Ang Taj Mahal—Bantayog sa Pag-ibig
Ito ay inilarawan bilang isang magandang hiyas, isang awit ng pag-ibig sa bato, ang katangi-tanging nakasulat sa lapida ng isang nagdadalamhating lalaki sa kaniyang namatay na asawa.
Isang daan at animnapung kilometro sa silangan ng Delhi, sa gawing hilaga ng India, ay ang lungsod ng Agra, kung saan nakatayo itong pinahahalagahang lubha na arkitekturang Muslim—ang Taj Mahal. Idinisenyo ng isang arkitektong Turko at yari sa puting marmol, ang magandang gusaling ito ay nakatayo bilang isang bantayog sa pag-ibig ni Shah Jahan para sa kaniyang paboritong asawa, si Mumtaz Mahal, na namatay noong 1631. Ang libingan ay kumuha ng mga 20 taon upang itayo at kinasangkutan ng halos 20,000 mga manggagawa.
Ang impluwensiyang Muslim ay malinaw na makikita sa maliliit na tore na ang taas ay umaabot ng 40.5 metro at sa mga teksto na hinango sa Qur’ān na nakapalamuti sa mga pader sa labas. Isang tahimik na lawa ay nagbibigay ng romantikong larawan sa musoleo, lalo na sa liwanag ng buwan o sa pagsikat at paglubog ng araw.
Ang matimyas na pag-ibig ng Shah sa kaniyang asawa ay nagpapagunita sa isa sa mga kapahayagan ng pag-ibig ni Haring Solomon para sa hindi makuhang Shulamitang babaing pastol, na masusumpungan sa Bibliya sa Awit ni Solomon.