Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 12/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • DI-WASTONG PAGPEPETSA
  • DIYETANG GINAGAMITAN NG ALAMBRE
  • SINISISI ANG POLUSYON
  • MARARAHAS NA PAGONG
  • ANG SEKRETO NG MAHABANG BUHAY
  • LINISIN ANG MGA “KLONG”
  • MADUGONG MGA PELIKULA
  • PAGPATAY SA MGA “SEAL”?
  • PAMBIHIRANG WIKA
  • MGA AKSIDENTE NG ERUPLANO
  • MGA KAMATAYAN SA MINA
  • Ang mga Mediterranean Monk Seal—Mananatili Pa Kayang Buháy ang mga Ito?
    Gumising!—2001
  • Karagatan—Mahalagang Yaman o Pangglobong Imburnal?
    Gumising!—1989
  • Sinaunang mga Pantatak—Ano ang mga Ito?
    Iba Pang Paksa
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 12/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

DI-WASTONG PAGPEPETSA

Sa nakalipas na mga dekada, ang mga mananalaysay at mga paleontologo ay kadalasang nagtitiwala sa pagpepetsa ng radiocarbon upang tantiyahin ang edad ng mga fossil (labí ng hayop o halaman na naingatan sa ibabaw ng lupa). Gayunman, sang-ayon sa magasing Time, “ang mga tantiyang iyon, bagaman mahalaga, ay nalalaman ding may kalabuan.” Sinabi pa ng magasin na “ang carbon 14 ay nadudurog sa hangin​—sa gayon ang dami na nakakain ng mga organismo​—ay iba-iba sa nakalipas na mga panahon, at maaaring maapektuhan niyan ang mga resulta ng pagpepetsa ng carbon.” Pagkatapos ihambing ang mga resulta ng isang carbon-​14 na pagsubok sa isang uranium-thorium na pagsubok, nasumpungan ng isang pangkat ng mga geologo sa Lamont-Doherty Geological Laboratory sa Palisades, New York, na ang “mga petsa ng radiocarbon ay maaaring bawasan pa ng hanggang 3,500 taon​—sapat marahil upang baguhing pilit ang kasalukuyang pag-iisip tungkol sa mahahalagang tanong sa kung kailan talaga unang narating ng mga tao ang Amerikas.”

DIYETANG GINAGAMITAN NG ALAMBRE

Iniulat ng The Jerusalem Post ang tungkol sa isang kausuhan sa Israel sa gitna ng mga taong gustong pumayat. Upang bawasan ang kanilang pagkunsumo ng pagkain, hiniling ng ilan ang mga doktor o mga dentista na isara ang kanilang mga panga sa pamamagitan ng alambre. Napansin ng mga autoridad ang kausuhang ito nang “ang mga anunsiyo ay maglitawan sa mga pahayagan.” Ang gawaing ito ay ilegal; naihinto ng Ministri ng Kalusugan ng Israel ang mga isang dosenang dentista sa paggawa ng tinatawag na dental wiring sa mga pasyente. Sang-ayon sa Post, sinabi ni Dr. Moshe Kelman, hepe ng Kagawaran ng Kalusugan ng Ngipin ng Ministri ng Kalusugan, na iniimbestigahan ng kaniyang tanggapan ang pagpapatiwakal ng isang 18-anyos na babae na ang mga panga ay isinara sa pamamagitan ng alambre upang pumayat.

SINISISI ANG POLUSYON

“Bawat salinlahi ay pahina nang pahina samantalang ang polusyon ay dumarami at sinisira ang sistema ng imyunidad,” sabi ng dalubhasa sa alerdyi na si Dr. Jean Monro ng Breakspear Hospital for Allergy and Environmental Medicine ng Britaniya. Ang polusyon ng kapaligiran, hindi pagsuso ng mga sanggol sa kanilang ina, ang pagdaragdag ng mga kemikal sa pagkain at panustos na tubig, at ang di-matalinong paggamit ng mga medisina at gamot ay binanggit bilang mga salik. Ang resulta ay mga sakit mula sa hika hanggang sa kanser, at pati na ang mga problema sa paggawi ng bata. Gaya ng iniulat ng The Times ng London, tinatayang 17 milyong tao, mga 30-porsiyento ng populasyon ng Britaniya, ang maaaring pinahihirapan ng mga karamdaman dahil sa kapaligiran, nang hindi nalalaman ng karamihan.

MARARAHAS NA PAGONG

Nakakaharap ng mga autoridad ng paaralan sa Australia ang dumaraming problema ng karahasan sa gitna ng mga bata. Sang-ayon sa The New York Times, sinisisi ng iba ang popular na kinalolokohang “Teen-Age Mutant Ninja Turtles.” Binanggit ng isang dalubhasa na ang mga bata “ay natuto na ang karahasan, na ginagamit ng mababait na tao, ang siyang kasagutan sa lahat ng problema at na ito ay nakikita sa kanilang gawi.” Ipinagbawal ng maraming paaralan sa Australia ang mga sandatang laruan, na binabalaan ang mga estudyante na “iwan ang kanilang mga espadang Ninja, nunchakus at mga patpat sa bahay.” Sinabi pa ng pahayagan na “sa kabila ng malawakang pagkabahala tungkol sa mga epekto ng Pagong sa mga bata, kapuwa ang pelikula at serye sa telebisyon ng Ninja Turtle ay napakataas ng rating.”

ANG SEKRETO NG MAHABANG BUHAY

Isang bagong pandaigdig na rekord para sa pinakamahabang buhay ang naitala ng mga Hapones na may katamtamang haba ng buhay para sa mga babae na umabot ng 81.77 taon at para sa mga lalaki ay 75.91 taon. Ipinalalagay ito ng mga eksperto sa “pagbaba ng kamatayan sa gitna ng mga sanggol at mga taong nasa katanghalian ng buhay,” ulat ng Mainichi Daily News. Sa gulang na 112, si Waka Shirahama, ang pinakamatandang tao sa Hapón, at isa sa 3,298 sentenaryo, ay nagsabi na ang sekreto ng haba ng kaniyang buhay ay “mamuhay nang masigasig, katamtaman at matapat na buhay,” sang-ayon sa The Daily Yomiuri. Sa isa pang panayam sinabi pa niya: “Kumain ng lahat ng klaseng pagkain nang walang pinipili, matulog nang maaga, at huwag kalilimutang ngumiti.”

LINISIN ANG MGA “KLONG”

Ang mga klong, ang magandang tanawin ng Bangkok, ay abalang-abalang mga kanal na napaliligiran ng mga bahay sa tayakad, ay nakatulong upang mapatanyag ang kabisera ng Thailand. Subalit binabanggit ng magasing Asiaweek na “ang ilan sa mga daanan ng tubig ay naging malabo, mabahong alkantarilya ng basura at imburnal.” Karamihan ng mga bahay sa kahabaan ng mga klong ay hindi nauugnay sa sistema ng imburnal at hindi nararating ng mga trak ng basura. Ang resulta: Araw-araw 140 tonelada ng imburnal at basura ang nagtutungo sa malaking Ilog Chao Phraya ng Thailand, na sumusustine sa mga klong. Ang ibang klong, na barado ng basura at nauubusan ng sumusutineng-buhay na oksiheno, ay umaalingasaw na nagpapahirap sa mga residente sa tabing-dagat. Kaya isang kampaniya ang inilunsad upang linisin ang mga klong. Sinasabi ng Asiaweek na “maraming boluntaryo ang tumugon sa kampaniya.”

MADUGONG MGA PELIKULA

“Kung ikaw ay may impresyon na ang mga pelikula ngayon ay mas madugo at mas brutal higit kailanman, at na ang bilang ng kanilang mga bangkay ay dumarami,” sabi ng The New York Times, “ikaw ay tama.” Ang makabagong teknolohiya at bagong mga materyales na plastik ay nagpangyari sa mga tagagawa ng pelikula na magdagdag ng nakasisindak na katotohanan sa mararahas na eksena. Ang ilan sa mas popular na mga pelikula ay kinabibilangan ng daan-daang mararahas na kamatayan. Bilang halimbawa, binanggit ng pahayagan ang pelikulang Die Hard 2 kung saan mahigit na 260 katao ang marahas na pinatay, pati na ang isang lalaking sinaksak sa utak na pinaraan sa bilog ng kaniyang mata at ang isa pa na hinigop ng makina ng jet. Sang-ayon sa artikulo ring iyon, marami sa mga pelikulang ito ay “mga pelikulang aksiyon-abentura na nangingibabaw sa pamilihan ngayon.”

PAGPATAY SA MGA “SEAL”?

Ang iminumungkahing paggarote sa 30,500 seal sa kanlurang baybayin ng Timog Aprika ay nakatawag ng gayon na lamang emosyonal na reaksiyon ng publiko anupa’t ang plano ay isinaisang-tabi. Gayunman, naniniwala ang ilang conservationist (mga tagapagtaguyod ng pangangalaga sa kalikasan) na ang paghiwalay sa mga seal ay mahalaga para sa kapaligiran ng mga buhay sa dagat. Sang-ayon sa The Star ng Johannesburg, ang nagsisiksikang 1.3 milyong seal sa palibot ng Cape at ng baybayin ng Namibia ay nagbabantang panganib sa mga buhay sa dagat. Ganito ang sabi ng conservationist na si Vic Kabalin: “Mga ilang taon na ang nakalipas ang Seal Island . . . ay kilala sa balahibo ng mga Cape seal at ang paramihang dako ng mga penguin. Ngayon mga seal lamang ang iyong makikita.” Ang dahilan ng ekolohikal na di-pagkakatimbang? Sabi ng The Star: “Ang pangunahing maninila ng mga Cape seal, ang malalaking pating, ay lubhang umunti dahil sa panghuhuli at pangingisda sa mga pating. Kaya walang makasupil sa 1,3 milyon o higit pang mga seal . . . maliban sa tao.”

PAMBIHIRANG WIKA

Dumalaw ka sa Gomera, isa sa pitong Canary Islands, at malamang na marinig mo ang tunog na tulad-kanaryo sa mga megaphone. Gaya ng iniulat sa The Hawke’s Bay Herald-Tribune ng New Zealand, ito ang silbo, o wikang sipol, na sa nakalipas na mga dantaon ay ginamit bilang ikalawang wika ng mga maninirahan sa isla. Bagaman nangangailangan ng limang taon upang matutuhan at nangangailangan ng mataas na antas ng kasanayan, ito ay malawakang ginagamit ng mga magbubukid na nagtatrabaho sa interyor ng kabundukan ng isla, yamang mas malayo ang nararating nito kaysa isang sinasalitang wika. “Masasabi mo ang anumang bagay sa pagsipol at kung mabuti ang panahon maririnig mo ito sa layo na 3 km,” sabi ng isang gumagamit. Sapagkat ang bawat titik ng abakada ay may katapat na tunog ng sipol, kahit ang modernong mga salita ay maaaring isipol.

MGA AKSIDENTE NG ERUPLANO

Pinag-aaralan ng isang pangunahing tagagawa ng eruplano, ang Boeing, ang dalas at mga dahilan ng mga aksidente ng eruplano. Sang-ayon sa The Wall Street Journal, sinuri ng tagagawa ang halos 850 malalaking pagbagsak ng eruplano na nangyari mula noong dakong huli ng 1950’s. Sinasabi ng Boeing na “ang mga pagkakamali ng mga tripulante ng eruplano ang dahilan ng mahigit na 72% ng mga aksidente sa nakalipas na 10 taon.” Binanggit ng report na kung ang bilang ng mga paglipad ng eruplano ay patuloy na dadami sa kasalukuyang bilis at ang bilang ng mga aksidente ay hindi bababa nang mas mabilis, sa kalagitnaan ng susunod na dekada, ang netong epekto “ay magiging isang katamtamang 20 malaking mga pagbagsak sa isang taon para sa lahat ng ginagamit na eruplano . . . , mula sa 15 ngayon.”

MGA KAMATAYAN SA MINA

“Sa bawat toneladang ginto na namimina, isang minero ang namamatay,” ulat ng The Star ng Johannesburg, Timog Aprika. Sang-ayon sa estadistikang ibinigay ng Chamber of Mines, isang katamtamang bilang ng mahigit na 560 mga kamatayan ang nangyayari taun-taon sa mga minahan ng ginto sa Timog Aprika sa nakalipas na pitong taon. Bagaman medyo bumaba ang bilang ng mga namamatay, si G. Reinoud Boers, liaison officer para sa Chamber of Mines, ay nagsasabi: “Ang katotohanan ay na ang pagmimina ay isang mapanganib na trabaho. Bagaman pipiliin namin na walang mangyaring kamatayan, ito ang katotohanan sa pagmimina sa buong daigdig.” Kalahati ng mga kamatayan ay dahil sa pagsabog ng presyon at pagguho ng bato. “Ang mga minahan sa Timog Aprika,” sabi ni G. Boers, “ang pinakamalalim sa buong daigdig (hanggang 4 na km) at kami sa gayon ay nakikitungo kapuwa sa init at matinding presyon ng bato. Hinuhukay din namin ang pinakamatigas na bato saanman dako sa daigdig.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share