Pagmamasid sa Daigdig
MGA LIMÓT NA BIKTIMA
Ang mga lalaking ang mga asawa, o mga kasintaha’y ginahasa ay tinatawag na mga limót na biktima. Ayon sa sikayatristang taga-London na si Anthony Bateman, ang mga lalaking ito ay nagdurusa ng malulubhang mga problema—gaya ng panlulumo, pag-usig ng budhi, at mga suliranin sa sekso—malaon pagkaraan ng krimen. Maaaring sila’y maging labis na mapagbantay, na sinasamahan ang biktima sa lahat ng dako o hinihilingan siyang mag-‘report’ sa pana-panahon. Iniulat na sinabi ni Dr. Bateman na ang gayong mga lalaki ay maaaring mangailangan ng masinsinang psychotherapy kung ibig nilang mapagtagumpayan ang nangyari.
MGA KONDOMINYUM PARA SA KABAYO
Sa timog-kanlurang Vancouver, Canada, ang mga mangangabayo ay inaalok ng mga kondominyum upang maging tirahan ng kanilang mga kabayo. Ang isang kabayo na may pribadong kondo ay makapagtatamasa ng isang 11-metro-kuwadradong kuwadra na may sariling tuberiyas na awtomatikong pinupunô ang isang inumang tason, bubong na gawa sa tisang cedro at dingding na gawa sa kahoy, at daanang papunta sa isang patyo. Ang tumataas na presyo ng mga lupa at ang kasunod na pagtaas ng mga buwis sa ari-arian ang nag-udyok ng pagtatayo ng proyektong ito ng mga-kondo-para-sa-kabayo. Ang presyong $26,000 (Canadian) ay maaaring makaakit sa mga nagbabayad ng “$300 o higit pa bawat buwan upang patirahin ang kanilang mga kabayo sa komersiyal na kuwadra sa mayamang dako ng Southlands,” ulat ng The Sunday Star.
SINALAKAY NG KALUPITAN
Hinihimok ng Samahan ng mga Guro sa Alemanya ang mga magulang at mga tagapagturo na hadlangan ang pagkalantad ng mga kabataan sa kalupitang itinatanghal ng media. “Ang nakababalisang pagluwalhati sa Satanismo, droga, kamatayan, at kalupitan” sa tugtuging hard rock at sa mga video ay maaaring gawing insensitibo ang mga kabataan sa karahasan at makapinsala sa kanilang emosyon, ang pag-aangkin ng pangulo ng samahan. Tila kakaunti lamang ang nalalaman ng mga guro at mga magulang tungkol sa nilalaman ng mga video at tugtuging hard rock. Iniuulat na isa sa bawat dalawang kabataan ay madalas na nanonood ng horror-video. Inuuri ng mga kabataan ang ganitong mga panoorin na alinman sa mabuti o napakabuti.
‘CURFEWS’ UPANG ITIGIL ANG KRIMEN
Upang ang mga kabataan ay manatili sa loob ng bahay paglampas ng alas-onse ng gabi, isang bayan sa Queensland, Australia, ang nagpatupad ng isang impormal na curfew. Positibo ang naging mga resulta nito. Nag-ulat ang mga pulis at lokal na mga membro ng konseho ng isang tiyak na pagbaba ng krimen sa lugar na iyon. Bilang resulta, sinisikap makuha ng pamahalaan ng Queensland ang pagsang-ayon ng Gabinete para sa pagpapatupad ng mga pagsubok na curfew sa lahat ng mga kabataang wala pang 15 taóng gulang. Ang plano ay manmanan ang dalawang pagsubok na curfew, isa sa siyudad at isa sa isang bayan sa lalawigan. Kung magiging positibo ang resulta ng mga pagsubok ng gayong curfew sa pagpapababa ng antas ng krimen, hihilingin sa pamahalaan na isaalang-alang ang paggawa ng batas na magtatakda ng mga curfew sa lahat ng mga kabataan sa buong estado.
PINSALA NG ‘RUGBY’ SA GULUGOD
Sa isang 23-taóng yugto kamakailan, isang ospital sa Timog Aprika ang humawak sa 88 mga kaso ng mga binatang nagkaroon ng malubhang mga pinsala sa gulugod habang naglalaro ng Rugby football. Kung minsan, ang mga pinsala ng Rugby ay dahilan sa lumilipad na tackle, bagaman karaniwan ay hindi kasingrahas ng impact ng tackle ng Amerikanong football. Isa pang panganib ay ang paglalabu-labo, iyan nga, kapag mahigpit na magkakulumpon ang mga manlalaro ng magkalabang mga koponan, at nagtutulukan sa pag-aagawan sa bola. “Napakadalas mangyari ang ganitong tanawin,” ulat ng South African Medical Journal. “Ang paglalabu-labo ay natatapos at, habang tumitindig ang mga manlalaro, isang manlalaro ang nakahandusay nang hindi gumagalaw. Susugod sa palaruan ang mga tauhan ng first-aid at maingat na ilalagay ang sugatang manlalaro sa stretcher at dinadala siya sa ospital. Ang kaniyang leeg ay bali, ang gulugod ay may pinsala at nananatili siyang permanenteng quadriplegic.” Nitong 1989 tatlong mag-aaral na lalaki sa Timog Aprika ang namatay habang naglalaro ng Rugby.
MAGASTOS NA PAGKAANTALA
Ang mga pagkaantala sa trapiko sa himpapawid sa Europa ay tinatayang nagkakahalaga kapuwa para sa airlines at mga pasahero nito ng $4 libong milyon bawat taon, ayon sa isang ulat mula sa German Airspace Users Association. Ang dahilan ng mga problema, iginigiit ng ulat, ay ang di-mahusay na paggamit ng himpapawid. Ang Europa ay may 44 na mga sentro ng pagkontrol ng trapiko sa himpapawid, kung ihahambing sa 20 para sa buong Estados Unidos. Ang paglikha ng isang pinagsama-samang sistema ng pagkontrol sa trapiko sa himpapawid para sa buong Europa ay magkakahalaga sa pagitan ng $5 libong milyon at $10 libong milyon, subalit ang gayong pamumuhunan ay lubusang mag-aalis sa lahat ng kasalukuyang mga pagkaantala sa pagkontrol ng trapiko sa himpapawid, sabi ng Financial Times ng London. Ang kasalukuyang kakulangan ng koordinasyon ay nagbubunga ng pagbibigay sa mga eruplano ng hindi mahuhusay na flight altitudes at ruta, anupa’t pinahahaba ng 10 porsiyento ang karaniwang flight sa Europa kaysa kinakailangan.
PANANALO AT PAGKATALO
Sa ilalim ng paulong “Ang Pagkakaroon ng Suwerte Ay Maaaring Nakamamatay,” iniulat ng pahayagang O Estado de São Paulo ng Brazil ang kalunos-lunos na karanasan ng isang nanalo sa loterya kamakailan. Bilang kaisa-isang nanalo sa loterya, tumanggap siya ng 930,000 Novos Cruzados (halos $400,000, U.S.). Gayumpaman, pagkaraan, ang lalaking ito ay nakatanggap rin ng malungkot na balita na tatlo sa kaniyang mga kamag-anak ay pinatay ng mga magnanakaw na naghahanap ng ilan sa salaping napanalunan sa loterya.
MGA KASAL NA IPINAGBIBILI
Ang mga turistang Hapón na naglalakbay patungong Europa ay nakabili ng tour packages kalakip ang kasal sa isang simbahang Katoliko. Sa kabila ng mga protesta mula sa Vatican laban sa “pagnenegosyo sa sagradong seremonya ng kasal,” isang lumalaking bilang ng mga di-Katolikong magkasintahang Hapones “ang sumailalim ng seremonya ng kasal sa mga simbahan sa Italya at Pransiya,” ulat ng The Daily Yomiuri. Ang Vatican ay nababalisa sapagkat ang kanilang mga pari ay pinag-utusang magsagawa lamang ng kasal para sa mga Romano Katoliko o yaong mga tumanggap ng pagtuturo sa pananampalatayang Katoliko. Gayumpaman, ang mga Hapones na ahensiya sa paglalakbay, ay nakalusot sa patakaran ng simbahan sa pamamagitan ng pagpili “sa di-gaanong mahihigpit na mga simbahan upang magsagawa ng gayong mga kasal.”
PANGMATAGALANG MGA BALANG
Noong nakaraang taon, nang isandaang milyong naglalakbay na mga balang ang lumusob sa mga pulo ng Caribbean, Guyana, at Venezuela, bumangon ang isang katanungan sa gitna ng mga espesyalista: “Paano kaya matagumpay na nakatawid ang mga balang sa Karagatang Atlantiko?” Ang mga insektong ito ay hindi dating kilala sa mga bahaging iyon ng daigdig. Ang apat- hanggang anim-na-araw na paglalakbay na ito, sa distansiyang mula 4,000 hanggang 5,000 kilometro, ay tunay na isang kahanga-hangang bagay kung isasaalang-alang na ang naglalakbay na mga balang ay karaniwang lumilipad kung araw, pinadadali ng mainit na hangin ang kanilang paglipad. Sila’y lumalapag sa bandang hapon kapag lumamig na ang hangin. Ayon sa pahayagang Pranses na Le Monde, naghihinuha ang mga mananaliksik na marahil nanatili sa himpapawid ang mga balang sa panahon ng kanilang pagtawid sa Atlantiko, yamang wala naman silang mapaglalapagan at makakain. Gayumpaman, isang bagay ang kanilang natitiyak, na mas maraming insekto ang nangamatay sa dagat kaysa mga nakaligtas sa pagtawid na ito sa dagat.
“MAS NAKAMAMATAY KAYSA AIDS”
Matapos pag-aralan ang sakit sa atay nang may 15 taon, ang direktor ng klinikal na pananaliksik para sa isang pangunahing ospital sa Australia ay nagbabala kamakailan na ang hepatitis ay “mas nakamamatay kaysa AIDS.” Isinusog niya: “Tinatayang halos dalawang milyong katao ang namamatay bawat taon sa hepatitis at sa pagkaalam ko hindi pa naaabot ng AIDS ang gayong proporsiyon.” Nagbabala siya sa mga tao tungkol sa nakamamatay na hepatitis C virus, na umaatake sa atay at na, sa kasalukuyan, ay wala pang pagsusuri upang matuklasan ito. Naniniwala ang mga mananaliksik na bawat taon mula 10 hanggang 15 katao sa Australia ang namamatay sa hepatitis C na nakuha mula sa mga pagsasalin ng mga dugong nahawahan. Ang The Australian, isang pahayagan sa Sydney, ay nag-uulat na 1 sa bawat apat na mga bag ng dugo na ginagamit sa mga pagsasalin sa Australia ay nahawahan ng nakamamatay na hepatitis C.
DALUBHASANG TAGASURI NG TUBIG
“Ang pinakamahusay na paraan upang suriin ang tubig ay ang pagtawag sa isang eksperto,” sabi ng isang paanunsiyo ng Water Authority sa Wales. Gayumpaman, ang pinagtatalunang dalubhasa, ay isang isda—ang hamak na rainbow trout. Likas na sensitibo sa polusyon sa tubig ang mga isda. Habang sila’y humihinga, gumagawa ng napakaliliit na electrical currents ang kanilang mga hasang. Ginagambala ng polusyon ang paghinga at maging ang currents. Ang mga elektrikal na pagbabagu-bagong ito ay maaaring itsek at manmanan ng isang computer. Ang isang opisyal ng Water Research Centre ng Britaniya ay nagsabi na ang trout “ay magmamanman rin at babalaan ka sa ilang mga substance na hindi mo kailanman naisip, na isa pang pangunahing bentaha.” Sang-ayon sa The Times ng London, ang pamamaraang ito ng pagmamanman ay umaakit hindi lamang ng pambansa kundi maging ng internasyonal na interes man.