Nagbunsod ng Puro-Hanging Pangangatuwiran ang mga Tagatangkilik ng Sigarilyo
NOONG dekada ng 1940, ang London ay isang lungsod na nasa ilalim ng pagsalakay. Ang Alemang mga eruplanong pandigma at lumilipad na mga bomba ay napakarami na nagdulot ng sindak at pagkawasak. Ngunit kung ang kalagayan ay hindi kakila-kilabot, ang mga mamamayan ay malamang na nalibang ng pambihirang tanawin.
Nakatali sa mahahabang kable, libu-libong malalaking lobo ang lumutang sa himpapawid. Ang kanilang layunin ay hadlangan ang mababang-antas na mga pagsalakay sa himpapawid at umaasang maharang ang ilang lumilipad na bomba sa gitnang-himpapawid. Ang pansagabal na lobo, bagaman napakahusay, ay nagkaroon lamang ng kaunting tagumpay.
Nasumpungan din ng mga kompanya ng sigarilyo ang kanilang mga sarili na nasa ilalim ng pagsalakay. Ang lumalawak na mga imperyo ng sigarilyo, dating di-maigugupong kuta ng pulitikal at pangkabuhayang lakas, ay sinasalakay sa lahat ng panig.
Ang medikal na pamayanan ay gumagawa ng napakaraming nagpaparatang na mga pag-aaral. Ginagamit ng masigasig na mga opisyal ng kalusugan ang kalagayan para sa kanilang sariling pakinabang. Ang galit na galit na mga magulang ay nagsasakdal na ang kanilang mga anak ay nabibiktima. Ipinagbawal ng determinadong mga mambabatas ang paninigarilyo sa mga gusaling tanggapan, restauran, instalasyong militar, at mga eruplano. Sa maraming bansa, ang pag-aanunsiyo ng sigarilyo ay ipinagbawal sa telebisyon at radyo. Sa Estados Unidos, inihahabla ng lahat ng estado ang mga kompanya ng sigarilyo nang milyun-milyong dolyar para sa halaga ng pangangalagang-pangkalusugan. Kahit na ang mga abugado ay sumasama sa laban.
Kaya sa pagsisikap na itaboy ang mga sumasalakay sa kanila, ang mga kompanya ng sigarilyo ay nagbunsod ng kanilang mga pagtatanggol. Gayunman, ang mga ito’y parang puro-hanging pangangatuwiran.
Nitong nakaraang taon, maliwanag na nakita ng mamamayan sa E.U. habang ang galít na mga mambabatas at mga opisyal sa kalusugan ng pamahalaan ay nag-organisa ng isang masigasig na pagsalakay laban sa industriya ng sigarilyo. Sa mga paglilitis sa harap ng hurado sa kongreso ng E.U. noong Abril 1994, iniharap sa mga ehekutibo ng sigarilyo ng pitong malalaking kompanya ng sigarilyo sa Amerika ang nagpaparatang na mga estadistika: mahigit na 400,000 Amerikano ang namamatay taun-taon at milyun-milyon pa ang nagkakasakit, naghihingalo, at nagiging sugapa.
Ano ang sinabi nila bilang pagtatanggol sa kanilang sarili? Ang nasasangkot sa usapin na mga ehekutibo ay nagbigay ng ilang kapansin-pansing pananalita sa kanilang pagtatanggol: “Ang paninigarilyo . . . ay hindi pa napatutunayang may bahaging ginagampanan sa pagkakaroon ng mga sakit,” sabi ng isang tagapagsalita ng Tobacco Institute. Higit pa riyan, ang bisyo ng paninigarilyo ay inilarawan bilang hindi nakapipinsala na gaya ng iba pang kasiya-siyang gawain, gaya ng pagkain ng matatamis o pag-inom ng kape. “Ang pagkakaroon ng nikotina ay hindi gumagawa sa sigarilyo na droga, o sa paninigarilyo na nakasusugapa,” sabi ng isang punong ehekutibo ng isang kompanya ng sigarilyo. “Ang pangangatuwiran na ang nikotina sa mga sigarilyo ay nakasusugapa sa anumang antas ay hindi tama,” sabi ng isang siyentipiko ng isang kompanya ng sigarilyo.
Kung ang mga sigarilyo ay hindi nakasusugapa, tutol ng komite, bakit sinisikap ng mga kompanya ng sigarilyo na kontrolin ang mga antas ng nikotina sa kanilang mga produkto? “Dahil sa lasa,” paliwanag ng isa pang ehekutibo ng kompanya ng sigarilyo. Mayroon pa bang sásamâ pa sa walang-lasang tabako? Nang ipakita ang bunton ng pananaliksik mula sa salansan ng kaniya mismong kompanya na nagpapahiwatig na ang nikotina ay nakasusugapa, siya’y nanghawakan sa kaniyang kuwento.
Maliwanag, siya at ang iba pa ay manghahawakan sa opinyong iyon gaano man karaming sementeryo ang mapunô ng mga biktima ng sigarilyo. Maaga noong 1993, si Dr. Lonnie Bristow, tagapamanihala ng American Medical Association Board of Trustees ay naglabas ng isang kawili-wiling hamon. Ang The Journal of the American Medical Association ay nag-uulat: “Inanyayahan niya ang mga ehekutibo ng malalaking kompanya ng sigarilyo sa EU na mamasyal kasama niya sa mga ward sa ospital upang makita ang isa sa mga resulta ng paninigarilyo—ang mga pasyente ng kanser sa bagà at iba pang napinsala ang bagà. Walang isa man sa mga ehekutibo ang tumanggap sa paanyayang ito.”
Ipinagmamalaki ng industriya ng sigarilyo na ito ay naglalaan ng magagandang trabaho sa ekonomiya ng daigdig na mabilis na dumarami ang walang trabaho. Sa Argentina, halimbawa, isang milyong trabaho ang nagawa ng industriya, na may apat na milyon pang di-tuwirang nauugnay na trabaho. Malalaking buwis ang nagpangyari sa mga kompanya ng sigarilyo na magkaroon ng pabor sa maraming pamahalaan.
Isang kompanya ng sigarilyo ang espesipikong nagpakita ng pabor sa mga pangkat ng minoridad sa pamamagitan ng saganang mga donasyon—isang animo’y kapahayagan ng pagiging palaisip sa bayan. Gayunman, ang panloob na mga dokumento ng kompanya ay nagsiwalat sa tunay na motibo ng “paggawa ng bahaging ito ng badyet”—upang magkaroon ng pagsang-ayon at suporta mula sa potensiyal na mga botante.
Ang kompanya ring ito ng sigarilyo ay nagkaroon din ng mga kaibigan sa sining dahil sa malalaking kontribusyon sa mga museo, paaralan, akademya sa sayaw, at mga institusyon sa musika. Ang mga opisyal ng mga organisasyong patungkol sa sining ay nagpasiya sa ganang sarili na tanggapin ang lubhang kinakailangang salapi na galing sa sigarilyo. Kamakailan, ang mga miyembro ng pamayanan ng sining ng Lungsod ng New York ay napaharap sa isang problema nang hilingan sila ng kompanya ring ito ng sigarilyo na suportahan ang kanilang pagsisikap na magkampaniya laban sa mga batas na laban sa paninigarilyo.
At, mangyari pa, ang mayamang malalaking kompanya ng sigarilyo ay hindi nahihiyang mamigay ng pera sa mga pulitiko, na magagamit ang kanilang impluwensiya laban sa anumang mga panukala na hindi mabuti sa kapakanan ng sigarilyo. Ipinagtanggol ng mga opisyal ng pamahalaan sa matataas na posisyon ang kapakanan ng mga kompanya ng sigarilyo. Ang ilan ay may pinansiyal na kaugnayan sa industriya o ginigipit na suklian sila sa perang iniabuloy ng mga kompanya ng sigarilyo na ginamit sa pangangampanya.
Isang kongresista sa E.U. ang iniulat na tumanggap ng mahigit na $21,000 na mga donasyon mula sa mga kompanya ng sigarilyo at pagkatapos ay bumoto na di-pabor sa mga isyu laban sa sigarilyo.
Natuklasan kamakailan ng isang dating malaki-ang-suweldong tobacco lobbyist, minsa’y naging isang senador ng estado at isang malakas manigarilyo, na siya ay may kanser sa lalamunan, bagà, at sa atay. Ngayon ay nagsisisi siyang lubos at naghihinagpis na “ang pagkaratay sa isang karamdaman na ikaw ang may kagagawan” ay gumagawa sa isang tao na makadama na parang hangal.
Sa paggugol ng maraming pera sa pag-aanunsiyo upang maimpluwensiyahan ang mga tao, ang malalaking kompanya ng sigarilyo ay masigasig na sumasalakay sa kalaban. Ang isang anunsiyo ay sumasamo sa pagnanais para sa kalayaan, anupat taimtim na nagbababala, “Ngayon ang mga Sigarilyo ang Ipinagbabawal? Bukas Ano Naman?” Ipinahihiwatig nito na ang caffeine, alak, at mga hamburger ang susunod na mga biktima ng ipinalalagay na panatikong mga tagapagbawal.
Sinikap na siraan ng mga anunsiyo sa pahayagan ang malawakang sinisiping pag-aaral ng U.S. Environmental Protection Agency na inuuri ang usok sa kapaligiran bilang isang sangkap na nakalalason. Ang industriya ng sigarilyo ay nagpahayag ng mga plano na magsagawa ng legal na pakikipagbaka. Inakusahan ng isang programa sa telebisyon ang isang kompanya ng pagmamaneobra sa mga antas ng nikotina upang pasiglahin ang pagkasugapa. Ang pagbobrodkast ng palabas sa telebisyon ay agad na sinampahan ng asuntong nagkakahalaga ng $10 bilyon.
Ang mga kompanya ng sigarilyo ay nakipagbaka nang husto, subalit ang kapaligiran ay napupunô ng mga akusasyon. Mga 50,000 pag-aaral ang naisagawa sa loob ng nakaraang apat na dekada, nagbubunga ng isang tumataas na bundok ng katibayan tungkol sa mga panganib ng paninigarilyo.
Paano sinikap ilagan ng mga kompanya ng sigarilyo ang mga paratang na inihagis sa kanila? May katigasang pinanindigan nila ang isang ipinalalagay na katotohanan: Ang mga máninigarilyó ay humihinto. Sa gayon, sabi niya, ang nikotina ay hindi nakasusugapa. Gayunman, iba naman ang ipinakikita ng mga estadistika. Totoo, 40 milyong Amerikano ang huminto na sa paninigarilyo. Subalit 50 milyon pa ang naninigarilyo, at 70 porsiyento sa mga ito ang nagsasabing nais nilang huminto. Sa 17 milyon na nagsisikap na huminto sa bawat taon, 90 porsiyento ang nabibigo sa isang taon.
Pagkatapos ng isang operasyon sa kanser sa bagà, halos 50 porsiyento ng mga máninigarilyó sa E.U. ang nagbabalik sa bisyo. Sa mga máninigarilyó na nagkaroon ng mga atake sa puso, 38 porsiyento ang muling naninigarilyo kahit na bago pa lumabas ng ospital. Apatnapung porsiyento ng mga máninigarilyó na nagpaalis ng gulung-gulungan na may kanser ay susubok na muling manigarilyo.
Sa milyun-milyong máninigarilyóng tin-edyer sa Estados Unidos, tatlong-kapat ang nagsasabing sila’y gumawa ng di-kukulanging isang seryosong pagsisikap na huminto subalit sila’y nabigo. Ipinakikita rin ng mga estadistika na para sa maraming kabataan, ang paninigarilyo ay isang tuntungang-bato sa mas matapang na mga droga. Ang kabataang mga máninigarilyó ay mahigit na 50 ulit na malamang na gumamit ng cocaine kaysa hindi mga máninigarilyó. Isang 13-anyos na máninigarilyó ang sumasang-ayon. “Walang alinlangan sa aking isipan na ang sigarilyo ang droga na nagpapakilala sa isa sa mas matatapang na droga,” sulat niya. “Halos lahat ng nakikilala ko, maliban sa tatlo katao, ay nagsimulang manigarilyo bago gumamit ng bawal na gamot.”
Kumusta naman ang mababa-ang-tar na mga sigarilyo? Sa katunayan, ipinakikita ng mga pag-aaral na ang mga ito ay maaari pa ngang maging mas mapanganib—sa dalawang kadahilanan: Una, ang máninigarilyó ay kadalasang lumalanghap nang mas malalim upang makuha ang nikotina na pinakahahangad ng kaniyang sistema, inilalantad ang mas maraming himaymay ng bagà sa nakalalasong mga epekto ng usok; ikalawa, ang maling idea na siya’y naninigarilyo ng “mas nakalulusog” na sigarilyo ay baka magpangyari sa kaniya na huwag nang magsikap na huminto.
Mahigit na 2,000 pag-aaral ang nagawa na tungkol sa nikotina lamang. Isinisiwalat nito na ang nikotina ay isa sa pinakanakasusugapang sangkap na nakilala ng tao, at isa sa pinakamapanganib. Pinabibilis ng nikotina ang tibok ng puso at binabarahan ang mga daluyan ng dugo. Ito’y nasisipsip sa daloy ng dugo sa loob ng pitong segundo—mas mabilis pa sa isang tuwirang iniksiyon sa ugat. Kinukondisyon nito ang utak na maghangad pa ng higit, isang paghahangad na ayon sa ilan ay dalawang ulit na nakasusugapa kaysa heroin.
Nalalaman ba ng mga kompanya ng sigarilyo, sa kabila ng kanilang mga pagkakaila, ang nakasusugapang mga katangian ng nikotina? Ipinakikita ng mga palatandaan na malaon na nila itong nalalaman. Halimbawa, ipinakikita ng isang report noong 1983 na napansin ng isang mananaliksik ng isang kompanya ng sigarilyo na ang mga dagang ginagamit sa mga eksperimento sa laboratoryo ay nagpakita ng karaniwang mga sintoma ng pagkasugapa, regular na itinutulak mismo ang mga pingga upang tumanggap ng higit pang dosis ng nikotina. Iniulat, ang pag-aaral ay agad na sinawata ng industriya ng sigarilyo at nalaman kamakailan lamang.
Ang malalaking kompanya ng sigarilyo ay hindi nanatiling inaktibo samantalang sinasalakay mula sa lahat ng panig. Ang Council for Tobacco Research sa Lungsod ng New York ay nagsasagawa ng tinatawag ng The Wall Street Journal na “ang pinakamatagal na maling impormasyong kampaniya sa kasaysayan ng negosyo sa E.U.”
Sa ilalim ng sawikain na pagsasagawa ng indipendiyenteng pananaliksik, ang konsilyo ay namuhunan ng milyun-milyong dolyar sa paglaban sa mga sumasalakay. Ito’y nagsimula noong 1953 nang matuklasan ni Dr. Ernst Wynder ng Memorial Sloan-Kettering Cancer Center na ang mga tar sa sigarilyo na ipininta sa likod ng mga daga ang naging sanhi ng mga tumor. Itinatag ng industriya ang konsilyo upang gawing walang kinikilingan ang maliwanag na ebidensiya laban sa kanilang produkto, sa pagkontra sa pamamagitan ng kanilang sariling siyentipikong katibayan.
Gayunman, paano makagagawa ang konsilyo ng mga siyentipiko ng mga resulta upang labanan ang mga tuklas ng iba pa sa pamayanan ng pananaliksik? Kamakailan ay inilabas ang mga dokumento na nagsisiwalat ng isang masalimuot na kawing ng intriga. Nasumpungan ng maraming mananaliksik ng konsilyo, nahahadlangan ng nasusulat na mga kontrata at nasusupil ng pangkat ng matatalas-matang mga abugado, na ang dumaraming mga pangamba sa kalusugan ay totoo. Subalit nang makaharap ang mga katotohanan, ang konsilyo, ayon sa The Wall Street Journal, “kung minsan ay hindi pumapansin, o humihinto pa nga, sa mga pag-aaral nito na nagpapahiwatig na ang paninigarilyo ay isang panganib sa kalusugan.”
Habang isinasagawa nang lihim, ang pananaliksik para sa isang mas ligtas na sigarilyo ay nagpatuloy sa loob ng mga taon. Kung gagawin iyon nang hayagan, magiging pahiwatig iyon ng pag-amin na ang paninigarilyo ay mapanganib nga sa kalusugan. Sa pagtatapos ng mga taon ng 1970, isang nakatataas na abugado ng isang kompanya ng sigarilyo ang nagmungkahi na ang mga pagsisikap na gumawa ng isang “ligtas” na sigarilyo ay tigilan na at ituring na walang-saysay at itago na ang lahat ng nauugnay na mga dokumento.
Dalawang bagay ang naging maliwanag mula sa mga taon ng pag-eeksperimento: Ang nikotina ay nakasusugapa nga, at ang paninigarilyo ay talagang nakamamatay. Bagaman masidhing tinatanggihan ang mga bagay na ito sa publiko, ipinakikita ng mga kompanya ng sigarilyo sa pamamagitan ng kanilang mga kilos na alam na alam nila ang mga katotohanang ito.
Bilang pagpaparatang ng sadyang pagmamaneobra, ang komisyunado ng U.S. Food and Drug Administration (FDA) na si David Kessler ay nagsabi: “Sa katunayan, ang ilan sa mga sigarilyo sa ngayon ay maaaring maging kuwalipikado bilang high-technology na mga sistema ng paghahatid ng nikotina na naghahatid ng nikotina sa tamang-tamang kalkuladong dami . . . na sapat upang lumikha at sumustine ng pagkasugapa.”
Isiniwalat ni Kessler na ang mga kompanya ng sigarilyo ang nagmamay-ari ng maraming patente na nagpapatunay sa kanilang layon. Ang isa ay para sa isang henetikong binagong uri ng tabako na naglalaman ng pinakamaraming nikotina. Ang isa pang proseso ay naglalagay sa mga filter at sa mga papel ng sigarilyo ng nikotina para sa karagdagang pagkasugapa. At ang isa pang proseso ay naglalagay ng higit na nikotina sa unang hitit ng máninigarilyó kaysa huling hitit. Isa pa, ang mga dokumento ng industriya ay nagpapakita na ang mga sangkap ng amonya ay idinagdag sa sigarilyo upang maalis ang higit na nikotina sa sigarilyo. “Halos doble ng karaniwang dami na nilalanghap ang nagtutungo sa daluyan ng dugo ng máninigarilyó,” sabi ng isang ulat ng New York Times. Ipinahayag ng FDA na ang nikotina ay isang nakasusugapang droga at naglalayong higpitan pa ang pagkontrol sa mga sigarilyo.
Ang mga pamahalaan ay nakadepende rin sa sigarilyo sa kanilang sariling paraan. Ang pamahalaan ng E.U., halimbawa, ay nakakokolekta ng $12 bilyon isang taon sa mga buwis sa estado at sa pederal na gobyerno mula sa mga produkto ng sigarilyo. Gayunman, tinatantiya ng pederal na Office of Technology Assessment ang $68 bilyon isang taóng pagkalugi sa gobyerno dahil sa paninigarilyo, salig sa halaga ng pangangalaga sa kalusugan at nawalang maraming produksiyon.
Ang pagsasabi ng mga gantimpalang pangkabuhayan at maraming trabaho, mapagkawanggawang pagtulong sa sining, masidhing pagtanggi sa mga panganib sa kalusugan—tunay, ang industriya ng sigarilyo ay nagpailanglang ng kakatwang-hitsurang mga lobo bilang pagtatanggol-sa-sarili. Panahon lamang ang makapagsasabi kung ito nga ay magiging mabisa o hindi kaysa hadlang na mga lobo noon sa London.
Subalit maliwanag na hindi na maitago ng malalaking kompanya ang kanilang tunay na kulay. Sila’y kumita ng milyun-milyon, at sila’y kumitil ng milyun-milyon, subalit tila hindi sila apektado na ang pangwakas na resulta ay ang kakila-kilabot na pagkitil sa mga buhay ng tao.
[Blurb sa pahina 8]
Ang mga ito’y para bang punô ng maraming walang-saysay na mga salita
[Blurb sa pahina 9]
Iniuugnay ng isang pag-aaral ng pamahalaan ang usok ng sigarilyo sa kapaligiran bilang nakalalason
[Blurb sa pahina 10]
Ang nikotina ay isa sa pinakanakasusugapang sangkap na nakikilala
[Blurb sa pahina 11]
Sila’y kumita ng milyun-milyon; sila’y kumitil ng milyun-milyon
[Kahon sa pahina 10]
50,000 Pag-aaral—Ano ang Nasumpungan Nila?
Narito ang isang maliit na halimbawa ng mga pagkabahalang pangkalusugan na ibinangon ng mga mananaliksik may kaugnayan sa paggamit ng sigarilyo:
KANSER SA BAGÀ: Ang mga máninigarilyó ang bumubuo sa 87 porsiyento ng mga kamatayan dahil sa kanser sa bagà.
SAKIT SA PUSO: Ang mga máninigarilyó ay 70 porsiyentong mas malamang na manganib sa sakit sa puso.
KANSER SA SUSO: Ang mga babaing naninigarilyo ng 40 o higit pang sigarilyo araw-araw ay 74 na porsiyentong mas malamang na mamatay dahil sa kanser sa suso.
PAGKASIRA NG PANDINIG: Ang mga sanggol ng naninigarilyong mga ina ay mas malamang na mahirapang makarinig.
MGA PINSALA SA MGA MAY DIABETES: Ang mga may diabetes na naninigarilyo o ngumunguya ng maskada ay mas nanganganib na mapinsala ang bató at mas mabilis na nagkakaroon ng retinopathy (isang sakit sa retina ng mata).
KANSER SA KOLON: Dalawang pag-aaral na nagsasangkot ng mahigit na 150,000 tao ang nagpapakita ng maliwanag na kaugnayan sa pagitan ng paninigarilyo at kanser sa kolon.
HIKA: Ang usok ng sigarilyo sa kapaligiran ay maaaring magpalubha sa hika ng mga bata.
PAGKALANTAD SA PANINIGARILYO: Ang mga anak na babae ng mga babaing nanigarilyo noong panahon ng pagdadalang-tao ay apat na ulit na malamang na manigarilyo.
LEUKEMIA: Ang paninigarilyo ay lumilitaw na sanhi ng myeloid leukemia (leukemia sa utak sa buto).
MGA PINSALA SA EHERSISYO: Ayon sa isang pag-aaral ng U.S. Army, ang mga máninigarilyó ay mas malamang na magkaroon ng mga pinsala samantalang nag-eehersisyo.
MEMORYA: Maaaring bawasan ng matatapang na dosis ng nikotina ang kahusayan ng isip samantalang ang isang tao ay nagsasagawa ng masalimuot na mga atas.
PANLULUMO: Sinisiyasat ng mga saykayatris ang katibayan ng kaugnayan sa pagitan ng paninigarilyo at matinding panlulumo gayundin ng schizophrenia.
PAGPAPATIWAKAL: Isang pag-aaral sa mga nars ang nagpapakita na ang pagpapatiwakal ay dalawang ulit na malamang na mangyari sa mga nars na naninigarilyo.
Ang iba pang panganib na idaragdag sa listahan: Kanser sa bibig, babagtingan, lalamunan, gulung-gulungan, lapay, tiyan, maliit na bituka, pantog, bató, at sa kuwelyo ng matris; atake serebral, atake sa puso, talamak na sakit sa bagà, sakit sa palahingahan, mga peptic ulser, diabetes, pagkabaog, mababang timbang ng bata pagsilang, osteoporosis, at mga impeksiyon sa tainga. Maaari ring idagdag ang mga panganib sa sunog, yamang ang paninigarilyo ang pangunahing sanhi ng mga sunog sa tahanan, otel, at ospital.
[Kahon sa pahina 12]
Tabakong Walang Usok—Mapanganib na Pamalit
Ang nangunguna sa $1.1 bilyong industriya ng pinulbos na tabako ay inaakit ang mga bagito sa pamamagitan ng may-lasa na mga pinulbos na tabako. Mayroon itong may-lasang mga marka na kilalang-kilala. Ang “kaunting panimulang epekto ng tabako” na inihahatid ng mga ito ay nakasisiya subalit sa sandaling panahon lamang. Isang dating pangalawang tagapamahala ng kompanyang ito ng sigarilyo ay nagsabi: “Maraming tao ang maaaring mag-umpisa sa mas malasang mga produkto, ngunit sa wakas, sila’y nauuwi sa [pinakamatapang na marka].” Ito ay iniaanunsiyo bilang, “Isang Matapang na Maskada Para sa mga Lalaking Matapang” at, “Ito’y Nakasisiya.”
Ang The Wall Street Journal, na nag-ulat tungkol sa estratehiyang ito ng kompanya, ay sinipi ang pagtanggi nito na “dinodoktor nito ang mga antas ng nikotina.” Ang Journal ay nagsabi rin na dalawang dating kimiko sa sigarilyo ng kompanya, na nagsasalita tungkol sa paksang ito sa kauna-unahang pagkakataon, ay nagsabi na “bagaman hindi minamaneobra ng kompanya ang mga antas ng nikotina, minamaneobra nito ang dami ng nikotina na tinatanggap ng mga gumagamit nito.” Sinasabi rin nila na ang kompanya ay nagdaragdag ng mga kemikal upang dagdagan ang pagiging alkalino ng pinulbos na tabako nito. Mientras mas maraming alkalino ang pinulbos na tabako, “mas maraming nikotina ang nailalabas.” Isinusog pa ng Journal ang paliwanag na ito tungkol sa sinisinghot na pinulbos na tabako at pagnguya ng tabako: “Ang pinulbos na tabako, na kung minsan ay naipagkakamali sa tabakong nginunguya, ay kapirasong ginadgad na tabako na sinisipsip ng mga gumagamit nito, ngunit hindi nginunguya. Ang mga gumagamit ay kumukuha ng isang karampot, o ‘sawsaw,’ at inilalagay ito sa pagitan ng pisngi at gilagid, inililipat-lipat ito sa pamamagitan ng kanilang mga dila at dumudura paminsan-minsan.”
Ang mga markang may-lasa na ginawa para sa mga bagito ay naglalabas lamang ng mula 7 hanggang 22 porsiyento ng kanilang nikotina para tanggapin sa kanilang daluyan ng dugo. Maaaring gawin ng pinakamatapang na marka ang mga baguhan na makadama na parang sinasakal. Ito ay nasa tinadtad na anyo ng pinong tabako para sa “tunay” na mga lalaki. Pitumpu’t siyam na porsiyento ng nikotina nito ay “libre,” makukuha para sa kagyat na pagtanggap sa daluyan ng dugo. Sa Estados Unidos, sa katamtaman ay sinisimulang gamitin ng mga siyam na taon ang sinisinghot na pinulbos na tabako. At sinong siyam-na-taon ang tatangging sumulong sa paggamit ng mas matapang na marka at sasali sa “tunay” na mga lalaki?
Ang resultang dosis ng nikotina ay sa katunayan mas malakas kaysa roon sa isang sigarilyo. Yaong mga gumagamit ng sinisinghot na pinulbos na tabako ay iniulat na 4 na ulit na malamang na magkaroon ng kanser sa bibig, at ang panganib nila na magkaroon ng kanser sa lalamunan ay 50 ulit na mas malaki kaysa mga hindi gumagamit.
Ang pagtutol ng publiko sa Estados Unidos ay pansamantalang sumiklab nang ihabla ng isang ina ng isang dating bantog sa takbuhan sa haiskul na namatay dahil sa kanser sa bibig ang isang kompanya ng tabako. Ang batang lalaki ay tumanggap ng libreng lata ng pinulbos na tabako sa isang rodeo sa gulang na 12 at naging isang apat-na-lata-isang-linggo na gumagamit nito. Pagkatapos na siya’y mapasailalim ng maraming makirot na mga operasyon na nagbawas ng kaniyang dila, panga, at leeg, ang kaniyang mga doktor ay sumuko. Ang binatilyo ay namatay sa gulang na 19 anyos.
[Kahon sa pahina 13]
Kung Paano Hihinto sa Paninigarilyo
Milyun-milyong tao ang matagumpay na nakalaya mula sa kanilang pagkasugapa sa nikotina. Kung ikaw ay isang máninigarilyó, kahit isang matagal nang máninigarilyó, maaalis mo rin ang nakapipinsalang bisyong ito. Ilang mungkahi na makatutulong:
• Alamin nang patiuna kung ano ang aasahan. Maaaring kabilang sa mga sintoma ng paghinto ang pagkabalisa, pagkamayamutin, pagkahilo, mga sakit ng ulo, hindi mapagkatulog, pagkasira ng tiyan, gutom, masidhing paghahangad, mahinang pagtutuon ng isip, at mga panginginig. Tunay, isang hindi kaayaayang hinaharap, ngunit ang pinakamatinding mga sintoma ay tumatagal lamang ng ilang araw at unti-unting naglalaho habang ang katawan ay nagiging malaya sa nikotina.
• Ngayon ang labanan ng isip ay nagsisimula nang buong sikap. Hindi lamang ang iyong katawan ang masidhing naghahangad ng nikotina kundi ang iyong isip ay nakondisyon ng mga gawi na nauugnay sa paninigarilyo. Suriin ang iyong rutin upang makita kung kailan kusa kang umaabot ng isang sigarilyo, at baguhin ang rutin na iyan. Halimbawa, kung ikaw ay laging naninigarilyo pagkatapos kumain, tiyakin mong tumayo karaka-raka at maglakad o maghugas ng pinggan.
• Kung biglang dumarating sa iyo ang masidhing paghahangad, marahil dahil sa isang maigting na sandali, tandaan na ang simbuyo ng damdamin ay lilipas din sa loob ng limang minuto. Maging handang gawing abala ang iyong isip sa pagsulat ng isang liham, pag-eehersisyo, o pagkain ng isang nakalulusog na meryenda. Ang panalangin ay isang malakas na tulong sa pagkakaroon ng pagpipigil-sa-sarili.
• Kung ikaw ay nasisiraan ng loob dahil sa bigong mga pagsisikap na huminto, huwag kang susuko. Ang mahalagang bagay ay patuloy na magsikap.
• Kung ang pagtaba ang humahadlang sa iyo, isaisip na ang mga pakinabang ng paghinto sa paninigarilyo ay mas matimbang kaysa mga panganib ng ilang ekstrang kilo. Makatutulong na magkaroon ng nakahandang prutas o gulay. At uminom ng maraming tubig.
• Ang paghinto sa paninigarilyo ay isang bagay. Ang patuloy na paghinto sa paninigarilyo ay ibang bagay naman. Magtakda ng mga tunguhing panahon ng hindi paninigarilyo—isang araw, isang linggo, tatlong buwan, magpakailanman.
Sabi ni Jesus: “Ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Marcos 12:31) Upang maibig mo ang iyong kapuwa, huminto sa paninigarilyo. Upang maibig mo ang iyong sarili, huminto sa paninigarilyo.—Tingnan din ang “Paninigarilyo—Ang Kristiyanong Pangmalas,” sa Gumising!, Hulyo 8, 1989, mga pahina 13-15.