Panatilihin Nating Maayos ang Kalagayan ng Ating Dako ng Pagsamba
1. Ano ang layunin ng Kingdom Hall?
1 Sa buong daigdig, may mahigit sa 94,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang karamihan ng mga kongregasyon ay nagtitipon para sa pag-aaral ng Bibliya at Kristiyanong pakikipagsamahan sa isang Kingdom Hall, na nagsisilbing lokal na sentro ng dalisay na pagsamba.
2. Bakit mahalaga na panatilihing malinis at presentable ang Kingdom Hall?
2 Regular na Iskedyul sa Paglilinis: Ang trabahong isinasagawa sa pagmamantini ng Kingdom Hall ay isang mahalagang bahagi ng ating sagradong paglilingkod. Ganito ang sabi ng aklat na Ating Ministeryo sa pahina 61-2: “Dapat ituring ng mga kapatid na pribilehiyo nila hindi lamang ang tustusan ang Kingdom Hall kundi ipagkaloob din ang kanilang serbisyo sa pagpapanatili nito na malinis, presentable at nasa mabuting kalagayan. Kapuwa sa loob at labas, ang Kingdom Hall ay dapat na wastong kumatawan sa organisasyon ni Jehova.” Yamang ilang ulit na ginagamit ang Kingdom Hall linggu-linggo, kailangan ang regular na paglilinis at pagmamantini. Kadalasang ang mga bagay na ito ay inaasikaso ng mga boluntaryo mula sa (mga) kongregasyon na nagtitipon sa Kingdom Hall. Gaya noong panahon ng Bibliya, ang mga lingkod ni Jehova sa ngayon ay dapat maging masikap sa “pagsasaayos at pagkukumpuni” ng ating dako ng pagsamba.—2 Cro. 34:10.
3. Paano inoorganisa ang paglilinis ng Kingdom Hall, at sino ang maaaring makibahagi sa pribilehiyong ito?
3 Isang iskedyul para sa lingguhang paglilinis ng Kingdom Hall ang dapat ipaskil sa information board. Ang lahat ng grupo sa pag-aaral ng aklat ay dapat maghali-halili sa paglilinis ng bulwagan, na sinusunod ang talaan ng mga dapat gawin linggu-linggo. Ang lahat ng nasa kalagayang tumulong ay kailangang makibahagi sa lingguhang pribilehiyo na mapanatiling malinis at presentable ang Kingdom Hall. Maaaring isama maging ang mga bata basta may patnubay ng kanilang mga magulang, nang sa gayo’y maturuan sila na magpakita ng pagpapahalaga sa pribilehiyong ito. Lalo na kapag higit sa isang kongregasyon ang gumagamit ng Kingdom Hall, mahalaga ang mabuting pakikipagtulungan upang ang pag-aasikaso sa mahalagang aspektong ito ng ating pagsamba ay hindi maaatang sa iilan lamang.
4. Ano ang dapat gawin upang malaman ng kongregasyon kung ano ang gagawin kapag naglilinis ng Kingdom Hall?
4 Isang listahan ng mga kailangang gawin ang maaaring ipaskil, marahil ay sa kinalalagyan ng mga suplay. Dapat nakabalangkas sa talaang ito ang mga gagawin linggu-linggo, lakip na ang paglilinis ng mga bintana, pagpupunas ng alikabok sa ibabaw ng mga eskaparate at mesa, pagtatapon ng basura, paglalampaso ng sahig, at paglilinis ng mga salamin. Ang ilang trabaho ay maaaring mas madalang gawin, gaya ng pagpapakintab sa anumang muwebles na kahoy at lubusang paglilinis ng mga upuan, paglalaba ng kurtina, at paglilinis ng mga ilaw. Dapat ilagay sa lugar na hindi maaabot ng mga bata ang lahat ng kemikal na ginagamit sa paglilinis at dapat lagyan ang mga ito ng pangalan. Dapat ilagay rito ang isang maikling paliwanag kung paano gagamitin ang bawat kemikal.
5. Gaano kahalaga ang kaligtasan, at anong mga bagay ang kailangang suriin sa pana-panahon? (Tingnan ang kahon sa pahina 4.)
5 Ang kaligtasan sa Kingdom Hall ay napakahalaga. (Deut. 22:8) May kaugnayan dito, nakatala sa kahon sa pahina 4 ang ilan sa mga bagay na kailangang suriin sa pana-panahon upang maiwasan ang mga aksidente.
6. Paano isinasaayos ang gawain sa pagmamantini ng Kingdom Hall?
6 Pagmamantini ng Kingdom Hall: Pananagutan ng lupon ng matatanda na pangasiwaan ang pagmamantini ng Kingdom Hall. Karaniwan na, hinihirang ang isang matanda o ministeryal na lingkod upang isaayos ang gawain. Inoorganisa niya ang pang-araw-araw na pagpapatakbo sa Kingdom Hall, anupat tinitiyak na ito ay napananatiling malinis at maayos at may sapat na suplay. Mahalaga na walang mapanganib na mga kalagayang umiiral sa bulwagan o sa bakuran nito. Kapag dalawa o higit pang kongregasyon ang gumagamit sa iisang bulwagan, humihirang ang mga lupon ng matatanda ng isang operating committee upang organisahin ang mga kaayusan sa pangangalaga sa gusali at ari-arian. Ang komiteng ito ay gumagawa sa ilalim ng pangangasiwa ng mga lupon ng matatanda.
7. (a) Ano ang ginagawa taun-taon upang matiyak na ang Kingdom Hall ay nasa mabuting ayos? (b) Anong mga bagay ang nangangailangan ng pansin sa pana-panahon? (Tingnan ang pahina 5.)
7 Isang detalyadong pag-iinspeksiyon ng Kingdom Hall ang ginagawa taun-taon. Ang matatanda ang may pananagutan na gumawa ng mga kaayusan upang lubusang maasikaso ang anumang bagay na kinakailangang bigyang-pansin. Maaaring anyayahan ang mga mamamahayag na tumulong sa kinakailangang pagkukumpuni at pagmamantini. Ang lahat ay dapat maging alisto sa pag-aasikaso sa maliliit na bagay at dapat maging mabilis sa pagsasakatuparan ng mga bagay-bagay na kailangang asikasuhin.
8. Kailan maaaring makipag-ugnayan ang matatanda sa Kingdom Hall Construction Desk may kaugnayan sa mga bagay-bagay sa pagmamantini?
8 Kung inaakala ng matatanda na kailangan nila ang payo o tulong sa pag-aasikaso sa pagmamantini ng Kingdom Hall, maaari silang makipag-ugnayan sa Kingdom Hall Construction Desk sa tanggapang pansangay. Maaaring kalakip dito ang mga bagay na gaya ng pagkukumpuni sa istraktura at paglunas sa problema sa mga tagas, amag, at labis na halumigmig sa loob ng gusali.
9. Anong pamamaraan ang dapat sundin kung kailangang umupa ng isang kontratista?
9 Matalinong Paggamit sa mga Pondo ng Kongregasyon: Ang karamihan sa gawain sa Kingdom Hall at sa bakuran nito ay isinasagawa ng mga boluntaryo. Ang kanilang pagsasakripisyo sa sarili ay isang mainam na kapahayagan ng pag-ibig at malaking tulong upang mabawasan ang gastos. Kung kailangang umupa ng isang kontratista para asikasuhin ang isang partikular na trabaho, gaya ng pamatay-peste o malakihang pagkukumpuni, magpapa-bid ang mga matatanda para sa gayong trabaho. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng paghahanda muna ng isang nasusulat na detalyadong paglalarawan sa trabahong gagawin at anumang materyales na isusuplay. Isang kopya ng listahang ito ang ibibigay sa iba’t ibang tagasuplay upang ang lahat ay makapag-bid taglay ang iisang pagkaunawa sa mga kahilingan. Matapos matanggap ang nasusulat na mga bid mula sa ilang inaasahang magsusuplay, maaari nang piliin ng matatanda ang pinakamainam na alok. Ang pamamaraang ito ay dapat sundin kahit na may kapatid na nag-alok na siya ang gagawa o magsusuplay ng kinakailangang mga materyales sa isang espesipikong presyo.
10. Ano ang ginagawa upang matiyak na nagagamit nang wasto ang mga pondo ng kongregasyon?
10 Kapag mahigit sa isang kongregasyon ang gumagamit ng Kingdom Hall, nag-iingat ang operating committee ng isang hiwalay na bank account at nagbibigay ng buwanang nasusulat na ulat ng pananalapi sa bawat lupon ng matatanda, sa gayo’y nababatid ng matatanda kung paano ginagastos ang mga pondo. Ang matatanda ang may pananagutan sa tamang paggamit sa pondo ng kongregasyon.
11. Ano ang dapat gawin kung kinakailangan ang malakihang pagmamantini o pagkukumpuni?
11 Malakihang Pagmamantini at Pagkukumpuni: Kung nakita ng operating committee na malaking trabaho ang kailangan sa pagpapatakbo o pagmamantini ng Kingdom Hall, ihaharap ng komite ang bagay na iyon sa mga lupon ng matatanda upang pagpasiyahan. Kapag napagpasiyahan na kakailanganin ang malakihang pagmamantini o pagkukumpuni o na kakailanganin ang tulong mula sa labas ng (mga) kongregasyon na nagpupulong sa Kingdom Hall na iyon, makikipag-ugnayan ang matatanda sa Kingdom Hall Construction Desk. Ang departamentong ito ay maglalaan ng nakatutulong na mga mungkahi kung paano isasagawa ang trabaho. Kung nasasangkot ang malaking gastos, kakailanganing makakuha ng tumpak na pagtaya sa gastos at maghanda ng isang resolusyon para aprobahan ng kongregasyon.—Tingnan ang “Tanong” sa Ating Ministeryo sa Kaharian ng Pebrero 1994.
12. Paano natin maipakikita ang ating pagpapahalaga sa pribilehiyo ng pagdalo sa mga pulong sa Kingdom Hall?
12 Lubha nga nating pinahahalagahan ang ating pribilehiyo na magtipong sama-sama sa Kingdom Hall! Hinding-hindi natin nanaising pabayaan ang ating mga pulong o ipagwalang-bahala ang mga ito. Makatutulong ang lahat upang magtagumpay ang paglalaang ito para sa ating ikatitibay sa pamamagitan ng lubusang pakikibahagi sa pangangalaga sa ating Kingdom Hall. Dinadakila nito ang dalisay na pagsamba at nagdudulot ng karangalan sa pangalan ni Jehova. Maging determinado nawa tayo na panatilihing maayos ang ating dako ng pagsamba.
[Kahon sa pahina 4]
Talaang Pangkaligtasan
◻ Ang mga pamatay-sunog (fire extinguisher) ay dapat na madaling makuha at dapat mantinihin taun-taon.
◻ Ang mga labasan at hagdan ay dapat may malinaw na karatula, naiilawang mabuti, at madaling marating, at dapat matibay ang mga hawakan.
◻ Ang mga bodega at mga palikuran ay dapat na malinis, maayos, at walang mga bagay na madaling masunog, personal na mga bagay, at mga basura.
◻ Ang bubong at mga alulod ay dapat regular na inspeksiyunin at linisin.
◻ Ang mga bangketa at paradahan ay dapat naiilawang mainam at walang anumang bagay na makadudulas o makatitisod sa isa.
◻ Ang sistema ng elektrisidad at bentilasyon ay dapat suriin at maayos na namamantini.
◻ Anumang tagas ay dapat ayusin kaagad upang maiwasan ang malaking problema sa amag at labis na halumigmig.
◻ Ang gusali ay dapat ikandado kung walang sinumang nasa loob.
[Kahon sa pahina 5]
Pangangalaga sa Gusali at Ari-arian
◻ Labas: Nasa maayos bang kalagayan ang bubong, pader, pintura, bintana, at karatula ng Kingdom Hall?
◻ Bakuran: Namamantini bang mabuti ang bakuran? Nasa maayos bang kalagayan ang bangketa, bakod, at paradahan?
◻ Loob: Presentable ba ang sahig, kurtina, upuan, instalasyon ng kuryente at tubo, wallpaper, at mga kabinet ng literatura?
◻ Kagamitan: Gumagana ba nang maayos ang mga ilaw, sound system, bentilasyon, at air-conditioner?
◻ Mga Palikuran: Ang mga ito ba’y malinis at gumagana nang maayos?
◻ Mga dokumento ng kongregasyon: Ang mga dokumento ba ng korporasyon o titulo ng lupa ay pinakabago at tumpak? Nakapag-aplay na ba ng eksemsiyon sa amilyar?