Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 10/22 p. 21-24
  • Sigarilyo—Tinatanggihan Mo ba Ito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sigarilyo—Tinatanggihan Mo ba Ito?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ipinatupad ang mga Paghihigpit
  • Mga Bata​—Walang Kalaban-labang mga Biktima
  • Nagbagong Pangmalas
  • Mga Benta sa Ibang Bansa
  • Milyun-Milyong Buhay ang Naging Abó
    Gumising!—1995
  • Mga Ahente ng Kamatayan—Parokyano Ka Ba?
    Gumising!—1989
  • Bakit Dapat Huminto sa Paninigarilyo?
    Gumising!—2000
  • Kasalanan Ba ang Paninigarilyo?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 10/22 p. 21-24

Sigarilyo​—Tinatanggihan Mo ba Ito?

Ang bansa na nagpalaganap ng tabako sa daigdig ay nangunguna sa pagbababala sa mga panganib nito.

“ANG tabako,” ang sulat ng isang mananalaysay, “ay walang literal na kasaysayan bago matuklasan ang Amerika.” Inalok ito ng mga katutubo sa Caribbean kay Columbus. Ang pagluluwas nito ang tumiyak sa pananatili ng Jamestown, ang unang permanenteng tirahan ng mga Britano sa Hilagang Amerika. Ang benta nito ang tumulong sa pananalapi sa Amerikanong Rebolusyon. At ang naunang mga pangulo ng Estados Unidos na sina George Washington at Thomas Jefferson ay may mga taniman ng tabako.

Nito lamang huling mga panahon, ginamit ng Hollywood ang mga sigarilyo bilang sagisag ng pag-iibigan, alindog, at pagkalalaki. Ipinamigay ng mga sundalong Amerikano ang mga ito sa mga taong nakikilala nila sa mga bansa kung saan sila nakikipagdigma. Diumano pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, ang mga sigarilyo ay ginamit na pamalit “mula sa Paris hanggang sa Peking.”

Subalit nagbago na ang mga bagay-bagay. Noong Enero 11, 1964, inilabas ng surgeon general sa Estados Unidos ang 387-pahinang ulat na iniuugnay ang paninigarilyo sa emphysema, kanser sa baga, at iba pang malulubhang sakit. Hindi nagtagal ay ipinag-utos ng pederal na batas na ilagay ang babalang “Caution: Cigarette Smoking May Be Hazardous to Your Health” sa lahat ng pakete ng sigarilyo na ipinagbibili sa Estados Unidos. Ngayon, sinasabing ang paninigarilyo ang sanhi ng tinatayang pagkamatay ng 434,000 sa isang taon sa Estados Unidos. Iyan ay mas marami sa bilang ng mga Amerikanong namatay sa digmaan noong nakalipas na siglo!

Ipinatupad ang mga Paghihigpit

Sa mahigit na sampung taóng nakalipas, ang Aspen, Colorado, isang kilalang bakasyunan kung taglamig, ay nagbawal sa paninigarilyo sa mga restawran nito. Sapol noon, naging karaniwan ang mga lugar na walang naninigarilyo sa mga restawran, dako ng trabaho, at iba pang pampublikong lugar. Ilang taon pa lamang ang nakararaan, isang taga-California ang nagtanong sa kaniyang anak na babae kung saan ang lugar na walang naninigarilyo sa isang restawran sa Virginia. “Itay,” ang sagot niya, “lugar ito ng mga tabako!” Nang sumunod niyang pagdalaw, kalahati ng restawran na iyon ang reserbado para sa mga hindi naninigarilyo. Kamakailan lamang, wala ni isa man siyang nakitang naninigarilyo roon.

Subalit ang pagkakaroon ng hiwalay na mga lugar para sa mga naninigarilyo ay hindi nakalutas sa problema. Ang naglalakihang billboard na tinangkilik ng estado sa kahabaan ng malalaking haywey sa California ay nagtatanong ng ganito: “Sa palagay mo ba’y alam ng usok kung paano manatili sa lugar na para sa mga naninigarilyo?”

Nang ipagbawal ng New York City ang paninigarilyo sa mas malalaking restawran nito, nagprotesta ang mga may-ari na ito’y magpapaasiwa sa mga turista mula sa Europa kung saan, anila, ay may kakaunting mga batas tungkol sa paninigarilyo. Subalit, natuklasan ng isang mas naunang surbey na 56 na porsiyento ng mga Amerikano ay mas malamang na magpunta sa mga restawran na hindi maaaring manigarilyo, samantalang 26 na porsiyento lamang ang hindi gaanong gagawa nito.

Isang paskil sa mga kotse ng subway sa New York City ang kababasahan ng ganito: “Sa anumang wika ay iisa ang mensahe: Walang maninigarilyo kailanman, saanman, sa aming mga istasyon o sa aming mga tren. Salamat.” Sinabi ng paunawang ito ang mensahe hindi lamang sa wikang Ingles kundi sa 15 iba pang wika.

Ganiyan ba talaga kahalaga ito? Oo. Kung 300 katao ang mamamatay sa isang malaking sakuna, ito’y mapapabalita sa loob ng ilang araw, marahil ay mga linggo pa nga. Subalit isang artikulo sa The Journal of the American Medical Association ang nagsabi na tinatayang 53,000 Amerikano ang namamatay taun-taon dahil sa matagalang resulta ng paglanghap ng usok ng sigarilyo ng ibang mga tao. Ginagawa niyan, ayon dito, ang paglanghap ng usok ng sigarilyo mula sa iba, o mula sa kapaligiran, na “ikatlong nangungunang maiiwasang sanhi ng kamatayan, kasunod ng tuwirang paninigarilyo at pag-inom ng alak.”

Mga Bata​—Walang Kalaban-labang mga Biktima

Kumusta naman ang paninigarilyo sa tahanan? Ganito ang sabi ng Healthy People 2000, isang lathalain ng gobyerno sa Estados Unidos na nagtatakda ng mga tunguhin upang mabawasan ang “maagang pagkamatay at hindi kinakailangang sakit at pagkabalda”: “Ang paggamit ng tabako ang sanhi ng mahigit na isang kamatayan sa bawat anim na namamatay sa Estados Unidos at ang pinakanangungunang maiiwasang sanhi ng kamatayan at sakit sa ating lipunan.”

Ganito pa ang sabi nito: “Ang paninigarilyo sa panahon ng pagdadalang-tao ang may kagagawan sa 20 hanggang 30 porsiyentong pagbaba ng timbang ng mga sanggol, hanggang 14 na porsiyento ng mga isinisilang na wala sa buwan, at halos 10 porsiyento ng lahat ng pagkamatay ng mga sanggol.” Sinabi nito, na ang mga inang naninigarilyo ay makapagpapasa ng mga sangkap ng usok ng sigarilyo, hindi lamang sa pamamagitan ng pagpapasuso sa sanggol o paninigarilyo nang malapit sa sanggol kundi sa pamamagitan din ng “paglalagay sa sanggol sa isang silid kung saan may taong kapapanigarilyo pa lamang.”

Nasasangkot din ang mga ama. Ganito ang payo ng publikasyon ding iyon: “Kung ang mga tao na malapit sa mga bata ay maninigarilyo, dapat silang manigarilyo sa labas ng bahay o sa mga lugar na hindi mapapadpad ang hangin sa mga lugar kung saan naroroon ang bata.” Ang panganib ay nadaragdagan sa pagdami ng mga may sapat na gulang na naninigarilyo sa iisang silid at sa dami ng hinihitit na sigarilyo. Kaya, si Joycelyn Elders, dating surgeon general ng Estados Unidos, ay nagsabi: “Ang inyong mga anak ang walang kamalay-malay na mga biktima ng inyong pagkasugapa.”

Nanganganib din ang ibang tao. Ipinakita ng isang komersiyal sa telebisyon na tinangkilik ng estado sa California ang isang matandang lalaking nag-iisa. Sinabi niya na lagi siyang ‘pinagsasabihan’ ng kaniyang asawang babae tungkol sa kaniyang paninigarilyo. “Tinakot pa nga niya ako na hindi na ako hahalikan kung hindi ako hihinto. Sinabi ko na ito’y aking mga baga, at ito’y aking buhay. Subalit nagkamali ako. Hindi ako huminto. Hindi ko natanto na hindi pala buhay ko ang masasawi . . . Ang buhay niya.” Habang nakatingin nang napakalungkot sa kaniyang larawan, ganito pa ang nasambit ng matandang lalaki: “Ang aking asawa ang aking buhay.”

Nagbagong Pangmalas

Ang gayong mga babala ang nagbawas nang malaki sa paninigarilyo sa Estados Unidos. Nakapagtataka naman, tinatayang 46 na milyong Amerikano​—49.6 porsiyento ng mga naninigarilyo​—ang huminto!

Gayunman, ang mga industriya ng tabako ay may malalaking badyet para sa pag-aanunsiyo at sila’y nakikipaglaban. Ang pagbaba sa paninigarilyo ay bumagal. Ganito ang sinabi ni Joseph A. Califano, Jr., ng Center on Addiction and Substance Abuse sa Columbia University sa New York: “Ang pinakamalaking panganib sa kalusugan ng mga tao mula sa industriya ng tabako [ay] ang paggamit nito ng anunsiyo at pamamaraan sa pagbebenta na itinutok sa mga bata at mga tin-edyer na kumakatawan sa bagong sibol ng mga sugapa sa nakamamatay na mga produkto nito.”

Ganito ang sabi ng The Journal of the American Medical Association: “Tinatayang may 3000 kabataan, ang karamihan ay mga bata at mga nagbibinata at nagdadalaga, ang naging regular na naninigarilyo araw-araw. Kinakatawan nito ang halos 1 milyong bagong mga naninigarilyo taun-taon na bahagyang pumapalit sa humigit-kumulang 2 milyong naninigarilyo na alin sa humihinto o namamatay taun-taon.”

Mahigit sa kalahati ng lahat ng naninigarilyo sa Estados Unidos ang nasa edad na 14. Si David Kessler, komisyonado ng U.S. Food and Drug Administration, ay nagsabi na sa 3,000 bata na nagsisimulang manigarilyo araw-araw, halos 1,000 di-magtatagal ang mamamatay sa mga karamdamang may kaugnayan sa paninigarilyo.

Kung nakababahala sa iyo ang gayong bilang, makabubuting tandaan na tinutularan ng ating mga anak ang ating halimbawa. Kung hindi natin ibig silang manigarilyo, hindi rin tayo dapat manigarilyo.

Mga Benta sa Ibang Bansa

Bagaman ang paggamit ng sigarilyo sa Estados Unidos ay bumaba, ang benta sa ibang bansa ay lumalaki. Iniulat ng Los Angeles Times na “ang mga iniluluwas ay dumami nang tatlong ulit at ang mga benta mula sa mga planta ng tabako sa Estados Unidos sa ibang bansa ay lumaki.” Sinabi ng The New England Journal of Medicine na sa mga bansang nagpapaunlad ay “may babahagyang pagdiriin sa mga panganib ng paninigarilyo,” anupat nagpapahintulot sa mga kompanya ng tabako na “mabilis na makapasok sa mga pamilihan sa ibang mga bansa.”

Subalit, sinabi ni Patrick Reynolds, anak na lalaki ni R. J. Reynolds, Jr., at apo ng nagtatag ng kompanya na gumagawa ng mga sigarilyong Camel at Winston, na 1 sa 5 namamatay sa Estados Unidos ay dahil sa paninigarilyo. Iniulat din na sinabi ni Reynolds na ang paninigarilyo ang sanhi ng mas maraming pagkamatay taun-taon kaysa namamatay dahil sa cocaine, alkohol, heroin, sunog, pagpapatiwakal, pagpatay, AIDS, at mga aksidente sa sasakyan na pinagsama at ito ang kaisa-isang pinakamaiiwasang sanhi ng kamatayan, sakit, at pagkasugapa sa ating kapanahunan.

Hindi ba’t waring kakatwa na ang bansang nagturo sa daigdig na manigarilyo ay nagkakaroon ng tumitinding pambansang pagsalungat sa paggamit ng tabako? Kung gayon nga, makabubuting tanungin ang ating sarili, ‘Sino ang higit na nakaaalam?’

Isinalaysay ng magasing Modern Maturity ang tungkol sa isang babae na nanigarilyo sa loob ng mahigit na 50 taon. Ganito ang sabi niya: “Kapag nagumón ka, talagang gumón ka.” Subalit naiwaksi niya ang maling saloobin hinggil dito na nagtulak sa kaniya sa pasimula na manigarilyo, sinuri niya ang kaniyang mga pagdadahilan para ipagpatuloy ito, at siya’y huminto.

“Subukin ninyo,” ang sulat niya. “Ang ganda ng pakiramdam.”

[Blurb sa pahina 21]

“Tinataya na noong mga taon ng 1990 sa maunlad na mga bansa, ang tabako ang magiging sanhi ng humigit-kumulang 30 porsiyento ng lahat ng pagkamatay ng mga taong ang edad ay 35 hanggang 69, nagpapangyari rito na maging ang pinakapangunahing nag-iisang sanhi ng maagang pagkamatay sa maunlad na mga bansa.”​—NEW ENGLAND JOURNAL OF MEDICINE

[Kahon/Larawan sa pahina 22]

MGA BABALA SA KANSER

Ang sumusunod na mga babala ay mula sa brosyur ng American Cancer Society na Facts on Lung Cancer at Cancer Facts & Figures​—1995:

• “Ang mga asawang babae na hindi naninigarilyo ay 35% ang kahigitang manganib na magkaroon ng kanser sa baga kung naninigarilyo ang kanilang mga asawang lalaki.”

• “Ang sanhi ng tinatayang 90% ng mga kaso ng kanser sa baga sa kalalakihan at 79% sa kababaihan ay paninigarilyo.”

• “Para sa isang naninigarilyo ng 2 pakete sa isang araw na nanigarilyo sa loob ng mahigit na 40 taon, ang pagkamatay dahil sa kanser sa baga ay halos 22 ulit na mas mataas kaysa hindi naninigarilyo.”

• “Ang pinakamainam na panlaban sa kanser sa baga ay huwag kailanman magsimulang manigarilyo, o huminto agad.”

• “Wala talagang sigarilyong hindi nakapipinsala.”

• “Ang pagnguya ng maskada o snuff ay nagpapalaki sa panganib ng pagkakaroon ng kanser sa bibig, gulunggulungan, lalamunan, at lalaugan at ito’y lubhang nakasusugapang bisyo.”

• “Ang karagdagang panganib ng kanser sa pisngi at gilagid ay maaaring humantong sa halos makalimampung ulit na kahigitan sa matagal nang gumagamit ng maskada.”

• “Ang mga taong huminto nang manigarilyo, anuman ang kanilang edad, ay mas mahaba ang buhay kaysa mga taong patuloy na naninigarilyo. Ang mga naninigarilyo na huminto na bago ang edad na 50 ay limampung porsiyento lamang ang panganib na mamatay sa susunod na 15 taon kung ihahambing sa mga patuloy na naninigarilyo.”

[Kahon/Larawan sa pahina 24]

ANG PROBLEMA NG MGA MAGSASAKA

Sa loob ng mahabang panahon nasuportahan ng tabako ang kabuhayan ng mga pamilyang may napakaliit na mga bukirin na may ibang tanim. Maliwanag na ang bagay na ito ay naghaharap ng suliranin sa budhi ng maraming tao. Si Stanley Hauerwas, isang propesor ng etika sa teolohiya sa Duke University, isang paaralan na itinatag ng isang maipluwensiyang may-ari ng tabakuhan, ay nagsabi: “Sa palagay ko ang matinding paghihirap ng mga tao na nagtatanim ng tabako ay . . . nang itanim nila ito, hindi nila alam na ito’y makapapatay ng tao.”

[Larawan sa pahina 23]

Ang usok ay hindi nananatili sa mga lugar para sa mga naninigarilyo

[Larawan sa pahina 23]

Ang paninigarilyo sa panahon ng pagdadalang-tao ang sanhi ng halos 10 porsiyento ng lahat ng pagkamatay ng mga sanggol

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share