Ang Pari ay Sumasang-ayon sa Mabubuting Katangian ng mga Saksi
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Australia
NOONG 1991 ang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Condobolin sa New South Wales, Australia, ay tinupok ng apoy. Pagkaraan ng ilang linggo, isang lokal na paring Anglicano ang nagpahayag ng simpatiya sa kaniyang liham sa parokya “sa pagkawala ng dako ng pagsamba.” Ang kaniyang sulat ay nagpapatuloy:
“Bagaman may maliwanag na mga pagkakaiba sa pagitan ng ating mga gawain at sa kanila, sa loob ng maraming taon ako ay punô ng papuri sa mga aspektong iyon ng pagsasagawa nila ng kanilang pananampalataya na naniniwala akong mabuti sa ganang sarili.” Ano ang ilan sa positibong mga aspektong ito?
Una: “Sila ay lubhang nababahala tungkol sa pagtuturo ng pananampalataya. Sila’y magtitipun-tipon sa dalawa o tatlong okasyon bawat linggo sa layuning ito.” Totoo ito—ang mga Saksi ni Jehova ay isang nagbabasa, nagtuturo, at nangangaral na relihiyon. Mayroon silang tatlong pagpupulong linggu-linggo.
Ang ikalawang punto ng pari ay ito: “Sila’y . . . regular na gumagawa ng ebanghelistikong pagdalaw sa mga tahanan ng mga tao. . . . Nais nilang malaman natin na ang ikatlong pinakamalaking denominasyon sa Australia ay ang kalipunan ng mga tao na Walang Relihiyon (3,841,000 tao). Ang mga JW (mga Saksi ni Jehova) ay mga taong hindi nasisiyahan na sarilinin ang kanilang pananampalataya kundi nais nilang ibahagi ito sa ibang tao.” Alam ng mga Saksi ni Jehova na dapat silang tumugon sa Mateo 24:14 at Marcos 13:10 sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita.
Ang ikatlong punto: “Lumilitaw na hindi sila nangingilak ng mga pondo o salapi sa pamamagitan ng pagtitinda ng mga paninda sa mga lansangan ng pamayanan at ng iba pang mga pagsisikap upang mangilak ng salapi. Ang kanilang pananalapi ay nanggagaling sa loob ng [kanilang] pamayanan.” Ang Bibliya ay nagsasabi, ‘tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad’ at, ‘may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.’ Kaya naman, wala silang mga koleksiyon. Ang mga kahon ng kontribusyon ay maingat na makikita sa kanilang mga bulwagan.—Mateo 10:8; Gawa 20:35.
Ano ang pangwakas na kapuri-puring aspekto ang binanggit niya? “Sila’y nagtatayo ng kanilang mga dako ng pagsamba sa loob ng sandaling panahon at kakaunting pananalapi. . . . Baka gusto ninyong dalawin ang Gum Bend Lake Road . . . at tingnan ang mga JW na tagaroon . . . na nagtatrabaho sa pagtatayo ng isang bagong Kingdom Hall. Tinataya nilang ang trabaho ay kukuha ng tatlong araw.” Pagkatapos anong payo ang ibinigay niya sa kaniyang mga miyembro ng parokya?
“Iminumungkahi ko na basahin ninyo nang paulit-ulit ang apat na puntong binanggit ko sa itaas at tanungin kung paanong ang mga ito ay makatutulong sa inyo na pag-isipan ang tungkol sa nakikitang pagsasagawa ng inyong pananampalataya. . . . Ipinalalagay ko na kasuwato ng apat na puntong binanggit ang gagawa sa kainamang Anglicano at sa iba pang mga parokyang Kristiyano na magtinging espirituwal na patay kung ihahambing sa mga JW.”
Kung nais mong dumalaw sa isang Kingdom Hall at makita sa iyong sarili kung paano sumasamba ang mga Saksi ni Jehova at kung ano ang pinaniniwalaan nila, malayang magtungo sa Kingdom Hall na pinakamalapit sa inyo, o sumulat sa amin para sa direksiyon ng bulwagang pinakamalapit sa inyo.
[Larawan sa pahina 31]
Ang Kingdom Hall sa Condobolin, New South Wales