Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Ako Dapat Mag-aral ng Bibliya?
“KAPAG umuwi ako ng bahay mula sa paaralan, ayaw ko nang mag-aral pa. Gusto kong lumabas at makasama ng aking mga kaibigan!” Gayon ang reaksiyon ng isang tin-edyer na nagngangalang Ken sa mungkahi na siya’y gumugol ng ilang panahon sa pag-aaral ng Bibliya.
Gaya ng maraming tin-edyer, marahil ay wala ka pang gaanong ginawa sa personal na pag-aaral ng Bibliya. Marahil naniniwala kang ang Bibliya ang Salita ng Diyos. Maaaring dumadalo ka pa nga ng mga pulong Kristiyano. Subalit baka inaakala mong alam mo na kung ano ang itinuturo ng Bibliya. O maaaring itanong mo: ‘Bakit ako dapat mag-aral ng Bibliya? Ano ang mapapala ko sa aking mga pagsisikap?’
Sinasapatan ang Iyong Espirituwal na Pangangailangan
Ang pagtatanong ng gayon ay hindi masama o kawalang-galang. Sa kabaligtaran, maaaring ipahiwatig nito na ikaw ay nagsisimulang makadama ng tinatawag ni Jesus na iyong “espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Ito’y higit pa kaysa pag-uusyoso lamang. Gaya ng pagkakasalin ng The New English Bible sa talatang ito, ito ay isang “pangangailangan sa Diyos”—isang pangangailangan na makilala nang husto ang Diyos at maunawaan ang kaniyang mga layunin. Halimbawa, nang ikaw ay munting bata pa, maaaring ikaw ay tinuruan ng iyong mga magulang ng pangunahing mga katotohanan sa Bibliya. Marahil ay tinanggap mo ang sinabi nila nang walang pag-aalinlangan. Subalit habang lumalaki ka, maaaring nakadama ka ng pangangailangan na “tiyakin ang lahat ng bagay”—upang malaman kung ang itinuro sa iyo ay tama o hindi.—1 Tesalonica 5:21.
Isa pa, marahil ikaw ay hindi pinalaki sa isang relihiyosong tahanan. Nangangahulugan ba ito na wala kang espirituwal na pangangailangan? Hindi! Isaalang-alang ang kalagayan sa isang bansa kung saan malaon nang itinataguyod ang ateismo. Nitong nakalipas na mga taon ang mga kabataan doon ay nagpakita ng lumalaking interes sa relihiyon. Kabilang sa ibang bagay, itinuro ng isang propagandistang laban sa relihiyon “ang kabiguan ng mga ateista na maglaan ng kapani-paniwalang kasagutan sa mga tanong tungkol sa kahulugan ng kabiguan at paghihirap sa buhay.” Maaaring masumpugan mo ang iyong sarili na itinatanong ang mismong mga katanungan—patotoo na ikaw ay may espirituwal na pangangailangan.
Gayunman, hindi lahat ng relihiyon ay nagbibigay na kasiya-siyang kasagutan. Halimbawa, ang kabataang si Manish ay lumaking isang Hindu, na naniniwala sa milyun-milyong diyos. Gayunman, inamin niya: “Nagsimula akong magtanong, ‘Sino ang Diyos?’ ” At maraming kabataang pinalaki sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang nakasumpong na ang paghahanap sa kasiya-siyang kasagutan ay gayundin kailap. Saan maaaring magtungo ang isa? Si Jesu-Kristo ay sumasagot: “Ang salita mo [ng Diyos] ay katotohanan.”—Juan 17:17.
Ang tumpak na kaalaman tungkol sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay makasisiya sa iyong pagka-uhaw sa espirituwal na mga katotohanan. Sasagutin nito ang iyong mga tanong tungkol sa kung sino ang Diyos, ang dahilan ng kasalukuyang mga kalagayan sa daigdig, at ang iyong pag-asa sa hinaharap. Ipagpalagay na, ikaw ay maaaring pinalaki ng mga magulang na mga Saksi ni Jehova, at marahil ay inaakala mong alam mo na ‘ang katotohanan’ sa ilang lawak. Subalit iyo bang “nauunawaan . . . ang luwang at ang haba at ang taas at ang lalim” ng mga katotohanan ng Bibliya, o ang iyo bang kaalaman ay pahapyaw lamang? (Efeso 3:18) Kung ang huling banggit ang kalagayan, kailangan mong ‘patunayan sa iyong sarili ang mabuti at kaaya-aya at lubos na kalooban ng Diyos,’ sa pamamagitan ng lubusang pag-aaral ng Bibliya.—Roma 12:2.
Paghanap sa Tamang Daan
Ikaw ba’y nabigyan na ng maling direksiyon sa isang lugar na gusto mong puntahan? Ang nawalang panahon at nasayang na pagsisikap ay maaaring nakapanghihinang loob. Gayunman, ang buong buhay ng maraming kabataan ay patungo sa maling daan! Sabi ng Bibliya: “May daan na tila matuwid sa isang tao, ngunit ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan.”—Kawikaan 14:12.
Isaalang-alang, halimbawa, ang isyu tungkol sa moralidad sa sekso. Isang 14-anyos na babae ang nagsabi: “Wala namang tamang bagay. Mayroon lamang mga opinyon.” Ipagpalagay na, ang pagnanasang makaranas ng pagtatalik ay malakas, lalo na kapag ikaw ay bata. Subalit kung hindi pipigilin, ang pagnanasang ito ay maaaring umakay sa iyo sa “mga daan ng kamatayan.” Taun-taon, 2.5 milyong tin-edyer sa E.U. ang nagkakaroon ng sakit na naililipat sa seksuwal na paraan. Maraming kabataang babae ang nagiging dalagang ina—o kaya’y pinapatay ang kanilang mga sanggol sa pamamagitan ng aborsiyon! At kahit na marahil ay maiwasan ang pagbubuntis o sakit, ang pagsisiping nang hindi kasal sa tuwina’y kinasusuklaman ng Diyos.—1 Tesalonica 4:3.
Kaya bakit ka magkakamali sa “mga daan ng kamatayan”? Ang Bibliya ay nagbibigay ng malinaw na patnubay upang tulungan kang “layuan ang masasamang pita ng kabinataan.” (2 Timoteo 2:22) Kasangkot dito ang ‘pagpatay,’ hindi sa normal na pagnanasa sa seksuwal na mga kaugnayan sa isang marangal na pag-aasawa, kundi ang imoral na seksuwal na mga silakbo ng damdamin. (Colosas 3:5) Ang pag-aaral ng Bibliya ay makatutulong sa iyo na magawa iyan. Magbibigay ito sa iyo ng moral na lakas na layuan kung ano ang masama—kahit na ang masamang iyon ay tila kaakit-akit. Ito’y maaaring “magbigay ng katalinuhan sa walang karanasan, kaalaman at kakayahang mag-isip sa binata [o dalaga]” upang maiwasan ang mga kalagayan na maaaring humantong sa imoral na paggawi.—Kawikaan 1:4.
Ang kabataang si Dan ay isa na nakinabang mula sa pag-aaral ng Bibliya. Samantalang kinikilala na ang handalapak na mga tin-edyer ay para bang nagkakaroon ng katuwaan, sinabi niya na nakikita rin niya “ang mga sanggol na ipinanganganak sa labas ng pag-aasawa, mga sakit sa sekso, at marami pang ibang problema.” Tanong niya: “Kung hindi ako nag-aral ng Bibliya, paano na kaya ang pamumuhay ko?” Ikaw man, ay maililigtas ng Bibliya mula sa “mga daan ng kamatayan.”
Tulong sa Paglapit sa Diyos
Samantalang maraming kabataan ngayon ang nagsasabing sila’y naniniwala sa isang Diyos, ang paniniwala sa isang personal na Diyos ay lumiliit habang ang mga kabataan ay lumalaki. Napansin ng isang artikulo sa babasahing Adolescence na para sa ibang kabataan, “ang ideya tungkol sa Diyos ay napakalabo.” Ginawa ng maraming relihiyon ang Diyos na malabo sa pagtatago ng katotohanan na ang Diyos ay may pangalan. Kaya nga, paano ka magiging malapit sa isa na hindi mo kilala ang pangalan?
Gayunman, isinisiwalat ng Bibliya na ang pangalan ng Diyos ay Jehova, ginagamit ang pangalang iyan ng mahigit 7,000 beses! (Awit 83:18) Ang pagkaalam sa pangalang iyan ay nagbubukas ng daan upang ikaw ay magkaroon ng personal na kaugnayan sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Subalit ito’y nangangahulugan ng higit pa sa pagkakaroon ng bahagyang interes sa Bibliya. Sabi ng 1 Cronica 28:9: “Kung iyong hahanapin siya, hahayaan niyang masumpungan mo siya.” Ito’y nangangahulugan ng pagsasaliksik sa Kasulatan sa pagsisikap na makilala nang husto si Jehova.
Nagawa mo na ba iyan? Halimbawa, maipaliliwanag mo ba kung bakit binabanggit ng Bibliya na si Jehova ay may “mga mata,” “tainga,” isang “mukha,” at “kamay”? (1 Pedro 3:12; Ezekiel 20:33) Hindi ba’t sinasabi ng Bibliya na ang “Diyos ay Espiritu”? (Juan 4:24) O nalalaman mo ba ang lawak ng kakayahan ng Diyos na masdan ka, alamin kung ano ang sasabihin mo bago mo pa masabi ito? (Awit 139:4) At kumusta naman ang tungkol sa pangunahing mga katangian ni Jehova na pag-ibig, karunungan, katarungan, at kapangyarihan? Maipaliliwanag mo ba kung ano ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos? (Juan 3:16) Alam mo ba ang kaibhan sa pagitan ng espiritu ng Diyos at ng kaniyang kapangyarihan? (Mikas 3:8) Mapatutunayan mo ba na ang Diyos ay may damdamin—at na posibleng saktan ang kaniyang damdamin?—Awit 78:40.
May isang paraan lamang upang sagutin ang mga tanong na iyon—sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya. Natutuhan ng kabataang si Luther na “sa pag-aaral ng Kaniyang Salita, ‘nakikita’ ko ang personalidad ni Jehova at ang uri ng pagkatao niya.” (Ihambing ang Job 42:5.) Nakilala rin ni Jaquella nang higit ang Diyos. Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya, napahalagahan niya “na itinataguyod ni Jehova ang sinasabi niya. Kapag siya’y may ipinapangako, hindi niya sinisira ang kaniyang pangako; hindi siya nagsisinungaling.”—Tito 1:2.
Ang Gantimpala ng Iyong Pagsisikap
Ang pag-aaral ng Bibliya ay nagsasangkot ng pagsisikap at pagsasakripisyo ng ilan sa iyong malayang panahon. Maaaring mahirap ang pagsisimula at maaari pa ngang magdala ng paglibak mula sa pamilya at mga kaibigan. Subalit tingnan mo ang mga gantimpala. Ang regular na pag-aaral ng Bibliya ay nakatulong kay Paula. Sabi niya, nagkaroon ako ng “mas malapit na kaugnayan kay Jehova, sa aking mga kapatid na Kristiyano, at sa aking pamilya.” Sabi ni Sandy na ito ay nakatulong sa kaniya na “magkaroon ng budhi” na tumutugon kahit na sa maliliit na bagay. Sabi niya: “Naiisip ko ang mga kasulatan o mga simulain na nagpapangyari sa akin na magpasiya kung ano ang panonoorin sa TV.” At natatandaan mo ba si Ken na nabanggit kanina? Sinimulan niyang basahin ang Bibliya na mas madalas at sabi niya: “Mientras mas madalas akong magbasa, lalo itong nagkabisa sa akin, lalo itong nagkaroon ng kabuluhan.” Si Ken ay napakilos na maging isang bautismadong lingkod ng Diyos.
Bakit hindi mo seryosong pag-aralan ang Bibliya? Malasin mo ito na isang hamon. Hilingin mo sa iyong mga magulang o sa isang miyembro ng lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na tulungan kang magsimula. Maging disididong magpatuloy. Ikapit ang iyong natutuhan. At tandaan: ‘Siyang nagsisiyasat ng sakdal na kautusan at tumutupad nito ay magiging maligaya sa paggawa niyaon.’—Santiago 1:25.
[Blurb sa pahina 24]
Iyo bang “nauunawaan . . . ang luwang at ang haba at ang taas at ang lalim” ng mga katotohanan ng Bibliya, o ang iyo bang kaalaman ay pahapyaw lamang?
[Larawan sa pahina 25]
Maaaring makatulong sa iyo ang isang magulang o isa pang miyembro ng kongregasyong Kristiyano na pasimulan ang isang proyekto sa pagbabasa ng Bibliya