Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 7/22 p. 16-19
  • Ang Kababaihan ng India—Patungo sa Ika-21 Siglo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Kababaihan ng India—Patungo sa Ika-21 Siglo
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bagong mga Pagkakataon sa Trabaho
  • Mga Pagbabago sa Larangan ng Pag-aasawa
  • Kumukuha ng Higit na Pansin ang mga Sanggol na Babae
  • Mga Pagkakaiba sa Lalawigan at sa Lungsod
  • Tungo sa Ika-21 Siglo!
  • Ang Bumuting Kalagayan ng mga Babae sa Modernong Panahon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Respeto at Dignidad sa Ilalim ng Pangangalaga ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Mga Babaing Lubhang Nagpapagal sa Panginoon”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Mga Babae—Sila ba’y Iginagalang Ngayon?
    Gumising!—1992
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 7/22 p. 16-19

Ang Kababaihan ng India​—Patungo sa Ika-21 Siglo

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA INDIA

Sila’y matataas, sila’y maliliit. Sila’y balingkinitan, sila’y matataba. Sila’y palabiro, sila’y masungit. Sila’y napakayaman, sila’y dukhang-dukha. Sila’y lubhang edukado, sila’y ganap na mangmang. Sino sila? Ang kababaihan ng India. At saan sila patungo? Sila’y patungo sa ika-21 siglo.

PARA sa karamihan ng mga tao na nakatira sa labas ng India, ang larawan ng isang babaing taga-India ay isa na kahali-halina, maganda, misteryoso, at kaakit-akit. Maraming lalaki ang nagtutungo sa India upang humanap ng asawa, dahil sa palagay na ang mga babaing taga-India ay mas malamang na maging mapagpasakop, upang palugdan ang kanilang mga asawa, at maging mabuting mga maybahay kaysa kanilang mas malasariling mga kapatid na babae sa Kanluran. Gayunman, mahirap ilarawan ang isang karaniwang babaing taga-India sa napakaraming populasyong ito ng iba’t ibang etniko, relihiyoso, at sosyal na pinagmulan. Lahat ng uri ng kababaihan ay nakatira sa kahali-halinang lupaing ito.

Ang kasaysayan ng India ay isa sa maraming kultura na mapayapa o sapilitang pinagsama. May pala-palagay tungkol sa kung saan nanggaling ang unang mga maninirahan, ang mga Dravidian. Ang kanilang pinagmulan ay tila ba ang halo ng Australiano at mga taong tagatimog ng Mediteraneo, na may partikular na kaugnayan sa Creta. Samantalang ang mga Aryan at mga Persiano ay lumipat sa India mula sa hilagang-kanluran at ang mga Mongol mula sa hilagang-silangan, ang mga Dravidian ay umurong patimog. Kaya karaniwan nang masusumpungan natin na ang kababaihan sa Timog ng India ay mas maliliit ang pangangatawan at mas maiitim kaysa mga babae sa hilaga, na mas matangkad at mas maputi ngunit may gayunding maitim na buhok at mata. Ang mga tao sa hilagang-silangan ay kadalasang may Silanganing katangian.

Ang relihiyon ay gumanap ng isang malaking bahagi sa pagtatatag ng katayuan ng kababaihan sa India. Sapagkat ang makabagong India ay isang sekular na estado, ginagawa ang lahat ng pagsisikap upang baguhin ang tradisyunal na mga palagay na humadlang sa kababaihan na sumulong. Malalaking hakbang ang isinagawa upang dagdagan ang mga pagkakataon sa edukasyon, hindi lamang sa mayayaman o maimpluwensiyang mga babae kundi para sa lahat. Ang mga klase sa pagtuturong bumasa’t sumulat, mga pagsasanay sa trabaho sa mga nayon, at libreng edukasyon para sa mga batang babae ay nagpapabuti sa dignidad ng kababaihan sa India.

Noong Hunyo 22, 1994, sa estado ng Maharashtra, isang malaking pagsulong ang nagawa nang isang patakaran ng pamahalaan para sa kababaihan ay ilabas. Inilarawan bilang “makasaysayan” at “makabago” ng pangalawang pangulo ng India, si K. R. Narayanan, ito’y nakatuon sa pangunahing mga suliranin ng kababaihan, gaya ng karapatan sa magkasamang pagmamay-ari, pagka-katiwala, mga benepisyo sa pabahay, at pantay na pagkakataon sa trabaho.

Habang ang mga kababaihan ay pumapasok sa kolehiyo at sa trabaho, hindi na natatakdaan sa bahay, ang mga suliranin tungkol sa mga pagbabago sa moralidad ay ibinangon. Lumitaw ang mga ulat tungkol sa pag-abuso sa droga at sa paghina ng moral sa mga kolehiyo. Ang media ay gumaganap ng mahalagang bahagi sa pagbabago ng ilang nakababatang kababaihan ng India. Inihahambing ang mga pelikula sa India mga 30 taon na ang nakalipas sa ngayon, nasusumpungan ng marami na ang paglalarawan sa kababaihan ay lubhang nagbago. Isang babaing taga-India ay nagkomento: “Ang dating mahinhin, magiliw, mapagsakripisyo-sa-sariling bidang babae ng mga pelikula nang ako’y nag-aaral pa ay napalitan ng makabagong babae na, kapag nalulungkot, nilalayasan ang kaniyang asawa at mga biyenan at nakikibaka para sa kaniyang mga karapatan at sa kaniyang kalayaan.”

Subalit ang India, sa kabuuan, ay katamtaman pa rin sa paggawi at pananamit kung ihahambing sa maraming bansa. Ang pinakakaraniwang isinusuot na damit, ang magandang sari, ay may kahinhinang tumatakip sa halos buong katawan. Sa nakababatang mga babae, lalo na sa hilaga, ang shalwar-kameez, isang maluwang na damit na isinusuot sa ibabaw ng uring-padyamang pantalon, ay popular. Ang Kanluraning mga kausuhan, pangunahin nang makikita sa Bombay, Goa, at Calcutta, ay karaniwang mahinhin ang istilo at haba.

Bagong mga Pagkakataon sa Trabaho

Anong uri ng trabaho ang bukás sa kababaihan ng India habang sila’y patungo sa ika-21 siglo? Ang malaking bahagi ng populasyon ng India ay nakatira sa mga nayon, at ang kanilang trabaho ay pagsasaka. Milyun-milyon ang nagtatrabaho sa mga bukid. Ang mga babae ay nagtatrabaho na kasama ng mga lalaki sa paggawa ng lahat ng uri ng trabaho sa bukid. Nagdadala rin sila ng tubig sa malalayong distansiya mula sa mga ilog at mga balon at nagpapagal sa pangangahoy para panggatong. Sa panahon ng pagtatrabaho, ang mga sanggol ay kilik-kilik sa balakang o nakahiga sa mga duyan na nakatali sa mga puno.

Simula sa pagpasok ng ika-20 siglo, ang mga pamilya sa kabukiran ng India ay dumagsa sa mga lungsod sa paghahanap ng trabaho. Ang mga babae ay nagtrabaho sa mga pagawaan at pabrika ng tela. Gayunman, ang modernisasyon ng industriya ay nakaapekto sa mga manggagawang babae kaysa mga lalaki. Ang mga lalaki’y sinanay upang magpatakbo ng mga makina, subalit ang mga babae ay hindi. Ito’y nagdulot ng labis na pahirap sa kababaihan. Sila’y naging tagabuhat ng mga materyales sa mga dako ng konstruksiyon, tagahila ng mga kariton na punô ng mabibigat na sako, nagbebenta ng segunda-manong mga damit, o gumagawa ng ibang trabaho na mababa ang sahod.

Ang mga repormador na panlipunan ay gumawa ng mga pagsisikap na pagbutihin ang pamumuhay ng kababaihan. Ang mga kilusan na gaya ng SEWA (Self-Employed Women’s Association) ay biglang lumitaw, ang kanilang tunguhin ay tulungan ang mga manggagawang babae na walang pinag-aralan na pangalagaan ang kanilang kalusugan upang sila’y makapagtrabaho, magkaroon ng sapat na edukasyon upang maiwasang masilo sa tiwaling mga gawain, pagbutihin ang kanilang mga kasanayan sa trabaho, at matutong mag-ipon ng pera upang magkaroon ng kanilang sariling kapital at iwasan ang mataas na interes ng walang-konsiyensiyang mga nagpapautang ng pera. Nang tanungin tungkol sa paggamit ng pagiging babae bilang isang kagamitang panlipunan, ang kilalang sosyologo na si Zarina Bhatti ay nagsabi: “Sa India ang pagiging babae ay nangangahulugan ng pakikinig sa mga suliranin ng mga babae, pag-organisa sa kanila, pagsisikap na maghatid ng teknikal na edukasyon sa kanila pati na ng edukasyon sa kalusugan at pagkain.”

Kasabay nito, ang mga palagay ay nagbabago tungkol sa kalagayan ng edukadong mga babae mula sa mayayamang pamilya na itinuturing na nakatataas sa antas sa lipunan, gayundin ang mga babae mula sa karaniwang-uring mga pamilya. Ngayon ang kababaihan na may mataas at karaniwang pinagmulan ay masusumpungan sa lahat ng larangan ng gawain, hindi lamang sa pagtuturo o medisina. Sila’y may mga karera bilang mga piloto ng eruplano, mga modelo, mga stewardess, at mga pulis at masusumpungan sa matataas na ehekutibong posisyon. Sa loob ng maraming taon ang India ay nagkaroon ng isang babaing punong ministro, nahalal sa pinakamalaking demokrasya sa daigdig. Ang kababaihan sa India ay nanghawakan ng mga komisyon sa hukbong sandatahan at mga abugado at mga punong mahistrado, at libu-libo ang pumasok sa pangangalakal bilang mga negosyante.

Mga Pagbabago sa Larangan ng Pag-aasawa

Dahil sa hilig na ito tungo sa malayang pagtatrabaho, ano ang palagay ng makabagong babaing taga-India tungkol sa pag-aasawa? Ang ika-19 at ika-20 siglo ay nagdala ng malaking pagbabago para sa may-asawang mga babae sa India. Ang sinaunang kaugaliang tinatawag na suttee, na doon ang isang biyuda ay kusang magsusunog ng sarili sa sigâ na pinagsunugan ng bangkay ng kaniyang asawa, ay inalis sa ilalim ng pamamahalang Britano. Ang pag-aasawa ng mga bata pa ay ipinagbawal ng batasan anupat sa ngayon ang isang batang babae na wala pang 18 anyos ay hindi maaaring legal na mag-asawa. Ang paghiling ng dote mula sa pamilya ng babae ay legal din na ipinagbawal, subalit umiiral pa rin ang nakapipinsalang gawaing ito. Libu-libong kabataang babaing ikinasal ay pinaslang sa iba’t ibang paraan, dahil sa ang kanilang pamilya ay hindi makapagbigay ng sapat na dote o dahil sa mas malaking salapi ang makukuha mula sa ikalawang pag-aasawa.

Unti-unti, ang saligang mga dahilan ng mga kamatayan dahil sa dote ay nilulutas. Dati-rati, kapag nag-asawa, ang babaing taga-India ay sumasama sa kaniyang asawa sa bahay ng mga magulang ng lalaki at nananatili roon hanggang kamatayan niya. Hindi siya kailanman babawiin ng kaniyang mga magulang sa kanilang bahay. Palibhasa’y kulang ng pormal na edukasyon, hindi maiwan ng karamihan ng kababaihan ang tahanan ng kanilang asawa at magtrabaho upang tustusan ang kanilang sarili. Kaya ang kabataang mga babae ay kadalasang pinahihirapan at nanganganib sa mga banta ng kamatayan sa kanila, at kung ang kanilang mga magulang ay hindi makapagbigay ng higit na salapi o kalakal upang masiyahan ang sakim na mga biyenan, ang mga babaing ikinasal ay basta tahimik na naghihintay at nagtitiis sa kanilang huling hantungan, karaniwang isang isinaplanong nakamamatay na aksidente na doon isang kalan ay sumasabog o ang manipis na sari ay kinakain ng apoy, anupat namamatay siya dahil sa sunog.

Ngayon ang batasan, mga yunit ng babaing mga pulis, at mga hukuman ng mga babae at mga pangkat na umaalalay ay nag-aalok sa isang babaing may-asawa ng isang dakong mahihingan ng tulong kung inaakala niyang ang kaniyang buhay ay nanganganib. Palibhasa’y may higit na makukuhang edukasyon at mga pagkakataon sa trabaho na nabubuksan sa kanila, pinipili ng ilang kababaihan na huwag mag-asawa o mag-asawa sa dakong huli pagkatapos makagawa ng karera para sa kanilang sarili. Kaya nga, ang pagkaumaasa sa mga lalaki, kadalasang humahantong sa malupit na pagdodomina, ay hindi malaki na gaya ng dati.

Kumukuha ng Higit na Pansin ang mga Sanggol na Babae

Isa pang problema na nakaaapekto sa mga babae, at na nagbabago habang lumalapit ang ika-21 siglo, ay ang sobrang paghahangad sa mga anak na lalaki. Batay sa sinaunang relihiyosong mga turo, pati na ang mga pag-iisip sa kabuhayan, ang ideang ito ay kadalasang umakay sa pagpatay ng mga sanggol na babae at sa pagmaltrato sa mga batang babae sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mas kaunting pagkain, edukasyon, at pangangalagang pangkalusugan kaysa ibinibigay sa mga batang lalaki.

Kamakailan ang paggamit ng amniocentesis upang tiyakin ang sekso ng ipinagbubuntis na sanggol, na kadalasang humantong sa paglalaglag ng mga babae, ay naging palasak. Bagaman tinatakdaan ng batas, ang pamamaraan ay karaniwang isinasagawa pa rin. Gumagawa na ng mga pagsisikap upang baguhin ang pangmalas na mas piliin ang anak na lalaki.

Hinamak ng gawang-taong mga pilosopya ang mga babae sa maraming paraan. Ang pagtrato sa mga biyuda ay isang halimbawa. Sa sinaunang India, ang muling pag-aasawa ng mga biyuda ay tinatanggap. Subalit mula noong mga ikaanim na siglo C.E., tinutulan ito ng mga tagagawa ng batas, at ang kalagayan ng mga biyuda ay kahabag-habag. Palibhasa’y pinagkaitan na muling mag-asawa, kadalasa’y pinagnanakawan ng mga kamag-anak ng mga pag-aari ng kanilang namatay na asawa, tinatrato bilang isang sumpa sa pamilya, pinili ng maraming biyuda na magsunog ng sarili sa sigâ na pinagsunugan ng kaniyang asawa sa halip na ang buhay ng pang-aabuso at kawalang-dangal.

Mula noong dakong huli ng ika-19 na siglo, sinikap ng mga repormador na pagaanin ang mga pasanin ng mga kababaihang iyon, subalit ang malalim ang pagkakaugat na mga damdamin ay mahirap mawala. Sa maraming pamayanan ang kalagayan ng biyuda, kung minsan isang batang-batang babae na ang may edad nang asawa ay namatay, ay talagang miserable. Ganito ang sabi ni Dr. Saharada Jain ng Institute for Development Studies: “Ang trauma ng pagiging biyuda ay nag-uugat sa bagay na ang mga babae ay nakondisyon nang ang kanilang buong pagkatao ay nakasalalay sa katayuan ng asawang lalaki.” Gumagawa na ng mga pagsisikap upang tulungan ang mga biyuda na sumulong tungo sa ika-21 siglo taglay ang dangal.

Mga Pagkakaiba sa Lalawigan at sa Lungsod

May malaking pagkakaiba sa pagitan ng kababaihan sa lungsod sa kababaihan sa lalawigan. Tinatayang 25 porsiyento ng kababaihan sa lalawigan ay marunong bumasa’t sumulat; sa mga lungsod mas mataas na porsiyento ang nakikinabang mula sa mga paaralan at mga kolehiyo. Upang tulungan ang kababaihan sa lalawigan, ang mga social worker ay nagsasaayos ng mga klase na nagtuturong bumasa’t sumulat, pagsasanay sa pangangalagang-pangkalusugan, at mga panukala sa trabaho. Ang ilang gobyerno ng estado ay nagreserba ng 30 porsiyento ng mga trabaho sa sektor ng publiko, kooperatibang mga lipunan, at sa lokal na sariling-pamahalaan para sa mga babae. Sinisikap na bawasan ng mga kilusang pambabae ang kirot at hirap na dinaranas ng milyun-milyon sa India. Sa ilang antas ang mga ito ay naging matagumpay. Kaya, ano ang masasabi natin tungkol sa kinabukasan ng kababaihan sa India?

Tungo sa Ika-21 Siglo!

Nagbabago ba ang papel ng babaing taga-India habang siya’y patungo sa ika-21 siglo? Oo, at mabilis na nagbabago. Subalit nakakaharap ng kababaihan sa India ang isang kalagayan na nahahawig sa mga kapatid niyang babae sa buong daigdig. May pagsulong, ngunit mayroon ding mga sagwil. May pag-asa, ngunit may pagkasiphayo. May magagarang tahanan at maluhong mga istilo-ng-buhay, ngunit mayroon ding mga slum, walang-awang karukhaan, at nakamamanhid na gutom. Para sa milyun-milyon sapat na ang may pantawid-buhay. Ang iba ay tila nagtataglay ng lahat ng maiaalok ng daigdig. Para sa karamihan ang kinabukasan ay di-tiyak; sila’y may mga pangarap ngunit may mga pag-aalinlangan din.

Subalit, para sa ilan ang kinabukasan ay maningning na may pangako, lalo na para sa mga may pag-asa sa lupang Paraiso na darating sa ilalim ng paghahari ng Kaharian ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo Jesus. (Apocalipsis 21:1, 4, 5) Inaasam-asam nila na may lubos na pagtitiwala ang ika-21 siglo na doo’y lubusang tatamasahin ng kababaihan ang buhay.

[Larawan sa pahina 16]

Nagbubuhat ng mga ladrilyo tungo sa lugar na pinagtatayuan

[Larawan sa pahina 17]

Sumasalok ng tubig para sa gamit sa bahay

[Larawan sa pahina 18]

Pagpupulong na kasama ng mga lalaki

[Larawan sa pahina 18]

Nagpapatakbo ng computer

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share