Ang Iglesya Anglicano ng Australia—Isang Nababahaging Sambahayan
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Australia
ANG debate sa kung baga ang mga babae ay dapat ordinahin bilang mga pari sa Iglesya Anglicano ay hindi bago. Subalit ang bagay na ito ay naging isang malaking isyu kamakailan sa Australia.
Noong Enero 1992 ipinahayag ng obispo ng Canberra at Goulburn ang mga planong ordinahin ang maraming diyakonisa bilang mga pari ng Iglesya Anglicano. Hindi siya maghihintay para sa susunod na sinodo ng iglesya. Sa katunayan, ang sinodo ay tatlong beses nang nagpasiya laban sa mga ordinasyong iyon.
Gaya ng nangyari sa wakas, sampung babae ang inordina bilang mga paring Anglicano maaga noong Marso sa Perth, Australia, sa kabila ng pagtutol. Hindi kataka-taka, kung gayon, na labis na atensiyon ang nakatuon sa darating na sinodo ng iglesya. Ang sesyon noong Hulyo ay hindi nagbunga ng pangwakas na pasiya, kaya “isang pantanging sesyon” ang itinakda noong Nobyembre 21, 1992.
Mga isang linggo lamang na maaga, ang Panlahat na Sinodo ng Iglesya ng Inglatera ay bumoto na pabor sa ordinasyon ng mga babae. Inaasahan ng marami na ang pasiyang ito ay magkakaroon ng mapanghikayat na epekto sa Australia. Nang magtipon ang sinodo sa Australia, isang pahayagan ang nagkomento: “Ang debate at argumento ay nagngalit sa kung minsan ay araw na puno-ng-tensiyon.” Bago isiwalat ang resulta ng balota, hiniling ng presidente ng sinodo na ang pahayag ay tugunin nang may katahimikan. Nang isiwalat na ang ordinasyon ng mga babae ay sinang-ayunan, ang ilan sa naroroon ay nagpunyaging pigilin ang kanilang mga damdamin. Nang kumalat ang balita sa labas, nagkaroon ng pagkakaingay, at inilunsad ang mga bandereta sa himpapawid.
Hindi nagkaisang lubos sa gayong pagsasaya. Sinipi ng The Sydney Morning Herald ang arsobispo ng Sydney na nagsasabi: “Hindi tayo maaaring mamuhay na magkasama nang maligaya . . . Magkakaroon ng dalawang denominasyon sa iisang Iglesya Anglicano.” Ang isang klerigo ay nagsabi pa nga na ang ordinasyon ng mga babae bilang pari ay naghuhudyat na “ang Iglesya Anglicano sa Australia ay nagsisimula nang gumuho.”
Ang Bibliya ay nagbibigay ng sapat na saligan para sa gayong pagkabahala. Si Jesu-Kristo mismo ay nagsabi: “Ang bawat kahariang magkakabaha-bahagi laban sa kaniyang sarili ay mawawasak; at walang bayan, walang sambahayan, na nababahagi sa kaniyang sarili ay mananatili.”—Mateo 12:25, The New English Bible.
Ibinabangon nito ang isang tanong na waring nawala na sa lahat ng pagtataltalan ng iglesya, Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa bahagi ng mga babae sa loob ng kongregasyon? Bagaman sinasabi nitong parehong pinahahalagahan ng Diyos na Jehova ang nag-alay na mga lalaki at mga babae, gayunpaman ay inaatasan nito ang mga lalaki at babae ng magkaibang mga bahagi sa loob ng kongregasyon. (Galacia 3:28) Ganito ang pagkakasabi rito sa 1 Corinto 11:3: “Ang Ulo ng bawat lalaki ay si Kristo, ang ulo ng babae ay ang lalaki, at ang Ulo ni Kristo ay ang Diyos.” (NEB) Kaya, tungkol sa pormal na pagtuturo sa harap ng kongregasyon, si Pablo ay kinasihan ng Diyos na sumulat: “Ang babae ay dapat na maging isang mag-aaral, nakikinig nang tahimik at nang may pagpapasakop. Hindi ko ipinahihintulot na ang babae ay maging isang guro, ni dapat man duminahan ng babae ang lalaki.”—1 Timoteo 2:11, 12, NEB.
Gayunman, ito ay hindi dapat magpahina ng loob ng mga babaing Kristiyano sapagkat sila ay malayang makapagtuturo sa pangmadlang ministeryo gaya ng mga babaing sina Loida, Eunice, Euodias, at Sintique noong sinaunang panahong Kristiyano.—Filipos 4:2, 3; 2 Timoteo 1:5.