Naipit sa Nagliliyab na Isyu ang mga Kompanya ng Sigarilyo
AYON sa isang ulat na lumitaw sa The New York Times ng Hulyo 26, 1995, “tinipon ng Kagawaran ng Katarungan ang isang hurado sa New York upang imbestigahan kung ang mga kompanya ng sigarilyo ay nagsinungaling sa mga opisyal na tagapag-ayos ng Pederal na pamahalaan tungkol sa nilalaman at masasamang epekto ng mga sigarilyo. Ang kagawaran ay malamang na magtipon ng pangalawang hurado rito upang imbestigahan kung ang mga tagapangasiwa ng kompanya ay nagsinungaling sa Kongreso tungkol sa mga produkto ng sigarilyo.”
Ang saligan dito? Ipinaliwanag ito ng ulat. Noong Abril 1994, ang matataas na tagapangasiwa ng pitong nangungunang kompanya ng sigarilyo sa Estados Unidos ay tumestigo sa ilalim ng panunumpa sa harap ng isang komite sa Kongreso na “hindi nila inaakala na ang nikotina ay nakasusugapa, na ang mga sigarilyo ay nagdudulot ng sakit o na dinoktor ng kanilang mga kompanya ang antas ng nikotina sa mga produkto ng sigarilyo.”
Pagkatapos noon ay parang bumagsak ang bubong—bumagsak ang pag-aangkin nilang pagkawalang-sala—nang ibunyag noong Hunyo 1995, ang dalawang libong dokumentong nagpaparatang. Ipinakikita ng mga dokumentong ito na ang mga mananaliksik sa sigarilyo ay gumugol ng 15 taon sa pag-aaral ng “parmakologong” mga epekto ng nikotina sa katawan, utak, at ugali ng mga máninigarilyó. Inilalarawan ni Dr. Victor DeNoble, isang dating siyentipikong mananaliksik ng isa sa mga kompanya, ang mahalagang tuklas ng pananaliksik: “Natanto ng kompanya na maaari nilang bawasan ang tar, subalit dagdagan ang nikotina, at ang sigarilyo ay kanais-nais pa rin sa máninigarilyó. Pagkatapos ng lahat ng kanilang pananaliksik, natanto nila na ang nikotina ay hindi lamang nakapagpapahinahon o nakapagpapasigla, kundi ito’y pangunahin nang nakaaapekto, sa utak, at ang mga tao’y naninigarilyo dahil sa mga epekto sa utak.”
Ayon sa The New York Times, ipinakikita ng mga pag-aaral ng kompanya na “anumang marka ang hinihitit ng mga tao, wari bang nakukuha nila ang dami ng nikotina na kailangan nila sa pamamagitan ng paghinga nang mas malalim, pinatatagal ang usok sa loob ng bibig, o paghitit ng mas maraming sigarilyo.” Sinubok ng mga mananaliksik ng kompanya na gumawa ng sigarilyong mababa ang tar na may sapat na antas ng nikotina upang bigyan ng kasiyahan ang máninigarilyó.
Isiniwalat pa ng mga dokumento na ang kompanya ng sigarilyo ay nagpakita ng isang matinding interes sa mga parokyano nito. Ang mga estudyante sa kolehiyo ang paksa ng maingat na pagsusuri nito sa loob ng mahigit na 15 taon. Ang mga tao sa isang bayan sa Iowa, pati na ang ilang 14-anyos na mga máninigarilyó, ay tinanong tungkol sa kanilang mga bisyo sa paninigarilyo.
Ang paglalantad ng mga dokumentong ito sa pananaliksik ay nakita bilang isang malaking tulong sa isang pagsasama ng mga abugadong magsasampa ng demanda laban sa pitong kompanya ng sigarilyo. Sila’y nagparatang na inilihim ng mga kompanya ng sigarilyo ang kanilang nalalaman tungkol sa nakasusugapang mga katangian ng nikotina at dinoktor ang mga antas ng nikotina upang palalain pa ang pagkasugapa. Isang abugado ang nagsabi na walang hurado sa daigdig ang maniniwala na ginagawa ng mga kompanyang ito ang pananaliksik na ito bilang isang libangan.
Habang tumitindi ang pagbatikos sa maunlad na mga bansa, lalong lumalakas ang usok ng sigarilyo sa nagpapaunlad na mga bansa. Apatnapung taon ang nakalipas, halos walang kababaihan at 20 porsiyento lamang ng mga kalalakihan sa Timog, o nagpapaunlad na mga bansa, ang naninigarilyo. Subalit, sa ngayon, 8 porsiyento ng lahat ng kababaihan at 50 porsiyento ng lahat ng kalalakihan sa nagpapaunlad na mga bansa ay mga máninigarilyó—at ang bilang na iyan ay dumarami. “Ang usok,” sabi ng mga mananaliksik, “ay umiihip patungo sa Timog.”
Nag-uulat ang Kabalitaan ng Gumising! Tungkol sa Kausuhan
Ang aming manunulat na nakahimpil sa Brazil ay gumawa ng ilang panlahat na mga komento tungkol sa kalagayan sa Timog. Inilalarawan ng pananaliksik sa industriyalisadong mga bansa ang lalong-higit-na-nakamamatay na larawan para sa mga máninigarilyó. May mga epekto ito. “Nakikita ngayon ng mga bansang kumikilala sa kahalagahan ng pagbibigay ng impormasyon sa publiko ang pasimula ng isang paghina sa kunsumo ng sigarilyo,” ulat ng World Health Organization (WHO). “Sa Hilaga,” susog pa ng Panos, isang organisasyong nagbibigay ng impormasyon na base sa London, “ang paninigarilyo ay hindi na tinatanggap sa maraming tahanan, mga dakong pampubliko at sa mga dako ng trabaho,” at talos ng karamihan ng mga tao sa ngayon na “maaari silang patayin ng paninigarilyo.” “Ang industriya ng sigarilyo ay patungo sa Timog.”
Kung ihahambing naman, sa Timog, ang pagbubukas ng isang bagong pamilihan ay napatunayang kasindali ng pagbubukas ng isang kaha ng sigarilyo. Para sa industriya ng sigarilyo, ang mga kalagayan sa nagpapaunlad na mga bansa ay kapana-panabik. Sa 3 sa 4 na nagpapaunlad na mga bansa, walang mga pagbabawal sa pag-aanunsiyo ng sigarilyo, at kasabay nito, walang gaanong kabatiran ang publiko tungkol sa mga panganib ng paninigarilyo. “Ang mga tao ay walang kabatiran tungkol sa mga panganib sapagkat sila’y hindi nasabihan tungkol dito,” sabi ng Panos.
Upang mahikayat ang mga kabataang babae—isa sa pangunahing target ng industriya—na magsindi ng kanilang unang sigarilyo, ang mga anunsiyo “ay naglalarawan sa paninigarilyo bilang isang maganda at masayang gawain na tinatamasa ng malayang mga babae.” Ang anunsiyo ng sigarilyo ay kahina-hinalang kahawig niyaong ginamit sa industriyalisadong mga bansa limampung taon na ang nakalipas. Noon, ang mga anunsiyo ay mabisa. Di-nagtagal, sabi ng isang babasahin, 1 sa 3 kababaihan “ay naninigarilyo nang may kasiglahan na gaya ng mga lalaki.”
Sa ngayon, ang pinasidhing agresibong pagbebenta na itinuon sa walang kamalay-malay na kababaihan sa nagpapaunlad na mga bansa ay tumitiyak na ang “tagumpay” na ito ng pag-aanunsiyo noong mga dekada ng 1920 at 1930 ay mauulit. Kaya nga, ang malungkot na pangmalas ay na angaw-angaw na mga kabataang babae sa mas mahihirap na bansa sa daigdig ay kasalukuyang nanganganib na maging, gaya ng pagkakasabi rito ng isang nagmamasid, “magagandang kabataang babae sa kanilang maagang paggamit ng nikotina.”
Ang Pangunahing Target
Bagaman ang kababaihan ang isa sa pangunahing target ng industriya ng sigarilyo, pangunahing target nito ang mga kabataan. Ang istilong-cartoon na mga anunsiyo at logo ng sigarilyo sa mga laruan ay kumikita, gayundin ang pagiging tagapagtangkilik ng mga paligsahan sa isport.
Sa Tsina, ganito ang ulat ng magasing Panoscope, “malaking porsiyento [ng mga kabataan] ang naninigarilyo.” Mga 35 porsiyento ng 12- hanggang 15-taóng-gulang at 10 porsiyento ng 9- hanggang 12-taóng-gulang ang mga máninigarilyó. Sa Brazil, ulat ng Folha de S. Paulo, tinatayang sampung milyong kabataan ang máninigarilyó. Wala ba silang kabatiran tungkol sa mga panganib? “Alam ko na ang paninigarilyo ay mapanganib,” sabi ni Rafael, isang 15-anyos na lalaking taga-Brazil na naninigarilyo ng isa at kalahating kaha ng sigarilyo sa isang araw, “subalit napakasarap nito.” Ang resulta ng halaghag na pangangatuwirang ito? “Araw-araw,” ulat ng Panos, “hindi kukulanging 4,000 pang kabataan ang nagsisimulang manigarilyo.”
Ang industriya ng sigarilyo ay nagluluwas ng ilang produkto sa Timog na mayroong mas matapang na tar at nikotina kaysa mga markang ipinagbibili sa Hilaga. Maliwanag ang dahilan. “Hindi ako humihingi ng paumanhin para sa nikotina,” sabi ng isang opisyal ng industriya ng sigarilyo mga ilang taon na ang nakalipas. “Ito ang sanhi ng nauulit na negosyo. Ito ang nagpapangyari sa mga tao na bumili nang higit pa.” Ito’y mabisa. “Dahil sa mataas na antas ng nikotina,” tinitiyak ng publikasyong Olandes na Roken Welbeschouwd (Paninigarilyo—Isinaalang-alang ang Lahat ng Bagay), “mas madaling nagagawa ang pagdepende sa sigarilyo, at ito’y nagbubukas ng pagkakataon upang paramihin ang konsumo at benta sa pamamagitan ng unti-unting pagbawas sa mga antas ng nikotina.”
“Minamalas ng industriya ng sigarilyo,” hinuha ng Panos, “ang Timog bilang ang pamilihan na magpapanatili sa pangangalakal ng industriya.”
Pagsindi o Patuloy na Mabuhay?
Kung ikaw ay nakatira sa isang nagpapaunlad na bansa, ano ang gagawin mo? Maliwanag ang mga katotohanan. Hanggang noong 1950, ang mga kamatayan dahil sa mga sakit na nauugnay sa paninigarilyo ay halos wala, subalit ngayon isang milyon katao sa Timog ang namamatay taun-taon mula sa mga sakit na nauugnay sa paninigarilyo. Ngunit, ang WHO ay nagbababala na sa loob ng tatlong dekada ang taunang bilang ng mga kamatayan na nauugnay sa paninigarilyo sa nagpapaunlad na mga bansa ay darami tungo sa pitong milyon. Kabaligtaran ng sinasabi sa iyo ng anunsiyo ng sigarilyo, ang mga sigarilyo ay nakamamatay.
Sinasabi mo bang alam mo ang tungkol sa mga panganib? Mabuti, subalit ano ang gagawin mo sa kaalamang iyan? Ikaw ba’y magiging gaya niyaong máninigarilyóng nakabasa ng napakaraming nakatatakot na bagay tungkol sa paninigarilyo na nagpasiyang huwag nang magbasa pa? O ikaw ba’y magpapakatalino upang makita ang panlilinlang na inilalagay ng mga anunsiyo ng sigarilyo at tumangging manigarilyo? Tunay, ang usok ng sigarilyo ay umiihip patungo sa Timog—ngunit hindi naman nito kailangang umihip patungo sa iyong daan!
[Kahon sa pahina 19]
Tsina—Numero Uno
Si Zhang Hanmin, isang 35-anyos na manggagawa sa Tsina, ay nagsisindi ng isang sigarilyo. “Sa totoo lang,” aniya, “hindi ko kailangan ang maraming bagay, subalit kailangan ko ang mga sigarilyo.” Waring, gayundin ang masasabi, sa 300 milyong iba pa na mga kababayan ni Zhang. Mula noong dekada ng 1980, “nahigitan [ng Tsina] sa produksiyon, benta at paninigarilyo ang lahat ng bansa.” Noong nakaraang taon, “bilyun-bilyong sigarilyo ang naibenta sa mga tao na sugapa sa paninigarilyo,” pinangyayaring ang Tsina ang maging “numero unong bansa ng sigarilyo sa buong daigdig.”—Magasing Panoscope.
[Kahon sa pahina 20]
Mga Sigarilyong May “Garantiya”?
Bagaman tatlong milyon katao ang namamatay taun-taon dahil sa mga sakit na nauugnay sa paninigarilyo, patuloy na sinasabi ng mga anunsiyo sa mga máninigarilyó na ang kanilang bisyo ay ligtas. Halimbawa, isang anunsiyo kamakailan sa isang magasin sa Brazil ang nagpakilala sa pagdating ng isang marka ng sigarilyo na “may kasamang garantiya ng pagawaan.” Ganito ang pagtiyak ng anunsiyo: “Ang iyong kotse ay may garantiya; ang iyong TV ay may garantiya; ang iyong relo ay may garantiya. May garantiya rin ang iyong sigarilyo.” Gayunman, gaya ng binabanggit ng anunsiyo at pinatutunayan ng mga máninigarilyóng may talamak na karamdaman, ang tanging garantiya ay na “ang paninigarilyo ay nakapipinsala sa kalusugan.”
[Larawan sa pahina 19]
Ang pangunahing target—mga kababaihan sa nagpapaunlad na mga bansa
[Credit Line]
Larawan ng WHO kuha ni L. Taylor
[Larawan sa pahina 20]
Hindi alam ang mga panganib?
[Credit Line]
WHO