Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 10/22 p. 26-27
  • Isang Lentehas na Nakalulumpo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Lentehas na Nakalulumpo
  • Gumising!—1989
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kababaihan ng India—Patungo sa Ika-21 Siglo
    Gumising!—1995
  • Paraan Para Maging Mas Malusog
    Gumising!—2015
  • Nasubok ang Pananampalataya ng Isang Pamilya
    Gumising!—2004
  • Chagas’ Disease—Isang Nakamamatay na Sakit
    Gumising!—1992
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 10/22 p. 26-27

Isang Lentehas na Nakalulumpo

Ng kabalitaan ng Gumising! sa India

HALOS nakalimutan ng binatang magsasaka sa India ang biglang mga kirot na gumigising sa kaniya sa pagkatulog mga ilang linggo na ang nakalipas. Sa loob ng mga ilang gabi ang mga kalamnan niya sa paa ay naninigas, at siya ay pinupulikat na tumatagal na mula 10 hanggang 15 minuto. Subalit ngayong umaga, pagkagising at pagtayo niya, bigla siyang nabuwal sa lupa. Sa loob lamang ng mga ilang oras ang kaniyang mga paa ay tumigas at bumigat, at ang kaniyang mga hakbang ay naging paalug-alog at asiwa.

Walang kaalam-alam ang binata na siya ay dumaranas ng maagang mga yugto ng nakalulumpong sakit na tinatawag na lathyrism. Hinding-hindi niya aakalain na ang kaniyang araw-araw na pagkain ng isang lentehas, kilala rito bilang pulse, ang dahilan. (Mangyari pa, ang ibang uri ng lentehas ay masustansiya at nakalulusog.)

Isang Lason sa Pulse Ang karamdaman, na nakakaapekto sa libu-libo sa India, ay hinango ang pangalan nito sa isang matigas na gulay na buto na kilala bilang Lathyrus sativus. Karaniwan nang kilala ito ng mga taga-India bilang khesari dal, subalit mayroon pang ibang lokal na pangalan. Karaniwan nang ito’y ginigiling na parang arina at nirorolyo upang maging rotis, isang plat na tinapay na walang lebadura. Kadalasang ito’y nilalaga at kinakain na parang lugaw. Gayunman, alinman sa lutong ito ay hindi nag-aalis sa lason na nakakaapekto sa sistema nerbiyosa at nagdadala ng walang lunas na pagkalumpo, ang lathyrism.

Ang mga batang lalaki, dahil sa kanilang likas na malakas na gana, ang lalong madaling tablan ng sakit na ito. Sa kabilang dako, iilang babae lamang ang nagkakasakit nito sapagkat ang mga hormone ng babae ay waring nagbibigay ng ilang proteksiyon. Ang maagang sintomas ng sakit ay kinabibilangan ng kirot at mga pulikat ng kalamnan. Kung ang pagkain ay babaguhin sa puntong ito, ang sakit ay maaaring hadlangan. Kung hindi, ito ay lulubha hanggang sa ang sakong ng biktima ay hindi na sumasayad sa lupa kapag siya ay humahakbang, at siya ay lalakad sa kaniyang mga daliri sa paa na nakabaluktot ang tuhod at sumasayad na bukung-bukong. Sa grabeng anyo, hahadlangan ng sakit ang lahat ng pagsisikap na lumakad, at ang biktima ay kailangang gumapang o kikilos sa paglilipat ng kaniyang timbang sa kaniyang mga kamay.

Kapag ang sakit ay nakarating na sa yugtong ito, ang epekto nito ay mapangwasak. Ang dati-rating mabungang kumikita para sa pamilya at tagapaglaan ng pamilya ay maaaring mauwi sa isang pasanin ng lipunan sa nalalabing bahagi ng buhay niya. Subalit bakit patuloy na nilulumpo ng sakit na ito ang mga biktima gayong ang sanhi at pag-iwas dito ay alam na mga 200 taon na ang nakalipas?

Bakit Napakalaganap? Ang lathyrism ay isang sakit panlipunan at pangkabuhayan. Sang-ayon sa National Institute of Nutrition ng India, 75 porsiyento ng mga maysakit na lathyrism ay mga manggagawang walang lupa, kadalasan nang may utang sa may-ari ng lupa. Sa halip ng kabayarang salapi, ang mga manggagawang ito ay binabayaran ng mga binutil na pagkain, kabilang na ang Lathyrus pulse. Ginagamit ng mga may-ari ng lupa ang pulse sapagkat madali itong tumubo, at ang mga sanga at dahon nito ay maaaring ipakain sa mga baka. Sa panahon ng kagipitan, ang mga manggagawa ay tumatanggap lamang ng Lathyrus pulse.

Nagugustuhan ng iba ang matamis na lasa nito at sanáy na sa pagkain nito nang palagian. Hindi naman maipagbili o maipagpalit ng iba ang pulse kaya ito ang kinakain nila upang makaraos. Yaong mga hindi makakuha ng ibang pagkain ay kumakain ng marami nitong nakalulumpong pulse. Kapag dalawang-katlo o higit pa ng pang-araw-araw na pagkain ay Lathyrus, malamang na magsimula ang sakit.

Bagaman ipinagbawal ng maraming estado ang pagbibili ng Lathyrus pulse at ang paggamit nito bilang pasuweldo, ang pagkaing buto na ito ay malamang na hindi agad maglalaho sa pagkain ng mga taga-India. Halos 1 milyong ektarya ng mga taniman ng India ay natatamnan pa rin ng Lathyrus. At walang makahahadlang sa masakim na mga negosyante na ihalo ito sa iba pang mga binutil at ipagbili ang produkto sa walang kahina-hinalang mga mamimili sa mga lungsod.

Mayroon bang Lunas? Ang mga autoridad ay naniniwala na upang malutas ang problema, kinakailangan ang masinsinang edukasyon tungkol sa lathyrism at mga pangganyak sa mga may-ari ng lupa na magtanim ng ibang pananim. Halimbawa, nasumpungan ng mga mananaliksik na mula 80 hanggang 90 porsiyento ng lason ay maaalis sa pamamagitan ng pagbababad ng pulse sa bagong kulong tubig nang mga dalawang oras, pagkatapos ay salain at hugasan sa sariwang tubig. Pagkatapos ang pulse ay maaaring ibilad sa araw para sa gamit sa hinaharap.

Ang gayong kaalaman at iba pang administratibong mga hakbang ay makatutulong. Subalit malamang, ang lathyrism ay mananatili sa India hanggang sa maalis ang kasakiman ng tao at matutuhan ng mga tao sa lahat ng dako na hanapin, hindi ang kanila lamang pakinabang, kundi rin naman ang sa iba. Para sa katuparan niyan dapat tayong tumingin sa kabila pa ng kasalukuyang di-makatarungang sistema doon sa ipinangakong matuwid na bagong sanlibutan na gagawin ng Diyos.​—2 Pedro 3:13.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share