“Ang Paninigarilyo ay Kasuklam-suklam”
Nitong nakalipas na mga taon ang Kagawaran ng Paglilingkod Pangkalusugan ng California ay nagsagawa ng isang masigasig na edukasyonal na kampaniya laban sa paninigarilyo. Ang mensahe ay maikli subalit malaman at lumitaw sa mga paskilan sa ibayo ng estado. Ano ang ilan sa mga mensahe? “Ang mga maninigarilyo ay mga sugapa. Ang mga kompaniya ng tabako ay mga pusher. Ang paninigarilyo ay kasuklam-suklam.” “Ang usok na ibinubuga ng naninigarilyo ay papatay ng 50,000 hindi naninigarilyo sa taóng ito. Ang paninigarilyo ay kasuklam-suklam.” Ang isa pang paskilan ay nagsasabi, sa ilalim ng sagisag ng isang kaha ng sigarilyo, “Bumili ngayon. Saka na ang bayad.” Mangyari pa, buhay mo ang ibabayad mo. Isang karatula sa Kastila ay nagsasabi: “Me muero por fumar.” Ito’y isang paglalaro sa mga salita na mababasang, “Ako’y may matinding pagnanais na manigarilyo” o, “Ako’y mamamatay dahil sa paninigarilyo.” Ang kalahating-bungo-kalahating-mukha na larawan ang gumagawang malinaw sa idea.
Isang kakaibang paraan naman na ginamit sa ilang bansa upang payuhan ang mga tao na umiwas sa tabako at nikotina ay isang tatak ng sigarilyo na tinatawag na “Kamatayan.” Ang itim na pakete ay may sagisag ng bungo-at-nakakrus na mga buto at isang mensahe na nagsasabing: “Ang mga sigarilyo ay nakasusugapa at nagpapahina. Kung hindi ka naninigarilyo, huwag kang magsimula. Kung naninigarilyo ka, huminto ka.”
Kung baga ang iba pang paraan ng paggamit ng nakasisindak na mga mensahe sa mga paskilan ay may anumang epekto sa mga naninigarilyo ay mahirap malaman. Gayunman, sa nakalipas na anim na taon, “ang paggamit ng tabako sa California ay bumaba ng 27 porsiyento, halos tatlong ulit ng pambansang katamtamang bilang.” (The Washington Post National Weekly Edition) Ang kampaniyang ito sa mga paskilan ay maaari pa ngang magpaalis sa potensiyal na mga maninigarilyo sa mapanganib na bisyong ito. Tiyak na yaong nag-aangking mga Kristiyano ay dapat na umiwas sa marumi, sakim na bisyong ito. Ang apostol Pablo ay sumulat: “Yamang taglay natin ang mga pangakong ito, mga iniibig, linisin natin mula sa ating mga sarili ang bawat karungisan ng laman at espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan na nasa pagkatakot sa Diyos.”—2 Corinto 7:1.