KABANATA 11
Mga Kaayusan Para sa mga Lugar ng Pagsamba
ANG tunay na mga mananamba ni Jehova ay inuutusang magtipon para maturuan sila at makapagpatibayan. (Heb. 10:23-25) Ang “tabernakulo, ang tolda ng pagpupulong,” ay ang unang lugar ng pagsamba ng piniling bayan ng Diyos, ang mga Israelita. (Ex. 39:32, 40) Nang maglaon, nagtayo ang anak ni David na si Solomon ng isang bahay, o templo, para sa ikaluluwalhati ng Diyos. (1 Hari 9:3) Nang mawasak ang templong iyon noong 607 B.C.E., isinaayos ng mga Judio na magtipon sa mga gusaling tinatawag na mga sinagoga para sambahin ang Diyos. Nang maglaon, muling itinayo ang templo, at ito na ulit ang naging sentro ng tunay na pagsamba. Nagturo si Jesus sa mga sinagoga at sa templo. (Luc. 4:16; Juan 18:20) Nagdaos pa nga siya ng isang pagtitipon sa bundok.—Mat. 5:1–7:29.
2 Pagkamatay ni Jesus, nagtipon ang mga Kristiyano sa pampublikong mga lugar at sa pribadong mga bahay para maituro ang Kasulatan at makipagsamahan sa mga kapananampalataya. (Gawa 19:8, 9; Roma 16:3, 5; Col. 4:15; Flm. 2) Kung minsan, kailangan ng unang mga Kristiyano na magpulong sa liblib na mga lugar para hindi sila mahuli ng mga mang-uusig. Talaga ngang gustong-gusto ng tapat na mga lingkod ng Diyos noon na magtipon sa mga lugar ng pagsamba para ‘maturuan ni Jehova.’—Isa. 54:13.
3 Sa ngayon, ginagamit din ang pampublikong mga lugar at pribadong mga bahay para sa mga Kristiyanong pagpupulong. Kadalasan na, ang mga bahay ay ginagawang tagpuan para sa paglilingkod sa larangan. Itinuturing ng mga kapatid na isang pribilehiyo ang pagpapagamit ng kanilang bahay. Marami sa kanila ang napatibay sa espirituwal dahil dito.
KINGDOM HALL
4 Ang pangunahing lugar na pinagtitipunan ng mga Saksi ni Jehova ay ang Kingdom Hall. Karaniwan nang bumibili ng property, at nagtatayo ng isang bagong Kingdom Hall o nire-renovate ang gusaling nakatayo na roon. Para makatipid at magamit nang husto ang ating mga pasilidad, maaaring gamitin ng ilang kongregasyon ang iisang Kingdom Hall kung praktikal ito. Sa ilang lugar, kailangang umupa ng bulwagan. Para sa mga bagong Kingdom Hall at mga Kingdom Hall na nagkaroon ng malaking renovation, angkop na magkaroon ng programa sa pag-aalay. Pero kung kaunti lang ang ni-renovate, hindi na kailangan ang programa sa pag-aalay.
5 Ang Kingdom Hall ay hindi dapat gawing marangya para pahangain ang iba. Puwedeng magkakaiba ang disenyo sa bawat lugar, pero lahat ito ay praktikal. (Gawa 17:24) Kaya anuman ang lokal na kalagayan, dapat na komportable at kumbinyente itong pagdausan ng mga Kristiyanong pagpupulong.
6 Ang lahat ng kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay nagbibigay ng kontribusyon para sa gastusin sa paggamit at pagmamantini ng kanilang Kingdom Hall. Walang ginagawang koleksiyon at panghihingi ng pera. May kahon ng kontribusyon kung saan puwedeng maghulog ang mga dumadalo para sa kinakailangang mga gastusin sa paggamit ng bulwagan. Ginagawa nila ito nang mula sa puso at hindi napipilitan.—2 Cor. 9:7.
7 Isang pribilehiyo para sa kongregasyon na suportahan ang pinansiyal na pangangailangan ng Kingdom Hall at magboluntaryo para mapanatili itong malinis at maayos. Isang elder o ministeryal na lingkod ang karaniwan nang inaatasan na gumawa ng iskedyul para dito. Kadalasan na, ang paglilinis ay ginagawa ng mga grupo sa paglilingkod sa larangan, sa pangunguna ng tagapangasiwa ng grupo o ng kaniyang assistant. Dapat makita sa loob at labas ng Kingdom Hall na ang bulwagang ito ay kumatawan kay Jehova at sa kaniyang organisasyon.
Isang pribilehiyo para sa kongregasyon na suportahan ang pinansiyal na pangangailangan ng Kingdom Hall at magboluntaryo para mapanatili itong malinis at maayos
8 Kapag higit sa isang kongregasyon ang gumagamit ng isang Kingdom Hall, ang mga elder sa mga kongregasyong iyon ay bubuo ng isang Kingdom Hall Operating Committee na mag-aasikaso ng mga bagay na may kinalaman sa gusali at lote. Ang mga lupon ng matatanda ay pipili ng brother na maglilingkod bilang koordineytor ng operating committee. Sa pangangasiwa ng mga lupon ng matatanda, titiyakin ng operating committee na napananatiling malinis at maayos ang bulwagan at na mayroon itong sapat na suplay. Kaya kailangang magtulungan ang mga kongregasyong gumagamit ng Kingdom Hall.
9 Kung maraming kongregasyon ang gumagamit sa isang Kingdom Hall, puwedeng pagpalit-palitin ng mga kongregasyon ang kanilang iskedyul ng mga pulong. Pag-uusapan ito ng mga elder taglay ang pagmamalasakit at pagmamahal para sa mga kapatid. (Fil. 2:2-4; 1 Ped. 3:8) Ang isang kongregasyon ay hindi magdedesisyon para sa ibang kongregasyon. Kapag dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito sa isa sa mga kongregasyong gumagamit sa Kingdom Hall, ia-adjust ng ibang kongregasyon ang iskedyul ng kanilang mga pulong sa linggong iyon kung kinakailangan.
10 Puwedeng gamitin ang Kingdom Hall sa mga kasal at pahayag sa libing kung may pahintulot ng Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon. Maingat na isinasaalang-alang ng komite ang ganitong mga kahilingan at ibabatay nila ang kanilang pasiya sa tagubiling inilalaan ng tanggapang pansangay.
11 Ang mga pinapahintulutang gumamit ng Kingdom Hall sa gayong mga layunin ay inaasahang gagawi sa paraang angkop sa tunay na mga Kristiyano. Hindi sila dapat gumawa ng anumang bagay sa Kingdom Hall na makakatisod sa kongregasyon o magdudulot ng upasala kay Jehova at makasisira sa reputasyon ng kongregasyon. (Fil. 2:14, 15) Kaayon ng tagubilin ng tanggapang pansangay, puwedeng gamitin ang Kingdom Hall para sa ibang espirituwal na gawain, gaya ng Kingdom Ministry School at Pioneer Service School.
12 Dapat igalang ng kongregasyon ang lugar na kanilang pinagtitipunan. Dapat makita sa pananamit, pag-aayos, at paggawi ng mga dumadalo ang dignidad na nauugnay sa pagsamba kay Jehova. (Ecles. 5:1; 1 Tim. 2:9, 10) Kung susundin natin ang mga payo tungkol dito, maipapakita nating pinahahalagahan natin ang mga Kristiyanong pagpupulong.
13 Mahalaga na mapanatili ang kaayusan sa panahon ng pulong. Makakabuting maupo ang mga anak katabi ng kanilang mga magulang. Puwedeng pakisuyuan ang mga magulang na may maliliit na anak na umupo sa lugar na hindi sila masyadong makakagambala sa ibang dumalo sakaling kailangan nilang ilabas ang mga bata para disiplinahin o asikasuhin ang ibang pangangailangan ng mga ito.
14 Ang kuwalipikadong mga brother ay inaatasan bilang mga attendant sa mga pulong sa Kingdom Hall. Dapat na sila ay alisto, palakaibigan, at mahusay sa pagpapasiya. Kasama sa mga pananagutan nila ang pagbati at mainit na pagtanggap sa mga baguhan, pagtulong sa mga dumating nang huli na makahanap ng upuan, pagrerekord ng bilang ng dumalo, at pagtiyak na maayos ang bentilasyon o tama lang ang temperatura sa bulwagan. Kung kailangan, paaalalahanan ng mga attendant ang mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak para hindi magtakbuhan ang mga ito bago at pagkatapos ng pulong o maglaro sa stage. Kapag malikot o maingay ang isang bata, puwedeng pakiusapan ng attendant ang magulang nito sa mabait at mataktikang paraan na ilabas muna ang bata para hindi gaanong magambala ang mga tagapakinig. Malaki ang maitutulong ng mga attendant para makinabang ang lahat sa mga pulong. Makakabuti kung ang gagawing attendant ay mga elder o ministeryal na lingkod.
PAGTATAYO NG KINGDOM HALL
15 Noong unang siglo, mas may kaya sa buhay ang ilang Kristiyano kaysa sa iba, kaya isinulat ni apostol Pablo: “Mapupunan ng inyong labis sa ngayon ang kailangan nila at ng labis nila ang kailangan ninyo para magkaroon ng pagpapantay-pantay.” (2 Cor. 8:14) May ganiyan ding “pagpapantay-pantay” sa ngayon. Ang donasyon ng mga kongregasyon sa buong mundo ay pinagsasama-sama para makatulong sa pagtatayo at pagre-renovate ng mga Kingdom Hall. Ang bukas-palad na pagsuporta ng mga kapatid sa buong mundo ay lubos na pinahahalagahan ng organisasyon at ng mga kongregasyong natutulungan ng mga kontribusyong ito.
16 Ang tanggapang pansangay ang nagdedesisyon kung aling Kingdom Hall ang pinakaangkop gamitin ng bawat kongregasyon. Ang tanggapang pansangay rin ang nagpapasiya kung kailan at kung saan magtatayo ng mga Kingdom Hall at magre-renovate ng dati nang mga gusali sa teritoryo ng sangay. Kapag may sakuna, gumagawa ng mga kaayusan para sa pagkukumpuni ng nasirang mga Kingdom Hall, at kung minsan, pati bahay ng mga kapatid.
17 Ang tanggapang pansangay ang nag-aatas ng mga boluntaryong tumutulong sa pagbili ng property, pagdidisenyo ng Kingdom Hall, pagkuha ng building permit, konstruksiyon, at pagmamantini. Dahil malaki ang pangangailangan para sa mga Kingdom Hall sa maraming bansa, maraming boluntaryo ang kailangan. Ang lahat ng bautisadong mamamahayag na kuwalipikado at gustong tumulong ay pinasisiglang magpasa ng aplikasyon sa kanilang Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon. Kahit ang mga di-bautisadong mamamahayag ay puwedeng tumulong sa pagtatayo o pagre-renovate ng kanilang Kingdom Hall.
ASSEMBLY HALL
18 Ang unang mga Kristiyano ay karaniwan nang nagtitipon sa maliliit na grupo. Pero kung minsan, “maraming tao” ang nagtitipon. (Gawa 11:26) Sa ngayon, ang bayan ni Jehova ay nagsasama-sama rin sa malalaking pagtitipon gaya ng pansirkitong asamblea at panrehiyong kombensiyon. Kadalasan nang umuupa ng pasilidad para dito, pero kung walang angkop o available na lugar, puwedeng magtayo ng Assembly Hall o bumili ng gusali na gagawing Assembly Hall.
19 Kung minsan, isang nakatayo nang gusali ang binibili, nire-renovate, at ginagamit bilang Assembly Hall. Pero mas madalas na bumibili ng lote at nagtatayo ng bagong bulwagan. Iba-iba ang laki ng mga Assembly Hall, depende sa pangangailangan. Bago magpasiya ang tanggapang pansangay kung magtatayo ng Assembly Hall o bibili ng isang gusali, maingat muna nilang sinusuri kung gaano kalaki ang gagastusin at kung gaano kadalas itong gagamitin.
20 Ang tanggapang pansangay ay nag-aatas ng mga brother na mag-aasikaso sa pagmamantini at paggamit ng Assembly Hall. May mga kaayusan para sa regular na paglilinis ng mga sirkito sa Assembly Hall, bukod pa sa paglilinis dito nang dalawang beses sa isang taon at pagmamantini nito. Malaking tulong kung magboboluntaryo ang mga kapatid sa gawaing ito. Kaya pinasisigla ang mga kongregasyon na taos-pusong suportahan ang ganitong mga kaayusan.—Awit 110:3; Mal. 1:10.
21 Kung minsan, puwede ring gamitin ang mga Assembly Hall sa ibang teokratikong gawain. Puwedeng idaos dito ang teokratikong mga paaralan at espesyal na mga pulong para sa mga tagapangasiwa ng sirkito. Tulad ng Kingdom Hall, isa itong inialay na lugar ng pagsamba. Kapag nagtitipon tayo sa Assembly Hall, dapat na ang ating paggawi, pananamit, at pag-aayos ay may dignidad, gaya kapag dumadalo tayo sa mga Kingdom Hall.
22 Napakarami ng nagiging bahagi ng organisasyon ng Diyos sa huling bahagi ng mga huling araw na ito. Patunay ito ng pagpapala ni Jehova. (Isa. 60:8, 10, 11, 22) Kaya gusto nating suportahan ang mga kaayusan sa pagtatayo at pagmamantini ng malinis at komportableng mga lugar ng pagsamba. Sa paggawa nito, naipapakita natin ang pagpapahalaga sa mga pasilidad na iyon kung saan tayo nagpapatibayan sa isa’t isa, lalong-lalo na habang nakikita nating papalapít na ang araw ni Jehova.