Iginagalang Ba Ninyo ang Inyong Kingdom Hall?
1 Yamang ang Kingdom Hall ay sentro ng tunay na pagsamba sa inyong lugar, ito’y karapatdapat sa ating mataas na pagpapahalaga. Ito’y dako kung saan tayo nakikipagtipon sa ating mga kapatid upang patibayin sila. (Heb. 10:24, 25) Talaga ba nating iginagalang ito? Tayong lahat ay dapat na makibahagi sa pag-iingat nito na malinis at nasa mabuting kalagayan. Kung ang ating grupo sa pag-aaral ng aklat ay naatasan na maglinis ng bulwagan, nanaisin nating makibahagi sa gawaing ito, anupa’t ipinakikita natin na ating pinahahalagahan ang isang malinis at kaakit-akit na pulungang dako.
2 Maipakikita nating lahat ang interes sa Kingdom Hall, maging tayo ay naatasang maglinis o hindi. Papaano? Sa pamamagitan ng pagpupunas ng ating mga paa kapag pumapasok sa bulwagan upang hindi makapagdala ng dumi. Kung tayo’y gumagamit ng palikuran, maaari nating punasan ang inodoro pagkatapos na gamitin iyon upang iwang malinis para sa susunod na gagamit niyaon. Dapat na karakarakang alisin ng mga nagtatrabaho sa despatso ng mga magasin at literatura ang mga kartong walang laman at mga pambalot. Ang lahat ng basura ay dapat na ilagay sa basurahan na inilaan para doon. Kung tayo ay nakakakita ng kalat sa sahig, dapat nating pulutin iyon sa halip na ipagpaubaya sa iba ang pagpulot niyaon. Ang Ating Ministeryo sa Kaharian noong Pebrero, 1989 ay nagbigay ng mga mungkahi upang maingatang malinis ang patalastasan. Ang iba pa ay dapat na makipagtulungan sa punong tagapangasiwa upang matiyak na ang payong ito ay nasusunod.—km 2/89, p. 4.
3 Ang gayunding simulain ay kapit kapag dumadalo sa mga asamblea. Ang lugar ng asamblea ay sentro ng pagsamba, at iyo’y dapat na igalang. Dapat tayong laging nagsusuri upang matiyak na hindi tayo nag-iiwan ng mga kalat sa dakong ating inuupuan. Hindi natin dapat isiping ang mga naatasang maglinis ay naroroon upang pulutin iyon pag-alis natin.
PAGGAMIT NG MARAMI SA IISANG BULWAGAN
4 Maraming mga Kingdom Hall ang ginagamit ng mahigit sa isang kongregasyon. Ang bawa’t kongregasyon ay dapat na magkaroon ng interes sa Kingdom Hall, na kinikilalang iyon ay kay Jehova at ginagamit para sa pagsamba sa kaniya. Ang paggalang sa bulwagan ay naglalakip sa pagpapakita ng pag-ibig sa ating mga kapatid sa ibang kongregasyon na gumagamit ng bulwagan.
5 Karaniwan, ang Kingdom Hall ay nililinis minsan sa isang linggo. Kapag mahigit pa sa isang kongregasyon ang gumagamit ng bulwagan, makabubuting gawin ang kaunting paglilinis pagkatapos ng pulong habang ipinahihintulot ng panahon upang iyon ay masumpungang presentable ng susunod na kongregasyong gagamit ng bulwagan. Ito ay kapit din kung Linggo kapag ang isang kongregasyon ay sinusundan kaagad ng iba; kung hindi gagawin ito ang bulwagan ay nagiging marumi sa katapusan ng maghapon.
6 Kung papaanong tayo ay “nabubuklod sa iisang kaisipan” sa espirituwal na mga bagay, tayo nawa ay magkaisa sa pagpapakita ng paggalang sa ating mga Kingdom Hall.—1 Cor. 1:10.