importasyon ng mga sigarilyo, at ang mga sigarilyong galing sa Amerika ay bumaha. Ang pagluluwas ng mga sigarilyo ng E.U. sa Asia ay tumaas nang 75 porsiyento noong 1988.

Marahil ang pinakakalunus-lunos na mga biktima ng mga paligsahan sa pagbibili ng higit na sigarilyo ay ang mga bata. Isang pag-aaral na iniulat sa The Journal of the American Medical Association ang nagsasabi na “ang mga bata at mga tin-edyer ang bumubuo ng 90% ng lahat ng bagong mga máninigarilyó.”

Tinataya ng isang artikulo sa U.S.News & World Report na ang bilang ng mga tin-edyer na máninigarilyó sa Estados Unidos sa 3.1 milyon. Araw-araw 3,000 bagong mga kalap ang nagsisimulang manigarilyo​—1,000,000 isang taon.

Ang isang anunsiyo ng sigarilyo ay nagtatampok ng isang mahilig-sa-katuwaan, naghahanap-ng-kasiyahang cartoon na kamelyo, na kadalasang may sigarilyong nakalawit sa kaniyang mga labi. Ang anunsiyong ito ng sigarilyo ay ipinagsasakdal sa salang pag-akit sa mga kabataan sa pagkaalipin sa nikotina bago pa man nila maunawaan ang mga panganib sa kalusugan. Sa loob ng tatlong taon ng pagpapalabas sa anunsiyong ito, ang kompanya ng sigarilyo ay nagtamasa ng isang 64-na-porsiyentong pagsulong sa benta sa mga kabataan. Nasumpungan ng isang pag-aaral sa The Medical College of Georgia (E.U.A.) na 91 porsiyento ng mga anim-na-taóng-gulang na tinanong ang nakakilala sa tauhang ito ng cartoon tungkol sa paninigarilyo.

Isa pang popular na larawan ng sigarilyo ay ang matsong koboy na ang mensahe ay, ayon sa isang tin-edyer, “Kung ikaw ay naninigarilyo, walang makapipigil sa gusto mo.” Sinasabing ang pinakamabentang produkto sa buong daigdig ang kumokontrol sa 69 na porsiyento ng pamilihan sa gitna ng mga máninigarilyóng tin-edyer at ang marka na may pinakamaraming anunsiyo. Bilang isang karagdagang pangganyak, may mga kupon sa bawat pakete ng sigarilyo, na maipagpapalit ng mga jeans, sumbrero, at kasuutang pang-isports na popular sa mga kabataan.

Palibhasa’y nakikilala ang pambihirang lakas ng pag-aanunsiyo, ang mga pangkat na laban sa paninigarilyo ay nagtagumpay sa pagbabawal sa mga anunsiyo ng sigarilyo sa telebisyon at radyo sa maraming bansa. Gayunman, ang isang paraan na naiiwasan ng mga tagapag-anunsiyo ang sistema ay sa pamamagitan ng mahusay na paglalagay ng mga billboard sa mga paligsahan sa isports. Kaya nga, maaaring ipakita ng isang laro na ipinalalabas sa telebisyon, na may napakaraming kabataang manonood, ang kanilang paboritong manlalaro na handa para sa aksiyon sa harapan at ang napakalaking billboard ng sigarilyo sa likuran.

Sa mga dako sa mga kabayanan o sa harapan ng mga paaralan, ang mga babaing nakasuot ng mga miniskirt o kasuutang koboy o safari ay namimigay ng libreng mga sigarilyo sa sabik o mausyosong mga tin-edyer. Sa mga video arcade, disco, at mga konsiyertong rock, mga sampol ng sigarilyo ang malayang ipinapasa. Isang plano sa pagbebenta ng isang kompanya na nakarating sa press ang nagpapakita na isang partikular na klase ng sigarilyo sa Canada ang nagtutuon ng pansin sa mga lalaking nagsasalita ng Pranses na ay mula 12 hanggang 17 taóng gulang.

Ang nakasisilaw na mensahe ay na ang paninigarilyo ay nagdudulot ng kasiyahan, kalakasan, puwersa, at popularidad. “Sa dakong pinagtatrabahuhan ko,” sabi ng isang kasangguni sa pag-aanunsiyo, “sinisikap naming mabuti na impluwensiyahan ang mga kabataang edad 14 na magsimulang manigarilyo.” Ang mga anunsiyo sa Asia ay naglalarawan ng malusog, kabataang taga-Kanluran na tipong atletiko na tatakbu-takbo nang buong sigla sa mga dalampasigan at sa mga larangan ng laruan ng bola​—habang naninigarilyo, mangyari pa. “Ang mga modelong taga-Kanluran at mga istilo ng buhay sa Kanluran ay lumilikha ng kaakit-akit na mga pamantayan upang tularan,” sabi ng isang babasahing pangkalakal, “at ang mga máninigarilyó sa Asia ay sabik na sabik na tularan ito.”

Pagkatapos gumugol ng bilyun-bilyong dolyar sa pag-aanunsiyo, ang mga tagapagbili ng sigarilyo ay nagkamit ng pagkalaki-laking mga tagumpay. Isang pantanging ulat ng Reader’s Digest ang nagpakita na ang pagdami ng bilang ng mga kabataang máninigarilyó ay nakatatakot. “Sa Pilipinas,” sabi ng ulat, “22.7 porsiyento ng mga taong wala pang 18 anyos ang naninigarilyo ngayon. Sa ilang lungsod sa Latin Amerika, ang bilang ng mga tin-edyer na naninigarilyo ay isang nakagugulat na 50 porsiyento. Sa Hong Kong, ang mga bata na kasimbata ng pitong taóng gulang ay naninigarilyo.”

Gayunman, kahit na ipinagdiriwang ng sigarilyo ang mga pananakop nito sa ibang bansa, ang mga kompanya ng sigarilyo ay masaklap na nakababatid tungkol sa dumarating na krisis sa kanila mismong bansa. Ano ang mga tsansa na mapagtatagumpayan ng sigarilyo ang krisis?

[Blurb sa pahina 3]

Patuloy na namamatay ang pinakamahusay na mga parokyano nito

[Blurb sa pahina 5]

Asia, pinakabagong dakong patayan dahil sa sigarilyo

[Blurb sa pahina 6]

90 porsiyento ng lahat ng bagong mga máninigarilyó​—mga bata at mga tin-edyer!

[Kahon sa pahina 4]

Ang Nakamamatay na Resipe​—Ano ang mga Sangkap sa Sigarilyo?

Hanggang 700 iba’t ibang kemikal na mga sangkap ang maaaring gamitin ng mga tagagawa ng sigarilyo, subalit pinahihintulutan ng batas ang mga kompanya na ingatang lihim ang kanilang mga listahan. Gayunman, kabilang sa mga sangkap ang matatapang na metal, pestisidyo, at mga pamatay-insekto. Ang ilan sa mga sangkap ay lubhang nakalalason anupat labag sa batas na gawin itong panambak na lupa. Ang magandang alimpuyong iyon ng usok ng sigarilyo ay nagdadala ng mga 4,000 sangkap, kasama na ang asetona, arseniko, butane, carbon monoxide, at cyanide. Ang mga bagà ng mga máninigarilyó at ng mga taong nakalalanghap ng usok ay nalalantad sa di-kukulanging 43 kilalang sangkap na pinagmumulan ng kanser.

[Kahon sa pahina 5]

Nanganganib na mga Hindi Máninigarilyó

Ikaw ba’y nakatira, nagtatrabaho, o naglalakbay na kasama ng mga malakas manigarilyo? Kung gayon, ikaw ay malamang na lalong nanganganib sa kanser sa bagà at sakit sa puso. Ang pag-aaral ng U.S. Environmental Protection Agency (EPA) noong 1993 ay naghinuha na ang usok ng sigarilyo sa kapaligiran (ETS) ay Pangkat A na carcinogen o sangkap na nakakakanser, ang pinakamapanganib. Sinuri ng napakalaking report ang mga resulta ng 30 pag-aaral na nagsasangkot sa pumapailanglang na usok mula sa dulo ng mga sigarilyo gayundin ang ibinubugang usok.

Sinisisi ng EPA ang usok ng sigarilyo sa kapaligiran sa 3,000 kamatayan dahil sa kanser sa bagà sa bawat taon sa Estados Unidos. Pinatunayan ng American Medical Association noong Hunyo 1994 ang mga konklusyon sa pamamagitan ng isang pag-aaral na inilathala nito na nagpapakita na ang mga babaing hindi kailanman nanigarilyo subalit nahantad sa ETS ay 30 porsiyentong mas nanganganib na magkaroon ng kanser sa bagà kaysa mga taong hindi kailanman nanigarilyo.

Para sa mga batang paslit, ang pagkahantad sa usok ay nagbunga ng 150,000 hanggang 300,000 kaso ng brongkitis at pulmunya taun-taon. Pinalulubha ng usok ang mga sintoma ng hika ng 200,000 hanggang 1,000,000 bata taun-taon sa Estados Unidos.

Tinataya ng American Heart Association na kasindami ng 40,000 kamatayan sa isang taon ang nangyayari dahil sa mga sakit sa puso at sa daluyan ng dugo na dulot ng ETS.

[Mga larawan sa pahina 7]

Isang kaakit-akit na modelo sa Asia at ang mga target

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share